3 minute read
Kubling Kudlit: Ang Pagsambit
Sa paulit-ulit na paglubog at pagsikat ng araw, likas na nawawalay sa alaala ng tao ang ilan sa mga araling kanilang napulot noon. Ngunit tila mayroong mga salita na liban sa katotohanang ito. Mayroong isang kasabihan na minsan ko nang narinig. Dumapo ito sa aking isipan at hindi na naglaho kailanman. Ayon dito, nakararanas ang bawat nilalang ng dalawang uri ng kamatayan: Una, iyong pagkalagot ng hininga— ang paghinto ng pagdaloy ng dugo; Pangalawa, ang huling pagsambit sa kanilang pangalan.
“Martha!” Sigaw ng matatalik kong mga kaibigan habang tumatakbo sila papunta sa akin, hawak ang mga cellphone at hindi mapakali sa kung ano man ang kanilang ibabalita. Ilang segundo ang lumipas bago ako napatigil sa paglalakad at napalingon pabalik sa kanila, matagal bago ko napagtanto na ako nga pala si Martha. Dahan-dahan kong ipinuwesto ang palad sa dibdib, nagsisikap na maramdaman kung handa pa akong makisalamuha sa ganoong ngalan.
Advertisement
Dugdug. Dugdug. Ang tumitibok na puso ang nagpapadaloy ng dugo na siyang nagpapahiwatig ng buhay at kung nakukuha ko pa ring magbuntong-hininga, nararapat pa ring tumugon sa pangalang isinambit nila. Gayunpaman, kung hindi ko na ramdam na akin ang pangalang iyon, hindi ba’t para na rin akong pumanaw ayon sa kasabihan?
Isang bersyon ng sarili na mahaba ang buhok, malumanay ang kilos, mahinahon ang boses, at nakasuot ng bestida ang dumarako sa aking isipan sa tuwing nasasagap ang dalawang pantig na iyon. Hindi ko magawang pigilan ang panginginig sa aking gulugod. Kailanman, hindi ko kinagisnan ang mga katangiang ito na bahagi ng aking pagkatao, ipamungkahi man ito ng mga nakatatanda sa akin.
Ngayon, sa gitna ng kalyeng pabalik sa tahanan, doon ko iyon unang naranasan. Sa pagmulat ng aking mga mata, tanaw ko ang munting hardin. Ramdam ko ang damo sa daliri, amoy ko ang simoy ng tag-ulan, at rinig ko ang mga ibon na dumaraan sa gitna ng mga sanga ng puno. Sa pagkakataong ito liban sa kompanya ng kapwa na mayroong kakayahan na husgahan ang aking mga kilos ayon sa panlabas na anyo, lasap ko ang kalayaan at napakadaling limutin ng pagdududa.
Malapit sa akin ang tamis ng kaaya-aya at buong kalayaan sapagkat dati na akong binisita nito. Tanda ko ang aking pagtapik sa mga braso ng aking mga magulang, pati na rin ang pagturo ko sa isang batang babae na nagdiriwang ng kanyang kaarawan. Nasungkit ng kanyang kumikinang na bestidang kulay rosas ang aking atensyon at ang dyamanteng korona na nakaupo sa tuktok ng kanyang ulo. Nagtipon ang lahat ng mga bahagi ng kanyang pananamit upang magpinta ng larawan ng isang reyna na pinapaligiran ng kumikintab niyang kayamanan.
Naaalala ko pa ang ngiti ng aking ina noong kanyang nasilayan ang simuno ng aking atensyon, saka niya tinanong, “Gusto mo ba, ganyan ka rin sa birthday mo?” Mabilis ang ginawa kong pagtanggi doon, kung kaya’t nakaranas ako ng kaarawan kung saan simple lamang ang kasuotan. Mas gugustuhin ko na iyon kaysa sa pananamit na lumolobo pagdating sa binti. Akala lamang nila na inibig ko ang pagiging simple. Hindi ko pa nasasabing naguugat ito sa aking lumalamang na kagustuhan na pumasok sa silid ng selebrasyon habang nakaBarong Tagalog.
Sa tuwing pinapayagan ako ni ama na suotin ang kanyang necktie, kulang na lang na lumipad ako sa galak. Minsan, sa braso ng ama at habang nagbubuhat ng mga kahon, pabiro pa niya akong tatawaging Mario. Sisimangot ang ina na nakaabang sa malapit, at tatawa ang ama na parang dulang komedya ang aming buhay at magsasailalim muna ng pagsasanay ang bawat yugto nito.
Kailan ko kaya makukuhang masabi sa kanya na ang mga segundong iyon sa kanyang balikat ang nagpakilala sa akin ng tunay na kalayaan?
Tumayo ako at nagpagpag ng binti, takam sa higit pang mga tanawing matutunton kung aking itutuloy ang paglalakbay. Ngunit pilit akong hinihila pabalik sa reyalidad. Nagmulat muli ang aking mga mata sa daan pabalik sa aming tahanan, at naroon ang mga kaibigang diretsong nakatitig sa aking mga mata at nakaabang. Sa kagustuhang itago ang aking pagkanerbyos, napahimas ang palad ko sa batok at nagkunwaring natatawa.
“Nagmumuni-muni ka na naman ba sa gitna ng kalye?” Pabirong tanong ng isa, at napatawa silang lahat. Ipinagdasal ko na lamang na kapanipaniwala ang aking reaksyon sapagkat wala pa rin ang aking isip sa reyalidad. Magbalik man ako sa paraisong nadatnan, pakiramdam kong ito ang aking masisilayan: isang kubo sa likod ng makapal na katawan ng mga rosas.
Tunog ng langitngit ng pintuang kahoy ang aking narinig, magkakasunod na parang kidlat at dumadagundong na parang kulog at tila mayroong kumakatok mula sa labas. Hindi ko mapigilan ang aking katawan sa pagsagot. Palapit nang palapit ang puwersang animo bagyo, at nagtatangkang puksain ang berdeng kapayapaan ng paligid.
Hindi ko pa kakayaning makipagdigmaan sa sarili—ako na espiritung naghihingalo sa paulitulit na sigaw ng Martha at binabawian ng gana sa tuwing hahatiin ang klase ayon sa kasarian. Ngunit mayroong isang tanong na alam kong nais kong talakayin.
Kung hindi ko matiyak ang blankong kambas—ang tabula rasa na minsan nang tinawag bilang ‘ako,’ masasabi ko bang tunay nga akong nabubuhay?
Do Not
Cadaver
A body hit the loam
Its assailant long fled Heart left alone; rooted
As death asserted its will
Trees grew further
And fathers grew old
Evergreen was its bark
But its bite will never return
Resurrection
Despite the desire
To remain in solitude
The warmth of solidarity
Enticed his shattered soul
No longer a puppet
Created from splinters
Tinted by old, faded varnish Tarnished; a pendulum of pain