1
PAKPAK, MATA, AT MUKHA NG TUTUBI: SINING NG PAGLIPAD NG WIKANG SEBWANO CINDY A. VELASQUEZ Assistant Professor Department of Communications, Linguistics and Literature School of Arts and Sciences University of San Carlos AYON sa alamat, ang tutubi daw ay may kapangyarihan na bumuhay ng isang patay na ahas. Kung titingnan natin, isang maliit na insektong lumilipad ay may kahulogan pala sa isang malaking reptilya. Sabihin na lang natin na ang tutubi ay ang wikang Sebwano at ang reptilya ay ang Wikang Filipino. At kung babasihan ang ating Wikang Filpino, ito ay buhay na buhay kabilang na ang wikang Sebwano. Ito ay ayon sa isa sa aking paboritong makata, si John Iremil Teodoro mula sa kanyang sanaysay na tungkol sa literaturang Filipino sa mga dilang Bisaya 1 na binasa niya noong nakaraang taon. Hindi po ako isang mangkukulam, pero samahan ninyo ako para malaman kung paano buhayin ulit ang patay na ahas gamit ang tutubi. Ang tatalakayin ko sa aking papel ay ang koneksyon ng talinghaga ng tutubi sa kontemporaryong panitikang Sebwano. Sa pamamagitan nito ay makikita natin kung paano at ano ang inambag ng kontemporaryong panitikang Sebwano sa Wikang Filipino. Una, ang mga pakpak ng tutubi: binahagi po ng hinahangaan kong manunulat si Noel Tuazon na ang paghuli ng tutubi ay ang paglaya sa sarili. Ibabahagi ko ang mga bagong nagaganap sa panitikang Sebwano kabilang na ang mga bagong grupo sa katitikan, kasama na rin ang mga online sites, kung saan madali itong nabibisita sa kung sinong gustong bumasa sa panitikang Sebwano, at ang mga indie na publishers kung saan nauuso ulit ang tsapbuk. At paano ang tatlong ito (bagong grupo, online sites at indie publishers) ay magpapalaya sa mga manunulat sa Sebwano? Pangalawa, ang mga mata ng tutubi: ayon sa anatomya, ang tao ay may isang lente lang sa mata subalit ang tutubi ay may tatlumpung libong lente. Pero, kahit sa rami ng kanilang lente, hindi nila nakikita ang mga detalye sa kanilang paligid. At sa tao naman, para makahuli at makamasid ng tutubi, kailangan mo ng maayos na paningin. Ang tinutukoy ko na mga lente ay ang ibang genre ng panitikan sa Sebwano maliban sa tula at maikling kuwento. Tignan din natin ang mga dula, sanaysay at nobela sa Sebwano. Baka dito din natin malalaman ang pananagutan ng manunulat sa kanyang kapaligiran, sa kulturang kanyang kinagigisnan at mga paniniwala’t pamahiing kanyang nasisilip. Pangatlo, ang mukha ng tutubi, nagkausap kami ni Josua Cabrera, isang magaling na manunulat at pintor. Nagkita kami para makabili ako sa kanilang bagong libro. Sa pag-uusap