Ang Katutubong Wika sa Mata ng mga Dayuhan Ni E.S. GODIN
TAYONG mga Pilipino o ang bansang Pilipinas, ayon sa tagasaliksik, ay mayroong mahigit isang daan at pitongpung (170) kanya-kanyang mga wika— mga wika na siyang matibay na batayan na tayo ay binubuo rin ng iba‟t ibang pangkat-etniko o etnobanay (ethnokinship) na may kanya-kanya ring espesipikong lupang kinagisnan (homeland).
Ngunit napakalungkot isipin na sa halip na masipat ito bilang natatanging yaman ng bayan, ay tila pa nagiging ugat ito ng masalimuot na hidwaan at pagkawatak-watak. Bakit nga ba, Kuya? Ano ba ang dahilan? Ayon sa sanaysay na pinamagatang “Balik sa Balangay” o “Back to the Community” na sinulat ni Macario D. Tiu para ibahagi sa taunang kumperensiya ng PEN na ginanap sa Dumaguete (Nob. 30-Dis. 1, 2001), at ayon na rin sa di iilang awtoridad, “nagkataon lang na ang mga Kastila ay natapilok rito sa ating mga isla at sa isang iglap ay napailalim na tayo sa isang kolonyal na administrasyong walang pakialam o pagpapahalaga sa maliliit at malalaki nating mga balangay (lalo’t higit sa kanya-kanyang mga kakanyahan nito, wika, kultura, atbp.) “Nang pumalit ang mga Amerikano, lalo pa nilang pinagtibay ang kolonyal na estruktura (gambalay) kungsaan tayo ngayon ay napailalim bilang isang bansa”.
Sa makatuwid, ang kolonyal na pamamahala at pananaw ang siyang matutukoy na dahilan ng lahat. Ang kolonyal na mga patakarang lagi‟t lagi nang may kaakibat na lihim na layon? “Wala na ang mga Amerikano, ngunit masasabi ba nating tuluyan na tayong nakalaya o dikolonya (decolonized)?” diin pa ni Tiu.
Kayo sa pananaw nyo, malaya na nga ba tayo sa impluwensiya ng kolonyal na pamamalakad? Sa wari ko, tama ang tinalakay nang premyadong manunulat at manunuri na si Tiu. Di nga ba‟t ang sistema o frame ng ating edukasyon ay hango pa sa idinuldol ng ninong-ninongan nating si Uncle Sam?
1