Pambansang Kumperensiya sa Wika at Panitikang Sebwano 25-27 Abril 2016 University of San Carlos, Lungsod Cebu ANG KASAYSAYAN NG PANITIKANG SEBWANO: ISANG IMPRESYONISTIKONG REAKSYON Iprenesenta ni Prop. Manuel M. Avenido, Jr.
Kagalang-galang na Tagapangulo ng Komisyon ng Wikang Filipino, Virgilio S. Almario, National Artist. Mga ginawarang Kampeon ng Wika: Kgg. Adelino Sitoy, Dr. Resil Mojares, Dr. Erlinda Alburo, at G. Cesar Kilaton. Direktor ng Cebuano Studies Center at Komisyoner ng KWF, Dr. Hope Sabanpan-Yu. Mga kapwa propesor, mga kapwa tagataguyod ng Wika at Panitikang Sebwano, mga estudyante, mga panauhin, isang malugod na pagbati! Noong akoâ€&#x;y nasa pampublikong pamantasan pa, nabigyan ako ng pagkakataong makapagturo ng Cebuano-Visayan Literature o Katitikan sa Sugboanong Binisaya sa mga estudyante mula sa Kolehiyo ng Sining at Agham. Labis ko itong ikinatuwa sapagkat naging malapit na sa aking puso ang panitikang Sebwano. Marahil napansin ng aking tsirman ang pagkahilig ko sa pagsusulat ng mga tula at maiikling kwento sa Sebwano. O siguro walang ibang titser na gustong magturo sa nasabing asignatura. Hindi naging madali ang karanasan ko. Hindi biro ang magturo ng Panitikang Sebwano sa mga estudyanteng kinahuhumalingan ay ang mga gadget, ang Internet, at iba pang makabagong teknolohiya. Hindi biro ang hikayatin ang mga mag-aaral na magbasa lalo paâ€&#x;t sa wikang Sebwano na siyang unang wika o first language pa naman ng karamihan sa kanila. Bukod dito, naging mahirap din sa akin ang pagtuturo ng Panitikang Sebwano dahil walang sapat na mga libro sa aming silid-aklatan para gawing references
Page 1 of 1
sa aming klase. Mabuti nalang at may kasama akong guro na may kopya ng Panulaang Cebuano nina Alburo, Mojares, at Pagusara na nabili niya sa Cebuano Studies Center. Kaya naman parati kong hinihiram ang kanyang kopya. Higit sa lahat, naging pinakamahirap na hamon para sa akin bilang guro ang pukawin ang interes ng mga estudyanteng milenyal upang bigyang halaga, tangkilin, at mahalin ang panitikang Sebwano dahil na rin siguro sa kanilang pagkiling sa panitikang Ingles. Nakalulungkot isipin na may iilan na itinuturing ang panitikang Sebwano na mababang uri at baduy. Parati kong ipinaalala sa aking mga estudyante noon ang katotohanan na ang panitikan ay sumasalamin sa buhay nating mga tao, na sa pamamagitan ng pagsusulat naipapahayag natin ang ating mga damdamin, mga mithiiâ€&#x;t hangarin, mga pagsusumikap, pag-asaâ€&#x;t kabiguan, at iba pang aspeto ng ating buhay. Sinikap kong mabuksan ang kanilang kamalayan hinggil sa kahalagahan ng panitikang Sebwano at kung paano ito nagsisilbing batayan ng ating pagkakakilanlan o identity bilang mga Bisaya. Naniniwala akong mas maiintindihan ng mga estudyante ang kahalagahan ng panitikang Sebwano sa kasalukuyan kung may sapat silang kaalaman hinggil sa kasaysayan nito. Sa pamamagitan ng pagsusuri at pagbabalik-tanaw mula sa pundasyon hanggang sa pagsibol at pag-unlad ng panitikang Sebwano ay mas mauunawaan ng mga mag-aaral ang kahalagahang ginagampanan nito sa buhay at pagkakakilanlan nating mga Sebwano. Kaya naman, para sa aking reaksyon sa papel na iprenesenta ni Bb. Rama, kung inyong mararapatin, nais kong talakayin sa bandang huli at bilang repleksyon ang iba pang sa tingin koâ€&#x;y magiging hamon sa pagtuturo ng Panitikang Sebwano sa ilalim ng K to 12 na kurikulum. Ang aking reaksyon na pinamagatan kong (1ST SLIDE) Ang
Page 2 of 2
Kasaysayan ng Panitikang Sebwano: Isang Impresyonistikong Reaksyon ay nahahati sa dalawang bahagi: una ay ang aking impresyonistikong pagpupuna sa naturang papel ni Bb. Rama na kung saan ay may mga punto akong gustong balikan at siyasating mabuti at bigyan ng pagpapaliwanag kung kinakailangan; at ang pangalawa (at itoâ€&#x;y nabanggit ko na nga kanina) ay ang aking impresyonistikong repleksyon at pag-uugnay ng nasabing paksa sa mga hamon sa pagtuturo nito sa ilalim ng kasalukuyang kurikulum. (2ND SLIDE) Ang Mala-nobelang Kasaysayan ng Panitikang Sebwano Matapos kong mapakinggan ang presentasyon ni Bb. Rama, talagang namangha ako sa lawak at lalim ng kasaysayan ng ating panitikang Sebwano. Hindi maitatangging isa ito sa pinakamayaman sa lahat ng panitikan sa bansa. Talagang itoâ€&#x;y isang mahalagang bahagi na ng panitikan ng Pilipinas. Upang maintindihan ang kasaysayan ng Kabisayaan at ibang bahagi ng Mindanaw na gumagamit ng Sebwano bilang pangunahing wika, batid kong kailangang alamin at siyasatin ang mahabang tradisyon ng naturang panitikan mula sa sinaunang katutubo hanggang sa kontemporaneong panahon. Kung maihahalintulad ko sa isang literary genre ang kasaysayan ng panitikang Sebwano, marahil ay sasang-ayon kayo sa akin kung pipiliin ko ang nobela. Para itong (3RD SLIDE) Lord of the Rings ni Tolkien - mala-epiko, kumplikado, matagumpay. O di kayaâ€&#x;y ang (CLICK) One Hundred Years of Solitude ni Marquez - malalim, masalimuot, makulay. (4TH SLIDE) Ang Eksposisyon Sinasabing ang eksposisyon ay bahagi ng kwento na kung saan inilalahad ng piksyonista ang tagpuan at ipinakikilala ang mga pangunahing tauhan. Kung isang nobela pa ang kasaysayan ng panitikang Sebwano, marahil ang pre-kolonyal o sinaunang
Page 3 of 3
katutubong panahon ang eksposisyon na kung saan nagsisimula ang buong kwento. Ito rin ang nagbibigay sa atin ng back story o di kaya‟y isang prologo na siyang daan natin patungo sa isang mahabang naratibo. Gaya ng panitikan sa iba‟t ibang dako ng mundo, mapa-kanluran man o mapa-silangan, ang panitikang Sebwano ay nag-ugat sa tinatawag nating oral literary tradition. Kabilang dito ay ang pagkakaroon natin ng sariling bersyon ng Adan at Eba ng mga Hudyo - sina Kalak at Kabay na kung saan nagmula ang mga salitang “lalaki” at “babayi”. Bukod kina Kalak at Kabay, tayong mga Sebwano ay mayroon ding maipagmamalaking sariling bersyon ng mitolohiya tulad sa mga Griyego at Romano na siyang naging batayan ng mga sinaunang sistema ng paniniwala ng ating mga ninuno. Nakakalungkot lang isipin na kadalasang nakikilala ng mga estudyante sa kasalukuyan ay sina Zeus, Poseidon, Hades, Athena, Hercules, at iba pang mga diyos at diyosa ng kanluraning mitolohiya. Gayunpaman, ikinatutuwa ko ring makita ang pagkakaroon ng interes ng aking mga estudyante na malaman ang iba‟t ibang diyos at diyosa (o bathala at bathaluman sa Sebwano) gaya nina (5TH SLIDE) Bathala Kaptan - ang Zeus ng Kabisayaan, Maguayan na kaniyang asawa, sina Lihangin at Lidagat na kanilang mga anak, at sina Likabutan, Liadlaw, Libulan, at Lisuga, na kanilang mga apo, at marami pang iba. Kung epiko naman ang pag-uusapan, kahit na walang maituturing sariling epiko tayong mga Sebwano dahil ang Hinilawod, ang pinakamahabang epiko sa buong bansa, ay pagmamay-ari ng mga taga-Panay, mapapansin pa rin ang pagkakaroon ng malikot na imahinasyon ng ating mga ninuno sa mga kwento nila tungkol kay Lapulapu ng Mactan, Dagohoy ng Bohol, at iba pang mga bayani sa Kabisayaan. Binibigyan nila ng hindi
Page 4 of 4
pangkaraniwan o supernatural na lakas at kapangyarihan ang mga bayaning ito katangiang likas sa isang epiko. Sinasabing naging pinakamahabang rebolusyon sa kasaysayan ng Pilipinas ang kay Dagohoy dahil sa kanyang taglay na kapangyarihan. Hindi raw siya mapatay ng mga sundalong Espanyol ni matamaan ng bala dahil sa kanyang angking bilis at kakayanang lumundag mula sa isang burol patungo sa kabila. Ayon sa mga kwento na naging isang alamat na kalaunaâ€&#x;y tila naging isang epiko, si Dagohoy, gaya rin ni Lapulapu, ay may anting-anting na pinagmumulan ng kanyang kapangyarihan. Ang mga sinaunang Sebwano ay maituturing na mga pagano at animista. Ngunit kahit na wala pa silang masasabing relihiyon noon, sila ay mayroon nang pang-unawa tungkol sa ispiritwal na mundo. Patunay nito ang harito o yamyam na isang uri ng dasal ng shaman o miriko. Ang (6TH SLIDE) shamanismo ay ang sinaunang tradisyon ng paglulunas ng mga karamdaman ng tao na kung saan ang isang shaman sa pamamagitan ng ritwal ay napagkakalooban ng kapangyarihan galing sa mga ispiritwal na nilalang. Kahit ilang siglo na ang nakalipas at tayoâ€&#x;y nasa modernong panahon na, may mga lugar pa rin sa Kabisayaan gaya ng sa Siquijor, Bohol, Cebu, at ibang parte ng Mindanaw na kung saan nagpapatuloy pa rin ang tradisyon ng harito sa pamamagitan ng mga tambalan at maging ng mga mambabarang. Makulay din ang tradisyon ng palabugtungan o tigmo at salawikain o sanglitanan ng mga Sebwano. Subalit gusto ko lang kwestyonin kung talagang may halong kapilyuhan ang iba sa mga bugtong ng ating pre-kolonyal na mga ninuno ayon sa naiulat ni Bb. Rama. Gusto kong usisain kung may puwang ba ang kalaswaan sa oral literary tradition ng mga sinaunang Sebwano o itoâ€&#x;y nagsimulang maglitawan lamang sa panahon ng mga
Page 5 of 5
Amerikano. Kung ang pagbabasehan ay ang bugtong na Abliha ang imoha, isulod ang akoa (sagot: butones), natitiyak akong itoâ€&#x;y hindi nag-ugat sa pre-kolonyal na panahon dahil wala pa namang butones ang mga damit ng mga sinaunang katutubo. Ayon kay Alburo sa kanyang artikulong Tigmo Tigmo Agukoy, noong panahon ng mga Amerikano nagsimulang magsulputan ang mga dayuhang salita sa palabugtungang Sebwano gaya nang Usa ka abat, naglatay sa duha ka ugat (sagot: tren) at Dili madungog kon singgiton, mabati hinuog hagawhawon (sagot: telepono). Kung tutuusin, mahirap naman talagang tukuyin ang pinagmulan ng isang bugtong, salawikain, at maging mga mitiko, alamat, pabula, at iba pa. Ang malinaw sa atin ay nagsisilbing libangan ng ating mga ninuno ang palabugtungan at kanilang kinapupulutan ng mahahalagang aral ang mga salawikain. Akoâ€&#x;y sumasang-ayon kay Bb. Rama nang sinabi niya na kahit noong bago pa dumating ang mga Kastila sa bansa, naipamalas na ng mga katutubong Sebwano ang kanilang galing sa imahinasyon at pagkamalikhain sa wika. Patunay rito ay ang paggamit nila ng talinghaga o metapora sa kanilang mga bugtong at maging ng irony sa kanilang mga salawikain gaya ng Nagpuyo sa linaw, namatay sa kauhaw o Panday, apan walay balay. (7TH SLIDE) Ang balitaw ng mga Sebwano ay isang katibayan din na ang mga katutubo natin ay mayroon nang kamalayan sa sining o arte noon. Ayon kay Alburo, ang balitaw ay bahagi ng oral literature ng Kabisayaan na labis na kinawiwilihan ng mga misyonaryong Espanyol dahil sa itoâ€&#x;y inaawit o sinasayaw na walang paghahanda at itinatampok tuwing may kasal o lamay. Likas na raw sa isang sinaunang Sebwano ang parating umawit maliban lang kung may sakit o natutulog ito ayon sa obserbasyon ng mga Espanyol noon. Sa kasalukuyan, dala marahil ng modernisasyon at impluwensiya ng teknolohiya at ng midya, wala nang sumasagawa ng balitaw maliban nalang kung may
Page 6 of 6
patimpalak nito sa mga paaralan. Nakapanghihinayang lang isipin na ang balitaw na maituturing na isang sopistikado at mataas na uri ng sining ng Kabisayaan dahil napaghalo nito ang tula, awit, sayaw, at maging ang teatro ay tila nilimot na ng panahon at sa mga libro nalang mababasa ng mga kabataan ngayon. Gaya ng nobelang One Hundred Years of Solitude na itinatampok ang kwento ng pamilyang Buendia sa loob ng maraming henerasyon o ang Lord of the Rings na isinasalaysay ang mala-epikong pakikipagsapalaran ng mga taga-Middle Earth sa loob ng mahabang panahon, ang kasaysayan ng Panitikang Sebwano ay kumakatawan sa isang mahabang naratibo na nagpapatunay kung paano ito hinubog ng panahon at sinubok ng pagkakataon. (8TH SLIDE) Ang Tunggalian Ang conflict o tunggalian sa isang kwento ang maituturing kong isa sa pinakamahalagang elemento ng piksyon. At para sa akin, nagsimula ang tunggalian ng mala-nobelang kasaysayan ng panitikang Sebwano nang masakop at naging kolonya ng Espanya ang Pilipinas noong ika-16 na siglo. Kung sa Lord of the Rings, isang malaking banta sa kapayapaan ng Middle Earth ang kasamaan at masamang hangarin ng Mata ni Sauron sa Mount Doom, isang malaking banta rin ang Hispanisasyon sa kultura, tradisyon, at pamumuhay sa buong kapuluan. Binago nito hindi lang ang paniniwala ng mga sinaunang katutubo nang maitatag ang Kristiyanismo kundi pati na rin ang kanilang sining o arte partikular na ang panitikan. Kasaysayan na ang makapagsasabi kung paano tila hinubaran ng Espanya ang ating mga ninuno ng kanilang katauhan at pagkakakilanlan at binihisan ng dayuhang kasuotan sabay takip ng balabal ng relihiyon sa kanilang mga ulo. Ito ay ipinahayag ni Bb. Rama nang sinabi niyang:
Page 7 of 7
Pinagbawalan ang malayang pag-unlad ng mga katutubong tula kung saan itinuturing ng mga pari na bastos at kalapastanganan sa diyos. Sa halip ay ipinakilala ang mga bagong uri gaya ng pasyon at corrido na nagpakonti sa katutubong berso at itinurok ang mga bagong damdamin at tema.
Ang mga pagano at animista nating mga ninuno ay yumakap sa Kristiyanismo at naging sentro ng kanilang mga panulat ang relihiyong Katolisismo at ang doktrina nito. Ngunit masasabi ko na ang pinakamalaking impluwensiya na naidulot ng kolonyalismo at Hispanismo sa panitikang Sebwano ay ang pangingibabaw ng mga salita o leksikong Espanyol sa wikang Sebwano sa loob ng humigit tatlong siglo. Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay iba-iba pa rin ang pamantayan ng pagbaybay ng mga Sebwanong salita. Nang bumagsak ang kolonisasyon ng Espanya sa Pilipinas sa bandang huli ng ika-19 na siglo at pumalit sa pamamahala ang mga Amerikano, sumiklab pa at naging kumplikado ang tunggalian gaya nang nangyari sa One Hundred Years of Solitude na kung saan sinira ng isang delubyo ang mala-salaming siyudad ng Macondo. Gaya ng Hispanisasyon, ang Amerikanisasyon sa loob ng ilang dekada ay tila bagyong nagdulot ng pinsala sa kamalayan ng mga Sebwano at bumura sa mahahalagang bahagi ng kasaysayan ng ating panitikan. Iilan sa mga Sebwanong manunulat ay natutong magsulat sa Ingles na gaya ng Espanyol ay isa ring banta sa wikang Sebwano. Kapuna-puna ang obserbasyon ni Bb. Rama nang sinabi niyang: Ang mga “bernakular” ay natulak sa larangan ng kulturang “popular”. Naakit sa Ingles ang maraming nakapag-aral sa unibersidad at ang kanilang mapanuring atensiyon ay natuon sa mga piyesang gawa sa Ingles. Dagdag pa
Page 8 of 8
rito, ang paghirang ng Tagalog bilang batayan ng pambansang wika ay nakaambag din sa “pagsasangtabi” ng Sebwano. Ang pagkonsentreyt ng midya (sine, radyo, telebisyon, at publikasyon) sa mga rehiyong gumagamit ng Tagalog ay nagbunga mandin sa pagtuturing ng Sebwano bilang wikang “rehiyonal”. Sa puntong ito, gusto kong imungkahi sa inyong lahat na talakayin natin mamaya kung namamarginalize ba talaga ang panitikan at wikang Sebwano dahil sa paghirang ng Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Pag-usapan natin kung dahil ba talaga sa impluwensiya ng mainstream media kung bakit naituturing ang Sebwano na wikang “rehiyonal” at ang masaklap pa ay mababaw ang pagtingin o di kaya‟y inaalipusta ng ibang mga Pilipino tayong mga Bisaya. Bilang reaktor, kahit na ako mandin ay nakaranas ng diskriminasyon mula sa kapwa ko Bisaya dahil sa pagsusulat ko ng Sebwano taliwas sa kinagisnan nilang Ingles o di kaya‟y Tagalog, ayoko kong gamitin ang pagkakataong ito upang ibahagi sa inyo ang aking mga idyosinkrasiya at bayases bilang isang Bisdak. Alam kong iisipin ng iba na maaaring subjective ako at isolated na kaso lang ang naranasan kong diskriminasyon at wala akong sapat na datos o istatistika na makakapagpatibay na mababaw ang tingin ng iba sa panitikan at wikang Sebwano. Subalit, mayroon lang akong isang paglilinaw. Kamakailan kasi ay may nabasa akong post sa Facebook mula sa isa sa aking mga kaibigang writer. Natuon ang aking atensiyon sa kanyang post dahil mariin niyang pinaninindigan na ang panitikang Sebwano ay hindi rehiyonal kundi isang nasyonal na panitikan. Para sa kanya, kung ang ating pambansa o nasyonal na wika ay Filipino na saklaw hindi lang Tagalog kundi lahat ng umiiral na linggwahe sa Pilipinas, ganon din daw dapat sa nasyonal na panitikan. Ibig
Page 9 of 9
sabihin, ang panitikang Sebwano, Waray, Hiligaynon, Ilokano at iba pa ay hindi mga rehiyonal na panitikan kundi mga bahagi na bumubuo ng isang pambansa o nasyonal na panitikan. Ngunit kailan ba nagsimula ang konsepto ng rehiyonal na panitikan? Ang panitikang Sebwano ba talaga ay rehiyonal o nasyonal na panitikan? Nabasa ko ang isang blog entry ni Merlie Alunan na may pamagat na “Latitudes of Intimacy: New Waray Writing and National Literature”. Sabi niya, noong dekada 60, wala pa raw „yang nasyonal o rehiyonal na panitikan. Ang meron ay literature lang na laging sa Ingles at inirerequire sa paaralan. Isa raw si Bienvenido Lumbera sa mga unang umisisa kung may kaibahan ba ang nasyonal at rehiyonal na panitikan nang itinanong niya na, “Bakit ang mga panitikan sa Espanyol at Ingles, kahit gawa ng mga rehiyonal na manunulat, ay tila nalampasan ang heograpiko at linggwistikong hangganan, natakasan ang pagturing sa kanila na „rehiyonal‟ na panitikan?” Ang mga „rehiyonal‟ na manunulat na tinutukoy ay sina Resil Mojares, Rudy Villanueva, Simeon Dumdum, Rene Estella Amper, Edilberto at Edith Tiempo, Tita Lacambra Ayala at Aida Rivera Ford, na kahit na nanggaling sa Kabisayaan at Mindanaw ay narating pa rin nila ang nasyonal na estado at pagkilala dahil sila‟y sumusulat noon sa wikang Ingles. Si Lumbera ang unang nagmungkahi sa ideyang ang Panitikang Filipino ay maaaring may dalawang antas o lebel - ang nasyonal at ang rehiyonal. Ang kaibihan sa dalawa ay nakadepende sa linggwahe. Ang panitikan sa Ingles o sa Filipino ay nagiging nasyonal na panitikan kahit saang lalawigan pa sa bansa nanggaling ang manunulat.
Page 10 of 10
Itoâ€&#x;y patunay lang na talagang may pagkiling na tayo noon pa man sa wikang Ingles at maging sa Filipino dahil ang mga nasabing wika ay bahagi na ng kurikulum sa edukasyon. At kapag sinasabing panitikang Sebwano, dahil karamihan ng mga Pilipino ang tingin nito ay panlalawigan o rehiyonal, kaya naman paminsan-minsan ay namamarginalize. Namamarginalize ba ang panitikang Sebwano? Nais kong hiramin ang mga salita ni Dr. Alburo nang tinangka niya itong sagutin: Hindi ako naniniwalang mamamarginalize ang wikang Sebwano hanggat may mga tagabantay ng wika kagaya ng mga kulumnista at mga grupo ng mga manunulat. Ako ay sang-ayon sa kanyang sinabi. Hanggat nariyan ang BATHALAD, WILA, NOMADS, TINTA, MAD, at ang Cebuano Studies Center, natitiyak kong uusbong at mamumukadkad pa lalo ang panitikang Sebwano. Hanggat tayong mga Sebwano ay alerto at nakikilahok sa pangangalaga at pagsulong ng ating rehiyonal na wika at panitikan sa pambansang kamalayan, natitiyak kong hindi kailanman maisasangtabi ang ating pagkakakilanlan. Hanggat suportado ng ating pamahalaan sa pamamagitan ng mga makabuluhang programa tulad ng kumperensiyang ito upang maitaguyod ang wika at panitikan sa mga rehiyon ng bansa, hindi kailanman natin mararamdamang tayoâ€&#x;y namamarginalize. (9TH SLIDE) Ang Mga Pangunahing Tauhan Hindi maikaiilang napakalaki ng naiambag ni (10TH SLIDE) Padre Francisco Alcina sa paglinang ng kasulatan hinggil sa panulaang Sebwano. Maiihalintulad ko siya kay (CLICK) Thranduil ng Lord of the Rings, ang hari ng mga Elves sa Woodland Realm sa pangalawa at pangatlong panahon ng Middle Earth na nakipagsagupaan kay Sauron. Gaya
Page 11 of 11
sa nobela na kung saan ang mga wood-elves ang tagalikom at tagabantay ng mga sinaunang sulatin, kasaysayan, at sining, si Padre Alcina ang nagtipon ng mga uri ng sinaunang tula sa Sebwano gaya ng balak, garay, bagay, inagung, balitaw, kulisisi, at iba pa mula sa pre-kolonyal hanggang sa kolonyal na panahon. Itoâ€&#x;y patunay na ang ating mga ninuno ay may sariling tradisyon ng panulaan dito sa Kabisayaan. Kapuna-puna ang obserbasyon niya tungkol sa pagkakaroon ng tinawag niyang “enigmaâ€? sa panulaang Sebwano. Hindi matatawag na tula kung hindi ito nagdudulot ng palaisipan o kahiwagaan gaya ng mga bugtong. Mayaman sa mga imahe o imagery at metaporikal na linggwahe o talinghaga ang katutubong panulaang Sebwano. Ang katangiang ito ayon kay Dr. Alburo ay mapapansin sa mga tula ng mga kontemporaneong manunulat gaya nina Adonis Durado, Myke Obenieta, Cora Almerino, at marami pang iba. Ang mga napapanahong idyoma at nuances ng mga nasabing manunulat na likas na mga Bisdak ay throwback daw sa sinaunang garay at balitaw. Sa kabilang dako, kung si Alcina para sa akin ay si Thranduil, sa lahat ng mga Sebwanong manunulat, si (11TH SLIDE) Vicente Sotto naman, na tinaguriang Ama ng Panitikan at Wikang Sebwano, ang maituturing kong si (CLICK) Gandalf the Grey. Ang pagtatag niya ng Ang Suga noong 1901, ang unang pahayagang Sebwano, ang maituturing kong kanyang pinakamahalagang kontribusyon sa ating panitikan. Tulad ng tungkod ni Gandalf, ang Ang Suga ni Sotto ang nagbigay ng ilaw sa mga Sebwanong manunulat na nangangapa noon sa dilim pagkatapos ng kolonisasyon ng Espanya sa bansa. Nais kong suriin at bigyan ng repleksyon ang mga naging papel ni Sotto sa kasaysayan ng Panitikang Sebwano. Sa naiulat ni Bb. Rama, malinaw na saklaw ni Sotto
Page 12 of 12
halos lahat na yata ng genre ng panitikan: panulaan, maikling kwento, teatro, at maging ang sanaysay at peryodiko. Kaya naman itinuturing ko si Sotto na “The Greatest Wizard” gaya ni Gandalf. Dahil sa pagkakatatag ng Ang Suga kaya mayroon tayong tinatawag na “Gintong Panahon ng Panitikang Sebwano”. Lumagablab ang diwa ng nasyonalismo dahil natutong magsulat sa sariling wika ang mga Sebwano bunga ng paghina ng Espanyol at hindi pa gaanong paglaganap ng Ingles. Nang itinatag niya ang Academia de la Lengua Bisaya noong 1902 ay para itong naging samahan ng mga tagataguyod ng panitikan at wikang Sebwano gaya ng Fellowship of the Ring. Maituturing kong isang rebolusyunaryo at “trendsetter” sa panitikang Sebwano si Sotto. Dahil sa kanyang pamumuna sa linambay at ibang relihiyosong uri ng dula na impluwensiya ng mga Espanyol, naisulat niya ang isang dulang obra na nagsilbing pamantayan sa dulang Sebwano - ang Ang Paghigugma sa Yutang Natawhan. Naisulat din niya ang Maming, ang tinaguriang pinakaunang maikling kwento sa Sebwano na naging pamantayan din sa tinatawag nating sugilanon na ayon sa kanya ay dapat may mga katangiang sekular, maikli, kontemporaryo, at naglalarawan ng makatotohanang karanasan. Si Sotto ang naging tagataguyod ng Reyalismo sa Panitikang Sebwano. Si Sotto ay isang propagandista dahil buong tapang niyang tinuligsa ang mga Amerikano sa kanyang reyalismong dula na “Elena” at ang Simbahan sa dulang “Aurora” na mas nagpatingkad pa sa kanyang estado bilang dakilang manunulat sa bernakular gaya ng nangyari kay Gandalf the Grey na naging Gandalf the White matapos makipagsagupaan laban kay Balrog. Sa kabilang banda, gusto ko ring isipin na si (12TH SLIDE) Vicente Ranudo, na
Page 13 of 13
tinaguriang Ama ng Panulaang Sebwano, ay parang si (CLICK) Koronel Aureliano Buendia, ang pangalawang anak na lalaki na isang makata ni Jose Arcadio Buendia. Ayon kay Mojares, kung ang pag-uusapan ay ang Visayan love/Bisayang pag-ibig/Bisayang gugma, ang isang tunay na Sebwano ay siguradong bibigkas ng mga taludtod mula sa mga tula ni Ranudo gaya ng kanyang Hikalimtan? at Pag-usara. Talagang likas na sa ating mga Sebwano ang pagiging romantiko noon pa man. Gaya rin ni Sotto, si Ranudo ay maituturing isang “trendsetter” sa larangan ng panulaan. Sinalungat ng mga tula ni Ranudo ang tradisyon ng panulaang Sebwano sa panahon ng mga Espayol at binigyan ng panibagong mukha - klasiko, mapalamuti, masinsin bagaman may pagtitimpi rin, at masinop ang pagkakahabi kaya naging katangi-tangi. Gusto kong bigyang reaksyon ang iniulat ni Bb. Rama hinggil sa isang natatanging anyo ng bersipikasyon o taludturan sa panulaang Sebwano na tinatawag na Siniloy na nilikha ni (13TH SLIDE) Diosdado Alesna noong panahon ng mga Amerikano. Ito‟y tinanggap ng lahat ng makatang Sebwano noon bilang isang paraan ng bersipikasyon na maaaring angkinin, ipamaglaki at gawing atin, ayon pa kay Bb. Rama. Ang totoo, ngayon ko lang nalaman na meron pala tayong matatawag na sariling atin na bersipikasyon. Kung ang mga Tagalog ay merong tinatawag na tanaga na may apat na linya o taludtod na kung saan may pitong pantig o sukat at may rhyme scheme na AABB, ang siniloy ni Alesna ay may tatlong pantig kada linya na may diin o accent sa pangalawang pantig na halos kasing-tunog ng isang siloy o Black Shama na naninirahan sa Kabisayaan at kadalasang ginagamit na simbolo ng mga Sebwanong makata. Halimbawa ng siniloy ni Alesna ay: “Ang awit,/nasangit,/inanay -/mingkanay,/milagbas/
Page 14 of 14
ning dughan,/midulot,/gikumhan...” Nais ko ring magre-ak sa pahayag ni Bb. Rama na sa panulaang Sebwano, nananatiling masagana lamang ang mga lirikong mga tula. Napansin niyang napakakonti ng mga tumangkang sumulat ng tulang pasalaysay gaya ng balad, metrikal na kwento, metrikal na romansa at ng epiko. Marahil ito‟y dikta na ng panahon at pagkakataon. Masasabi kong ang mga tulang pasalaysay o narrative poetry ay nabibilang sa oral literary tradisyon o folk literature. Ang tradisyon ng mga tulang pasalaysay ay hindi na siguro naaangkop sa kasalukuyang panahon. Kung nananatiling masagana ang mga lirikong mga tula sa panulaang Sebwano, ito‟y sa kadahilanang ang ganitong uri ng mga tula ay mas maikli at kung saan nakakapagpahayag ng kanyang personal na emosyon o damdamin ang isang makata - bagay na likas sa tao kahit anuman o saanmang henerasyon. Kung si Vicente Sotto ay si Gandalf, si (14TH SLIDE) Marcel Navarra naman, para sa akin, ay si (CLICK) Bilbo Baggins. Kapansin-pansin ang malaking impluwensiya ni Sotto kay Navarra sa larangan ng pagsusulat ng maikling kwento. Gaya rin ni Sotto, si Navarra ay naging “trendsetter” din at nahirang na “Ama ng Makabagong Panitikang Sebwano” dahil sa kanyang pagiging “modernista” at “reyalista” at pagbibigay ng tiyak na porma sa maikling kwento o sugilanon sa Sebwano. Ilan kayang mga Sebwanong estudyante o kahit guro sa ngayon ang nakakakilala kay Marcel Navarra? Nais kong hiramin ang mga salita ni Maceda ng sinabi niyang: Napakadaling nabura sa mga gunita ng mambabasa ang mga panulat ni Navarra, bagay na nauugat sa tila kawalan ng kamalayan ng Pilipino sa halaga ng sarili nilang kasaysayan at tradisyong pampanitikan. Mauugat ang ganitong
Page 15 of 15
kawalang-malay sa mababang pagtingin sa panitikang bernakular na pinaiiral sa ating mga unibersidad ng mga akademikong tumitingala pa rin sa kultura ng Kanluran (x). Kung ang turing ng mga kritiko kay Navarra noon ay ang bersyon ni Hemingway o ni de Maupassant o ni O. Henry sa Panitikang Sebwano, para sa akin, siya ay namumukod-tangi at ang nag-iisang “Si Marcel Navarra”. Kung ang mga babaeng Sebwanong manunulat naman ang pag-uusapan, kayo na ang tumulong sa akin sa paghusga kung sinu-sino sa apat na mga tanyag na manunulat sa bernakular sa parehong tula at maikling kwento pagkatapos ng World War 2 na sina Gardeopatra Quijano, Maria Kabigon, Hilda Montaire, at Fe Remotigue ang maituturing niyong sina Lady Galadriel, Morwen, Eowyn, at Arwin ng Lord of the Rings o sina Úrsula Iguarán, Amaranta, Remedios Moscote, o Remedios the Beauty ng One Hundred Years of Solitude. Dumako naman tayo sa nobela. Ang maituturing na kauna-unahang nobela sa Sebwano ay ang La Teresa noong 1852 ni Padre Antonio Ubeda de la Santisima Trinidad na isang paring Rekoleto. Ngayon ko lang ito nalaman bunga ng aking pananaliksik na ito‟y isang nobela na Bohol ang tagpuan at mga Boholano ang mga tauhan. Bilang isang Boholano, ito‟y nakaka-proud isipin para sa akin. Kaya lang, ang nakakalungkot ay hindi ko alam kung saan makakakuha ng kopya nito o kung may kopya ba ang aming municipal libraries sa Bohol. Dapat ko itong alamin. Kung kamakailan lamang ay kapansin-pansin ang tila pag-usbong ng publikasyon ng mga koleksiyon ng tula at maikling kwento ng mga kontemporaneong Sebwanong manunulat gaya ng Pancit Poetry ni Karla Quimsing, Kining Inalisngaw sa Akong
Page 16 of 16
Tutunlan ni Richel Dorotan a.k.a. Omar Khalid, at ang malapit nang paglabas ng koleksiyon ng mga kwento ni Januar Yap, nananatili pa ring kokonti ang publikasyon ng mga nobelang Sebwano. Salamat at napakasipag ni Dr. Hope Yu sa pagsasaling-wika ng nobela ni Espina-Moore at mga maiikling kwento nina Chan Reyes, Lariosa, Ceballos, at Adlawan. Ngunit ako‟y uhaw at nananabik na makabasa ng mga nobelang Sebwano na gawa ng mga kontemporaneong Sebwanong manunulat na maaari nating angkinin, ituring sariling atin, at ipagmalaki at nang hindi tayo maturingang namamarginalize. Marahil ito‟y isyu ng publikasyon at paglilimbag. Sa tingin ko‟y mayroon naman talaga tayong mga magagaling na nobelista. Patunay dito ang mga na-serialize at mga ma-siserialize pa na mga nobela sa Bisaya Magazine. Ako‟y umaasa na pagtutuunan ng pansin ng Cebuano Studies Center at susuportahan ng Komisyon ng Wikang Filipino ang posibleng paglilimbag ng mga nobelang Sebwano sa hinaharap. Kung teatro naman ang pag-uusapan, gaya rin ng nobela, nitong mga huling dekada ay salat sa produksiyon ang dulang Sebwano. Sa kasalukuyan, ito‟y isinasagawa na lamang tuwing may programa ang mga paaralan at ng mga lokal na asosasyon ng mga artist at mga dedikadong mga tagataguyod ng teatro. Kadalasang itinatanghal ay mga adaptasyon ng dulang Kanluranin at malimit lang tayong makaririnig ng dulang Sebwano. Sa aking opinyon, kailangang buhayin natin ang tila namamatay na tradisyon ng dulang Sebwano sa pamamagitan ng patuloy na pagsasagawa ng workshops gaya ng sa Cornelio Faigao Workshop on Drama and Performance na kamakailan lang ay nagsagawa ng pagtatanghal ng ilang piling dulang Sebwano. Kailangan nating pagtuunan ng pansin ang impluwensiya ng radyo at maging ng telebisyon sa pagsusulat ng dula. At huwag sana
Page 17 of 17
nating ibaon sa limot ang legacy o pamana nina Buenaventura Rodriguez at Piux Kabahar. Hindi pa nagtatapos ang naratibo ng mala-nobelang kasaysayan ng Panitikang Sebwano. Marami pang mga kabanata ang maidadagdag sa darating na panahon. At kahit na naihahalintulad ko sa Lord of the Rings na isang high fantasy at sa One Hundred Years of Solitude na isang magic realism, ang kanyang kasaysayan ay patunay sa reyalistiko o makatotohanang pamumuhay ng mga Sebwano dahil isinasalamin nito ang kanilang mga mga mithiin, pakikipagsapalaran, kabiguan, at pag-asa.
(15TH SLIDE) Ang Puwang ng Panitikang Sebwano sa Edukasyon Ano ba ang puwang ng Panitikang Sebwano sa K to 12 na kurikulum? Alam kong alam na nating lahat na ang noo‟y Literature 1 (Literature of the Philippines) at Literature 2 (Literature of the World) sa kolehiyo ay bababa sa Senior High at pagsasamahin bilang isang asignatura na may kursong pamagat na (CLICK) “21st Century Literature from the Philippines and the World” at may deskripsyon para sa Unang Quarter na (16TH SLIDE) “Isang pag-aaral at pagpapahalaga ng katitikan ng rehiyon kung saan ang paaralan ay matatagpuan kaugnay sa mga panitikan ng ibang mga rehiyon.” Para sa akin, ito‟y isang magandang balita!.Ito‟y sagot ng ating gobyerno hinggil sa isyu ng monopoliya ng Manila sa ating panitikan at nang hindi na maramdaman nating mga Sebwano at ibang rehiyon sa bansa na tayo‟y namamarginalize. Subalit ang hamon dito ay ang paglikom ng mga gagamiting Sebwanong tula, kwento, dula, sanaysay, at iba pang sulatin. Nais kong malaman at sana‟y masagot sa
Page 18 of 18
kumperensiyang ito kung paano ang paraan ng pagpili ng mga sulating ito upang maisama sa aklat na gagamiting reference ng mga estudyante. At gaano tayo kasigurado na may pantay-pantay na representasyon ang lahat ng mga probinsiya sa rehiyon? Sana‟y maiwasan ang posibleng monopoliya ng mga mapipiling sulatin dahil bukod sa probinsiya ng Cebu, nariyan din ang Bohol at Siquijor na kabilang sa rehiyon 7. Ngunit ang pinakamahalagang katanungan marahil ay gaaano kahanda ang ating mga guro at ang mga estudyante sa pagbasa ng panitikang Sebwano? Anu-ano ang paghahanda ng mga guro sa Senior High hinggil sa pedagogy ng naturang asignatura? Makakaranas ba kaya ng “culture shock” ang mga estudyanteng nasanay na sa Ingles at Filipino at nahuhumaling sa Internet at iba pang teknolohiya? Sa tulong ng MTB-MLE sa elementarya, inaasahang makakatulong ito sa paghahanda sa mga estudyante patungo sa lokalisasyon ng ating edukasyon lalong-lalo na sa asignaturang Literature. Ngunit, maging ang MTB-MLE rin ay may sariling mga isyu. Ang K to 12 na kurikulum ay magiging mahalagang bahagi sa paglinang at paghubog ng kasaysayan ng Panitikang Sebwano. Ito‟y isang kabanata ng mala-nobelang kasaysayan nito dahil sa dikta ng panahon at pagkakataon. Kung nakikita ng ating pamahalaan at ng Departamento ng Edukasyon ang saysay at kahalagahan ng repormang ito, dapat tayong tumulong sa pagsulong upang mas yumabong pa ang ating sariling panitikan. Sa huli, gusto kong balikan ang paghahambing ko sa mala-nobelang kasaysayan ng panitikang Sebwano sa Lord of the Rings. Tayong lahat, mga Sebwano ay maihahalintulad ko kay Frodo Baggins na naatasan ng isang napakamalaking tungkulin: ang pangalagaan ang singsing! „Ika nga sa nakasulat sa singsing “One Ring to rule them
Page 19 of 19
all, One Ring to find them, One Ring to bring them all, and in the darkness bind them...� Gaya ng singsing, sa ating sariling panitikan natin mahahanap ang ating tunay na pagkakakilanlan, at sa panahon ng kadiliman ito ang ay siyang magbubuklod sa ating lahat. Maraming salamat po! (17TH SLIDE) Padayon ta, mga Bisdak!
24 Abril 2016 Siyudad ng Cebu
Page 20 of 20