Noel tuazon ang panghuhuli ng alindanaw

Page 1

Ang Panghuhuli ng Alindanaw ni Noel P. Tuazon

1. Intro-Teksto Nais kong talakayin sa papel na ito ang aking personal na obserbasyon, karanasan at mga pagmumuni-muni bilang makata‟t kuwentista hinggil sa kontemporanyong panitikang Sinugboanon. Nang sa ganun ay mauunawaan ang tahas (task) at papel (role) na ginampanan ng mga manunulat kung paano mas lalo pang pinagyabong ang sariling panitkan. Dahil kung panitikan ang pag-uusapan, hindi natin maiwaksi ang gahom ng wika at ang kanyang pagbabago alinsunod sa galaw at gaslaw ng panahon. Naniniwala ako na sa pagpapaunlad ng wika‟y hindi lamang ito nakatuon sa Tagalog. Malaki ang papel na ginampanan ng bawat rehiyon at ang grabidad ng ganitong responsiblidad ay kadalasang nahuhulog sa balikat ng mga makata‟t manunulat. Na hindi lang internasyonal o nasyonal na sining, teksto, konteksto at pagsalat ng panlipunang kamalayan ang tahas ng manunulat kung bakit siya nagsusulat. Kaakibat nito ang progresibong pag-usbong at pagpapalaganap ng mga rehiyunal na panitikan upang marinig, malasahan at masilip sa liwanag ang mga tinig at halakhak na siyang naglililok sa kamalayan ng lipunang kanyang ginagalawan – politikal man ito o sikolohikal o kung ito ba ay may hagod kultura at sining. Tulad ng tao, buhay, kamalayan, ideolohiya, moralidad at teknolohiya, dumadagayday rin sa daloy ng ebolusyon ang literatura. Sa puntong ito, hinahati ko sa ilang bahagi ang aking presentasyon. Una ay ang pagbibigay-linaw kung bakit “Panghuhuli ng Alindanaw” ang napili kong titulo. Pangalawa, marapat na bigyang pansin ang tradisyon ng panitikang Sinugboanon sa pamamagitan ng pagsilip sa kasaysayan kung paano ito lalo pang yumabong hanggang sa kasalukuyan na siyang sentro ng aking babasahing papel. Pangatlo, ang samutsaring hulagway ng kontemporanyong panitikang Sinugboanon sa panahon ng bayle hanggang sa Zika virus. Laluna ang mga pangalan at personalidad sa likod ng mga teksto at libro. Pang-apat, marapat din sigurong banggitin ang posibing papel at tulong ng social at mainstream media sa pagpapahayag ng sariling tinig o ulinig, sa pagtatalakay sa mga maseselang isyu at mga kasisilang lang na bisyo.

1 of 12


2. Ang Alindanaw Bilang Talinghaga Ang talinghaga ay alindanaw (tutubi) at ang alindanaw ay talingahaga. Sa malawak na kamalayan ng manunulat, walang humpay ang aking pagpanikop ng mga alindanaw na talinghaga. Malaya kong hinahalughog ang walang utlanang parang sa aking imahinasyon, ang mga walang latid na teritoryo ng aking sarili at maging sa katahimkan ng aking guni-guni‟t panaginip. Ginagalugad ko ang iba‟t ibang hulagway ng tanghaga, boses ng sariling damdamin at kulay ng panaginip ayon sa mga nakalalahad na elemental sa aking kamalayan. Nagsisimula ako sa pagsilip sa mga nakatago‟t nakaipling hulagway sa palibot, sa pag-aabang sa mga dumarating na kulay at anino, sa pagtantiya sa mga elemento ng pananalinghaga‟t kahilom ng paghihintay na siya ring pagbansay sa mga nalalamang taktika upang palayain ang aking sarili. Sa unang pagtatangka‟y mailap na mailap ang mga alindanaw. Pahirapan ang paghuli kung kaya hindi ako namimili. Kung may pagkakataon agad ko itong hinahabol, sinusunggaban, hinahawakan. Dahil dito, nadudurog ang maselang pakpak ng alindanaw, o napuputol ang malambot na buntot, o di kaya‟y nababali ang mala-kristal nitong ulo. Hindi isang larumbata ang pagpanikop. Hindi lang ako sumusugod sa talahiban, damuhan at kung saan man makikita ang alindanaw. Tulad ng pagsusulat, ang pagpanikop ng alindanaw ay isang sining. Ito‟y pagsasanay sa sining upang pagyabungin ang sarili, upang paglinangin ang kamalayan at, higit sa lahat, upang lalong mauunawaan ang sarili kong limitasyon at kakayahan. Subalit bago ko magagawa ang lahat nang ito, kailangan ko munang hulihin ang sarili dahil, sa maraming pagkakataon, ang manunulat mismo ang hinahanap na alindanaw. Ang paghuli sa saliri ay paglaya. Nanghuhuli ako ng alindanaw hindi upang gawin itong palamuti o laruan. O naninikop ako dahil ito‟y simpleng libangan lamang. Subalit, naninikop ako upang sukatin ang aking kalayaan. Pagkatapos ko kasing makahuli, humahalakhak ako na tila ba wala nang kaligayahan sa mundo ang mas hihigit pa kaysa ganitong karanasan. Saglit kong inangkin ang ganitong tagumpay, ang ganitong pagdiriwang. Hinahagod ko ang halakhak sa kasingkasing. Nilalasap ko ang kulay, hugis, lambot at maging ang kaluluwa ng nahuhuli. Pagkatapos nang ganitong ritwal at pagdiriwang, paliliparin ko ang alindanaw patungo sa gubat, sa alapaap, sa guniguni at sa pantasya ng mga mambabasa, laluna sa handurawan ng lipunan. Dahil ang pagparaya ng manghuhuli sa hinuhuli ay siya ring paglaya niya mula sa sariling bangungot at kasakiman, mula sa pansariling pantasya at handurawan, mula sa sariling kahinaan na kumitil at umalipin.

2 of 12


3. Manghuhuli at Tagamasid Dalawa ang katauhan ng manunulat sa alindanaw na panitikan. Siya‟y isang tagamasid at manghuhuli. Ang manghuhuling manunulat ay isang tagamasid. Siya ang nagdudukumento at nag-uulat. Kasinghalaga ng kanyang eksistensiya ang kanyang sinasabi, ang kanyang babala, ang kanyang paghulagway. Kaakibat na rin sa kanyang paggagalugad sa sariling pagkamalay ang posibling papel niya sa lipunan, sa magiging responsibilidad ng makata sa sining. Sinabi nga ng makatang si Merlie Alunan sa librong Modern Mythmakers and Ancient Wisdom na itoy‟ sariling pagkamalay. At ang pagkamalay na ito‟y sumasakop sa lahat ng puno, bundok, dumadagayday na tubig sa ilog; o uri ng pamumuhay o buhay, ani, palihan, pagsilang, pag-aasawa, kamatayan… (9). Ang papel ng isang tagamasid ay hindi lang nag-aaninaw at nagbabalanse sa lahat ng magkasalungat na puwersa sa kosmos at buong uniberso ng pagtula at pagsulat. Sa aking tulang “Kasabotan (Kasunduan)”, kasama ang makata sa paghahanap at pagtuklas labas man o sa loob ng kanyang sarili: Gisuta sa mata ang unsa mang gipadayag sa kahayag aron dili malingla ang rason sa pagtuo tungod kay gikuwenta na sa takna ang gilay-on nga nag-uwang sa tubig ug abo, sobre ug internet, numero ug imahinasyon. Ang „kahayag‟ (liwanag) ay ang tanghaga ng pagnanais na mabuhay, pagkamulat sa mga hiwi at hindi-makatwirang sistema ng lipunan at pagharap sa katotohanan ng alaala at kabiguan. Sa librong A Book of Literary Criticism ni X.J. Kennedy, nabanggit niya ang sinabi ni P.B. Shelley na: The most unfailing herald, companion, and follower of the awakening of the great people to work a beneficial change in opinion or institution, is poetry. Poets are the unacknowledged legislators of the world (447448). Sa kanyang pangungusap lumilitaw ang dalawang salita: „pagkamulat‟ (awakening) at „makata‟ (poet). Hindi mapagkailang malaki ang ambag ng panitikan tungo sa pagbabago ng isang lipunan at kamalayan. Lalo na sa kasalukuyang panahon kung saan ang ating lipuna‟y halos pinaglalayasan na ng moral, katinuan at kabutihan dahil nagnanaknak sa buong lupalop ang kurapsiyon, krimen at kawalan ng pag-asa, naghahanap ang karamihan ng makakapitan, ng mapagkakatiwalaan, ng diyos. Ang tula sa loob ng bungo ng manghuhuling makata ay sumasanib sa lahat nang direksiyon ng hangin. Ito‟y mga katagang ipu-ipo sa kanyang haraya, o nagbabagang salita sa alab ng kanyang puso, o nagsasanga-sangang metapora ng kidlat ng paglalagalag. Ang ganitong uri ng pagsuslat ay nakasalalay kung paano 3 of 12


niyayapos ng makata ang karunungang taglay ng bawat elemental at elemento. Sinasabi nga ni Shelly na ang makata ay isang „mambabatas‟. Angkop sigurong sabihin na ang tinig ng makata ay kapangyarihan, ang kanyang mga salita ay batas at ang kanyang halakhak ay kabanalan. Kung sundan ko ang daluyong ng temang ito, humantong tayo sa puntong hanapin natin kung sino ba ang mga makata‟t kuwentista sa panahon natin ngayon? Ano ang kanyang kulay, ang kanyang pananamit, ang kanyang kinakain, ang kanyang pananalita, ang kanyang hulagway, ang kanyang anino, ang kanyang layunin at ano ang kanyang kabuluhan? At marahil, simulan kong hanapin, tuklasi‟t tantiyahin ang mga kasagutan sa tulang “Pagpadayag”: Padayon ang ngutngot agi sa tunok tungod kay ang pagpasagad, pagpuhag ug pagkutlo ritwal na sa mata, kamot ug ngabil. Unsaon paghupay sa kahapdos? pagtang-on sa tanang nagdugo? pag-alim sa samad ug garas? kon kanunayng putlon ang salingsing sa kasingkasing? Ang mga katanungang nabanggit sa tula ay siya ring sagot na aking nakikita. Walang hangganan ang kalungkutan, pagmamalabis at kasakiman dahil ang tao mismo ang kusang pumuputol sa mga positibong elemento sa kanyang pagkatao gaya ng hulugway ng panunupling ng puso (kasingkasing). Isang masalimuot na proseso ang pagsulat, ika nga. Kailangang pagdugtungdugtungin ang mga napipigtas at napuputol na damdamin. Kailangang usisahing mabuti ang mga lihis at tagilid na katwiran. Kailangang halughuging muli ang istruktura, hulagway at talinghaga. Sa librong A Passionate Patience sa patnugot ng makatang si Ricardo M. de Ungria, nagsalita ang makatang si Carlos P. Angeles sa sanaysay na pinamagatang niyang “Reflection on the Making of a Poem” kung saan nakasentro ang sanaysay tungkol sa kanyang repleksiyon kung paano magsulat ng tula. Sinabi niya: Working a poem is discovering the right succeeding lines and putting them down on paper… a poet is a stranger in the land who must discover a route to reach his destination (29). At bilang manghuhuli o maninikop, hinuhubaran ko ang anumang ilusyon hinggil sa potensyal na panitikan sa pagbabago ng lipunan. At binabanlawan ko ng bagong gayuma ng tubig ang ganitong mithiin. Kalakip nito ang pagtunton sa iba‟t ibang direksiyon ng hangin ng pulitika at pananampalataya. Ang ganitong uring panghuhuli ay matatagpuan sa pagtutulay ng makata sa mga di magkapantay na aktwal at piguratibo, literal at epistemikang mga karanasan at damdamin. Ang 4 of 12


sentral na kamalayan ay nagiging isang pilter na umuukit sa dapat masdan, pakinggan, lasapin at damhin. Kaya‟t malaki ang posibilidad ng takbo ng pangyayari ay nakasalalay sa kondisyon, disposisyon at interes na umuukit sa kamalayan. Kalakip din ng panghuhuli ang paggalugad o pagsusuot sa masalimuot na istruktura‟t hulagway ng lipunan at hindi lang ang sariling imahinasyon at ilusyon. May pananagutan din ang maunulat sa kanyang kapaligiran, sa kulturang kanyang kinagigisnan at mga paniniwala‟t pamahiing kanyang nasisilip. Kung kaya mariin niyang tinututulan ang walang habas na pagwasak ng mga ito. Kahit na sabihing ang pagpanikop ay isang uri ng paglusob at pag-angkin na maaaring magreresulta sa pagkawasak ng kanyang sining, ideolohiya, relihiyon, kultura, lipunan, pultika, sarili, wika.

4. Ang Alindanaw Noong Sikat pa ang Bayle Dalawang mukha ng katotohanan ang matutunghayan kung pag-uusapan ang paraan kung paano ipagpapahayag ang panitikan. Una ay masisilayan ang lipunang primitibo o lipunang ang mga tao‟y hindi marunong magsulat o bumasa at samsabay lamang sa tugtog ng panahong kinagisnan. Sa ganitong kalagayan, ang panitikan ay ipinahahayag nang pasalita (oral) lamang Sa gayong limitadong pahayag kadalasang nababawasan ang yaman ng kanilang panitikan kundi man tuluyang maglaho sa paglipas ng panahon. Ang ikalawa nama‟y isang lipunang aral (literate) kung saan ang panitikan ay binubuo ng primitibo, ng sinauna, ng pambayan at ng kasalukuyang panitikan. Ipinahahayag ang mga klase ng panitikang ito ng pasalita at pagsulat. Kaya sa kasalukuyang panahon, malaki ang katawan (corpus) ng panitikan kaya kailangan na nito ang kadalubhasaang pag-aaral, kung hindi man, pagbabago. Ang panitikang Sinugboanon ay hindi lamang ipinahahayag nang pasalita, subalit halos isang siglo na itong isinusulat. Kahit na sabihing nagsimula ang paglilimbag nito sa mga huling bahagi ng 1800 milenyo hanggang sa panahong isinilang ang diyaryong Suga ng taong 1901. Malaking tulong din ang Bisaya Magasin sa ikalawang dekada ng bagong siglo. Dahil dito, sumusulpot ang iba‟t ibang pangalan sa larangan ng literatura, lalo na sa panunula. Isa na nito ang Bol-anong makata sa katauhan ni Carlos P. Garcia. Malaki ang naging ambag ng makatang ito dahil sa kanyang impluwensiya bilang pangulo ng ating bansa. Ang kanyang tulang “Dalagang Pilipinhon” ay tinaguriang kanon sa panulaang Sinugboanon. Kahit na sinasabi minsan ng mga iskolar na walang sawang nanaliksik sa katatagan ng panitikang rehiyunal na hindi maisawalang-bahala ang konseptong sentimentalismo at umiikot lamang ang panula sa pagiging poetic o balaknon lamang ng mga berso. Sinabi nga ni Dr. Resil Mojares, kritiko, mananasiksik at manunuat, sa librong “Sugboanong Balak: 19401988 (ito‟y ikalawang bahagi lamang dahil ang unang bahagi nito‟y nakatuon sa mga tulang nailimbag ng huling dekada ng 1800 hanggang bumasag sa daigdig ang World War II) na …the nature of poetry is reduced to purple speech, declamatory and biased in favor of certain modes of diction and sentiment (4). Kung kaya si CPG 5 of 12


ay naging sikat sa kanyang mga panauhin sa Kabisayaan at Mindanaw dahil pinasasaya niya ang mga ito sa kanyang mga panula. Kung suriing mabuti, dugtong pa ni Dr. Mojares: Yet his poetry was not that of Plato‟s King, the intellectual statesman, or of the seer of native tradition, but that of the village wit. Garcia took his listeners on a tour of familiar, and somewhat archaic, ground, instead of bringing them to a new level of speaking about themselves and the society (4). Gayun pa man, marami rin ang nahikayat kay CPG upang ipagpatuloy ang ganitong tradisyong balaknon. Kung kaya maraming makata ang kasama niyang nailimbag sa librong aking nabanggit sa itaas. Ligtas na sabihing malaki rin ang kontribusyon ng librong ito upang maipaaangat sa ibang lebel ang Sinugboanong panitikan laluna sa tula. Dahil dito, sumulbong ang henerasyon ng makabagong makata. Marami ang kanilang mga ngalan na ang karamihan sa kanila‟y nagsusulat din sa Ingles at Filipino. Kapansin-pansin ang kanyang hanay na siyang resulta rin ng mga inilunsad na timpalak sa tula at maikling kuwento gaya ng prestihiyosong Gawad Palanca, Timpalak Bathalad-Cebu at Bathalad-Mindanao, Timpalak Lunsayng Bisaya, Gawad Carlos P. Garcia sa Bohol, at Gawad Komisyon ng KWF at marami pang mga pakontes upang lalo pang hasain at pagyabungin ang wika sa sining ng malikhaing pagsusulat. Isang surpresa sa Sinugboanong panunula sila Ernesto Lariosa, Junne Cañizares, Agustin Pagusara, Leonardo Diokno at Mel Allego. Ligid sa akademyang mananaliksik, tinaguriang sila bilang haligi ng modernesmong Cebuano. Ayon pa sa mga lubos na nakakilala sa kanila, isang pagsulong ng metaphysical na may lubag ng high modernism ang litaw na litaw sa kanilang mga obra. Sa lahat ng mga makatang makikita sa Sugboanong Balak: 1940 at Sugboanong Balak: 1940-1988, ang mga makaang aking nabanggit ay may kakayahang dalhin ang panitikang Sugboanon sa susunod na lebel kahit na sa katotohanang may halong cross-fertilization ang kanilang estilo dahil, minsa‟y, nakaugat ito sa Kanlurang modelo gaya nila T.S Iliot, William Carlos Wiliiams at Ezra Pound. Gaya ng sinabi ni NVM Gonzalez noong 1973 na mababasa sa panunuri ni Resil Mojares na ang mga Pilipinong makata na sumangguni sa Third-World na lipunan ay hindi sigurado sa kanyang nakaraan at “easy prey to the rabid charity of other worlds (5).” Maaring totoo ang sinasabi ni NVM Gonzalez. Maaring hindi. Kahit na sabihing nagsusunog ng kilay ang mga makatang Cebuano upang makapagsulat lamang ng mga katotohanan sa pamamagitan ng metapora, imahen, lingguwahe at sensibilidad ng dayuhang pamamaraan sa halip na gamitin ang saliring kakayahan na pagyamanin ang ating saliring kulay, kultura, dila at pagkikilala sa sariling identidad, malaki pa rin ang tulong nito sa kasalukuyang panunula, kontemporanyong panitikan. 6 of 12


Kasaysayan rin naman ang huling bantas ng katotohanan. Ano ba ang papel ng panunuring pampanitikan kung walang pag-aaral nang ganito: inuuna ang pagbibilang sa dayuhang panukat sa halip na pagtibayin at paunlarin ang katutubong salita; inuugmad ang panunulang abstraksyon sa halip na paglinangin ang kongkretong hulagway ng ating lingguwahe; at ulit-uliting sulatin ang mga tema‟t talinghagang gasgas sa halip na harapin ang katotohanan ng sariling inspirasyon at karanasan. Sa pagsusuot ng mga makatang binansagang naimpluwensiya sa Kanlurang panunula at pagpanugid (storytelling), isinilang ang henerasyong sinasanay sa makabagong panunulat. Isa sa mga naging papel ng mga nauunang makata‟t manunulat ay yaong gabayan ang mga batang manunulat sa daang patutunguhan ng Sinugboanong panalinghaga, sa kasalukuyang diskurso, sa kontemporyong paglalahad nga mga isyu sa pamamagitan ng talinghaga.

5. Ang Alindanaw sa Parang ng Panghuhuli Hindi isang biro ang panghuhuli ng alindanaw. Kailangan batid mo ang topograpiya, ihip ng hangin, sukal ng damuhan at ugali ng mga alindanaw sa tinatahak na parang. May iba‟t ibang hulagway ang parang o damuhan ng panghuhuli. May kanya-kanyang pamamaraan ang bawat manghuhuli. Dito sa parang na ito nasusukat ang kakayahan, ang pasensiya, ang sensiridad, ang gugma at determinasyon na makahuli. Dahil sa hagip-ot (tight) na larangan ng panghuhuli, madaling kilalanin ang baguhan kaysa banggiitan (dalubhasa). Ang pagkadalubhasa ng isang manghuhuli ay resulta ng kanyang walang humpay at walang sawang paghahanap at pagtutuklas ng ideya o pormula o pamamaraan paano makahuli ng isang mailap na alindanaw. Sa kontemporanyong panitikan, ang Gawad Palanca ay isang mailap na alindanaw. Iilan lamang ang nakahuli nito. Marami na ang sumubok at nabigo. May mga baguhan na agad nakahuli. Sumulpot ang maraming pangalan. Karamihan sa kanila‟y beterano at makailang ulit nang makahuli (dahil, gaya ng lahat nang malikhaing manunulat sa buong bansa, isang malaking karangalan ang makahulit kahit pangatlong puwesto lamang sa Palanca) ang mga pangalan ng banggiitang Ricardo Patalinjug, Ernesto Lariosa, Mario Batausa, at Arturo Peñaserada sa mga unang limang taon ng timpalak kung kailan meron nang rehiyunal na kategoriya noong 1997. Isang talinghaga para sa akin kung bakit sa taon 1997 lang ito nabuksan. Dahil kung tutuusin, naestablis ang Gawad Palanca noong 1950. Mahigit 47 na taon bago pa naisip ng Manila empire ang kahalagahan at kontribusyon ng rehiyunal na panitikan. Rehiyunal na panitikan dahil kasabay ng kategoryang Sibugboanon ang Hiligaynon at Iluko. Subalit sa iisang dibisyon lamang: ang maikling kuwento (short story). Gayun pa man, nagpapasalamat kami dahil kasali na kami kahit sa maikling kuwento lamang. Sana sa susunod na taon, sa tulong ng KWF, bubuksan na ang kategorya sa tulang rehiyunal at nobela.

7 of 12


Sa sususod na yugto‟y lumilipad sa katanyagan ang mga pangalang Macario Tiu, Lamberto Cebalios, Richel Dorotan, Noel Tuazon, at Ferdinand Balino. Ang mga binanggit ko laman ay yaong nanalo nang higit sa isang parangal dahil may mga pangalan na nabanggit ko sa itaas na ginawang taunang reyunyon sa ibang manunulat ang pagpunta sa Manila upang tanggapin ang parangal. Malaking ambag sa kontemporanyong Sinugboanong panitikan ang mga palihan na sumasagip sa saliring wika. Kung noon, ang puwede lamang sumali ay yaong mga dalubhasa lamang Ingles at Filipino, unti-unti itong limihis sa pagtataguyod ng rehiyunal na wika gaya ng Sinugboanon, Waray, Hiligaynon, Kinaray-a at iba pa. Bukod sa taunang palihan ng Cornelio Faigao, sumulpot ang mga palihan na programa rin ng mga pamantasan at unibersidad sa Sentral Bisayas gaya ng Mugna ng Cebu Normal University at Tagik-Landasan ng UP-Cebu. Hindi rin maiwaksi sa listahan ang Iyas ng De La Salle sa lungsod ng Bacolod at Iligan National Writer‟s Workshop ng MSU-IIT, lungsod ng Iligan. 6. Ang Alindnaw sa Panahon ng Selfie Karamihan sa mga batang manunulat at lubos na nahahasa dito ang henerasyon nila Myke Obinieta, Adonis Durado, Jeremiah Bondoc, Corazon Almerino ng Cebu. Ganun din ang mga katulad nila Ulysses Aparece, Rey Caturza, Paul Vistal, Coy Ponte, Ramon Boloron sa Bohol. Sa kanilang panahon, lumihis nang landas ang panitikang Sinugboanon. Tinahak nila ang daang matagal nang nariyan, subalit kaunti lamang ang matapang na dumadaan. Binigyan nila nang bagong kulay ang paggamit ng lingguwahe. Isang reimbensiyon ng salita ang litaw na litaw sa kanilang mga obra. Kakaiba ang kanilang pagbuo at pagkontrol ng metapora, panula‟t banat ng pananalita sa tula. Tulad halimbawa ang tula ni Cora Almerino na pinamagatang “Unsaon Paggisa sa Bana nga Manghulga sa Asawang Dili Kahibalong Moluto:” 1. Inita ang mantika sa kaha. 2. Gisaha ang sibuyas bumbay ug ahos. 3. Ilunod ang iyang kumo nga iya kunong isumbag nimo sa imong nawong. 4. Isunod ang iyang mga tiil nga iyang ipatid nimo. 5. Isagol og apil ang ubang bahin sa iyang lawas. 6. Pabukali. 7. Tuslok- tusloka sa tinidor. Mas maayo kon kutsilyo. 8. Timplahi dayog pamalikas ug maldisyon. 9. Tilawi. 10. Hauna. 11. Kan-a. Kon way lami, ilawog sa iro. At sino ba ang hindi naaaliw sa tulang “Balaki ko, Day, Samtang Gasakay Tag Habal-habal” ni Adonis Durado? Tulad halimbawa nang siabi niyang:

8 of 12


Balaki ko, Day, Samtang gasakay tag habal-habal. Idat-ol og samot Kanang imong dughan Nganhi sa akong bukubuko Aron mas mabatyagan ko ang hinagubtob Sa imong kasingkasing. Sa mga libaong nga atong malabyan, Gaksa pa ko og hugot Sama sa lastikong Mipungpong sa imong buhok. Ug sa kainit sa imong ginhawa, Gitika kining akong dughan. Ang mga balili unya Nga naghalok sa atong batiis Isipon tang kaugaligong mga dila. Dayon, samtang nagakatulin Kining atong dagan, Mamiyong tag maghangad Ngadto sa kawanangan Aron sugaton ang taligsik Sa uwan, dahon, ug bulak. Sa kabilang dako ng panulaang Cebuano ay ang mga haligi ng Cebuano feminism, tulad nila Linda Alburo, Ester Tapia, Maria Victoria Beltran, at Merlie Alunan na nagsusulat na ngayon sa Binisaya-Sinugboanon. Sa kanilang mga tula at prosa, iniukit nila ang babae bilang tao at hindi lamang seksuwal na gamit ng mga lalaki. Ang kanilang lingguwahe ay yano subalit matatalim. Marami na rin ang sumubok nang mga makabagong tibig o boses sa panula subalit iilan lamang at nabibilang sa daliri ang kanilang dami na may ganitong tapang sa panitikan, tulad halimbawa sa tula ni Cora sa itaas. Dahil sa kanila, ang kontemporaryong Sinugboanon panitikan ay nagbibigay nang makulay na tunggalian sa mga tulang barako at nawaâ€&#x;y gumagamit lamang sa babae bilang object ng pagnanasa, bilang musa, bilang inspirasyon, bilang dekorasyon at bilang taga-aliw sa asawa. Malaki ang ginampanang papel ng ganitong panunula sa Cebuano dahil binago nito ang tradisyunal at paulit-ulit lamang na tema ng pag-ibig at romansa. Sa puntong ito, pumapasok ang mga panalinghaga ni Ulysses Aparece. Humahakot na ng maraming parangal tulad ng Palanca, Gawad Komisyon at Bathalad-Cebu ang kanyang mga tula. Orihinal siyang nagsusulat sa Ingles, subalit biglang kumambyu ng pananalinghaga. Marahil, sa kagustuhan niyang maging katulong upang pagyamanin pang lalo ang panitikang Cebuano. Kakaiba ang kanyang larangan sa pagtula. Sa halip na sumusunod sa mga makabagong teknik, manipulasyon o reimbensiyon sa salita, gumagamit siya ng 9 of 12


kombensyunal na tanghaga. Tinatahak niya ang lupain ng panulaang minsan lang binibisita ng ibang makata gaya ng antroplohiya, at tinatalakay niyang muli ang kabuluhan ng kasaysayan sa ating panitikan gaya ng papel ni Dagohoy bilang bayani at supernatural nitong imahe sa mga lumad na Bol-anon. Dinidekunstrak niya ang hulagway ng mga karakter ng ating kaalamang-bayan, alamat maging ang mitos ng iba‟t ibang imahen gaya ng tambaluslos, sigbin, agta, sukdan, tambalan, mambabarang na sa puntong lumutang ang mga imaheng ito bilang mga tauhan lamang na ginagamit sa namamayani ngayong kulturang popular. Malaking ambag ang Bisaya Magasin sa paghubog at pagtuklas ng mga potensiyal na magtataguyod ng Sinugboanong Panitikan. Nagugustuhan ko ang konsepto ng Young Blood Writer. Dahil dito mas lalo pang nabibighani ang mga batang manunulat na hasain nang husto ang kanilang sining dahil merong Bisaya Magasin na handang ipablis ang kanilang tula o maikling kuwento. Hindi lang nabababasa sa lahat nang fans ng magasin na ito, binabayaran pa ang kanilang mga obra. Laluna sa panahon ngayong unti-unting nang hinihigop ng online social media ang interest ng bagong henerasyon. Taun-taon may gumagradweyt sa kanilang paniha. Tinatawag nila itong “Labing Masaarong Magsusulat sa Bisaya”. Sa kasagsagan ng selfie, hindi pahuhuli ang mga manghuhuli ng alindanaw ng talinghaga. Sikat at napakaling tulong nga “Kabisdak” blogspot sa gabay ni Myke Obinieta at ang “Balakista” blogspot ni Romeo Bonsocan. Ang mga prudokto ng palihan ay kadalasang mababasa sa nasabing blogspot. Mababasa ang mga obra ng mga banggiitang makata sa Sinugboanon tulad nila Butch Bandillo, ang namayapang Urias Almagro at Rene Amper na siyang isa sa mga idolo ko sa larangan ng panunula sa Sinugboanon, Ric Bastasa, Mel Allego, Bob Flores at iba pa. Nariyan din ang mga bagong panula at tinig nila Gratian Paul Tidor, Dennis Sarmiento, Kevin Lagunda, Ton Daposala, Jona Bering, Cindy Velasquez, Erik Tuban, Wanes Arong, Jon Saguban, Tea Solon, Romeo Bonsocan at napakarami pa. At alam kong mas marami pang mga pangala ang mababasa doon sa susuond na taon at dekada. Hindi biro ang ambag ng mga makatang nagsulong ng Sinugboanong panitikan dahil binigyan nila ng panibagong antas ang pag-iintindi ng mga tagaBisayas at Mindanaw sa kani-kanilang kultura, paniniwala, mithiin, panaginip at kalungkutan. Hindi lang si Ulysses Aparece at mg apangalang nabanggit ko sa itaas, kundi kaagapay din nila ang iba naghahangad na manghuhuli ng alaindanaw sa parang ng kanilang damgo (panaginip). Dahil ang kanilang mga tula‟y pamukaw, gabay, inspirasyon at hamon sa panitikang Cebuano upang magpapatuloy ang tradisyong matagal nang naiukit mula pa sa panahon ni Karyapa. Ganun din ang kontribusyon ng mga aklat na aking nabanggit. Halimbawa, ang “(Cebuano Poetry) Sugboanong Balak: 1940-1988” ay antolohiya ng mga tula sa Cebuano kung saan dayag na ipinakita ang uri ng panula mula sa taong 1940 hanggang sa huling taon ng dekada 80. Ito rin ang batayan kung paano lumago‟t umusbong ang panitikang Cebuano hanggang sa mga librong isinulat ng mga may edad na at puwede pa sa mga batang makata‟t kuwentista.

10 of 12


Hindi sapat ang isang oras para basahin ang pag-usbong nga mga aklat na siyang nananalingsing sa kontempraryong Sinugboanong Panitikan. Subalit, hayaan ninyo akong banggitin ang iilan sa mga ito. Sa kasalukuyan, nariyan ang koleksiyon ng mga maikling kuwento ni Richel Dorotan aka Omar Khalid na pinamagatang “Kining Inalisngaw sa akong Tutunlan (2016), “Pansit Poetry” ni Karla Quimsing, “Di tanang Matagak, Mahagbong ug Minugbong Balak” ni Adonis Durado, “Iring-Iring Sa Tingbitay Sa Iro” ni Myke Obenieta, “Sinug-ang” ni Cora‟t dalawa pang peminista at iba pang mga antolohiya. Ang mga ito‟y isang napakalaking kontribusyon sa kayamanan ng panitikang Sinugboanon. Sa makatuwid, ano ba ang kontribusyon ng panitikang Cebuano sa kasaysayan ng panulaan ng Pilipinas? Ano ang potensiyal na papel ng kontemporanyong Sinugboanong panitikan sa pagsulong ng sariling wika at sining? Bakit rehiyunal lamang ang tawag nito sa kasalukuyan? Sa tingin ko kasi, isang malaking argumento at hindi maiiwasang politika ang salitang „rehiyunal‟ kung pagbabasihan ang pantay-pantay na estado ng panitikan sa buong bansa? Alam kong meron kayong mga kasagutan sa mga katanungan ito. Kung ako ang inyong tatanungin, bilang makata, dalawang punto ang aking nakikita. Una, Sinugboanon ang lingguwahe ng mayoriyang Pilipino at karapat-dapat na bigyang-linaw ang papel nito sa pagsulong sa isang malawak na pagsusuri sa kamalayan ng rehiyunal na panitikan sa ating bansa. Ikalawa, pinupunan nito ang puwang na siyang kumukupkop sa bayas at diskriminasyon upang lalong maiintindahan ang kultura, paniniwala, kaugalian, paninindigan at sining labas sa sentro na tinaguriang rehiyunal. Bilang pangwakas, ang papel ng isang makata ay hindi lamang nakatuon sa pansariling kapakanan, katanyagan at layunin na gawing imortal ang buhay sa bawat tula, kuwento o sa bawat librong naisulat. Noong isinulat ko ang aking aklat, hindi lang basta koleksiyon ng mga tula ang nagsiksikan at kumawala sa aking isipan, kundi kumakawala rin ang marami at samutsaring mga panaginip upang tuluyan nang lumaya. Ang pagkahimugso ng una, pangalawa, o pangatlong aklat ng isang manunulat ay metapora rin sa paghinga sa ng Sinugboanong panitikan sa kasalukuyan. Hindi maipagkailang karampot lamang ang aklat sa BinisayaSinugboanon na kongkretong nakikita sa istante ng mga silid-aklatan o saanmang library at alinmang pamantasan. Mayoriya ng mga aklat na nababasa ng mga estudyante ay yaong isinulat lamang sa Ingles at Filipino. Dahil sa paglago ng merkadong globalisasyon, unti-unting nawawala ang pagpapahalaga ng bagong henerasyon sa sariling wika. Masabi ring dahilan ay ang kakulangan ng aklat at babasahin sa panitikang Sinugboanon kung kaya‟t iniisip ng mga mileniyals na badoy ang Cebuano at superyor ang Ingles. Isa ring halimbawa nito ay ang nangyayari sa loob ng aking klase sa Malikhaing Pagsusulat (Creative Writing). Nakapanlulumong isipin na madali para sa kanila ang magsulat ng tula o kuwento sa Ingles, ngunit kabaligtaran naman kapag pinapasulat ko sila gamit ang wikang Sinugboanon. Ang iba nga‟y hindi pa nakapagbasa ng tula sa sariling wika at unang beses daw ang pagbabasa ng 11 of 12


ganitong materyal kung hindi dahil sa kinuhang sabjek. Karamihan sa kanila‟y natatawa pa dahil korni, badoy at nakapangilabot pakinggan ang bawat bigkas nila sa sariling wika. Take note, sariling wika. Kung kaya, gumawa agad ako ng hakbang. Gaya ng alindanaw, mailap man ito, o unti-unti nang naglalaho sa parang ng ating kabataan, o kakaunti na lamang ang interesadong manghuli nito o kahit hindi man nasasalat, natitikman ang lasa‟t nakikita sa kalimutaw, subalit nariyan lang ito sa tabi-tabi, sa paligid, sa pagsasakay natin ng dyip araw-araw, sa pagmamaneho ng sariling sasakyan, sa pagninilay-nilay sa kasalukuya‟t sa nakaraan, sa bawat trahedya‟t sakunang nangyayari kung biglang rumaragasa ang unos at delubyo ng kasawiang-palad at paglalagalag. At ito ang nais kong punan: ang makita, maamoy, masalat, matikman at marinig na hindi lang nahuhuli sa Inges at Filipino ang alindanaw. Karamihan sa mga ito‟y nahuhuli‟t pinapalipad ng mga Bisdak (Bisayang Dako). Daghan kaayong salamat!

12 of 12


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.