ANG KATUTUBONG WIKA SA MATA NG MGA DAYUHAN ni E.S. Godin
REAKSYONG PAPEL Norly R. Plasencia
Ang papel na ito ay nakaangkla sa dalawang pangunahing kaisipan: ang pagsipat sa kalakaran ng edukasyon sa Pilipinas at iba pang salik na bumubuo rito at ang pangkasalukuyang kalakaran sa wika. Kinatigan ko ang ilan sa mga obserbasyong inilahad ni G. Godin sa kanyang papel.
Naging mabisang kasangkapan ang pelikulang “Misedukasyon” ni Balce (2001) dahil inilantad nito ang “katotohanang” naglalaro sa likod ng “mapanlinlang” na karunungang isinusubo ng edukasyon sa kaisipan at kamalayan ng mga Pilipino. Sa pelikulang ito, tinalakay ang tatlong katangian ng edukasyon sa Pilipinas: ang pagiging kolonyal; ang pagiging komersyalisado; at ang pagiging elitista. Malaki ang naging kaugnayan ng pananakop ng mga Amerikano sa ating bansa upang mahubog ang unang katangian ng edukasyon. Ayon kay Cruz (2003), kinubkob nila ang ating kamalayan sa pamamagitan ng pagpapabasa sa atin ng kanilang mga aklat at pagtuturo sa atin ng konsepto ng kanluranin.
Umano’y ang modelong kinukuha ng mga Pilipino ay ang
modernisasyon, at ang isang kongkretong patunay dito ay ang malawakang paggamit ng
kapangyarihan ng wikang Ingles na kaipala’y nagbigay daan sa pagkakabuo ng kamalayan ng mga Pilipino tungo sa pagtangkilik sa mga banyagang produkto. Ang ikalawang katangian ng edukasyon sa ating bansa ay maaaring talakayin sa kulturang itinuturo ng mga pribadong paaralan, ang pagiging komersyalisado nito.
Tila
ginagawang islogan ng marami sa mga paaralan at pamantasan ang pagdaragdag ng mga kursong Nursing at iba pang kursong tila ibinibenta bunsod ng pagsakay sa hangarin ng iba na makapagtrabaho sa ibang bansa. Dagdag pa nito, ang mga dayuhang kumpanya ay nangangako ng malaking kita sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga call center at nagsilbing daan sa pagkawala ng interes ng maraming kabataan na magpatuloy sa pag-aaral dahil kahit hindi tapos ay natatanggap basta’t marunong lamang ng Ingles. Samantala, ang itinuturong ikatlong katangian ng edukasyon sa Pilipinas ay elitista. Ang ganitong senaryo ay nakatawag ng pansin lalo na sa mga estudyanteng nag-aaral sa mga paaralang pinatatakbo ng gobyerno at iyong nagmula nga sa pribado subali’t hindi naman kilala na kaipala’y nakararanas ng diskriminasyon sa panahong sila’y naghahanap ng trabaho. Sinusuri ang kalidad ng isang estudyante sa pangalan ng paaralan o unibersidad na kanyang pinanggalingan.
Ang ginagawa umanong sukatan ng maraming kumpanya ay hindi ang
karangalan o kaalamang taglay ng isang estudyante na kanyang dala-dala pagkatapos ng kanyang pag-aaral kundi kung saang unibersidad siya nagtapos. Ang edukasyon ay dapat maiukol sa pagpapaunlad sa malawak na kamalayan ukol sa lipunan at kinahihinatnan ng tao. Edukasyon ang nagdudulot ng kamulatan ukol sa pagkatao ng isang indibidwal at sa kanyang pangkasaysayang katayuan sa lipunan. Umano’y ito ang kanyang pinaka-epektibong sandata upang matupad ang pagkakapantay-pantay at pangingibabaw ng
katarungan. Edukasyon din ang kalasag laban sa kamangmangan at pagkaalipin. Ngunit nagbabago ang lipunan at kasabay nito’y ang mga puwersa ng lipunan ay hinuhubog o nagbibigay ng bagong direksyon sa mga aspektong nakapaloob sa lipunang iyan. Kung minsan, ang edukasyon ay natutuon, sapilitan man o normal, sa mga pangangailangan ng lipunan. Dahil dito, ang edukasyon kung minsa’y nagiging mapang-alipin sa halip na mapagpalaya (Tullao at Rillo, 1986). Hindi matatawaran ang papel na ginagampanan ng edukasyon sa paghubog sa katauhan at kamalayan ng isang indibidwal na nagnanais na makaagapay sa mga pagbabagong nagaganap sa lipunan at sa mundong kanyang ginagalawan sa kabuuan. Kasabay ng pagbulusok sa bansa ng penomenong hatid ng globalisasyon, naging mabilis ang pagpapalitan ng mga tao ng impormasyon, produkto, kultura at teknolohiya maging ng transportasyon na kaipala’y nagdulot ng kalituhan at kasalimuotan sa pagtingin at pagharap sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga taong kabilang sa isang lipunan. Naging lubhang napakabilis rin ng pagbabago ng mga bagay-bagay sa paligid sa halos lahat ng aspekto ng pamumuhay mapa-politika o mapa-ekonomiya man sa parehong lokal at global na senaryo. Ang ganitong realidad ang nagtutulak sa marami sa pag-iisip ng kaparaanan upang hindi mapag-iwanan sa agos ng buhay. Ang paraang ito’y nakasalalay sa kanilang panghahawak sa mga kaalamang ipinapangako ng edukasyon. Subalit kahit ang salitang ito’y mahirap nang arukin sa kanyang kahulugang pansarili bunga ng mga pwersang nagtatagisan sa iba’t ibang larangang nabanggit sa unahan.
Ang pagsusuri sa kasalukuyang sistema ng
edukasyon na namamayani sa bansa ay isang pangangailangan upang maarok ang mga problemang nagiging sanhi sa patuloy na pagbaba ng kalidad nito.
Halos nagkakaisa ang mga iskolar at iba pang mga eksperto sa iba’t ibang sektor ng lipunan sa pagsasabing bumababa ang antas ng edukasyong ibinibigay ng mga paaralan at pamantasan sa kasalukuyan. Sa ganitong kalagayan, napagtuunan ng pansin ang kurikulum na ipinapatupad sa loob ng akademya. Sa artikulong “Schools are First” ni Abad (sa Colinares at de la Rosa, 2005), binanggit niyang dapat na magkaroon ng transpormasyon ang mga paaralan upang maging mabuting institusyon sa pagtuturo at pagkatuto. Ang paaralan ay gumaganap ng malaking papel sa paghubog sa kamalayan at katauhan ng mga estudyante, nagsisilbing gabay sa pagtuklas sa katotohanan at nagkakaloob ng kasanayang maaari nilang magamit sa aktwal na buhay. Ang edukasyon ayon sa kanyang pananaw ang nagtatakda kung bigo o matagumpay ang isang lipunan. Samantala, mahirap sukatin ang lawak at bigat ng salitang quality o pagiging de-kalidad dahil maraming salik ang dapat na isaalang-alang kung papaano ito matutugunan. Nangangailangan kasi ng kasanayan at kahusayan ang tagapagpatupad ng mga tuntunin upang matamo ang pagiging de-kalidad. Maaaring mataas na kalidad sa performance ng guro, estudyante at iba pa. Ilan lamang ito sa mga obserbasyon ni Navarro sa artikulong “Toward Quality Management in Graduate Teacher Education” (sa Colinares at de la Rosa, 2005). Nilagom ni Jose (2003) ang mga kaisipang binanggit sa unahan sa pamamagitan ng pagsasabi na ang world class na pamantayan at sandigan ng ating edukasyon at buhayakademya ay maaabot sa pamamagitan ng maraming paraan—sa iskolarship, pananaliksik, malikhaing pagsulat at pambansang wika. Sa layuning matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante sa kasalukuyan, pinagiibayo ng mga nasa kinauukulan ang pagdebelop ng mga kursong makatutulong sa holistikong
pag-unlad ng estudyante sa lahat ng aspekto ng kanyang pagkatao upang makasabay siya sa mabilis na nagbabagong takbo ng lipunan at ng mundo sa kabuuan. edukasyon
Ang kurikulum ng
ay dapat na holistiko, mapagpalaya, mapag-angkop sa pagbabago, ngunit
lumilingon sa sarili at tradisyon, tumutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino at nagbibigaykapangyarihan (empowering) sa kabataang estudyante na siyang mga mamumuno sa ating bayan sa hinaharap (Espiritu, sa Constantino, 2006). Dumaan ang panahon ng mga pagbabago.
Mula sa kaalamang “hulog ng langit”
hanggang sa kaalamang siyentipiko na sinabayan ng mga eksplorasyon, pananakop, industriyalisasyon, modernisasyon at globalisasyon, umangkop ang wika, ang kultura, ang bansa.
Nabuo ang tinatawag na “mga lipunan ng kaalaman” (knowledge societies) na
nananangan sa kapangyarihan ng kaalaman sa masalimuot na lipunan (Constantino, 2003). Ang wika ay hindi lamang simpleng usapin ng pagiging tulay sa komunikasyon at pagkakaunawaan. Sa katunayan, ang maraming usapin at kontrobersiya na nagmula sa wika ay nagsanga-sanga at humabi pa ng maraming isyu at nagsasangkot rin sa maraming usapin ukol sa pagbabago. Binanggit ni Constantino (2006) na ang mismong pagbabago sa anyo ng wika ay naririyan na dulot ng mga pagbabagong panlipunan. Napansin niyang mas lalo pang dumami ang mga hiram na salita kasama na ang pagkakaroon ng mga code-switching sa pagitan ng wikang banyaga at wikang katutubo maging ang pananalasa ng dominanteng politikal, ekonomiko, kultural at intelektwal ng wikang dayuhan sa mga bansang ito na aniya’y nagdulot ng pangamba sa pagkawala ng sariling wika, kultura, identidad at pagpapahalaga sa tradisyon. Ipinahayag ni Pertierra (2004, salin) na dahil sa hindi na kayang tustusan ng pamahalaan ang lumalaking pangangailangan ng mamamayan at sa pagbulusok ng mga
kaalamang likha ng teknolohiya at pag-unlad, marami sa mga Pilipino ang ngayo’y kabilang na sa work force na nagtatrabaho sa ibang bansa. Ang kultura na ipinakilala sa atin ng mga antropolohista bilang paraan ng pamumuhay ng isang partikular na grupo ng mga tao na binubuo ng kanilang mga tradisyon, paniniwala, ideya at iba pa ay nagkaroon umano ng panibagong mukha dahil sa pagbulusok ng kulturang popular, cyberspace, diaspora at iba pa. Ang lahat ng ito’y naghatid ng mga pagbabago sa panlasa at pag-iisip ng mga tao. Ayon kay Jose (2003) sa artikulong “Wika at Globalisasyon: Kalakaran, Pagtanggi at Pag-aangkin,” na sa dapithapon ng kapitalismo, maliwanag na ang kultura ay mabisang kasangkapang ginagamit upang dominahan ang daigdig.
Aniya’y hindi maiiwasan ang
pagtanggap natin sa bagong hamon ng globalisasyon ngunit hindi kayang sagkaan ng mga pagbabagong ito ang ating boses, imahen, identidad at kamalayang Pilipino. Kahit ika nga’y lumiit ang mundo dahil sa teknolohiya, pumasok ang iba’t ibang kaisipan o pananaw sa ating bansa dahil sa patuloy na panggagahum ng wikang Ingles, pagbulusok ng kulturang populat at iba pa, hindi nito kailanman naipinid ang ating kamalayan kung sino talaga tayo at kung saan tayo nanggaling. Patuloy na ipakikipaglaban ng mga Pilipino ang kanilang kalayaan sa harap ng ganitong mga dominasyon. Patuloy pa ring magpupumiglas sa ating kamalayan ang pagmamahal sa bayan at pagpapahalaga sa kasarinlan at identidad na patuloy na binubuhay ng mga pangyayaring nag-ugat sa nakalipas. Sinusugan ni Lumbera (2003) sa artikulong “Ang Usapin ng Wika at Panitikang Filipino at ang Paglahok ng Pilipinas sa Globalisasyon” na partikular at mahigpit na nakaugat sa lipunang Pilipino ang una, tumatawid ng mga kontinente ang ikalawa at sumasaklaw sa marami’t ibaibang bansa. Kung ang lokal ay ipasasaklaw sa global, lilitaw na ang wika at panitikang katutubo
ay isa lamang sagwil sa pagsulong ng Pilipinas sa global na kalakalan. Ang nasyonalismo, na siyang batayan ng paggigiit sa pagpapayabong sa wika at panitikan, ay hindi na miminsang tinawag na “anakronismo� sa panahon ng globalisasyon na ang tunguhin daw ay ang pagtatayo ng “mundong wala nang hangganan� (borderless world). Malinaw, na ang Ingles, sa simula pa lamang ng pananakop ng Amerika, ay isang institusyon sa pagpapalaganap ng kolonyalismo (Gealogo, 2003).
Nagkaroon aniya ng
panlipunang dimensyon ang mga may kakayahan sa wikang ito sa pamamagitan ng pagtingin sa kaalamang-akademiko at tradisyong intelektwal na nasasambit sa Ingles bilang higit na katanggap-tanggap kaysa sa mga nabanggit sa lokal na wika. Nagkaroon ng pangkabuhayang dimensyon ang wika sa kadahilanang nakakawing ang tagumpay ng malayang kalakalan at ang institusyonalisasyon ng paglalapat ng lokal na ekonomiya sa kalakalang pinangungunahan ng Amerika sa wikang Ingles. Ang pansariling pagmumuni-muni o pag-iisip ay naging layunin ng edukasyon at naging mga paksa sa malawakang pananaliksik at pagsulat. Hindi na interesado ang mga edukador na makita ang mga estudyanteng nagsasaulo ng nilalaman kundi humihimok at nagtuturo sa mga ito kung paano mag-isip kasama na ang paglalahad sa mga estratehiya kung paano lulunasan ang kinakaharap na problema. Lubhang malaki na nga ang ipinagbago ng mga layunin ng edukasyon sa pamamagitan ng pinaunlad na mga kurikulum sa pagtuturo at pagkatuto. Ang pagpaloob sa prosesong ito ay hindi nagtatangi ng tao, lahi at identidad. Mas pinalalawak nito ang pang-unawa ng mga estudyante sa mga praktikal na bagay. Nagagamit ang mga kaalamang natutuhan sa aktwal na karanasan at pakikipamuhay sa sariling pamilya, komunidad, lipunan at ng mundo sa kabuuan. Natututo silang mag-isip o magdesisyon nang tumpak sang-ayon sa
hinihingi ng pagkakataon. Mas lalago ang kanilang kaalamang interpersonal at interaksyonal na siyang higit na kailangan para makasama sa laro ng mundo sa kahit na anong aspekto: sa teknolohiya, globalisasyon at maging sa interaksyon sa iba’t ibang kultura.
Hindi na rin
natatakdaan ang guro sa mga prosesong maaari niyang gamitin upang mas lalong palawakin, payabungin at paunlarin ang pagtuturo ng wika. Mahalaga kung gayon ang nagpapatuloy na pagtasa o asesment sa mga dati, bago at kasalukuyang ginagawa. Ang pagbuo ng kurikulum na umuugnay sa iba’t ibang aspekto ng disiplina o ika nga’y integratibo o multi-disiplinari ay esensyal sa patuloy na ugnayan ng mga guro at estudyante sa pagtuturo at pagkatuto ng wika. Sa gayon nagiging higit na makabuluhan ang kanilang mga interaksyon sa araw-araw na pamumuhay. Lubhang napakahaba na ng panahong nilakdaw ng ating kasaysayan magmula sa prekolonyal hanggang sa kasalukuyang panahon kung saan ang orasan ay hindi tumitigil sa paglikha ng mga pangyayaring patuloy na umuukit sa kasaysayan ng Pilipinas. Kung lilingunin ng Pilipino ang samu’t saring karahasa’t kaapihan simula nang tayo’y sakupin ng mga dayuhan-mga panahong
nagbunga ng maraming masalimuot na karanasang tuwirang nakasama at
nakabuti sa ating katauhan, hindi natin lubos maisip na tayo’y hahantong sa isang panahong ang lahat ng bagay at pangyayari sa buhay ay sasakay sa dikta ng pagbabago. Sa kasalukuyan, patuloy nating hinaharap ang lumalaking bilang ng populasyon na lalong nagpatindi sa krisis na dinaranas ng sambayanan, ang nagpapatuloy na tunggalian ng mga uri, ang pagbulusok ng iba’t ibang penomenon gaya ng globalisasyon at pag-unlad ng teknolohiya na nagsilbing mitsa sa pagbangon ng iba’t ibang organisasyon at ideolohiya upang kalabanin ang nabanggit na kasalukuyang kaayusan sa lipunan.
Binubuo ng samutsaring relasyon ang lipunang kinapapalooban natin.
Relasyong
makikita sa pakikituon ng tao sa kanyang kapwa, ang pagsunod niya sa batas ng pamahalaan, ang adaptasyon sa kanyang kapaligiran at pamumuhay sanhi at bunga ng pakikipag-ugnayan sa kapwa at mga institusyon sa lipunan.
Samakatuwid, ang nagaganap sa ating lipunan ay
inihahatid sa pamamagitan ng interaksyon ng tao sa kanyang kapwa, pamilya, institusyon, lipunan at iba pa. Ito ang panlipunang realidad ng tao. Umiikot ang buhay niya sa realidad na ito. Ang nagaganap sa ating kapaligiran at lipunan dala na rin mismo ng pakikisangkot ng tao ay tinatawag na penomenon. Ito ay naoobserbahang kaganapan na nauunawaan at nalalaman ng tao gamit ang sens-persepsyon. Kung gayon, empirikal at eksperyensyal ang naoobserbahang penomenon dahil bahagi ito ng batid na realidad ng tao. Ang panlipunang katangian ng kaalaman ay nagkakaroon lamang ng katuturan bunga ng interaksyon at interpretasyon ng tao (R. Nuncio at E. Nuncio, 2004). Nagbabago ang kapaligiran; nagkakaroon ng kamalayan ang tao sa mga lakas na nagpapagalaw sa lipunan. Ang alitan ng makabago at makaluma ay matinding gumugulo sa diwa ng tao, sumisigid hanggang lumitaw ang mga lakas na siyang mayamang sintesis o kabuuan ng mga tunay na pangyayari sa buhay. Maidadagdag na ang tunggalian sa diwa ay hindi uubrang ilarawan sa puti at itim, sapagkat ang pangyayari sa kasaysayan ay kongkreto, ibig sabihi’y nagtataglay ng maraming dimensiyon ng kahulugan at manipestasyon, kaagapay ng iba’t ibang sangkap mula sa minanang tradisyon at sa kasalukuyang karanasan (San Juan, 2004). Binigyang-diin ni Yu (sa Ferrer, 1998) na ang karunungan ay kapangyarihan kung kaya ang patuloy na pag-asa o pagkapit sa karunungang nagmumula sa sentrong kanluran ay paninikluhod sa altar ng mga diyos ng karunungan sa Estados Unidos, Britanya, Pransya at
Kanlurang Alemanya, at sa ganitong kaayusan, nanatili tayo, kasama ng marami pang nasa labas ng sentro, na tagabili at tagagamit lamang, at hindi tagalikha mismo ng karunungan.
ANG NAGBABAGONG KALAKARAN SA WIKA Ang wika ang siyang kumikilala sa identidad ng isang bansa. Hindi maitatatwa ang papel na ginagampanan nito tungo sa pagsulong ng isang bansa. Samakatuwid, malaki ang papel na ginagampanan ng wika sa ating buhay. Ngunit sadyang mabilis ang pag-inog ng mundo at halos di na natin namamalayan ang mga pagbabagong nagaganap sa ating kapaligiran. Kaalinsabay ng mga pagbabago sa panahon at kapaligiran ay umuusad at nagbabago rin ang bihis ng wika bilang isa sa mga katangian nito. Ang mga pagbabagong nagaganap ay isang patunay lamang sa katangian ng wika bilang buhay, sinasalita at lumalago sa bawat panahon. Sa kasalukuyan, patuloy na pinayayabong ang wikang pambansa maging ang mga katutubong wika sa bansa upang umangkop sa mga pagbabagong dala ng panahon. Ang mga barayting Filipino (halimbawa, barayti Filipino-Ilocano, barayti FilipinoCebuano, atbp.) ay nagpapakilala’t nag-uugnay sa atin sa mga iba pang wika sa Pilipinas, at kung gayo’y pinaglalapit-lapit tayong mga Pilipino galing sa iba’t ibang parte ng Pilipinas; kasabay ring pinauunlad ang Filipino bilang isang tunay na pambansang wika (Garcia, 2012). Sa panahong ito ng globalisasyon, ang mga modernong mamamayang Pilipino ay hindi na nananatiling naninirahan sa kanilang bayang sinilangan, kundi halos sa buong mundo ay may nakatirang Pilipino, dating Pilipino, anak ng mga Pilipino, o may lahi o dugong Pilipino. Dahil sa bilis ng pangyayaring ito, umaabot na sa 173 bansa ang naitalang may mga nakatirang Pilipino
at ang bilang nila ay umaabot na sa 11 milyon na naglalarawan ng ‘buhay ng kalungkutan, siphayo, panganib at pagtitiis’, na malayo sa inang bayan (Perdon, 2012). Sa pananaw ni Santiago (1996), ang intelekwalisasyon ay isang prosesong isinasagawa upang maitaas at maging intelekwalisado ang wika nang sa ganoon ay maging mabisa ang paggamit nito sa mga sopistikadong lawak ng karunungan. Ito’y di lamang sa paglinang ng wika bilang wika ng tahanan, wika ng lansangan at wika ng malikhaing panitikan, kundi bilang kaagapay sa gamit ng wika sa agham at teknolohiya, gayundin ang iba pang mataas na antas ng karunungan. Samantala, batay sa paglalarawan ni Papa (2006) hinggil sa globalisasyon, ito ay tumutukoy sa pandaigdigang pagtutulungan ng mga tao at pag-uuganayan ng mga bansa tungo sa mabilis na pag-unlad lalo na sa larangan ng pangangalakal, teknolohiya at agham. Sinasabing sa ganitong paraan, madaling makakasunod sa agos ng modernisasyon ang ating wika . Sa puntong ito, binigyang katuparan ang ganitong paghahangad ng Komisyon ng Wikang Filipino sa pagpapatupad ng batas hinggil sa paggamit ng bagong ortograpiya. Ito’y sa kaso ng wikang Filipino. Nabanggit ni G. Godin sa kanyang papel ang Ortograpiya sa Binisayang Sinugbuanon na binuo noon pang 1960 ng Akademiya sa Dilang Bisaya. Ayon sa Webster Dictionary ang Orthography ay mula sa wikang Latin na ortographia at sa wikang Griyego na orth- + -graphein na nangangahulugang magsulat o mag- ukit o CARVE. Ito ay tumutukoy sa sining ng pagsusulat ng mga salita na may tamang letra ayon sa pamantayang gamit (Espina et al, 2007). Ayon kay Fortunato (1995), ang ortograpiya ay paraan ng pagbibigay simbolo sa wikang pasalita sa pamamagitan ng paraang pasulat. Ito ang tinatawag nating
ispeling na ginagamit sa isang wika. Ayon pa rito, ang bawat wika ay may sariling sistema ng paglalapat ng simbolo/ letra/ titik/karakter sa mga makahulugang tunog o ponema. Kung ito ay isang sistema, sino ngayon ang nagtataguyod nito? May mga sangay ang pamahalaan at organisasyon sa bawat institusyon na nangangasiwa sa pagsasagawa ng iba’t ibang programa na nakatuon sa paglinang, pagpapayaman at pagpapalaganap ng wikang pambansa. Nariyan ang Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) at Sentro ng Wikang Filipino (SWF) sa Unibersidad ng Pilipinas. Binanggit ni Paz (1995), na kadalasan ang barayti o ang wika ng mga may kapangyarihan, mga nakakaangat sa buhay at mga gustong magpanatili ng distansya sa karaniwang tao ang nagiging standard. Dala ito ng paniniwalang may wikang likas na magaling, mahusay o maganda. Kaya nagkakaroon ng pagnanais ng isang standard na wika. Ibinigay niyang halimbawa na maraming Tagalog ang naniniwala na Tagalog-Bulacan ang maganda o puro at ugat ng lahat ng ibang dayalekto ng Tagalog. Isa pang halimbawa ay ang mga Pilipinong humahanga sa kagandahan ng Ingles at naniniwala na ito ang wikang dapat matutuhan ng lahat. Sa umiiral na estandardisasyon, hindi maikakaila na kailangan ng wika at ng mga taong gumagamit nito ng iisang pamantayan o norm sa paggamit lalo pa nga sa ortograpiya upang makatulong higit sa lahat sa akademya, publikasyon at maging sa pang- araw- araw na gamit. Sa naging punto ni Paz (1995) ukol sa pinagmumulan ng estandardisasyon, maaaring manaig ang kalakasan ng mga naghaharing uri tulad ng Ingles at Tagalog ngunit hindi rin maikakaila na tuluyan din tayong nanghihiram sa ibat- ibang katutubong wika tulad ng inilatag ni Dr. Isagani Cruz ukol sa amalgamation of languages.
Sa ganitong suliranin, dito pa rin papasok ang tungkulin ng mga guro na imulat ang mga mag- aaral sa pagbabagong ito at maging bukas sa kung anong nais na gamitin nila at hindi dapat pwersahin ng mga guro ang mga estudyante na sila ang tama. Ang dapat lamang tandaan ay maging konsistent sa paggamit nito. Ang kasalukuyang umiiral na pagbabago sa ating wika ay isang katotohanan na dapat nating harapin. Ang mabilis na pag-inog ng mundo, kaalinsabay ng mga pagbabagong nagsulputan ay pagpapatunay na daynamiko at buhay ang wika. Kung mayroon mang higit na makakaunawa at makakatanggap ng mga pagbabagong ito, ito’y walang iba kundi tayo mismong mga gumagamit ng wika. Ang pagtanggap sa katotohanang tayo ay bahagi ng pagbabago, ay marapat na maikintal sa ating isipan at tanggapin na ito’y isang pagpapatunay na umaalinsabay ang wika sa pagbabago ng panahon. Sa repormang pang-edukasyon sa kasalukuyan, napapanahon ang implementasyon ng programang K-12 kasabay ng pagpapatupad sa Mother Tongue Based-Multilingual Education. Una, para hindi mapag-iwanan ang ating bansa sa mga repormang pang-edukasyon na nagaganap sa mundo at ikalawa, upang mas mailapit natin ang mga kaalamang kailangang matutuhan ng mga mag-aaral na nasa una, ikalawa at ikatlong antas sa elementarya sa pamamagitan ng paggamit ng wikang katutubo.
KONGKLUSYON Bilang pagwawakas, nais ko lamang linawin ang aking punto ukol sa mga bagay na aking inilahad sa unahan: Una, hindi natin maiiwasan at hindi tayo makakaiwas sa pagbabago. Ang mga bagay na ito’y kusang pumapasok sa ating kamalayan dala ng mga salik na may kaugnayan sa
globalisasyon, diaspora, cyberspace at marami pang iba. Ngunit huwag nating kalimutan na may sarili na tayong kultura, wika at sibilisasyon magmula pa sa prekolonyal na panahon. Ang mga pagbabagong dala ng ating panahon ay huwag nating sagkaan. Bagkus, ay pareho nating pagyamanin. Sa kaso ng wika, hindi masama ang manghiram gaya nga ng binanggit ni G. Godin subalit kailangang magkaroon tayo ng kabatiran kung bakit tayo nanghihiram at mas bigyang preperensya ang wikang katutubo. Lahat naman ng sistema at bagong proyekto na ipinapatupad ay nagkakaroon ng depekto sa simula, may bentahe at disbentahe subalit kailangan din nating isipin na masalimuot ang ating nakalipas bunga ng napakahabang panahon na tayo’y napailalim sa gahum ng Kanluran. Ito ngayon ang simula ng pagbabago. Unti-unti nating pawiin sa ating katauhan ang mga impluwensyang dala ng pananakop. Gaya ng inyong nasasaksihan, may bentahe at disbentahe ang pagpapatupad ng K-12 subalit bigyan natin ng pagkakataon ang mga nasa kinauukulan na plantsahin ang mga bagay-bagay at itama ang mga maling paraan na naipatupad kung mayroon man. Noong kasagsagan ng pagpapatupad sa MTB-MLE, ang aking pagkaintindi ay gagamitin ang wikang katutubo o Sinugboanon bilang midyum ng pagtuturo sa mga aralin at hindi ito gagawing asignatura. Ngunit ito’y kabaligtaran ng aking pagkaunawa sa sitwasyon. Ang totoo, mahirap talaga ang naging karanasan ng mga gurong humahawak nito sa umpisa. Kung ako ang tatanungin, tingnan nalang natin ang positibong anggulo na dulot ng pagpapatupad nito. Bilang guro, magsimula tayo sa lebel ng mga estudyante. Huwag nating ipasaulo sa kanila ang gaya halimbawa ng terminong panlinggwistika gaya ng pungan (noun), pungway (adjective), pungwayon (adverb) at punglihok (verb) kundi gamitin ang Sibugbuanon
bilang midyum sa pagtuturo ng aralin. Maghanap tayo ng paraan na ang mga bagay na kumplikado ay maging simple para sa kanila. Ikalawa, dahil nga sa napakalawak ng ating kapuluan at ayon sa estadistika, lubhang napakarami ng wika at dayalektong ginagamit ng mga tao sa buong kapuluan kung kaya nararapat lamang na isulong ang tinatawag na estandardisasyon ng wika sa parehong antas na pambansa at panrehiyonal. Walang magic dito. Kailangan talaga nating dumaan sa proseso. Kung ang pagbabago ay para sa ikabubuti ng lahat, iyon ang tanggapin at pagyamanin natin. Daghang salamat.
MGA SANGGUNIAN: Abad, Florencio B. “Schools are First”. Nilo F. Colinares and Lydia P. E. de la Rosa (compiler and editor). 2005. in Philippine Education in the Third Millennium: trends, issues and challenges, concerns: keynote speeches/statements/. Northern Samar: 6Ns Enterprises. Balce, Eli. Misedukasyon. 2001. Manila: IBON Foundation. Cruz, Isagani. 2003. Bukod na Bukod. Quezon City: The University of the Philippines Press. Constantino, Pamela C. “Ang Intelektwal na Guro ng Filipino sa Panahon ng Globalisasyon.” Binasa bilang panimulang tagapagsalita sa Ikalawang Pambansang Konggreso ng SANGFIL batay sa temang “Ang Intelektwal na Guro ng Filipino sa Hamon ng Globalisasyon,” na ginanap noong Hulyo 24-25, 2003 sa Escaler Hall, Ateneo de Manila University. ______________________ (patnugot) 2006. Filipino at Pagpaplanong Pangwika. Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL. Quezon City: Sanggunian sa Filipino, UP Sentro ng Wikang Filipino, NCCA. Espina, Leticia et al. 2007. Modyul ng Komunikasyon sa Akademikong Pilipino. Manila: Mindshapers Company, Inc. Espiritu, Clemencia C. “Ang Filipino sa Ibayong Kurikulum.” Pamela C. Constantino (patnugot). 2006. in Filipino at Pagpaplanong Pangwika. Ikalawang Sourcebook ng SANGFIL. . Quezon City: Sanggunian sa Filipino, UP Sentro ng Wikang Filipino, NCCA. Fortunato, T. at Valdez M. (mga patnugot). 1995. Pulitika ng Wika. Manila: De La Salle University Press. Garcia, Fanny A. 2012. Surinaysay. Quezon City: C & E Publishing, Inc. Gealogo, Francis A. “Wika at Pambansang Pag-unlad.” Papel na binasa sa Ikawalong Pambansang Konggreso ng SANGFIL, Bulwagang Escaler, Ateneo de Manila University, Lunsod ng Maynila noong ika- 24 at 25 ng Hulyo 2003. Jose, Vivencio R. “Wika at Globalisasyon: Kalakaran, Pagtanggi at Pag-aangkin.” Binasa sa Ikawalong Pambansang Konggreso ng SANGFIL na may temang “Ang Intelektwal na Guro sa Panahon ng Globalisasyon,” Escaler Hall, Ateneo de Manila University, Hulyo 24-25, 2003. Lumbera, Bienvenido. “Ang Usapin ng Wika at Panitikang Filipino at ang Paglahok ng Pilipinas sa Globalisasyon.” Susing pananalita sa Panayam ng SANGFIL, Escaler Hall, Ateneo de Manila University, 24 Hulyo 2003.
Navarro, Rosita L. “Towards Quality Management in Graduate Teacher Education.” Nilo F. Colinares and Lydia P. E. dela Rosa (compiler and editor). 2005. in Philippine Education in the Third Millennium: trends, issues and challenges, concerns: keynote speeches/statements/. Northern Samar: 6Ns Enterprises. Nuncio, Rhoderick V. at Elizabeth Morales-Nuncio. 2004. Sangandiwa. Araling Filipino bilang Talastasang Pangkalinangan at Lapit-Pananaliksik. Manila: UST Publishing House. Papa, Nenita P. 1996. “Pinasiglang Pagtuturo ng Filipino.” In Lyceum Journal. Paz, Consuelo J. 1995. Ang Wikang Filipino: Atin Ito. Diliman: Sentro ng Wikang Filipino. Perdon, Renato. 2012. Kulturang Pilipino. Sydney, Australia: Manila Prints Australia. Pertierra, Raul. 2004. “Globalism, Culture and the Nation State.” in Philippine Studies 52 (No. 1). Quezon City: Ateneo de Manila University Press. San Juan, Epifanio J. 2004. Himagsik. Pakikibaka Tungo sa Mapagpalayang Kultura. Manila: De La Salle University Press. Santiago, Lilia Quindoza. ‘ Ang Diskursong Patriarkal sa Wika at Panitikang-Bayan. Pamela Constantino at Monico Atienza. 1996. Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan. Quezon City: The University of the Philippines Press. Tullao, T. at Rillo. 1986. Mga prinsipyo sa ekonomiks: kabuhayan at kaunlaran. Quezon City: Phoenix Pub. House. Yu, Rosario Torres. “Intelektwalisasyon ng Wikang Filipino Tungo sa Pagbuo ng Filipinong Diskursong Pangkalinangan.” Jesus E. Ferrer (pat). 1998. in Gawad Surian sa Sanaysay Gantimpalang Collantes (1992-1998). Manila: Komisyon sa Wikang Filipino.