Rebecca anonuevo ang malaong pagkalinlang sa filipino

Page 1

Ang Malaong Pagkalinlang sa Filipino REBECCA T. AÑONUEVO·WEDNESDAY, APRIL 27, 2016 (Tugon sa Panayam ni Richel G. Dorotan, “Ang Tradisyon Sa Tagay At Talinghaga,” sa Kumperensiya ng Komisyon sa Wikang Filipino ukol sa “Panitikang Sebwano At Ang Pagbuo Ng Panitikang Pambansa,” Abril 25, 2016, Cebu City) Maayong buntag sa tanan. Nagpapasalamat ako sa imbitasyong ito ng Komisyon sa Wikang Filipino bilang reactor sa ating tagapagsalita. Pamilyar ako sa pangalan ni Richel G. Dorotan, dahil lubhang palangga siya ng kaibigan kong si John Iremil Teodoro, na itinuturing ang sarili bilang kataw at anak ng dagat at di lang may buntot, kundi maraming dila (si Iremil ay marunong sa Hiligaynon, Kinaray-a, Filipino, at Ingles, at ngayon ay inaaral pa ang Sebwano). Nais kong batiin ang mas kilala ninyong si Omar Khalid, gayundin ang imprentang Saniata Publications, na naglathala ng kaniyang koleksiyon ng mga sugilanon, Kining Inalisngaw sa Akong Tutunlan. May isa pang imprenta, ang Kasingkasing Press, na tulad ng Ateneo de Naga University Press ay nagpaparamdam at nagpapatunay na buháy at magilas ang mga panitikan mulang rehiyon. Si Iremil ang mas karapat-dapat na nakatayo dito ngayon, pero blessing in disguise kahit ang pagiging second choice. Para sa akin—dahil narinig ko si Richel nang tuwiran at walang ligoy at pagkaligaw mula sa kaniyang panulat. Kung hindi ko siya nabasa ngayon ay makikisuyo lang ako kay Iremil na paulit-ulit ang paghanga sa kaniya bilang mangingibig (sa kaniyang hulagway). Pero mangingibig at makata ang ating tagapagsalita, at ito ang pinatunayan ng kaniyang panayam. Sa panayam ay narinig ko sa unang pagkakataon ang makata, Sugbuanon, at Filipino, bagamat atubili siya sa pagtawag sa sarili bilang Filipino. Ganito marahil ang ating mga ninuno, ang ating mga bayani, na nagmula sa iba’t ibang pulô, at nagkagulatan, marahil ay nagpasiklaban, nagtunggalian, bago nila nakilala ang mga sarili na magkakapatid, mag-ulutod mula sa iisang iloy. Sa huling bilang ng Philippine Islands Measurements Project ay may 7,641 nang nakatalang pulô, na dagdag na 534 pulô sa nalalaman natin sa karaniwan. Hindi tayo katulad ng mga kapitbahay nating mga bansa sa Timog Silangan na malalakbay sa lupa at naliligid ng lupa. Nahahati tayo ng dagat, kaya’t hindi katakataka na marami tayong wika, may magkakaibang kultura sa magkabilang dulo,


may mga kani-kaniyang paniniwala at mga kinaugalian, samantalang hindi maiwawaglit hanggang ngayon ang trauma o hagupit ng pananakop ng makapangyarihang mga bansa tulad ng Espanya at Estados Unidos. Pero maaari rin nating isaalang-alang—hindi ang paghahati sa atin ng tubig, kundi ang pangangailangang makainom nito at dito, magbigayan, magsalo-salo sa kaniyang biyaya. Walang maiguguhit ang tubig maliban sa malinaw na pag-aaring dapat na tawaging “West Philippine Sea” ayon sa utos ng Pangulong Benigno Simeon Aquino III mula pa noong Setyembre 2012 partikular sa naatasang National Mapping and Resource Information Agency na naglalabas ng opisyal na mapa ng bansa. Sa ating mamamayan bilang bahagi ng saklaw nito, ang tubig ay hindi mas matimbang sa isang pook samantalang kakaunti sa iba. Ang tubig ay para sa lahat ng mamamayan ng bansa. Ang hindi natin pagsasalo-salo at pagbibigayan sa tubig ang nagdudulot ng ating pagkalunod dito, o sa mas malala, ng pagkalason. Kaya nga maigting ang suporta sa isang kandidato kahit pa anong masamang salita ang ibulalas niya sa publiko— malamang ay dahil sa frustration sa imbalance at pagkabigo ng mamamayan ng Visayas at Mindanao na maramdaman ang kaunlaran sa buhay, ang ginhawa sa matagal na panahon ng pagkaimpit ng hininga dahil sa kahirapan, sakit, kamangmangan, at digmaan. Kababalita lang ng pagpugot sa ulo ng isang Canadian hostage ng mga Abu Sayyaf, at ang sagot ni Aquino ay ipatupad ang “full force of the law” na para bang mapupulbos nang ganoon lang ang mga kaaway. Ang totoo ay parang bangaw na pabalik-balik ang mga armado: Namimintog dahil marami ang nagugutom at nauuhaw sa pantay na pagkandili at katarungang inaasahan mula sa maykapangyarihan. Paanong nagmamartsa at nagkagulo ang mga magsasaka sa Kidapawan ay hindi nalalaman ng Pangulo dahil nakakulong sa kuwarto at maysakit daw? Paanong hanggang ngayon ay masangsang na palengke ng namimili at nagbebenta ng boto ang eleksiyon? Paanong nakaamba muli ang pagbabalik sa kapangyarihan ng anak ng isang diktador? Ang halimaw na kinatatakutan ng kinabukasan ay hindi nangyari sa isang iglap, kundi bunsod ng kasaysayan ng kapabayaan at kawalang-malasakit ng bawat nakaupo at may katungkulan. Mula Malacañang hanggang Kongreso hanggang barangay. At hindi malinis kahit ang mga institusyon ng mga relihiyon at mga eskuwelahan.


Ang mga tanong ni Richel kung gayon ay may pinaghuhugutan: Sa anong wika natin susulatin at babasahin ang Panitikang Pambansa? Ano ang “pambansa�? Sino ang nagsasabalikat sa pagbuo ng adhikain ng pambansang panitikan at kaninong pamantayan ang nasusunod? Mas maliit ba ang rehiyonal sa panitikang pambansa? Hindi ba itinutulak ng bansag na pambansa ang mga akda mulang rehiyon tungo sa malaon pang gilid at laylayan? Dinig na dinig natin ang himutok sa mga tanong. Sa isa ngang narinig kong manunulat mulang rehiyon ay hindi lang himutok, kundi poot at pang-uusig at ligalig na buburahin ng pambansa, at ng wikang Filipino ang mga wika ng mga rehiyon, at ng mga katutubong pangkat. Hanggang ngayon ay hindi maniwala ang ayaw maniwala na ang Filipino ay hindi Tagalog, ngunit nakapaloob ang Tagalog sa Filipino, tulad ng pagkakapaloob halimbawa ng Sebwano, Ilokano, Kapampangan, Hiligaynon, Kinaray-a, at marami pa nating mga wika, pati ang Ingles at Espanyol, Tsino, Pranses, Arabo atbp nakaimpluwensiya sa atin. Nauunawaan ko ang mga tanong dahil minsan ay may kahawig din akong tanong. Kung hindi pumapaksa sa politika at pagsusulong ng pambansang demokratikong lunggati, nagkukulang ba ang isang akda para maituring na panitikan ng bansa, i.e. panitikang Filipino? May isang panahon kasi na ang nalagay sa mga antolohiya ay pawang mga akdang may kinalaman o pakialam sa mga pangyayari sa lipunan. Karahasan ng militar at pulis, panggagahasa sa Inang Bayan at sa kababaihan, pag-aalsa ng mga kabataan at ng mamamayan sa pangkalahatan. Paano na ang mga akdang tahimik na nananalangin, malamang ay pumapaksa pa nga sa libog o pag-ibig, ngunit di bumabanggit sa anumang tahas na pakikibaka ng karaniwang mamamayan, at sa halip, ng karaniwang nilalang? Marami pang tanong kung tutuusin, at narinig ko ang mga iyon sa isang panayam ni Prop. Delfin Tolentino, iginagalang na guro ng maraming guro at mga estudyante, at matagal nang nananahan sa Baguio City, bagamat nagkamalay at lumaki sa Bulacan. Ilokano na ba siya o nananatiling Tagalog? Dala ba ng manunulat ang pook o dinadala ng pook ang manunulat? Nakapag-asawa ako ng isang taga-Pilar, Capiz, at may mga sinusulat akong tula na nilalahukan ng Hiligaynon—rehiyonal ba ako o pambansa? Pareho ba o may kaibahan ang rehiyonal na panitikan/panitikang pangrehiyon, sa panitikan mulang rehiyon? Nawawala ba ang rehiyon kapag nangibang-lupa ang manunulat, o nangibang bansa? May nostalgia ako para kina Adonis Durado, Myke Obenieta, at Corazon Almerino, dahil una ko silang narinig sa Iligan National Writers


Conference noong 1997 at sa Young Writers Conference sa Bohol noong 2002—halos yumugyog ang conference hall sa pakikinig sa kanilang mga balak. Malakas ang halakhakan pero may impit na pait sa imahen ng plato ng pansit na inihagis ng isang ama sa asawa at nasaksihan ng anak. O ng isang aswang na nagdarasal at humihingi ng patawad sa Diyos dahil nahahati siya sa gabi at natutulog sa araw. Bigla’y nabuksan ang mga bintana ng maliit kong mundo ng Tagalog. Halong hiya at hanga ang pakikipagdaop-palad sa kanila. Ang alam ko’y nakabase silang lahat ngayon sa ibang bansa. Sebwano/Cebuano ba sila, Sebwano/Cebuano pa ba sila, hindi Filipino, hindi na Filipino, o hindi kailanman Filipino? At hindi ko pa nabanggit ang tanong, paano ang nasa rehiyon na tigas sa pagtangging sumulat tungkol sa rehiyon? Binanggit ni Prop. Del Tolentino bilang halimbawa si Frank Cimatu, batikang journalist at makata, na ang hininga ay kakabit ng mga numinipis na pino sa Baguio City pero sumusumpang hindi niya isusulat ang isinusulat ng mga dumadayo sa Baguio. Doon siya sa sikmura ng Baguio, sa likaw at dilim at sulok, na hindi mang-aakit sa sinumang dayo. Hindi dayo ang makata ng Baguio. Kung tutuusin, singhalaga ng piso sa sandaan ang bawat rehiyon sa pambansa. Hindi mabubuo ang sandaan kung may kulang na piso; hindi mabubuo ang pambansa kung wala ang rehiyon. At huwag nating maliitin ang piso pagkat naroon ang mukha ni Rizal. Samakatwid ay hindi mabubura ng Filipino ang mga katutubong wika at ang bawat wika ng mga rehiyon hangga’t nagsusulat ang kaniyang mga anak, at binibigkas at pinararangalan ang kanilang wika. Hindi papatayin ng Filipino, at lalo pa ng Tagalog na isa lamang sa mga wika, ang mga wika ng rehiyon at mga katutubong komunidad hanggang ginagamit ito sa parehong pabigkas at pasulat. Nabitin ako sa pagbanggit ni Richel kay Noy Tiago, at ibig ko siyang marinig, ang mga tula na narinig ng kaniyang kababayan at isang henerasyon ng mga kabataan. Ano ang tulang hindi mapagkit sa kaniyang gunita bilang anak ng Ban-aw? Ano ang malimit na talinghaga o bukambibig ni Noy Tiago? Bakit nakasusugat? Paano siyang nagsalita sa kaniyang kababayan bilang isang makata, bukod sa pagtungga sa tuba? Ano-ano ang anyo ng kaniyang balak? Ano ang kaniyang balak na nakalasing o nakalango sa tagapakinig? Sino ang kaniyang nakatunggali kung mayroon man? Bakit siya pinakinggan ng karaniwang mamamayan? Dito pumapasok ang pangangailangan na maisulat ang mga manunulat ng ating mga wika, bago sila pumanaw.


Ang ginagawa ni Richel Dorotan at ng mga manunulat sa kanilang bayan ay kailangang magpatuloy. May kirot na dating sa akin na marinig ang katotohanan sa isang kapuwa makata na walang bansa, walang gobyerno, dahil literal na hindi nila nakikita kahit ang mga lokal na namumuno, na di man lang maligaw sa liblib pagkatapos mahalal sa puwesto. Hindi sila nakikita ng pambansang liderato. Samantala’y nakaliligalig din ang pagbanggit bilang kasunod na buntonghininga na pinipili ng makata ang hardin kaysa gubat. Doon sa pamilyar, komportable, ligtas. Ngunit may panahon kumbaga ang pagbabalikwas—ang paghahanap sa mapanganib dahil hindi pamilyar. Ang Ban-aw ni Richel ay ang aking dating Pasig, na nakagisnan kong parte ng lalawigan ng Rizal, ngunit ngayon ay isa nang malaking siyudad at sentro ng komersiyalismo sa Maynila. Maunlad sa maraming bagay, ngunit maaari ring kapos sa kaluluwa dahil kinakain ng kita ang kaluluwa. Kung noon ay sari-sari store ang lunan ng pagpapalipas-oras ng matatanda sa nayon, ngayon ay dambuhalang mga mall, kaliwa’t kanan. Hindi ito malalaman ng mga taga-Ban-aw dahil hindi naaabot ng serbisyo publiko ang kanilang lugar. Isang malaking hiwaga pa nga na may sumusulpot na makata sa gitna ng karalitaan. At lalong malaking hiwaga na nabubuo ang mga grupo tulad ng Kamagas (Kapunongan Sa Mga Magsusulat Sa Amihanang Sugbo) at Ludabi (Lubas Sa Dagang Bisaya); at sa Maynila, ang grupo ng mga makata tulad ng sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo) bilang patunay na hindi nag-iisa ang makata sa kaniyang bayan, sa kabila ng karalitaan at ng pagpapabaya ng pamahalaan. Sa dami ng puwedeng gawin sa ibabaw ng mundo, may mga nilalang pa ring nangangarap maging makata at ibig magsulat. Hindi ba parikala ito at sampal sa namamayaning kapitalismo sa bansa? May kaibuturan ang tao na hindi natatapatan o natutumbasan ng salapi. May gugma nga di namamatay. Hindi ang bansa sa imahinasyon ang kaaway ng mga manunulat saan man tayo nagmula. Hindi ang bansa, “nation” sa turing sa Ingles, ang sagka sa pag-usbong hindi lang ng mayamang posibilidad, kundi ng katotohanan ng sarili at marami nating sarili bilang mga mamamayan—hindi lang bilang Sugbuanon, hindi lang bilang Tagalog, kundi bilang Filipino. Halos pangangailangan ito para kay Rizal, at sa tuwing mangungulila siya sa kaniyang bayan, hindi siya nahahanggahan ng pagiging anak ng Calamba, Laguna; isa siyang Filipino habang kau-kausap ang mga bulaklak sa Heidelberg at inuutusan ang


mga ito, sa udyok ng damgo, na dalhin ng kanilang bango ang kaniyang pag-ibig pabalik sa Inang Bayan. Saka lamang malalaman ng mga bulalaklak ang pagkakapugto ng kanilang kaluluwa kapag nahugot sila nang malaon mula sa lupa. Malinaw sa akin ang hinaing ng pagkakasantabi. Kahit ang parikala sa pagsasalita sa Filipino gayong ang kumperensiya ay hinggil sa Panitikang Sebwano. Pero mas malala ang danas ko minsan nang makadalo ako sa isang pambansang kumperensiya ng mga guro tungkol sa MTB-MLE (Mother Tongue Based, Multi-lingual Education) na KWF din ang isponsor (bago naging punong komisyoner si G. Virgilio S. Almario) katulong ang Kagawaran ng Edukasyon: Lahat ng nagsalita sa entablado ay nagsalita sa Ingles. Ang maliit na espasyo natin sa mapa ng mundo ay binubuo ng mahigit pitong libong pulo, magkakaiba ng wika at kultura, danas ng pagkasakop at pakikipaghamok sa mananakop. Pero hindi tayo-tayo ang magkaaway kung makikinig tayo sa mga ninuno at bayani: Hindi lang bugtong at salawikain at lumang awit ang nasa ating kaban at dating pinagsasaluhan, may mga epiko tayo na ipinamana ng ating matatanda, pero hindi nababasa ng marami. O hindi na nabibigkas at napakikinggan. Bilang mga manunulat ay nagtatalâ tayo at nagtatanda, hindi lang ng himutok kundi ng pakikipagbuno at pagtatagumpay sa mga himutok. Ibig kong mabasa ang mga manunulat na Sugbuanon pero hindi sa saling Ingles. Ang hamon ay mag-aral ako ng Sugbuanon, o may Sugbuanon na magsalin sa kanila sa Filipino. Ito ang halaga ng Filipino bilang pangalan ng mamamayan ng bansa sa pangkalahatan at bilang wika bilang tubig na pagdudukalan natin ng dunong at karanasan. Wala nga bang politika ang pagsulat o maiiwasan ba ang politika sa pagsulat? Dahil tinatanong ito ni Richel, o tinatanggihan ay lalo akong naninindigan na likas ang politika sa salita at sa ating mga wika, lalo pa sa paggamit ng wika sa panitikan. Bakit ka nagsusulat? Bakit ka nagsusulat sa Sugbuanon? Ito ay mga tanong na kailangang itanong paulit-ulit bago tayo mauwi sa mga isda sa dagat na hindi marunong lumangoy at walang karapatang maging isda. Iba-ibang klase tayo ng isda: dilis, espada, tuna, pating. May kani-kaniya tayong pantukoy sa isa’t isa pero alam natin sa kaliskis pa lang kung isda nga tayo. Sabi ng isang matandang bugtong: Isda akong gagasapsap, gagataliptip kalapad, kaya nakikipagpusag, ang kalaguyo’y apahap.


Sa bugtong ay hindi nanganganib ang maliit na isda sa malaki, o ang manipis sa malapad. Kaya nakikipagpusag—nakikipagbuno, nakikipaglaro, nakikipagharutan; kaya nalilibot nila ang tubig, o nasusuyod ang lalim ay dahil nagtutulungan at nagtitiwala sa isa’t isa. Ang Filipino bilang wika at mamamayan ang ating dagat. Hindi ito akwaryum na nakukubkob ng salamin. Ang Filipino bilang wikang umuugnay sa ating lahat ay patuloy na binubuo at pinagyayaman, at hindi ang alitan o pagkakawatak-watak ang maghahantong sa atin sa kaganapan nito. Ang Filipino bilang mamamayang nakakikilala sa sarili at mga sarili bilang magkakapatid, at hindi magkakaaway ay patuloy na umiinog. Malala ang pagkawasak na naidulot sa atin ng panahon ng pananakop ng makapangyarihang mga bansa. Nagtaksil tayo sa isa’t isa. Tumalikod sa mga unang aral ng mga bayani. Binaligtad natin ang mga pinahahalagahan. Nagpadala sa ningning at hindi sa liwanag. Hindi lamang si Ernesto Lariosa at ang mga Sugbuanon ang nagsusulat sa karimlan. Ang dilim ay nakalatag sa buong kapuluan. Hanggang ngayon. Ang karimlan ay hindi karanasang bukod-tangi sa isang rehiyon, kundi sa buong bansa na nasakop sa mahabang panahon, at hanggang ngayon ay may latak ng mga mananakop sa utak ng mga nasa kapangyarihang walang pagdangal sa panitikan, wika, at kultura ng bansa. Nasa utak ng karaniwang mamamayan na nalalansi ng madalian at paimbabaw. Nasa utak ng mamamayan na umaasa sa lider bilang tagapagligtas at tagapag-ahon sa kanilang kasawiang palad. Nasa utak ng mga nagpaplano sa edukasyon na hanggang ngayon ay nakakiling sa kanluranin, at hindi malinaw ang kuwadrong prinsipyo sa hinuhubog na identidad at kaalamang Filipino sa kabila ng pagkakaiba ng mga pinagmulang rehiyon. Sino ba sa mga kumakandidato ang may malinaw na programa sa paglinang ng kultura, ng mga sining, ng panitikan, ng mga wika, at ng Filipino bilang wikang mag-uugnay sa ating lahat? Hindi natin masususo ang mga motherhood statement at mga pangako sa panahon ng kampanya sa eleksiyon. Hindi ang Filipino ang ating kaaway. Hindi kaming Tagalog. Hindi tayo ang magkakaaway, pero ito ang masamang bunga ng mahabang panahon ng pagsakop sa atin: Ang manatili tayong nalilinlang na magkakahiwalay at kaniya-kaniya, samantalang naikintal na ng mga bayani ang tayo bilang isang kapuluan, isang arkipelago, mayaman at maunlad bago nasakop, nagpapalitang-kalakal, nagdadamayan, nagbibigayan, nagtutulungan. Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog ni Bonifacio ay dapat mabatid ng bawat Filipino. Lumalabas ang kamangha-manghang pagkakaisa sa panahon


ng krisis, pero hindi natin kailangang hintayin ang krisis at mga sakuna para magkaisa at magtulungan. Sayang ang enerhiya ng talakan ng mga manunulat na umuupak sa isa’t isa. Tayo ang inaasahan ng ating mga kababayan sa pagpapaunlad ng panitikan. Magsulat sa wika, magsalin, magsaliksik, maging kritiko ng panitikan na nasusulat sa wika, magturo gamit ang wikang kinagisnan at mag-ambag sa Filipino, bilang wika at bilang lahi. Ititindog ng sarili ang kumpiyansa sa sarili, hindi ng mahina o malakas na palakpak sa gabi ng Palanca. Kaya tayo nakatingala pa rin sa iisang watawat. May Lupang Hinirang. Ganito tayo nabubuhay at magtatagumpay sa buhay. Ganito tayo uunlad. Ganito yayaman ang dagat. Hindi ako manginginom pero tinatanggap ko ang tagay, Richel Dorotan. Para sa mga rehiyon. Para sa ating mga wika. Para sa Sugbuanon. Para kay Noy Tiago. Para sa Filipino—mamamayan, panitikan, at bansa. Ang gugma nga nawala sa kinabuhi sa tawo.


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.