2 minute read

Mga Boses sa Papel

Sa bawat pinta, hibla, at guhit, mayroong nakaukit na panawagan. Sa bawat kulay, hugis, at anyo, may boses na humihingi ng katarungan. Sa bawat kilos, indak, at tono, may palamuting mensahe ng paglaban.

Para sa bawat artista at manggagawang pangkultura, ang sining ay hindi lamang behikulo ng personal na karanasan kung hindi buháy na repleksyon ng kasanayan ng masa at ng kanilang patuloy na pakikipagtunggali sa mapang-api at mapagsamantalang lipunan. Ito ay salamin na nagbibigay-kalinawan sa mga naghahangad ng isang bagong lipunan.

Advertisement

Sa panahong nanunumbalik ang banta ng diktadura at tiranya, sumisidhi ang paglaban ng mga artista ng bayan para ilantad ang katotohanan. Tumitindi rin ang panggigipit ng estado sa kanilang kalayaan at karapatang magpahayag. Itinutulak ang maraming kabataan na buuin at pandayin ang kanilang pagkakaisa para tuluyang mapatalsik ang kalaban ng bayan. Ibig sabihin, mahalaga ang tungkulin ng mga manlilikha at manananghal sa pagkamit ng tunay na pagbabagong panlipunan at ito ay kanilang makakamit kung makikiisa sa malawak na kilusang masa.

Magmula pa noong sakupin tayo ng mga Espanyol hanggang sa diktadura ni Marcos, mahalaga ang naging papel ng mga artista sa paghubog ng pambansang kamulatan tungkol sa nasyonalismo at demokrasya.

Sa katunayan, sa buong daigdig, maraming pagbabagong panlipunan ang sinimulan ng mga dakilang kilusang kultural tulad ng Renaissance Movement at Enlightenment Period. Sa Pilipinas, ang mga akda nina Jose Rizal at Andres Bonifacio ay naging instrumento sa pagpukaw ng makabayang diwa ng mga Pilipino. Gamit ang iba’t-ibang porma ng panitikang bayan, tumagos ang mensahe ng pakikibaka at pagpapalaya sa mga pahayagan at folio na kinalauna’y nagsilang ng isang rebolusyonaryong kilusang tinawag na Katipunan. Noong panahon ng Batas Militar, maraming tula at nobela ang nailimbag, bitbit ang hangarin ng mga Pilipinong patalsikin ang isang papet, korap, at pahirap na diktadurang Marcos at kinalauna’y nag-anak ng maraming aktibista at rebolusyonaryo sa hanay ng Kabataang Makabayan.

Magmula noon hanggang ngayon, ang sining ay nagsisilbing lubid na nagbubuklod sa mga sektor at komunidad upang magkaisa sa iisang hangarin na bumuo ng lipunang walang paghihirap at kagutuman.

Magmula noon hanggang ngayon, ang sining ay nagsisilbing lubid na nagbubuklod sa mga sektor at komunidad upang magkaisa sa iisang hangarin na bumuo ng lipunang walang paghihirap at kagutuman. Sa bawat tula at dibuho ay naisasalarawan ang hinagpis ng mga magsasaka sa taga-lungsod at ang paghihirap ng manggagawa sa taga-nayon. Naikukwento ng mga dula ang paglaban sa mga kabataang nagbabangga sa mamulat sa realidad ng lipunan.

Ang sining ay hindi rin lamang para sa pagpapayabong ng indibidwal na kakayahan kundi ng kolektibong kamalayan. Ito ay behikulo ng makabagong ideya at progresibong kaisipan.

Sa ngayon, maraming artistang gumagamit ng kanilang talento at kakayahan para sa pagbabagong panlipunan. Dala-dala ng kanilang mga likhang-sining ang sentimyento ng malawak na hanay ng mamamayang uhaw na sa pagbabago. Mapa-tungkol man ‘yansa puting buhangin ng Manila Bay o sa pagpapalaya kay Joseph Scott Pemberton, bitbit nila ang mga mensahe ng taumbayang nananawagan sa pagpapatalsik kay Duterte. Ngunit mahalagang maunawaan ng mga artista at manggagawang pangkultura na mananatiling boses lamang sa mga papel ang mga akda kung hindi ito magmamateryalisa sa malawak na kilusang masa.

Mahalaga ang papel ng mga manggagawang pangkultura at artista ng bayan sa pagbabagong panlipunan ngunit hindi dapat matapos ang kanilang gampanin sa paglikha. Tungkulin nating magmulat, mag-organisa, at magpakilos nang mas marami pa nang sa gayon ay mapatalsik na natin si Duterte sa pwesto at makamit ang inaasam na tagumpay. ▼

This article is from: