2 minute read

Ang DOH at ang kanilang pagpaplantsa

Ni Rona Pizzaro

Talagang mapapahanga ka sa galing ng Department of Health. Sa wakas, nagbunga na rin ang ilang buwang pagpupunyagi’t pagsisikap nila sa pagmamanipula ng sariling datos nito at lumabas nga’ng na-flatten na raw ang curve sa Pilipinas!

Advertisement

Ayon sa anunsyo ng UP Octa Research Team, base sa datos ng DOH, mukhang pumatag nga ang COVID-19 curve dahil sa unti-unting pagbaba ng bilang ng kaso. Mula sa dating average na mahigit 4000 kaso noong Agosto, bumaba na sa 3400 ito sa pagkasimula ng Setyembre. Kaya naman, tunay nga’ng kakaiba ang COVID-19 response sa ating bansa. Nakaya nitong plantsahin ang curve kahit wala namang kongkretong solusyon-medikal ang gobyerno ngayon. Simple lang naman pala ang tugon: baguhin ang pagdadatos. Kaya naman, sabihin nating: Salamat, DOH!

Biruin mo, dahil sa bagong sistema ng pagdadatos, maikukunsiderang “recovered” case ang isang “active” case kahit mild o asymptomatic pa lang ito. Wala nang karagdagang pagtitiyak kung talaga nga bang ligtas na sa virus ang pasyente. Kahit pa man ikinakatwiran ng DOH na sumusunod lamang ito sa pamantayan ng World Health Organization, hinding-hindi ito magiging akma sa pag-aanalisa ng datos. Kaya naman, resulta nito ang biglang pagbaba ng bilang ng mga aktibong kaso at pagtaas ng recovered cases.

Bukod pa rito, napakabagal pa ng pangongolekta at pag-uulat ng datos ng DOH. Kung dati’y nag-uupdate ito nang alas sais ng hapon kadaaraw, ngayon ay ipinagpabukas na. Kwestiyonable rin ang mga kulang na mga impormasyon tulad ng address at contact numbers ng mga kaso na sana’y makakatulong sa contact tracing ng mga lokal na pamahalaan.

Salik din ang kawalan ng mass testing sa pagtatago sa tunay na kalagayan ng bansa. Sa ngayon, 34,420 katao lamang ang nasusuri arawaraw, mas mababa pa sa 3% sa buong populasyon ang na-test at wala pa ring pag-usad ang antas ng pagtaas nito. Kamakailan lamang ay ibinasura ng Korte Suprema ang mga inihaing petisyon para sa mass testing.

Paano ba natin malalaman ang aktuwal na katayuan ng Pilipinas sa laban nito sa COVID-19 kung mabagal at limitado ang pagtetest sa populasyon nito? Kung sabagay, walang mapopositibo sa sakit kung walang testing.

Talagang nakakamangha ang lantarang panloloko ng gobyernong ito. Pinamukha nilang na-flatten na ang curve sa kabila ng kawalan ng agarang aksyon sa pandemya at kanilang palpak at pahamak na mga polisiya. Dahil sa kanilang kainutilan, maraming naghihirap at nawalan ng hanapbuhay. Tapos ngayon, nanghihingi sila ng: “Salamat, Duterte”? ▼

This article is from: