3 minute read

Filipinx, Filipino, at Usapang Para Kanino

Next Article
Mga Boses sa Papel

Mga Boses sa Papel

Ni Roma Angelou Dizon

Maraming katanungan ang bumabalot sa diskurskong Filipinx at Pinxy mula sa bigkas hanggang sa gamit. Tayong mga naninirahan sa Pilipinas ay maaaring walang makitang dahilan kung bakit kinakailangan ang mga makabagong salitang ito. Sa tulong nina Maya mula sa Pilipinas at Amber mula sa US, uusisain natin ang mga neoholismong ito.

Advertisement

Pinanggalingan at Koneksyon sa LGBTQ

Maya: Noong 1990s unang ginamit ang salitang Pin@y ng ilang Filipino-American sa US na sinundan ng pagkatatag ng Pin@y Educational Partnerships sa San Francisco upang pangunahan ang laban para sa gender equity at Filipino-American identity. Mula rito, paano sumibol ang Filipinx at Pinxy?

Amber: Ang Filipinx at Pinxy ay hinalaw mula sa pormang “x” ng Latinx na unang ginamit noong 2004 ngunit nagkaroon lamang ng kabuluhan at malawakang paggamit pagkatapos ang malagim na pamamaril sa may 49 na Latinx sa Orlando, karamihan ay gay at bisexual. Katulad ng Pin@y, pinahahalagahan ng Filipinx at Pinxy ang pagkakakilanlan ng isang tao anu man ang kasarian nito.

Maya: Ano ang kahalagahan ng Filipinx at Pinxy sa mga binary (babae o lalaki) at genderqueer? Bakit madalas ay itinatali ang salita sa mga trans, agender, at miyembro ng LGBTQ?

Amber: Mahalaga rin ang Filipinx at Pinxy sa mga binary lalo na ang mga nasa ibang bansa. Makikita na mas madiin at malalim ang pagkakaugat nito sa feminist at LGBTQ movements bilang ang kanilang karanasan ay interseksyunal o nagkakatulad dulot ng ‘di pantay na pagtingin ng lipunan. Kaya sa pamamagitan ng mga neoholismo ay nagkakaroon ng representasyon at pagkakakilanlan ang mga kabilang sa minoridad.

Kaugnayan sa Wika

Maya: Ang ibig mo bang sabihin sa pagkakakilanlan ay nakapagtatatag ng plataporma ang mga Filipinx kung saan sila ay kinikilala at binibigyan ng pagkakataong makasama sa diskursong lokal at internasyunal nang hindi isinasaalang-alang ang kanilang pagkatao?

Amber: Ganoon na nga. Mahalaga ang tungkulin ng wika sa pagbuo ng pagkakakilanlan ng isang tao. Sa wika makikita ang pangunahing porma ng lipunang patriyarkal at kolonyal kaya sa wika rin nagaganap ang unang anyo ng pagbaka sa mga kaisipang humahamak sa mga walang kapangyarihan. Maya: Oo nga ano, sinasabi pa rin natin ang mga salitang, “Kababaeng tao mo pa naman…” o kaya ay “bakla” na may pangungutya. Dinadaan ng iba sa teknikalidad ng wikang Filipino ang kawastuhan ng Filipinx at Pinxy, ngunit ang mga simpleng panghalip na “siya” o “sila” ay hindi sapat para sabihing gender neutral ang Filipino.

Amber: Bukod pa riyan, Maya, ang Filipino ay dumaan sa mahabang linggwistikang proseso sa kaniyang interaksyon sa iba pang wika, dayuhan man o lokal. Masalimuot pa ang dadaanang diskurso kung wika lamang ang pag-uusapan dahil marami pa rin sa mga indigenous peoples natin ang patuloy na ibinabaon sa limot.

Kahalagahan sa Filipino Diaspora

Maya: Kaya siguro ganoon kahalaga ang Filipinx at Pinxy para sa iba dahil hinihigitan nito ang teknikalidad ng wika at patuloy na inuusisa ang kolonyal at patriyarkal na mentalidad ng mga Pilipino. Pero bakit hindi sa Pilipinas nagsimula ito?

Amber: Mataas ang kamulatan ng mga minoridad sa US. Marami sa mga migrante mula sa Asya katulad ng mga Filipino-American ang pilit pa ring nakararanas ng diskriminasyon dahil sa kanilang hybrid na identidad. Ang ibig sabihin nito ay inilalabas sila sa usapang “Amerikano”. Hindi ba’t ganoon din ang ipinapakita sa kanila ng ibang mga Pilipino?

Maya: Oo, marami sa mga bi- o multi-racial na Pilipino ang hindi mahanap ang kanilang paglulugaran sa kanilang homeland at host land. Ibig sabihin, isang paraan ulit ang Filipinx at Pinxy para isulong ang kanilang natatanging pagkakakilanlan at karanasan!

Amber: Dahil mulat ang mga nasa diaspora sa ekslusyon ng mga minoridad batay sa kasarian at lahi, masigasig nilang pinagpupugayan ang mga pagbabago sa wika at lipunan katulad na lamang ng pagkalimbag ng Filipinx at Pinxy. Isang hamon para sa mga Filipino sa Pilipinas na maintindihan ang natatanging karanasan ng mga Filipinx sa buong mundo.

Maya: Ngayon ko naiindintihan na maaari rin ipagbuklod ng mga ganitong neoholismo ang iba ibang karanasan ng mga Pilipino dahil iisa lamang ang ugat ng kahirapan at pang-aapi. Maganda na bumuo tayo ng diskurso para maintindihan ang mga ganitong bagay at sa kalauna’y makapagtatag ng alyansa kasama ang lahat ng Filipinx at Filipino. ▼

This article is from: