3 minute read
Ang Muling Pagmartsa sa Mendiola
Mga Progresibong Grupo, Nagdaos ng Malawakang Protesta para sa Pambansang Araw ng Paglaban
Sa Pambansang Araw ng mga Pesante at National Day of Defiance, narinig muli ang dumadagundong na sigaw ng mga mamamayan sa Mendiola matapos ang pitong buwan ng quarantine. Bitbit ang temang “Hukumang Magsasaka: Anakpawis ang Wawakas sa Pasismo ni Duterte,” nagkaisa ang mga lumahok para paingayin ang mga panawagan ng uring magsasaka.
Advertisement
Binubuo ng uring magsasaka ang hindi bababa sa 75% ng ating populasyon. Ngunit kahit na sila ang demokratikong mayorya, hindi gaanong nabibigyang atensyon ang kanilang mga suliranin at panawagan.
“Pahirap sa Magsasaka, Ibasura!”
Isa sa mga pangunahing panawagan ng protesta ay ang pagpapabasura sa Rice Liberalization Law. Matapos isabatas noong 2019, tinanggal nito ang limitasyon sa pag-iimport ng bigas mula sa ibang bansa.
Dahil sa pagbulwak ng mas murang imported na palay, bumaba ang presyo ng lokal na palay. Isang taon ang nakalipas, tinatayang Php 70-80 bilyon ang nawala sa kita ng mga magsasaka.
Ngayong Oktubre, sumadsad ang presyo ng palay sa Php 12 kada kilo. Imbes na pakinggan ang panawagan na itaas ang presyo ng palay para hindi malugi ang mga magsasaka, pinasinungalingan lamang ito ng Department of Agriculture bilang “disimpormasyon.”
Bukod pa rito, ayon sa isinagawang peasant situationer ng Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo, 7 kada 10 magsasaka sa Pilipinas ang walang sariling lupain. Dagdag pa niya, patuloy pa rin ang pagraratsada sa land use at crop conversion.
Ang lupang wala sa target na 1.5 milyong ektaryang plantasyon na kontrolado ng mga malalaking korporasyon, gagamitin para sa pagtatayo ng mga subdivision, mall, at special economic zones.
“Kami ay Magsasaka, Hindi Terorista!”
Isa pa sa mga pangunahing paksang tinampok sa mga talumpati, panawagan, at cultural performances ay ang AntiTerrorism Act of 2020 at ang bagong labas nitong Implementing Rules and Regulations (IRR).
Kilala ang Anti-Terror Law para sa malabong depinisyon nito ng terorismo na ayon sa Commission of Human Rights ay siyang “nagbibigay-daan para sa posibleng pang-aabuso.” Sa ilalim nito, maaaring kikilalanin bilang akto ng terorismo ang pagprotesta at adbokasiya.
Noong inilabas ang IRR, isinama na rin ang malikhain at kultural na pamamahayag bilang aktong maaaring kilalanin bilang terorismo. Bukod pa rito, pinalawak at dinagdagan ng IRR ang pamantayan para sa mga kinokonsiderang akto ng terorismo.
Ani Bong Labog ng Kilusang Mayo Uno, “Sa ngayon, sa ilalim ng bagong IRR, kahit sino ay maaaring maging terorista! Maging ang simpleng pag-awit ng ‘Bayan Ko’, maaari ka nang tawaging terorista!”
Subalit bago pa man ang pagpasa Anti-Terror Law at ang militarisadong lockdown na dulot ng pandemya, matagal nang nakararanas ng pasismo ang mga magsasaka sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Sa loob lamang ng apat na taon, 277 magsasaka ang pinaslang. Patuloy rin ang pagdami ng mga bilanggong pulitikal—sa ngayon, mahigit-kumulang 609 silang nakakulong. Ayon sa International Coalition for Human Rights in the Philippines, mayorya sa mga ito ay mga magsasaka, lider ng unyon, kritiko ng pamahalaan, at human rights defender.
At patuloy pa rin ang pamamaslang sa mga magsasaka at NDFP Peace Consultants kagaya nina Randy Echanis, Julius Garon, and Randy Malayao, na siyang lumalaban para sa agraryong reporma at industriyalisasyon.
“Hindi Namin Kayo Titigilan!”
Sa kabila ng panggigipit at pagpapatahimik ng estado sa uring magsasaka, hindi sila nagpapatinag—patuloy ang kanilang pagtindig at paglaban para sa tunay na repormang agraryo, pamamahagi ng lupa, at pagbabasura sa RLL at iba pang pahirap na polisiya.
Sa huling bahaging protesta, itinanghal ang pagsusunog ng effigy ng SAKA.
Ang naging tema ng effigy ay Lady Peasant, na siyang sumisimbolo sa lakas at bagsik ng hukumang magsasakang magpapabagsak sa rehimeng Duterte.
Habang nasusunog ang effigy, inawit ng mga dumalo ang Awit ng Tagumpay—isang taimtim na paalala na hindi titigil ang masa sa paglaban para sa pagbabago. Sa gitna ng lumalalang pasismo, ekonomiya, at pandemya, hindi sila magpapatigil hanggang sa makamit nila ang tagumpay at pagkakapantay-pantay. ▼