2 minute read

Sa Hindi Pag-ugoy ng Duyan

Elyzia Marites Castillar

Reina Mae “Ina” nasino—nitong Oktubre, naging laman ng mga balita ang pangalang ito matapos ang pagpanaw ng kanyang tatlong buwang gulang na anak na si River nang wala sa kanyang tabi buhat ng pagkakapiit niya sa kulungan.

Advertisement

Si Ina ay isang organisador ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap, o KADAMAY, sa mga komunidad ng Maynila. Siya ay naging kasapi rin ng Anakbayan at kalaunan ay naglaan ng panahon upang maglingkod sa mga maralitang lungsod sa ilalim ng Manila Urban Poor Network. Isinusulong nito ang mga kampanya ng komunidad para sa ekonomikong pag-unlad at batayang serbisyo sa mga mamamayan.

Nang maupo si Duterte sa pwesto, naging kritikal din si Ina sa paglaban sa mga paglabag nito sa mga karapatang pantao, partikular sa programa ng war on drugs kung saan primaryang target ay ang mga maralita. Ito ay isa sa mga dahilan upang siya ay arestuhin noong nakaraang taon kasama sina Ram Bautista at Alma Moran sa opisina ng Bagong Alyansang Makabayan sa Tondo, Maynila. Ikinulong ang tatlo sa paratang ng ilegal na pag-aari ng mga baril at pampasabog.

Tulad nina Ina, kinasuhan din ang higit sa 44 na aktibista sa Bacolod, Negros, at Maynila sa kaparehong dahilan. Gamit ang “kilala nang teknik” ng pulisya para ipiit ang mga aktibista sa mga gawa-gawang kaso, ang pagtatanim nila ng ebidensya ang nagiging kasangkapan upang maikulong ang mga progresibo sa sala ng pagiging kritikal sa kasalukuyang administrasyon.

Lingid sa kaalaman ni Ina na siya’y isang buwan nang nagdadalang-tao noong sila ay inaresto. Hulyo ngayong taon, habang nasa piitan, ipinanganak ni Ina si River ngunit pumanaw rin nitong Oktubre sa sakit na pneumonia.

“Iyong anak ko, namatay nang wala ako sa tabi niya dahil kinulong kami. Sinampahan kami ng gawa-gawang kaso,” ani Ina sa isang panayam sa burol ni River.

Inihiwalay agad kay Ina ang kaniyang anak isang buwan matapos niya ito ipanganak. Nitong Setyembre, humingi ng pahintulot si Ina sa korte para bantayan si River sa ospital dahil ito ay nagkasakit. Naging kritikal ang kalagayan ni River ngunit hindi pinayagan ng korte ang kaniyang nanay na siya’y makasama at maalagaan.

Matatandaan ding binabaan ang araw at muntik pang hindi maibigay ang furlough ni Ina dahil ayon sa BJMP, kulang ang kanilang police personnel na maaaring magbantay kay Ina sa burol ni River. Kabalintunaan ng nangyari noong burol at libing ng kaniyang anak kung saan napapaligiran sila ng higit 40 na pulis.

Wika ni Ina, “Walang terorista rito, walang kriminal, pero bakit ganiyan nila kami ituring?”

Hanggang ngayon, si Ina ay nakakulong at hindi pa nahahatulan ng korte. Si Ina na nakilala sa pagkakampanya at pagsusulong para sa serbisyo at karapatang dapat ay ibinibigay ng gobyerno ngunit hindi umaabot sa mga marhinalisado. Kasama ng mga progresibong grupo at ng mga tagapagtaguyod at tagapagtanggol ng karapatang pantao, patuloy na inilalaban at mas pinalalakas ang panawagan na palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal at pagbayarin ang rehimeng Duterte sa pagkawala ni baby River. ▼

This article is from: