2 minute read

Hatol ng Kabataan: Patalsikin si Duterte!

Pagpatak ng Oktubre, minarkahan ang ikasiyam na buwang pakikipagtunggali ng bansa sa COVID-19. Patuloy ang paghihikahos ng taumbayan sa gitna ng lumalalang kawalan ng trabaho at hanapbuhay at sa dumaraming bilang ng kabataang hindi na nakapag-aaral. Tumindi rin lalo ang krisis ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan na kinasasadlakan ng ating bansa kung saan makikita ang untiunting pagbitak ng oligarkiya sa mga mas maliliit na paksyon: senyales ng humihinang kapit nito sa kapangyarihan, pagsidhi ng kamay na bakal sa panunupil, at patuloy na paglakas ng pangmasang kilusan.

Iisa lang ang mahihinuha natin sa ganitong sitwasyon: hinog na ang kundisyon ng pagpapatalsik sa kasalukuyang rehimen. Dahil dito, kailangan ng masusing pagkilos para samantalahin ang kahinaan ng kaaway at tuntungan ang galit ng sambayanan.

Advertisement

Matining ang usap-usapan magmula pa noong Setyembre ang alitan sa pagitan ni Alan Peter Cayetano at Allan Velasco— representante ng dalawang magkatunggaling paksyon para sa posisyon ng House Speaker. Bagaman naunang naipangako niDuterte ang hatian ng dalawa sa termino, ibinusangsang ng isyung ito ang kawalang-kaisahan ng naghaharing-uri sa panahon na nagtutunggali ang kanilang mga personal na interes.

Kaakibat sa usaping ito ay ang pag-aagawan ng mga korap na pulitiko sa badyet ng susunod na taon. Sila ay tila mga asong naglalaway sa kaban ng bayang kanilang kakailanganin sa pagpapabango ng mga pangalan para sa paparating na eleksyong 2022. Sa kabila ng mahina at hindi epektibong pamumuno ni Duterte para agapan ang mga suliraning pinalalala ng kasalukuyang pandemya, nananatiling bansot ang kakayahang medikal ng bansa at nagpapatuloy sa pagsadsad ang ekonomiya.

Matindi ang dagok na kinahaharap ng mga mamamayan at hindi sila bingi’t bulag para hindi magalit. Ito ang dahilan kung bakit papatindi din ang paggamit sa batas para yurakan ang mga demokratikong karapatan at kalayaang sibil ng mamamayan. Ilang buwan matapos maisabatas ang Terror Law ni Duterte, nadagdagan pa ang maraming bilang ng mga aktibistang dinarahas ng kapulisan at militar sa patuloy nitong pang-aakusa bilang mga terorista.

“Hinog na ang kundisyon ng pagpapatalsik sa kasalukuyang rehimen. Dahil dito, kailangan ng masusing pagkilos para samantalahin ang kahinaan ng kaaway at tuntungan ang galit ng sambayanan.”

Sa hanay ng mga kabataan, ito ay sinelyuhan nang pormal na ideklara ang pagkapanalo ng Duterte Youth sa eleksyon noong 2019 sa kabila ng mga kontrobersya ng pagkalehitimo nito at ng kanilang mga delegado. Bagaman bitbit ang “youth” sa pangalan ng kanilang partido, sila ay walang ibang inasikaso magmula nang maupo sa kongreso kung hindi ang ipahamak ang kalagayan ng mga kabataan sa patuloy na pagdungis sa kanilang adbokasiya at paniniwala. Samantala, kimi naman ang kanilang mga bibigsa usapin ng lumalalang kalagayan ng kahirapan at kaligtasan ng masa.

Sa lahat ng mga katampalasanang ipinaranas ng rehimen sa taumbayan, malinaw ang hatol ng mamamayan at kabataan sa kanila: ito ay ang pagpapatalsik kay Duterte sa pwesto. Ang mga panggigipit at pang-aaping ito ang naghahanda sa lansangang paglulugaran ng paglaban at pagbuo ng kasaysayan. Ang natitirang elemento na lang ay ang pagpapasya ng bawat isa na tanganan ang kanilang makasaysayang papel ng muling pagpapabagsak sa isang traydor, korap, pahirap, at pasistang diktadurya. ▼

This article is from: