Pag-Asa: Ang Ilaw Ng Kinabukasan Ni: Ella A. dela Cruz at Elsabet R. Villaverde
Ang pag-asa ay ibinabahagi sa pamamagitan ng mababait na salita at maalahanin na gawa. Ang pag-asa ay ang liwanag na ibinabahagi natin sa ibang tao. Ito ang ilaw na gumagabay sa atin sa dilim. Ito ang ilaw na nagpapakita sa atin na may saysay pa ang buhay. Pinapatunayan nito na sa kabila ng mga paghihirap, may mga bagay na may katuturan sa buhay.
Isang kwento ng pag-asa ang kwento ni Officer Kevin Briggs at ni Kevin Berthia. Noong ikalabing isa ng Marso sa taong 2005, binalak ni Kevin Berthia na tumalon mula sa Golden Gate Bridge sa San Fransisco. Maaaring marami siyang dahilan at mabigat na dinadala kaya naisipan ni Berthia na magpatiwakal. Sa anumang kadahilanan, kanya nang ipinalagay ang sarili na siya ay handa na humarap sa kamatayan. Wala na siyang nakikitang pag-asa o rason upang mabuhay.
Biglaan na lang, may isang lalaking sumigaw na tila siya ay pinipigilan sa kanyang tangkang pagtalon. Nagulat si Berthia. Noong una, inakala niya na hindi siya mauunawaan ni Briggs. Ngunit, noong siya ay kausapin ni Briggs, nakuha ang kanyang loob. Pinaramdam ni Briggs na nauunawaan niya ang pinagdadaanan ni Berthia. Kung kaya naman, nagsimulang magsalita at magkwento si Berthia ng kanyang mga suliranin na akala niya ay wala nang solusyon.
Naipaliwanag ni Briggs na sa kabila ng pagdudusa, may mga bagay na may katuturan sa buhay. May ibang mga problema na madali palang malutas kung ihambing mo sa ibang suliranin. Ngunit, hindi lahat ng suliranin ay nalulutas kagaya ng gusto mong mangyari. Ang mahalaga dito ay natututo ka sa mga pinagdadaanan mo. Kahit nahihirapan ka, huwag mong hayaang ang trahedya na
magdikta ng iyong tadhana. Sa halip, ito ay mong kapulutan ng aral sa buhay. Kung minsan, may mga suliranin na kusang nalulutas sa paglipas ng panahon at tamang ugali at pag-iisip. May mga suliranin din na nalulutas kapag ginagabayan ka ng Panginoon.
Naantig ang damdamin ni Berthia sa mga salita ni Briggs. Sa loob ng animnapung minuto ng pakikipag-usap, nakumbinsi si Berthia na huwag na ituloy ang kanyang tangkang pagpapakamatay.
Nagkaroon ng liwanag ang pag-iisip ni Berthia at nagkaroon muli ng pag-asa at tiwala sa kanyang sarili at sa kanyang kapwa. Simula noon, ay naging mabuting magkaibigan ang dalawa.
Hindi lang si Berthia ang kauna-unahang taong tinulungan ni Briggs na may katulad na sitwasyon. Isa lamang siya sa daang daang tao na nakasalamuha ni Briggs na sumasailalim ng depresyon. Sa pangkalahatan, si Briggs ay tiyak na nagbibigay ng pag asa at kaliwanagan ng pagiisip sa mga taong akala nilang wala nang saysay at kabuluhan ang buhay. Binibigyan niya ng pagkakataong makapagisip-isip ang mga tao upang sila ay maniwala at umasa muli sa kagandahan ng buhay,
Napakitaan rin ng pag-asa para sa sangkatauhan sa kwentong ito ang kaugalian ni Briggs sa kanyang kapwa-tao. Marangal siya at kahanga-hanga sapagkat nagawa niyang paliwanagan ang isang taong nawalaan ng pag-asa sa mahinahon at matiyaga na pamaraan. Dahil dito, pinarangalan si Briggs ng gantimpala para sa kanyang mga pagsisikap. Noong panahon din ng seremonya, nagkita na muli sina Briggs at Berthia pagkatapos ng walong taon. Ikinagalak ni Briggs ang masasayang nangyari sa buhay ni Berthia. Siya ngayon ay masayang namumuhay sa piling ng
kanyang asawa at anak. Pagkatapos ng pagkikita, pinatuloy naman nina Briggs at Berthia ang kanilang ugnayan at pagiging kaibigan.
Dahil sa pangyayaring ito, mahalagang alalahanin na gaano man kahirap ang sitwasyon, walang ano mang bagay sa mundo na hindi nagbabago. Patuloy ang pagbabago dahil hangga't may buhay, may pag-asa. Merong pagkakataon at tamang panahon para ituwid ang mali at matuto sa pagkakamali at maituwid ang tamang landas upang mapabuti ang kahit ano mang bagay. Pagkakataon at oportunidad tulad ng paggising sa panibagong araw. Tuwing nagigising tayo sa umaga, tayo ay binayayaan ng Diyos ng oportunidad na bigyang halaga ang buhay. Kailangan nating magpunyagi, magsikap at huwag nating hayaan ang sarili na sumuko bago pa man makita ang pagbabago. Dahil kung hindi napigil ni Briggs si Berthia, hindi niya mapagtanto na sa kabila ng kanyang pagdusa, may naghihintay na liwanag ang kanyang kinabukasan. Gawing positibo ang tanawin sa buhay at ipalaganap ang pag-uugaling ito.
Ang mga taong nagpapalaganap ng pag-asa ay parang ilaw na nagbibigay liwanag sa mga taong naliligaw ng landas. Sa pamamagitan ng kanilang mga makabuluhang salita at pagiging maunawain, naibahagi niya ang pagbibigay ng pag asa sa mga taong nalugmok sa matinding suliranin. Marapat na sundin at gawing ehemplo ang pagsisikap ni Briggs na magbigay pag-asa at kabuluhan sa kapwa-tao. Sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa upang umangat ang antas ng tiwala sa Diyos at sa sarili, tayo ay naging bahagi upang ang mundo at ang mga tao ay magkaroon ng katiwasayan at mas mabuting pamumuhay.
Sa pangkalatahan, magtulungan tayo at ipalaganap ang pag-asa. Higit dito, mahalaga ang ang matinding pananampalataya at pananalig sa Poong Maykapal upang tayo ay gabayan sa ating pamumuhay.