Mga Aral ni Srila B.S. Govinda Maharaj
Ito’y serye ng mga pagtatanong at mga ibinigay na kasagutan ni Srila Bhakti Sundar Govinda DevGoswami Maharaj tungkol sa tamang paraan ng pagdarasal at pag-awit ng Sri Harinam. Kahit bago pa kayo pumailalim sa diksha [panimulang-binyag bago ibigay ang gayatri sa isang disipulo] ang dalisay at malinis na pagbigkas ng Hari-nam ay maaari pa rin ninyong paulit-ulit na usalin, kaya lamang dapat ito’y ginagawa nang walang anumang pagkakasala. Dahil sa sandaling ito’y mahaluan ng pagkakasala, ang inuusal-usal ninyo’y hindi magiging tunay na Hari-nam. Kung ganoon papaano natin malalaman kung ang pag-usal natin ay talagang malinis at walang bahid ng anumang pagkakasala? ādau śraddhā tataḥ sādhu-saṅgo (Cc, Madhya 23.14) Una, bago tayo magkaroon ng sadhu-sanga, dapat meron na tayong pananalig, sraddha. At kung ang nais ninyo’y tunay na binhi ng Hari-nam, ito’y inyong hingin sa sadhu. At dapat kapag inuusal ninyo ang binhi ng Hari-nam ito’y walang pagkakasala; na ang ibig sabihin, hindi na natin kailangan ang diksha [binyag para sa gayatri], ang purascharya [mga ritwal sa paglilinis ng mga nagawa nating pagkakasala], at iba pang pamamaraan. Ang mahalaga’y makuha natin ang Hari-nam at usalin ito ng walang anumang pagkakasala, at dapat mayroon din tayong sadhu-sanga. eka-bāra kṛṣṇa-nāme yata pāpa hare pātakīra sādhya nāhi tata pāpa kare Pinapawi din ng Krsna-nama ang ating kasalanan kahit ito’y nausal lang natin ng minsan. Deboto: Ayon sa ibinigay na halimbawa ni Srila Sanatan Goswami, sa pamamagitan ng isang bato-balani, lahat ng klaseng metal, mababang-klase man ito o hindi, ay maaaring maging ginto. Sa halimbawang ito, ginamit niya ang salitang papamaya, na ang ibig sabihin, kahit na anong klase pang metal, mababa man o mataas, tama po ba?
Ang Dalisay na Pangalan
Pahina 1