![](https://assets.isu.pub/document-structure/211130154047-df9951092f4e9020a26f8a82b71dceda/v1/0cb47fb07a1adcb66ca9a1efb62b2369.jpeg?width=720&quality=85%2C50)
1 minute read
Pamamangka
Hindi na mabilang ang mga araw na kami ay palutang-lutang sa malawak na laot na ito. Walang tigil sa pagsasagwan si tatay para kami ay makausad kahit paunti-unti. Halos hindi na matanaw ang ibang namamangkang kasama naming lumisan sa aplaya. Araw-araw, halos magkapareho lang ang mga nangyayari. Ngunit tila naiiba ang araw na ito. Malakas ang pakiramdam ni tatay na may nakaambang panganib.
“Kailangan nating ayusin ang bangka bilang paghahanda sa paparating na bagyo,” ani tatay habang tinatakpan ang mga butas sa aming bangka.
Advertisement
“Hanggang ngayon, nagtataka pa rin ako kung dinadanas din ng iba ang hinaharap nating kalbaryo araw- araw,” pagtataka ni nanay.
Napaisip ako sa kanyang sinabi. Magkapareho kaya kami ng karanasan ng mga kasama naming pumalaot noon? Marahil, iba-iba. Marahil, nakasampa na ang mga barko sa daungan. Baka ang ibang maliliit na bangka ay napasama sa mga hindi pinalad na lumubog o tumaob sa kasagsagan ng bagyo. Pwede ring ang iba ay kagaya naming sinusubukan pa ring magsagwan upang makaraos. Iyan ang walang katiyakan. Hindi pa rin mawari ninuman kung ano ang kahahantungan ng bawat isa sa pakikipagsapalarang ito. Ang tangi na lamang naming pinanghahawakan ay ang pag-asang matatapos rin itong paghihirap. Makakadaong din kami sa minimithing dalampasigan. Ngunit ang tanong, kailan? Kailan pa kaya makakarating sa pampang ang mga katulad naming ang tanging hawak ay sagwan?
- Dionessa Grace E. Galimba
![](https://assets.isu.pub/document-structure/211130154047-df9951092f4e9020a26f8a82b71dceda/v1/64b49e79c45b934611d31f479963f9c7.jpeg?width=720&quality=85%2C50)
![](https://assets.isu.pub/document-structure/211130154047-df9951092f4e9020a26f8a82b71dceda/v1/8d1ee640a0724e25e25a1f014c7369ba.jpeg?width=720&quality=85%2C50)
![](https://assets.isu.pub/document-structure/211130154047-df9951092f4e9020a26f8a82b71dceda/v1/edd35c78656e83590263c831a3947dba.jpeg?width=720&quality=85%2C50)
![](https://assets.isu.pub/document-structure/211130154047-df9951092f4e9020a26f8a82b71dceda/v1/0194a0c9128ff6a416fa5b0fa9c3fd83.jpeg?width=720&quality=85%2C50)
![](https://assets.isu.pub/document-structure/211130154047-df9951092f4e9020a26f8a82b71dceda/v1/8fcfd4bf3f64778df902d62157c1b7c1.jpeg?width=720&quality=85%2C50)
![](https://assets.isu.pub/document-structure/211130154047-df9951092f4e9020a26f8a82b71dceda/v1/8d1ee640a0724e25e25a1f014c7369ba.jpeg?width=720&quality=85%2C50)
![](https://assets.isu.pub/document-structure/211130154047-df9951092f4e9020a26f8a82b71dceda/v1/73c9c29dfc6fcb35d5676fc0c043208a.jpeg?width=720&quality=85%2C50)