1 minute read
SHOGANAI by Abie Principe
Minsan, kung iisipin natin, talagang relative and value ng numero. Sa tinapay, ang “isa” ay kakaunti, ngunit sa sakit, ang “isa” ay mabigat na. Sa tao, ang isang daan, napakarami na, pero pag langgam, konti lang yun. Ang konsepto ng numero, talagang nakakatuwa.
Advertisement
Napagmumuni-munihan ko ito, dahil sa taong 2020, eksaktong dalawampung taon na mula nung nagpunta ako sa Japan. Kapag sinabing “20 years” parang ang tagal di po ba? Pero kapag iniisip ko sa sandaling ito, parang kelan lang, bagong salta ako sa Japan. Yung dalawangpung taon, tila baga isang iglap lamang. Totoong iba iba ang halaga ng numero base sa sitwasyon.
Nung una akong dumating sa Japan, ang 200yen na inumin sa combini ay parang ang mahal-mahal. Iinom na lang ako ng green tea sa cafeteria ng unibersidad, libre pa! Pero ngayon, kapag hindi umabot ng 500 yen ang kape, mura na ito. Nakakatuwa di po ba? Naalala ko rin, nung sinama ako ng mga kaklase ko sa isang restoran, umabot ng 1000yen yun set na inorder ko, sa tingin ko ang mahal nung kinain ko, ngayon, sa mga salu-salo ng mga propesor sa unibersidad, masaya na ako kapag hindi umabot ng isang lapad ang ambagan. Madaling pag isipan ang numero kapag pera ang pinag uusapan, medyo naiiba ba kapag hindi na gaanong tangible ang kinakabitang ideya ng numero. Oras, relative perception ang konsepto na ito. Mahaba sa ibang tao ang isang oras kapag naghihintay ng balita mula sa doktor, maiksi kapag masayang kasama ang iniirog.
The relativity of time, nararamdaman talaga. 20 years in Japan, kapag narinig, wow, ang tagal na! Pero pag iniisip, ganoon na ba talaga katagal?
Usapang numero rin lang, maligayang pagbati sa Jeepney Press, sa pag limbag ng ika-100 isyu. Kung hindi nakabilib ang makakita ng isang daang langgam, aba, nakakabilib ang makapag limbag ng isang daang Jeepney Press, at ikinalulugod ko ang makasali sa makasaysayang isyu na ito. Napakaraming natutulungan, napapasaya at nabibigyang inspirasyon ng Jeepney Press, at sana magpatuloy ng mahigit pa sa isang daang isyu.
Muli, maligayang bati! At espesyal na pagbati sa driving force ng Jeepney Press, si Ginoong Dennis Sun, Happy 100th Issue! Mabuhay!