2 minute read
Moving On by Jasmin Vasquez
Japan: Isa sa mga bansang pinapangarap na marating ng karamihan
Year 1998 ng simula akongmakatungtong dito sa bansa na ang sabi nila ay napakasarap puntahan. At tulad ng marami, naging stepping stone ko din ang pagiging isang talento at maging entertainer sa isang show house Gossip Club sa Tokyo bilang isang singer. Hanggang sa tumagal at sa haba ng pinagdaanan sa buhay, pinalad din ako na mabigyan ng permanenteng visa. Dahil may magulang mga kamag-anak din naman ako na palaging andyan para sa akin kayat kahit gaano kahirap ay nakakaraos pa din.
Advertisement
Noong ako ay talento pa lamang, kay sarap ng buhay. Lahat libre. Pagkain, tirahan, pasyal dito, pasyal doon. Shopping galore, disco dito, disco doon...kahit sabihin pa nila na limited ang oras namin dahil may curfew kami sa mga apartment na tinutuluyan namin. tanging problema lang namin ay yung mabuo namin ang points na quota sa request para madagdagan ang kita namin at wag mapauwi ng wala sa oras.
Lumipas ang ilang taon, napagod na din ako sa ganyang hanapbuhay at ninais kong magkaroon ng mas maayos na trabaho bilang isang machine parts quality inspector sa isang malaking company. Dito sa Japan, basta willing kang matuto at kahit hindi ka degree holder, magagawa mo kahit anong klaseng trabaho pa iyan.
Taliwas sa buhay ko nung nag-uumpisa pa lamang ako. Ngayon ay sarili ko na ang gastos: bahay, pagkain telepono, gas, kuryente at gasolina. Idagdag mo pa ang napakamahal na taxes, nenkin at kung anu-ano pang mga kinakaltas na yan sa trabaho.
Napakihirap pala pag sarili mo na lahat ang gastos, halos wala ng matira para sa sarili mo at minsan, kailangan din pala mag double job ka kung gusto mong maka-ipon ka pa at may maipang dagdag padala para sa pamilya.
Ngunit kahit paano ay nakapagpundar naman ako ng kahit kaunti. Napag-aral ko din ang mga anak ko. Nakatapos na ng isang kolehiyo. Nakapagpatayo ng bahay. Totoong masarap mamuhay dito sa Japan kung ikaw ay masipag.
Maraming nangyari at marami din akong naging kaibigan dahil sa pagsali ko sa Utawit. Mula taong 2010 hanggang 2015 naging contestant ako, pinalad na maging tatlong beses na grandfinalist. Hindi man pinalad doon ay maraming magandang memories ang aking nakamit.
Sa pag lipas ng maraming taon, parang nag-iiba na rin ang ihip ng hangin. Naiiba na rin ang mga hilig at hanap natin upang maibsan at mabawasan ang stress sa ating buhay. Kung noon, punta sa Tokyo Disneyland, Universal Studio, etc, ang hilig kong puntahan ngayon ay iba na. Mas nais ko nang magpunta sa mga tahimik at magagandang tanawin. Hindi kailangan pa ng entrance, libre lang mamasyal at higit sa lahat ang sarap ng pakiramdam na mapuntahan mo ang magagandang kalikasan dito sa Japan.
Eto ako, hanggang ngayon, lumalaban sa hirap ng buhay. Patuloy na nilulusutan ang mga pagsubok at hamon sa buhay. Pasasaan ba at darating din ang tamang panahon na puro ginhawa naman ang aking mararanasan. Dasal at tiwala lang sa Diyos, kasama ang pagpupursigi at pag-tyaga sa lahat ng bagay.
Sabi nila, Japan daw ang sagot sa kahirapan. Maaring tama, kung ikaw ay masipag. Pero maaari ring mali, kung “Maghihintay” ka lang ng biyaya at wala kang gagawin para umangat sa buhay.
Ngunit kung iisipin mo mas magandang danasin mo muna ang puro hirap para pagdating ng tamang panahon ay puro sarap naman ang iyong danasin.
Saan man panig ng mundo tayo mapadpad dalawang bagay lamang ang susi para tayo ay magtagunpay sa buhay: “Sipag at Tiyaga.”