3 minute read
JEEPNEY PRESS #101: ISANG ARAW SA ATING BUHAY ni Jeff Plantilla
ni Jeff Plantilla
Sa isang research sa isang komunidad sa probinsiya ng Rizal nung 1976, ito ang nairecord ng sinabi ng isang tao:
Advertisement
“Ang mga tao dito sa amin mabilis tawagin kapag may bigas o pasine pero kung sa mga papulong, basag na ang kampana hindi pa dumarating.” (Children of the Lakeshore, 1976, page 161)
Hindi kaya totoo din ito sa ating mga komunidad at organisasyon dito sa Japan ngayon? Ito ang aking panimulang tanong sa mga dumalo sa isang leadership formation seminar na ginawa ng Philippine Community Coordinating Council (PCCC) nung August 31 - September 1, 2019.
Ibig kong ipaalala sa kanila na meron tayong ugali na hindi pinapansin ang mga bagay na mahalaga para sa buong komunidad. Pero kung bagay na pangsarili lamang ang pinag-uusapan – hindi pa pinatutunog ang kampana nakapila na.
“Clean-up”
Sinabi ko sa mga participants, na representatives ng iba’t-ibang komunidad sa Kansai at Okayama prefecture, na isipin ang paglilinis sa mga lugar na ito:
- Boracay
- Manila Bay
- Maynila
Anong mga bagay ang nakikita nating maganda sa mga halimbawang ito? Sa aking paningin, lumalabas na may - malinaw na pagbabago – physical change – kasi nalilinis ang lugar - magandang pagbabago – hindi basta binago – ginawang talagang magandang tingnan - pagbabago din sa isipan – “ang imposible naging posible” – nalilinis pala ang Manila bay, maibabalik pala ang Recto Avenue sa Divisoria - meron din bagong kaisipan – para sa susunod na generations ang pagpoprotekta sa kalikasan ng Boracay; sa Maynila naman may isip na maibalik ang nawalang ganda ng siyudad bilang kapitolyo ng Filipinas. Gustong maging model city ang Maynila dahil ito ay makasaysayang kapitolyo ng bansa.
Sa mga nangyaring pagbabago sa mga lugar na ito, kahit hindi pa tapos, marami na tayong ikatutuwa. Ikinatutuwa natin na ang sinabi ng gobyerno ay ipinatutupad nang tuloy-tuloy. Hindi nakikita dito ang ating pagiging ningas kugon.
Ang paglilinis ng siyudad ay naayon sa “Broken Window theory,” na kapag ang lugar ay pinabayaan at naging madumi, malamang na may mga gagawing masama sa lugar. Kaya nung nalinis ang kalye sa Divisoria at iba pang lugar, nawalan ng dahilan para mag-cutting-trip ang mga jeepney drivers. Kapag hindi masyado nagsisiksikan, maaaring makikita kaagad ang mga pickpockets at iba pang nangloloko sa kapwa.
Vision – Inspiration
Sa isang interview, sinabi ng namayapang si Gina Lopez na “What drives you moves others.” Kung buo ang iyong loob sa iyong paniniwala at gawa, makukuha mo ang puso at isip ng iba. Nakikita ito sa mga ginawa ni Gina nung siya ay buhay pa. Napakaraming tao ang sumama sa mga green projects niya.
Dahil sa karanasang ito ni Gina, maaari nating itanong ito: What should drive us so we can move others?
Ang sagot ay ito: dapat tayong magbigay ng vision of our common future sa ating komunidad o organisasyon. Ano ang gusto nating mangyari para tayong LAHAT ay magkaroon ng mabuting kalagayan sa kinabukasan?
Ang vision ay hindi lang dream kundi isang “do-able aspiration” – a practical aspiration for a better future.
Kaya kung ikaw ay isang leader sa isang komunidad o organisasyon - where would you like to bring your fellow members? - what changes are you looking for?
Ang vision para sa komunidad o organisasyon ay - hindi dapat suntok sa buwan o sobrang imposible - hindi pagyayabang o sobrang galing naman - hindi pasikatan o papogi/porma lang – medyo mababaw ang nilalaman at mukhang walang kahihinatnan.
Ang mahalaga ay ito: May magandang pagbabago ba na sinasabi ang vision na inyong iniisip?
Pagsasabi ng vision
Kahit anong ganda ng vision, kung hindi ito maiintindihan ng mga kasama sa komunidad o organisasyon, mahihirapang matupad ang vision.
Ang vision ng komunidad o organisasyon ay dapat pinag-iisipan at inaangkin ng mga miyembro. Kaya ang pagsasabi ng isang proposed vision ay hindi imposition – kundi pagbibigay sa mga miyembro ng panahon para makapag-isip at makapagpalitan ng ideya.
Dahil din dito, hindi dapat minamadali ng lider ang pagsasabi ng vision. Hinihintay
niya ang mga miyembro na makapagsabi ng kanilang naiisip sa proposed vision.
Halimbawa ng vision
Sa PCCC leadership formation seminar, may isang vision na mahalagang banggitin. Ito ay ang vision na sanayin ang mga kabataan para maging handa bilang susunod na mga lider ng komunidad o organisasyon.
Ang mga kabataan ang susunod na henerasyon. Kung gusto natin silang magpatuloy ng ating komunidad o organisasyon, sila ang dapat bigyan ng pansin at paghahanda. Sila ang kinabukasan at ang vision ay para sa kanila.
Hindi mananatiling maganda ang Boracay kung ang susunod na lider ay hindi sumasang-ayon sa bagong vision ng Boracay. Babalik ang dating gusgusin at siksikang Maynila kung ang susunod na Mayor ay walang pagtanggap sa vision na maging modelong siyudad ang Maynila. Babaho at magiging tambakan uli ng basura ang Manila Bay kung hindi nakikita ang vision ng malinis na baybayin.
Kaya, sana ay masanay tayo na kung tumataginting na ang kampana sa ating komunidad o organisasyon, tayo ay pupunta at magbabahagi ng ating kaisipan o mas magandang vision.