1 minute read
Jeepney Press / Loleng Ramos
BIGOTE ni Loleng Ramos
Kapatid, kumusta? Ano ang naisip mo ng mabasa mo ang titulo? Gwapo, genius, macho? Walrus, Chevron, Toothbrush? Salvador Dali, Chaplin, Hitler? Bigote, bigot, bigotry. Ang toothbrush style na bigote ni Hitler ay nagpa-alala sa akin ng salitang bigotry, maraming mga nangyayari sa mundo ang nagpapaliwanang ng salitang ito. Nakakabagabag.
Advertisement
Kapag hindi mo matanggap ang paniniwala ng iba, kung nagagalit ka dahil iba ang opinyon nila, minamaliit ang lahat na kakaiba sa iyo, ito ay isang bigot. Marami itong anyo. Sa Estados Unidos ngayon, kumakalat ang mga white supremacist, ang paniwala nila, mga taong mapusyaw ang kulay ng balat ang nakakataas o superyor na lahi, ang ibang kulay ay mga nakabababa. Ang “alt-right” ay walang pinagkaiba, naniniwala sila na ang kanilang katauhan bilang isang puti ay nasasabotahe dahil sa pagkakahalo ng kultura at lahi ng ibang kulay ng balat.
Ang Xenophobia naman ang takot at mababang pagtingin ng mga katutubo ng isang bansa sa mga taong iba ang kultura o lahi sa kanila. Kaya sa maraming mga refugees, migrants at asylum seekers, mga taong nilisan ang kanilang sariling bayan dahil wala silang maasahang tulong sa buhay at kaligtasan sa sarili nilang gubyerno, nakararanas pa sila ng pang-aapi o kalupitan sa kanilang mga destinasyon.
Ang “anti-Semitism” o ang paglalait o pag-uusuig sa mga Jews ay lumalaganap muli matapos ang 75 na taon matapos ang World War 2 kung saan sinasasabing 6 na milyon sa kanila ang pinaslang sa ngalan ni Hitler. Dumarami muli ang mga Neo Nazi at hindi lang sa bansang Aleman kundi sa maraming kilusan nito sa buong mundo, kung bakit malakas ang akit ng baliw na idelohiya ni Hitler sa kanila ay kadiliman lang siguro ang makakapagpaliwanag.
Sa pandemyang nangyayari ngayon sa mundo, hindi bully ang kailangan, ang kabaligtaran! Pagtanggap, pagkalinga, pamamahagi sa kapwa. Isa lang naman ang pamilya natin, di ba kapatid? Isa lang ang Lumikha, bakit kailangan pang tumingin sa kulay ng balat o sa kaibahan ng mukha at anyo. Mas maganda sigurong bigote na lang ni Charlie Chaplin ang alalahanin ko, may hatid na halakhak at katuwaan para sa buong pamilya. Alam mo ba ang movie na ‘The Great Dictator”? Si Hitler at ang iba pang mga fascist o iyong mga nasa far-right katulad ng isang diktadurang gubyerno ay ginawan lang ng katuwaan ng the great comedian na may toothbrush style na bigote.