4 minute read

Jeepney Press / Jeff Plantilla

ISANG ARAW SA ATING BUHAY ni Jeff Plantilla

Sa panahon ng COVID-19 pandemic, ang borders ng mga bansa ay nagsasara. Pinipili ang pinapapasok. Sa ilang bansa, kailangan ng certi cate ng negative result ng test para sa COVID-19. Ganun din sa Filipinas.

Advertisement

500 Taon ng Kristiyanismo

Ipinagdiriwang ng simbahan ang ika-500 anibersaryo ng pagkakaroon ng Kristiyanismo sa Filipinas sa taong 2021. Ang 500 na taon ay binilang mula 1521 na taon ng pagdating ni Ferdinand Magellan sa Visayas.

Isa sa mga naitulong ng simbahan sa mga tao sa Filipinas ay ang pagtatayo ng mga ospital, na gumagamit ng gamot at uri ng panggamot mula Espanya o Europa. Halos lahat ng mga grupo ng relihiyosong misyonero ay may kaugnayan sa pagtatayo ng ospital sa Filipinas.

Ang mga Kastilang Pransiskanong misyonero ang unang nagtayo ng European-type na mga ospital sa Japan. Itinayo ito sa Kyoto nung 1594-1595 - isa ay ang ospital Sta Ana para sa mga may Hansen disease (leprosy), at pangalawa ang ospital San Jose para sa mahihirap.

Sa Maynila, nagtayo ang mga Kastilang Pransiskanong misyonero ng ospital para sa may sakit kasama yung may Hansen disease. Nagtayo sila nung 1578, pagkarating na pagkarating nila sa Maynila, ng isang maliit na bahay para sa mga mahihirap.

Ang unang ospital ng mga Pransiskanong pari ay tinawag na Hospital de Naturales sa loob ng Intramuros na itinayo nung 1580. Ito ay pinupuntahan hindi lamang ng mga tao sa Maynilad kundi ng mga taga-ibang bansa tulad ng mga Hapones, Chinese, Thais, Cambodians, Borneans, at Africans.

Sinasabi na bago pa dumating ang mga Kastila, maraming tao na ang may sakit ng Hansen disease sa iba't-ibang lugar sa Filipinas.

Paghiwalay ng mga may Hansen disease

Sinabi din na ang mga may sakit ng Hansen disease bago dumating ang mga Kastila ay pinatitira sa mga malalayong isla na para lang sa kanila. Dahil nakakahawa ang Hansen disease, dapat ilayo ang mga may sakit ng ganito sa karamihan ng mga tao.

Nung dumating ang mga Kastilang misyonero, dala nila ang panggagamot na ginagamit sa Espanya nung 16th at 17th centuries. At sinasabi na nung mga panahong yon sa Europa, ang mga Pransiskanong pari ang may pinakamaraming ospital para sa may Hansen disease.

Nung 1630s, 150 Hapones na may Hansen disease ang ipinatapon sa Maynilad. Sinasabing ipinatapon sila sa Filipinas, malamang sa utos ni Ieyasu Tokugawa, dahil sila ay mga Kristiyano. Ito ay panahon na ipinagbabawal na ang Kristiyanismo sa Japan.

Nguni’t sa imbes na sila ay pagdirihan o itaboy, sila ay malugod na tinanggap ng Maynilad. Dinala sila sa ospital ng mga Pransiskanong pari para sa may Hansen disease at ginamot. Pinalaki ang ospital na ito, na pinangalangang Hospital de San Lazaro, para magamot ang mga Hapones. Sinuportahan din ng pamahalaang Kastila ang kanilang gastos sa pagpapagamot dahil sila ay itinuturing na mabuting Kristiyano na tinanggap ang parusang pagpapatapon sa Filipinas dahil sa kanilang paniniwala sa relihiyong Kristiyano.

Quarantine sa panahon ng pandemya

Sa ngayon, mahalaga din ang paghihiwalay sa mga infected ng COVID-19. May quarantine period pag-uwi sa Filipinas. At kung serious ang kondisyon, kailangang may special treatment sa kanila para hindi makahawa sa mga gumagamot na doctor at nurse.

Kailangan na rin ng personal borders. May social distancing at facemask (at face shield na rin) para hindi magkahawahan.

May nagsabi sa akin na sa cathedral sa Osaka, wala silang magawa kundi palabasin sa simbahan ang sinumang sumisimba sa misa na walang facemask. Ito ang alintutunin ng simbahan sa misa. Karamihan sa ayaw sumunod sa alituntunin ay mga may lahing puti. Bakit nga ba mahirap sumunod sa alintutunin ng isang institusyon na para naman sa ikabubuti ng lahat?

Mayroon din tayong mga kababayan na patuloy ang pagpa-party para sa anumang okasyon – minsan sa isang restaurant, minsan sa karaoke, minsan sa bahay.

Mahalaga ang ating mental state sa panahon ng pandemya na mahigit isang taon na ang tagal. Kaya mahalaga na meron tayong pinaglilibangan. Pero hindi dapat mawala ang pag-iingat, at ang social distancing ay mahalaga kahit pansamantala sa ating paglilibang.

Natutunan sa 500 taon ng Kristiyanismo

May mga taong hindi natutuwa sa 500 na taon ng Kristiyanismo sa Filipinas dahil sa mga bagay na nawala (tulad ng katutubong paniniwala sa relihiyon o spirituality) at sa mga abuso ng simbahan at pamahalaan nung panahon ng Kastila.

Nguni’t anong natutunan natin sa Kristiyanismo na mahalagang gamitin sa panahon ng pandemya?

Maaaring ito: huwag umasa sa milagro.

Huwag nating isipin na pipigilan kaagad ng Diyos ang paghawa ng virus sa mga tao, basta’t hihiling tayo. May nabalitang Pastor sa Amerika na nagsabi sa mga kasapi niya na hindi siya tatablan ng COVID-19 dahil sa Diyos. Hindi tumagal, na-infect siya ng COVID-19 at namatay.

At ito pa:

“Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa” – Kaya gawin ang dapat gawin.

“Ang sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan” – Kaya hangga’t may taong hindi safe sa infection, hindi rin tayo safe lahat.

Sabi nga “We Heal as One” – samasama, walang iiwanan.

Jeff Plantilla / Jeepney Press

This article is from: