1 minute read
Pundidong Bituin
from The DEMOCRAT
by The DEMOCRAT
Isang pundidong bituing nakalutang sa mga ulap. Inaasam ang pagkinang ngunit ito’y hindi mahagilap.
Habang ang lahat ay umaandap-andap, Nagmistulang anino sa gitna ng alapaap.
Advertisement
Hindi mawari ang gagawin sa pagkatalong ilang ulit dumaan. Pagpatak ng ulan na ang siyang tanging maririnig sa higaan.
Ang walang ningning sa iba’y isang kahinaan, Ngunit maaaring sa ibang mukha, siya sana’y muling pagmasdan.
Muling narinig ang pagkulog at pagkidlat.
Sa paghimbing, naalala ang natanaw sa isang aklat, Ang pagkatalo’y parte ng daang papunta sa alamat At ito’y hindi kahinaan bagkus sandata sa inaasam na pagsikat.
Isang pundidong bituing nakalutang sa mga ulap.
Maaari itong manghina at pangyayari’y hindi matanggap.
Mahati sa ilang piraso at patagong naghihirap
Ngunit hindi ka nag-iisa sa kadilimang natatanggap.
Hindi ka nag-iisa at maraming tahimik na sumusuporta.
Maaaring ang pagkinang ay malabo habang ika’ y papunta, Ngunit maaari naman na ito’ y wala pa
O kaya sa lahat na iyong kasama, ika’ y naiiba.
Iba-iba ang lokasyon at daan na tatahakin; Hindi pareho ang pagsinag sa lugar na lalakarin, Ngunit iyong tandaan na maaaring ika’ y hindi isang bituin. Bagkus isang buwan na may ibang kahaharapin.