1 minute read

Ikinukubli

“Pasensya na, ito lang ako.” Mga katagang paulit ulit sa isipan ko at mga nauusong linyahan na madalas maririnig mo sa karamihan kung minsan pa nga ay nagmimistula na ring katatawanan, sad boy o sad girl kung tawagin mga naghahangad ng pagtanggap mula sa mundong mapanghusga at patuloy na kukwestyunin ka.

Dahil d’yan, marahil ay alam mo na kung saan ito papunta.

Advertisement

Mabuti ka pa!

Ako kasi, hindi pa. Pakiramdam ko palagi akong nasa gitna, nag-iisip, nagtataka, mayroong duda at nagtatanong kung ano ba talaga?

“Anak, tanggap naman kita, pero…”

Sariwa pa rin sa’king alaala ang mga katagang sinambit ng aking Ina, “Tomboy ka ba?” “Hindi maganda tignan kung ang karelasyon mo kapwa mo rin babae.” “Baka hindi mo ako nyan mabigyan ng apo e.” “Bakit puro lalaki mga kaibigan mo?” dagdag pa ng aking kapatid. “Pwede ba ‘yon nagkaka gusto ka sa babae at lalaki?” nagtatakang tanong naman ng aking lola.

Siguro iba ang aking gawi sa kung ano ang nais nilang makita kaya’t punong-puno sila ng duda sa kung ano nga ba ang kasarian ko. Pakiramdam ko tuloy iba ako sainyo, sinubukan ko mang baguhin at pinilit na kumbinsihin ang aking sarili, wale e, ito talaga ako, ganito ako, maaring magkagusto sa kapareho at kasalungat ng kasarian ko.

Hindi mo talaga madidiktahan ang puso, e ‘no? Gusto ko man sanang subukang umibig ngunit huwag na lang kasi sa tuwing nabanggit ng nanay ko pakiramdam ko mali ako. At magiging mali sa taong iibigin ko maaaring hindi rin ako maging patas at magdulot lamang ng pagkalito.

Palaisipan din sa akin kung normal ba ito? Na sasagutin naman ng aking isipan na “pasensya ka na ah, kung ito ako.”

Mahirap nga naman kung mismong pamilya ang humusga at nagdikta sa kung ano lang dapat ako.

Ngunit sa patuloy na pagtahak ko sa mapanghusgang mundo isa rin sa aking mga napagtanto na hindi maituturing na “lang” ang kung ano ang iyong tunay na kasarian at di hamak na hindi dapat ihingi ng pasensya ang kung ano ka, na pwede kang mamuhay..., na sa bawat yugto ng buhay... sa paanong paraaan mo gusto nang hindi humihingi ng pagtanggap mula sa kahit na sino, na sa bawat yugto ng buhay mo ay mas makikila at may mga matutuklasan ka pa sa iyong sarili.

Sa palagay ko matatapos lamang ang gulo at mga katanungan sa isip ko kapag natanggap ko nang lubusan ang sariling kong kasarian. Sana’y makarating ako sa puntong hindi na ako apektado. Sa ngayon, sa mga magtatanong kung kumusta ako, ito patuloy na magkukubli sa pagitan ng kapareho at kasalungat na kasarian, magkukubli sa pagitan ng mga katanungan at pagtanggap at magkukubli sa idinidikta ng lipunan at lalong lalo na ng nanay ko. Bye bounce na’ko, ang hirap maging bading!

Kuha Ni Christian Reganit Debuho ng Pahina ni Darwin Escaro

This article is from: