2 minute read
Duyan ng Pangarap
from The DEMOCRAT
by The DEMOCRAT
Ni Jean Aquino
Malakas. Walang inaaatrasang problema. Hindi nagpapadaig sa takot. Hindi umiiyak.
Advertisement
Ang aking munting isip ay namulat sa mga katagang ito na magbibigay depinisyon sa kung ano ang ibig sabihin ng pagiging matapang. Iilan sa mga katangiang sinubukan kong taglayin at ipakita sa ibang tao sa loob ng napakahabang panahon. Sa paglipas ng mga taon ay napaniwala ko rin ang aking sarili na ako nga ay matapang.
Ngunit sa mga oras na ito ay ramdam ko na ang pagkahapo ng aking katawan pati na rin ang kapaguran ng aking isipan sa kung papaano at kung hanggang kailan ko pa kailangang maipakita ang mga katangiang ito sa iba.
Nasa kolehiyo ka na rin hindi ba? Halika. Pakinggan mo ang aking kwento tungkol sa aking paglalakbay sa pag abot ng aking pangarap bilang isang matapang na estudyante, anak, at kaibigan.
Nagsimula ang lahat sa isang pangarap. Pangarap na balang araw ay makatuntong sa entablado ng aming unibersidad at tanggapin ang karangalan na iginagawad sa mga nagsisipagtapos sa kolehiyo.
Alam kong hindi madali ngunit para sa aking pangarap ay kakayanin ko.
Ang mga unang araw ko sa kolehiyo ay puno ng bago. Bagong kaibigan, bagong kaalaman at bagong karanasan. Hindi lingid sa kaalaman ko hindi lamang ito ang matutuklasan ko bilang isang kolehiyala.
Kasabay ng mga bagong bagay na aking nalaman ay ang pag-usbong din ng mas mabibigat na responsibilidad na nakaatang sa aking balikat at kaabikat ng desisyon na magpursige sa aking pangarap ay ang pagtaas din ng mga kailangan kong maabot para sa aking sarili at pamilya. Araw-araw ay pagod ang aking katawan sa pagsasabay ng pagaaral at pagtatrabaho. Kinaya ko lamang ang ganitong sitwasyon sa loob ng dalawang taon dahil sa ikatlong taon ko sa kolehiyo ay mas kailangang mag pokus ako sa aking pag-aaral.
Ngunit iba ang naging epekto nito sa aking mga magulang. Araw-araw ay pinapaalala nila sa akin na hindi daw ito dahilan upang matigil ako sa pagtatrabaho. Malaki ang galit nila sa akin dahil imbes na ako raw ay makatulong sa gastusin ay mas lalo pa akong naging pabigat. Maging ang paliwanag ko sa pagtigil ko sa pagtatrabaho ay hindi man lamang pinakinggan.
Malumanay akong lumabas ng bahay at sa unang pagkakataon simula nang ako ay mag-aral, hinayaan ko ang aking sariling umiyak.
Inalala ko ang mga napakaraming sakripisyong kailangan kong pagdaanan upang mairaos ang pang araw-araw ng aming pamilya.
Nakatapos ako ng elementarya noon na araw-araw ay may bitbit na paninda upang may maibaon ako dahil walang maibigay ang aking mga magulang. Noong hayskul ako pakikilabada naman ang aking pinasok upang matustusan ang mga bayarin sa aming eskwelahan.
Hindi ako nagkaroon ng oras na umiyak man lamang sa aking sitwasyon dahil ang sabi ng aking nanay at tatay ay senyales ito ng pagiging mahina.
Kahit takot akong makilabada noon dahil naiiwan akong magisa sa malaking bahay ay hindi ako tumigil sa aking trabaho dahil isa lamang ang magiging interpretasyon ng aking magulang. Na mahina ako.
Kinuwestyon ko rin ang aking sarili kung matapang nga ba akong harapin ang mga dagok sa buhay o hindi lamang ako napagbigyan ng oras kahit isang beses man lamang na umayaw na sa oras na kailangan kong ipahinga ang aking sarili.
Dalawang taon na lamang at matatapos na ako sa kolehiyo at napagtanto kong hindi nga sa lahat ng oras ay kailanang maging mapatang tayo. Higit kanino pa man, tayo lamang ang nakaka alam kung hanggang saan lamang ang hangganan nito. Ang pundasyon ng pagiging matapang ay nagsisimula sa pahinga.
Pahinga sa mga bagay na alam mong hindi kinakailangang pag-aksayahan ng oras. Pahinga sa mga bagay na alam mong uubos ng lakas mo upang makamit ang iyong mga pangarap sa buhay. At higit sa lahat, pahinga sa nakakapagod at walang humpay na ekspektasyon sa atin ng mundo.
Gumalaw tayo nang hindi naaayon sa depinisyon ng matapang na sinasabi sa atin ng iba kung hindi sa matapang na paraan na angkop sa ating sarili.