
1 minute read
Best Frencil

Sa kasamaang palad, mas matagal pa kami sa ka-talking stage mo.
Advertisement
Una kaming nagkakilala sa tabi ng National Bookstore sa Waltermart, nandoon siya, bihis na bihis na dilaw – nag-iisa, naghahanap ng kasama.
(Pwes kung tutuusin, sa mga panahong iyong nag-iisa rin ako, bigla ka ba namang ipatapon sa bagong mundong nagngangalang High School, ayaw ko lang aminin, pero naghahanap din ako ng kasama.)
Pero sa kaniya, nakahanap ako ng kasangga.
Hindi ko alam na ang pagkakakilala ko sa kaniya sa NBS ay magtatagal pala hanggang sa paglisan ko ng sekondarya.
Kasangga ko siya sa lahat, sa assignment – sa exams na halos gapangin ko para maipasa, pati mga entrance exam ko sa Maynila, palagi ko siyang katabi – partida, kahit parehas na kaming nauupod dahil sa pagod at tuloy-tuloy na pasakit ng mga araling inaabot ng alas-singko ng umaga, parehas kaming hindi sumusuko.
Kahit sa dyip, sa Jollibee – kahit pati tropa ko nandoon kasama ang kanilang mga iniibig, mas pinipili ko siyang dala-dala. (Siguro nagsasawa na siya na puro Letter C ang mga letrang pinipili ko.)
Pati sa pictorial namin, pinipili kong kasama siya habang hawak-hawak ang kaniyang payatot na wangis na pinaglipasan na ng panahon, dahil kahit sa panahong nalipasan na kami ay patuloy naming ginuguhit ang mga ala-ala ng parang memorya.
Kaya habang bitbit ko ang aking diploma, sinasabi ko sa inyo – pati siya kasama ko, dahil ang best frencil ko, ang lapis ko, na animo akala mo kalahati ng tinitibok kong puso ay kapatid ko na, pwes, kaibigan ko lang – matalik na kaibigan.
Aliana Singian