4 minute read
BOYET
QUARANTINE: MGA KWENTONG NEGATIVE
JUAN SICAT
Advertisement
Hawak niya ang kamay ko habang pinipilit na makapagsalita. Dalawang gabi na s’yang nakaratay sa kama at ramdam ko na ang pagsuko sa panginginig n’ya. Maya’t-maya ang kanyang pagdilat; maya’t-maya rin ang pagpikit.
“Anak, o-okey lang... Hayaan mo na ako. P...puntahan mo... ang tita Ester mo,” garalgal na bulong ni Mama. Kahit sa boses, batid ko ang pa-ubos n’ya nang hininga. May kirot sa puso ko sa tuwing nakikita kong pilit n’yang nilalabanan ang pananakit ng katawan at lalamunan.
“Pero ma,” pagpumilit ko. “Dadalhin kita sa ospital. Ti-tyempo ako, tayo. Pangako ‘yan. Konting tiis lang.”
Tinapik n’ya nang malumanay ang pisngi ko bilang pag kontra.
“Mabuti kang anak, Boyet,” usal niya. “W-wag mo-o... mo hahayaang magaya ka...sa i-iba.” At muli siyang pumikit.
Sa pagkakataong ‘yon muli akong binalot ng pagsisisi at galit sa sarili. Sa loob ng labing-walong taon, naging matibay s’yang ina. Ngayon, nabubuhay na lang s’ya sa hiram na oras— hinahabol ang hininga. At kasalanan ko... Kasalanan ko lahat. Kung ‘di lang sana ako lumabas... ~
Napalingon ako sa gawing bintana nang may narinig akong humaharurot na motorsiklo sa labas ng bahay. Kalaunan ay sumapaw ang ingay at ilaw ng wang-wang. Habulan ata. May pulis.
Naghihihiyaw naman sa kalasingan si Papa kasama ang barkada n’yang si Nestor sa ‘di kalayuan. Natuwa siguro na may nakita silang iba bukod sa isa’t-isa, alak, at lumang gulong na may nakapintang ‘vulcanizing shop’. Simula nang nagpatupad ang munisipyo ng community quarantine dahil sa Corona na ‘yan ay dumalang na ang nagpapaayos sa kanya ng gulong. Kung susumahin, wala na talaga. Pero araw-araw pa ring naka-pwesto si Papa sa labas. ‘Di ko lang alam kung dahil ‘to sa imbitasyon ng alak o dahil gusto n’ya lang takasan ang sitwasyon sa loob ng bahay. ~
Quarter to seven ang oras sa wall clock. Uwian na nila Papa. Nakapikit pa rin si Mama. Tatlong oras na mula nang huli s’yang dumilat.’Di na rin s’ya gumagalaw. ‘Yun na pala ang huling beses na maririnig ko s’yang magsalita. Ewan ko ba pero sa mga oras na ‘yon, ‘di na ako umiyak. Siguro naubos na ang luha ko no’ng nakaraang gabi. Siguro tanggap ko na na dun talaga hahantong lahat mula nang sumuway ako sa utos. O siguro mas higit ang galit na nasa loob ko kesa sa pighati. Galit na higit pa sa sarili.
Nagtago ako sa ilalim ng kama na kinahihigaan ni Mama at sumuksok sa pinaka-gilid. Dalawang araw at dalawang gabi ko rin ‘to naging panandaliang tahanan. Walang paninibago sa pagtago. ~
May tumahol na aso, pero saglit lang. May mga yabag ng paa. Tumunog ang kadena. Dinig ko ang pag-ikot ng susi sa malaking kandado. Bumulwak ang malamig na hangin mula sa labas papasok ng bahay. Isinara ni Papa ang pinto. Inilapag n’ya ang cellphone ko sa mesa na katabi ng lababo. Paika-ika s’yang naglakad papasok sa kwarto. Lasing na lasing. Tinabihan n’ya si Mama at niyakap na parang may buhay ito. Humuni pa s’ya ng isang lumang kanta bago tuluyang humilik.
Nang masigurong tulog na si Papa, dahan-dahan akong lumabas mula sa pinagkakataguan. Pagkatayo ay sinulyapan ko si Mama sa huling pagkakataon. ‘Di ko naman maatim na tumingin kay Papa.
Lumabas ako ng bahay, dahan-dahan, tangan-tangan ang cellphone. Binasag n’ya pala. ‘Di na gumagana. Nakalimutan kong tignan ang oras bago lumabas, pero bahala na. Curfew na ata. Sana may pulis. ‘Pag nahuli nila ako, handa naman na ako sa mga mangyayari. Kakastiguhin
nila ako. Tatanungin. Magmamatigas akong umuwi ng bahay. Sasagot ako. Pero syempre, ‘di ako aasa na may makakaintindi. ‘Di ako aasa na maniniwala sila ‘pag sinabi kong dalawang araw at gabi akong tumira sa ilalim ng kama ni Mama— takot ‘di lang para sa kanya kundi para rin sa sarili.
Siguro duwag ako nang tumakas ako sa bahay dalawang gabi na ang nakararaan, habang sinasaktan ni Papa si Mama. Tanda ko hanggang ngayon ang lutong ng mga suntok at sakal ni Papa sa kanya. Sa isip ko no’n, tumatakbo ako para humingi ng tulong. Pero sinong niloko ko? Nang gabing ‘yon, walang tao sa kalsada. Walang rumorondang pulis. Walang tanod. Walang mahihingan ng tulong. May kalayuan din ang estasyon ng pulis at ospital. Ang mga nakarinig sa pangyayari, piniling maging bingi. Nakatalikod ang mundo; mahimbing ang pagtulog.
Pasimple akong bumalik ng bahay nang gabing ‘yon. T’yempo naman na ‘di naka-lock ang pinto. Nakahandusay si Papa sa kusina dala ng pagod at kalasingan. Sa kama, duguan at walang malay si Mama. Nang maramdaman kong nagigising na si Papa, agad akong nagtago sa ilalim ng kama. Masyado nang marupok ang likod n’ya para yumuko pa at mahuli ako dun. Dalawang araw akong nanatili sa ilalim para kay Mama. Kung nahuli ako, t’yak dalawa kaming paglalamayan. Sinong mag-aalaga sa kanya?
Nanatili ako sa ilalim, lalabas lang ‘pag nasa shop si Papa. Pero ‘di ako aasa na maniniwala sila. ‘Di ako aasa na ituturing nilang bayani si Mama sa pagtatanggol n’ya sa akin laban sa ama na galit sa bakla. Mas malala pa raw ako sa virus nang umamin ako sa kanila. Nagpupuyos s’ya sa galit— nandun si Mama para saluhin ‘yon. Ngayon wala na s’ya. Kailangan ba talagang may kabayaran ang paglabas? Ang pag-amin?
‘Di ako aasa na maniniwala sila. Ikulong nila ako, wala na ‘kong pakialam. Katumbas na rin ‘yon ng kalayaan.
“Nasa labas na ako, Ma.” Binagtas ko ang kalsada. Mahaba ang gabi. Sa ‘di kalayuan, ang tunog ng wang-wang.
PHOTO | KERBY P. FELICIO