
2 minute read
BULAG
QUARANTINE: MGA KWENTONG NEGATIVE
JEREMIAH NAPONE
Advertisement
Magbu-bukang-liwayway pa lamang ay tulak-tulak na ni Kano ang kariton’g puno ng kalakal at iilang sisidlan ng pagkain at tubig na layon niyang lagyan bago pa man sumikat ng husto ang araw. Sa kariton ay hindi lang nakalagay ang mga natirang gamit nila Kano mula sa sunog sa kanilang bahay kundi nakaratay rin dito ang ulyanin niyang lola. Higit kumulang limang buwan na ang nakakaraan nang mangyari ang sunog at sadyang ilang piraso lang ng sisidlan ng pagkain at tubig at kanyang lola lamang ang naisalba ni Kano sa pangyayari. Alas kwatro ng madaling-araw, naka-pwesto na si Kano sa gilid ng kalsada, hawak-hawak ang latan’g lalagyan niya ng tubig at sya ring ginagamit nya sa panglilimos. Kumikita si Kano ng humigit-kumulang 150 piso sa isang araw ng panlilimos. Nakaugalian na rin nitong manghingi ng pagkain sa karenderya sa tapat ng estasyon ng bus. Kalong ni Kano ang latan’g walang laman nang nabigla ito nang makita ang iilang taong nakatakip ang halos kalahati ng mukha. ‘Anong meron?’ tanong ng bata sa sarili nang makita ang eksena.
Pansin ni Kano na tila lumiliit ang kita nito habang dumaraan ang mga araw. Patuloy niyang nakikita ang sandamak-mak na mga taong nakatakip ang mukha. Naglakas loob siyang lumapit sa isang mama habang ang kanyang lola ay naiwan sa kariton na bahagyang namumutla.
‘Boss, anong meron?’ Tiningnan lamang siya ng mama at saka umusad nang ilang metro mula sa bata. Walang magawa ang bata kundi umalis pabalik sa kangyang lola.
Tanghali na nang sumakit ang sikmura ni Kano. Tinawag din sya ng kanyang lolan’g namumutla at sinabing, ‘Apo, gutom na’ko’. Dali-dali namang tinulak ni Kano ang kariton patungo sa karenderyang nakasanayan nyang hingan ng pagkain. Sa araw na ‘yon, sarado ang karenderya. Namalayan rin nya na halos lahat ng tindahan malapit sa pwesto niya ay hindi nagbukas. ‘Baka may mga lakad,” usal nito sa sarili.
Lumakad ng ilang kilometro si Kano mula sa pwesto at iniwan saglit ang matanda na mistulang nilalagnat. Naisipan ni Kano na bilhan ng gamot ang kanyang lolan’g namumutla habang manglilimos nalang ito ng pagkain. Pagdating sa parmasya ay nadatnan ng bata ang mahabang pila ng mga taong nakatakip ang mukha. Pumuwesto siya sa may hulihan at nag-antay.
Dapit-hapon na ng makuha ni Kano ang gamot at nabigyan rin siya ng iilang pagkain mula sa mga dumaraang pulis. Nagsimula syang maglakad mula sa kanyang pinanggalingan pa-uwi sa ulyanin nitong lola. Gabi na nang madatnan ni Kano ang lolan’g tulog sa maliit nitong kariton. ‘La, kain na. Binilhan ko din po kayo ng gamot’. Takang-taka ang bata kung bakit hindi sumasagot ang lola sa kanya. Pilit nitong ginising ang matanda hanggang sa ang mga luha ni Kano ay naguunahan na sa pagtulo. ‘La, gising na, lagnat lang yan,’ ang huling sinabi ni Kano sa kanyang lolan’g wala nang buhay.