Folio - Bagong Taon, Lumang Sistema

Page 1

Bagong Taon, Lumang Sistema


Punong Patnugutan ng The National Guilder Maica Razon

Angela Jo Niday

Editor-In-Chief

Internal Associate Editor

Sofia Beatriz Cabral

Elyjah Jann Rosales

Rodolfo Dacleson II

Rjay Castor

George Rivera

Russel Anthony Loreto

Mikko Sy

Margalo Doherty Akane Alagao

External Associate Editor

Managing Editor

News Editor

News Editor

Feature Editor

Research Editor

Literary Editor

Graphics Editor

Camille Finuliar Layout Editor

Writers: Gwyneth Patam | John Lester Pronebo | Renz Louie Galanto | Karisma Primero | Abdul Hafiz Malawani Everose Martirizar-Asidoy Ray Mark Espiritu Artists: Vincent Castillo | Christina Michaela Cambiado | Rowz Fajardo Photojournalist: Paulo Angelo Fronda


liham mula sa patnugot Sa pagpasok ng bagong taon, patuloy na haharapin ng masang anak-pawis ang lumang sistema ng pamamalakad ng kasalukuyang administrasyon. Ito ay kung saa’y nananalaytay pa rin ang ugong ng maruming hustisya, pagmamalupit ng mga naghaharing uri, at dagok sa pamumuhay ng mga mangagawa at masang pilipino. Malugod na hinahandog ng The National Guilder ang literary folio na pinamagatang “Bagong taon, Lumang sistema” na sumasalamin sa iba’t-ibang pagsubok na kinakaharap ng sambayanang Pilipino sa pamumuno ni Duterte sa ilalim ng Pandemiya—at kung paano niya mas inunang bigyan ng kapakanan ang kanyang sariling interes kaysa sa masa na kanyang nasasakupan. Sa gitna ng mga represyon, ay batid ng publikasyong ito ang hirap at delikadong kalagayan ng lahat, maging ng mga kritikal na manunulat, Gayunpaman ay naninindigan ang bawat patnugot at manunulat na kasapi ng TNG na patuloy itong maglalahad ng katotohanan para sa masa at para sa Pilipinas. Malaki ang gampanin ng Sambayanang pilipino kung bakit nanatiling matatag at determinado ang bawat kasapi ng publikasyong ito, kaya naman lubos ang aming pasasalamat sakanila. Para sa Sambayanang pilipino, Maica Razon


Mga dekada na ang nagdaan, ilang administrasyon na ang nagpasa-pasahan sa samu’t saring mga suliranin ng bansa, ngunit patuloy ang ugong ng lumang sistemang umiiral sa bawat sanghay ng pamahalaan. Paulit-ulit na paglulunsad ng mga mababaw na solusyon upang matugunan ang mga suliranin, ngunit bigo pa rin silang mapuksa ito— ito ay sa kadahilanang may mga bagay silang mas pinagtutuunan ng pansin, mga bagay na hindi naman mahalaga sa pagsugpo ng totoong problema. “Bagong taon, lumang sistema,” ang sentro ng obrang ito, ay sumasalamin sa mga walang katapusang maling pagtingin sa bawat suliranin at sa mga gawaing nakasanayan—ay binibigyang diin kung gaano kasahol ang mga pinagdaanan ng bawat Pilipino sa kamay ng mga pinuno na papet ng imperyalismo. Ang mga maling desisyon ng mga nagdaang namuno ay patuloy inaani ng masang Pilipino— partikular na sa hanay ng mga uring manggagawa, ang pamana ng mga kastila sa pekeng konsepto ng dapat ikilos ng nga kababaihan ay patuloy na nananalaytay sa bansa. Ito ay nagdudulot ng samu’t-saring pang-aabuso na naiuuwi sa mas malalang tunggalian; gayundin ang ugat ng kahirapan at inhustisya sa mga nasalaylayan—na sa hindi malamang kadahilanan ay hindi matugunan—na siyang humimok lalo sa mga mag-aaral at kabataan na makibaka tungo sa tunay na pagbabango. Ang koleksyon ng mga tula at maikling kwento na nilalaman ng literary folio na ito ay gawa ng mga mulat na kabataan mula sa The National Guilder. Nagtatalakay ang bawat kwento sa iba’t-ibang uri ng kapitalismo, macho-piyudalismo at imperyalismo. Inaasahan na pagtapos niyong basahin ang bawat tula’t kwento ay mauunawaan kung bakit hindi masusugpo ang rebolusyunaryong kilusan at kung bakit mas sila ang panigan.


talaan ng nilalaman 02

pagbasa mula sa lumang tipan

05

ang pusok ay sumapit

08

isang dosenang hawla

12

tanikalang pag-asa

14

puting bistida

15

mayan

21

pamana

23

kikiam

26

selda 1081


Dibuho ni Margalo Doherty Akane Alagao


pagbasa mula sa lumang tipan ni Gwyneth Patam nakaukit sa alaala natin ang paglikha ng mundo: kung paano unang nagkaliwanag sa gitna ng dilim bago maghari ang bughaw na langit at karagatan na babaybayin, at nagkaroon ng lupang pinalamutian ng mga halaman at puno. unti-unti, nadagdagan pa ang mga nilikha; sa mga ‘di-masungkit na pailaw sa lawak ng langit, sa mga isdang lumalangoy sa kalaliman ng dagat at mga langkay ng ibon sa luwang ng himpapawid, maging ang mga pastulin ng hayop na lumilibot hanggang sa hinulma ang unang tao na hinango mula sa alikabok ng mundo. mula sa pinakamaliit na gagambang naghahabi, sa lahat ng hayop na lumilipad, lumalangoy, at tumatakbo, hanggang sa mga punong namukadkad at hinitik sa bunga, at ang lahat ay naging payapa at napakabuti. ngunit hindi naglaon, nakalimutan gunitain ng isip na nauna ang lupa kaysa tao: unti-unti, kinamkam nila ang mundong ginagalawan; nilisan sila ng alaala na hindi maaaring angkinin ang buhay ng lupa na nananalaytay sa pulso ng mga ugat ng bawat puno at nagkunwari silang diyos ng kalupaan kaya pinasiklaban nila ang lahat ng natatanaw: inakala nila na katapusan na nang maabo ang lahat; hindi nila naisip mag-uugat ang mga kanilang binaon sa limot, na mula rito ay sisibol muli ang mga puno sa lupang ipinagkait; na ang tao ay tagapangalaga lamang ng mundong ibabaw, at kahit kailan, walang panginoon ang lupa.

2


Larawan ni Paulo Angelo Fronda

3


limos Simula noong dumating ang pandemya ay lalong lumala ang kahirapan sa bansa natin nagresulta ito sa pagkakaroon ng mataas na bilang ng mga taong nawalan ng trabaho. Kaya naman ang ilang mga Pilipino, bagama’t nahihiya ay pinasok na rin ang panghihingi sa ibang tao upang mapunan ang kanilang kumakalam na sikmura.

4


ang pusok ay sumapit ni Angela Jo at Camille Ang púsok ay sumapit Tayo ay mangagsiawit Ng magagandang himig Dahil nasa Masa ang paglaya “…thank you, thank you, ang babait ninyo thank you!” Maingay na pasigaw sa huling linya ng kanta ng mga batang nangangaroling—nakatsinelas, medyo gusot na mga kamiseta, at naka-santang sumbrero— sa labas ng prestihiyosong mansyon ni Isagani Rua, kinikilalang Alkalde ng bayan. “Belinda! Paki-bigay na rin sa kanila ang mga tira-tira nating putahe sa pridyider,” pasigaw na utos ng Alkalde sa kasambahay. Mabilis na tinungo ng kasambahay ang kusina upang kunin ang mga natirang putahe noong noche buena . “Hala, maraming salamat po! Tiyak na matutuwa ang nanay ‘pag nakita n’ya ‘to!” maluha-luhang sambit ng isa sa mga batang naglalakihan ang mga mata dahil sa dami ng iniabot na pamasko . “Oh siya’t umuwi na kayo para mainit niyo agad ‘yan, tugon ng mayaman at mabilis na humayo ang mga kabataan matapos matanggap ang kanilang pamasko. “Sir, napakabait niyo po talaga at binigyan pa ho ninyo ang mga bata ng tirang pagkain sa noche buena kahapon” sarkastikong bulalas ng kasambahay. “Aba siyempre lang, mag-New Year, mag-New Me ang motto ko this year! Bagong taon, bagong Isagani ang nasa resolusyon ko, kaya brace yourselves kasi ibang tao na ang kinakaharap n’yo simula ngayon,” pagmamalaking ani ng Mayor. Ngumiti at tumango ang saliwang kasambahay para ipakita ang pagsang-ayon sa amo. Bakas sa mukha ang yabang nito; sa nakataas na tila hindi na alam paano dudungo ang ulo at baba, pati ang kaniyang kilay na nakataas din, at mata na matinik kung magbalat kayo ng emosyon. *** Napagpasyahan ng grupo na ‘yun na lang ang magiging panghuling bahay na pagtatanghalan nila. Nagtakbuhan nang may pagkasabik na malaman ang nilalaman ng supot kaya’t nagtungo ang kalakhan sa ilalim ng punong akasya, doon nagtipon-tipon at naghatian ng mga biyaya. Nag-aagawan ang mga musmos na tila parang unang beses lang makakita ang gano’ng klase ng pagkain. Nariyan ang kakarampot na lechon baboy wari mo’y kaning baboy na sa pagkakahalukay at tadtad dito, manamisnamis na may pagka-

5


alat na lengua estofado, na ilang oras ang pagpapakulo upang mapalambot na pinarisan ng maliliit na hiwa ng pinakuluan na gulay, at napakalagkit na kakanin—iilan lang to sa mga pagkaing kanilang natanggap. Matapos ang naganap na distribusyon ay nagkalasan na ang mga bata nang may galak dahil sa may mauuwi sila kahit papaano sa kanilang pamilya—‘di tulad sa mismong araw ng pagdiriwang ay ni singko wala silang nalikom. Patuloy ang paglalakad ng isa sa mga bata na si Macario sa eskinita, bitbit niya ang nakuha mula sa hatian kanina. “Naaaaay! May dala po ako!” Bulalas nito habang iniabot ang pulang supot at nagmano sa ina. Isinalaysay niya ang nakakatuwang karanasan habang nilagay sa kaserola ang pang ulam at pinainit sa kalan. Ngumiti habang tumatango-tango ang ina. “Napakayaman talaga ni Mayor Isagani! Kakatapos pa lang ng noche buena pinamimigay na agad yung handa nila, eh sigurado ako kakaluto lang nito kahapon.” sambit ng nanay ng bata. “Isipin niyo mas maraming nagugutom at nangangailangan nitong pagkain kaysa satin. Pasalamat na lang tayo at binigyan tayo ng biyaya kahit tira-tira pa yan nila,” bulalas ng kakadating na ama. Lumipas ang dalawampung minuto at hinanda na nila ang lamesa para sa munting salosalo. “Salamat po sa Panginoong Maykamal ng Lupa sa biyayang aming natanggap ngayong bagong taon, nawa’y kaawaan kaming maralitang—*Bang!* ♫ Nang pag-asa’y nabuhay May tatlong taong sumalakay At ang bawat isa Ay nagsipag-angkin ng tanging buhay //Pagbabalik-tanaw// Sunod-sunod na nagsidatingan ang mga magagarang sasakyan na pumarada sa harapan ng magarbong mansyon ni Isagani, dala nito ay ang malalapit niyang kaibigan na katuwang niya sa mga iba’t-ibang transaksyong pandayuhan. Unang bumaba ng sasakyan ay si Melchor Imperial, ingleshero sapagkat laking Estados Unidos, pinakamayaman sa kanilang apat at may dalang ispageti. “How are you, Mr. Rua?” Pormal na bati ni Imperial. “Feeling good and feeling great, my friend!” Malaking ngiting bulalas ni Mayor Isagani. Matapos ay lumapit ito kay Mr. Imperial upang yakapin at bigyan ito ng tapik sa balikat. “It’s nice to be back again in your country and I’ve seen a lot of improvements especially

6


in your area. By the way, I brought some Brooklyn Spaghetti with Bolognese Sauce. I’m sorry it’s not that much.” “Oh! Is this pampahaba ng life ng alipin?” Sumunod na pumasok ng tahanan ay si Gaspar Arnaiz, encomendero at ang kanyang asawa na may dalang Pyrex na may lamang suman. Narinig nila ang tawanan ng dalawa sa may loob ng bahay. Nagsalita si Gaspar Arnaiz matapos iabot sa katulong ang dala nila, “isang mapanupil na gabi sa ating lahat! Ang saya natin diyan huh—sayang kumamal ng maraming dugo’t pera. Haha!” “Oo naman. Haha! Lalo na’t isang madugong pagpaplano nanaman ito para sa susunod na buong taon,” ngisi ni Isagani. “May dala ka palang suman.” Nariyang sumulpot na rin ang panghuli pero hindi rin nagpahuli ang kapitalistang politiko na si Baltazar Go na may dalang Lengua Estofado na mahahalimuyak ang dugo mula sa mainit-init na dila na kanyang bitbit. Pinaupo ng alkalde ang mga kumpadre sa dining hall na kung saan kasalukuyang inilalapag ng katulong ang mga dala nilang pagkain para sa noche buena kasama ng mga nakahapag na labindalawang prutas, lechon, at mga pampaswerteng palamuti. Nariyang nanatili ang katahimikan at niyuko nila ang kanilang mga ulo upang magdasal. Maraming salamat po, Amang Banal, sa mga biyayang iyong ipinagkaloob lalo na sa lubos na kapangyarihan namin sa lipunang ito. Maririnig ang maingay na istatik ng telebisyon, biglang umayos ang linya nito at kasalukuyang nababalita ang kilalang estasyon. “Para sa mga naglalagablab na balita. Isang babae ang pinagtatadtad ang katawan matapos magpumiglas sa lalaking mayaman na nag-aalok sa kanyang makipagtalik kapalit ng P15,000.” Sinasamba Ka namin at patuloy na didinggin ang Iyong madugong banal na utos dahil sa labis Mong pagkalinga sa aming mga kayamanan at sa aming buong komunidad na pinagsasamantalahan. Nawa’y maging matiwasay ang aming pagsasalo-salo ngayong oras na ito at sa mga susunod pang araw. “... mga kontrabando na nakita sa isang bahay sa Tondo, Manila. Ang mga suspek ay patay matapos manlaban sa mga pulis. Isang kilalang personalidad sa larangan ng peryodismo ang pinatay ng hindi kilalang mga armadong kalalakihan. Nawawala rin ang dila, mata, at ilan pang parte ng katawan nito.” Amen. ♫ Bagong taon ay maraming buhay Ang nakitil dahil ‘di lumaban Tayo’y maghirap upang makamtan nila ang kasaganahan

7


isang dosenang hawla

ni John Lester Pronebo

Sa aking pagmumuni-muni, ako'y biglang napaisip, "Kalapati baga waring sumisimbolo sa kalayaan?" Subalit tila ang paglipad ay isang ilusyon lamang Dahil ako ay sinupil ng mga kurakot na humawak, Na kung humaplos ay may kasamang pagsakal. Ginapos ng kadena pero ako'y manok na tandang; Ang pagtilaok ko'y walang silbi dahil sa pagpipigil Ng mga buwaya na ayaw marinig ang katotohanan. Maagang gising bago sumikat ang bukang liwayway, Sila'y pulitikong mulat ngunit sinasarado ang mata. Nagbabagang balita sa kanila'y tila walang saysay, Parang isang tarsier na bulag-bulagan sa problema. Kung iisipin, ang gipit kung sumabit ay parang butiki. Kung gusto mong hanapin, gumawi lamang sa palasyo, Sila'y naglalambitin para sa kapangyarihan at trono. Ngunit sa sitwasyon ko'y sobrang ibang-iba, hindi ba? Sapagkat ako'y kumapit para 'di gawing tinola ng pusa. Ang mga amo ko'y maamo kapag humarap sa kamera, Ngunit 'di mo aakalain na ang bangis nila'y mala tigre. Sa tuwing sila'y kikitil ika'y sobra-sobrang mabibilib, Sapagkat hindi sila kailanman nabibilanggo sa bilibid. Gusto kong pumutak at mangarap na ako'y makalipad Subalit sa hawlang matinik lahat ay tiyak na aatras. Rehas na hinihimas-himas ng pakpak kong lagas. Sobrang marahas! Minsan ako'y nangahas na tumakas; Ako daw ay tutulungan ng mga kandidatong mala ahas Pero ako'y biniktima lamang din at kanilang binitag Sa kanilang pangakong parang balahibong nalagas. Kung aking isasalaysay ang kanilang pagmumukha, Magtataka ka pa ba sa antipatiko na mukhang pagong? Kukupad-kupad at tutulog-tulog na akala mo'y pagod. Katulad lamang sila ng baboy na busog na busog. Saan ka man pumaroon at saang sulok ka man dumako, Sila'y umaastang gutom pero pagtalikod mo'y didighay Na kung kumain ay patago na parang salot na daga. Hindi na nakakapagtaka sapagkat sila'y dakilang tulisan, Maihahalintulad mo sa asong ulol na ‘di pinapakawalan Sapagkat sa kanilang lungga'y langit na pinaka-inaasam. Gaya nga ng winika sa unang parte nitong aking tula, Ang paglipad ko at ng kalapati'y parang ilusyon lamang Pagka't ang sampung hinayupak ay ang tunay na malaya.

8


mahirap maging mahirap Isa ang mga katutubo sa mga sektor na hindi nabibigyan ng pansin ng estado—dahilan ito upang lumuwas sila sa lunsod, sa pag-asang magkakaroon sila ng oportunidad upang mapunan ang matinding kahirapan na kanilang nararanasan sa kanilang lupaing ninuno, na siyang laspatanganan namang inaagaw sakanila ng mga mapagsamantalang panginoong maylupa.

9


Larawan ni Paulo Angelo Fronda

10


Dibuho ni Margalo Doherty Akane Alagao


tanikalang pag-asa ni Renz Galanto

Bukang liwayway Tila nababalot ng lumbay Pag–iyak na walang humpay Walang tigil na away Sa bawat sibol ng umaga Kumakapit sa natitirang pag-asa Makakamtan kaya? Ang ipinangakong pagbabago Tinatago sa dilim Pang-aabusong dala ng sakim Mamamayang pinagkaitan Kailan nga ba makararamdam ng kapayapaan? Kwento’y di maipabot sa madla Pananahimik na naging bunga Sa mga sanhing gawa ng elitista Na habang buhay mag-uukit ng marka Lumipas ang panahon Patuloy pa rin ang kalakaran Pinatatahimik ang mga lumalaban Binabansagang kalaban

Kalahi na atin dapat pangalagaan Bukod tangi sa bansang kinatatayuan Subalit, iba ang pinapakita Sa lente ng kamera Lumad na laging isinasawalang-bahala Paano nga ba makararanas ng ginhawa? Maski sa pandemya, hindi nakawala Sa tanikalang lulan ng kanilang lahi Ngunit, alam natin na may natitira pang oras Para sa kasalukuyan, bukas, at susunod na kabanata Huwag sayangin— pag–asang susi sa tanikala Paigtingin, pangangalagaan, at bigyang pangil ang batas Ipaglaban ang naaapi Boses ng masa Bigyang hustisya Kasaysayang siyang manghuhusga

Bukod tanging hiling ay pantay na karapatan Mapa-lupa man o edukasyon Ngunit patuloy na hinaharangan Walang pagbabago, patuloy pa rin

12


Dibuho ni Christina Michaela Cambiado


puting bistida ni Karisma Primero

Nakasisilaw na anino, gumuguhit sa salaming Sinisilayan aking hubog suot aking puri. Ngayo’y sumasayaw, umiindayog sa saliw Tanging kami lang ang nakaririnig. Bawat galaw, metikuloso Parang saulo na ang sayaw na ito Makailang ulit mang nagawa Isip ay lito kung ito ay tama Pag-idlip ng nagbabagang apoy Hudyat ng pahinga Nairaos din ang araw Na umubos sa aking enerhiya. Kaninang bistidang puti, nabalot ng mantsa Mantsang nanuot sa puso ko’t kaluluwa Pilit sinabon, kinusot; kahit masakit Masilayan kamusmusang ninakaw sa’kin Pinagpag, binasa, nilabhang muli; Baka sakaling maisalba pa ang duming Humalo sa tubig tangan aking puri Nanuot at gumising sa lutang na isip Takot kong paa, naglakbay sa kadiliman Paikot-ikot sa apat na sulok Naghahangad na sana’y dalawin ng antok At payapang humimlay mula sa bangungot Nakabubulag na anino muling bumati sa akin Tangan ang bestidang tuyo ngunit kay dumi Sa di mawaring takot, ito’y aking hinagis Anino’y naging araw at dali-daling dumampi Sinusunog ako ng walang pasintabi Sa nakabibinging ritmo laban ko’y hikbi Sabay sa agos upang araw ay mapawi At sana’y di na lumiwanag muli Himalang pagbuhos ng ulan, inupos ang kanyang sigla Kinuha ang bistida’t ipinasuot sa’kin bigla Mala-anghel na boses, inakala kong magsasalba, pero Huling hirit ng araw, “wag kang magsusumbong, kung mahal mo si mama”

14


mayan

ni Abdul Hafiz Malawani Isang panibagong taon, unang araw ng Enero. Natitiyak kong maraming bago na naman sa bawat isa sa atin. Mga bagong pagsubok na nagpapatibay at makatutulong upang tayo ay maging matatag at matapang. Bawat araw, may mga bagay na umiikot sa

parehong panahon o sistema na kumokontrol sa pag-usad ng buhay ng tao sa lipunan. Kung minsan, hindi natin namamalayan na ito ang ugat kung bakit mabagal ang takbo ng buhay ng karamihan.

15

Dibuho ni ni Christina Christina Michaela Michaela Cambiado Cambiado Dibuho


Ang sabi nila, ang buhay daw sa Pinas ay isang kuwentong tila nobela. Mayroong mga kabanata na taon-taon ay binubuksan, na taon-taon ay may bagong karanasan. Subalit, kung titingnan natin sa mata ng tao, taon-taon ay wala pa ring pagbabago. Taontaon ay wala pa ring maayos na solusyon at sistema para sa lahat. Katulad na lamang ng trapik, kahit saan ka magpunta, nasa probinsya ka man o wala ay paniguradong dama mo ang presensya. Mahigit dalawang oras akong naghihintay at hindi pa rin lumuluwag ang trapiko dahil sa mga sinisirang kalsada kasabay nang papalapit na eleksyon. Pagkalipas ng ilang oras na paghihintay, nakasakay na rin ng barko at nagsimula na itong lumayag papuntang Maynila. Habang nakatingin sa malayo mula sa itaas ng barko, may narinig akong sumisigaw ilang minuto bago ko napansin ang isang babaeng nakabistida sa bandang ibaba. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nakilala ko si Gina, tubong Maguindanao, na nakikipagsapalaran sa Maynila taon-taon tuwing sasapit ang Pasko at Bagong Taon. Tulad ko, gusto rin niyang makapag-ipon dahil sa mababang sahod na hindi sumasapat para kanyang pamilya. Mula noon, naging malalim ang ugnayan namin ni Gina. Hindi na namin namalayan ang takbo ng oras at bukas ng hapon darating ang barko galing pang Mindanao. Kinabukasan, dumating na rin sa Maynila ang barko at ang ruta ay papuntang pantalan kung saan masisilayan ang mga matataas na gusali na pagmamay-ari ng mga kapitalistang dayuhang Intsik at Amerikano. Sa kabilang banda, mapapansin naman ang mga tagpi-tagping bahay at siksikan na mga basalyo kung saan ang lahat ay nakakabit sa panginoong maylupa. Pagdating sa pantalan, agad akong dumiretso sa terminal para hintayin si Lolo Umakaan. Ilang sandali pa, dumating na si lolo. Isang tingin pa lang niya, alam ko sa sarili ko na siya na iyon. Matagal ko na rin siyang hindi nakikita mula noong nasawi sina inay at itay sa kasalanan na hindi naman sila ang gumawa. Hanggang sa ngayon, naghahanap pa rin kami ng hustisya. Naalala ko tuloy ang sinabi ng aking lolo anim na taon na ang nakalipas: “Habang ang nakaupo ay mga tiranong lider sa bulok na sistema, ang hustisya ay mananatiling alamat sa mga taong nasa ibaba kagaya natin.” Habang papauwi kami upang mag-ayos at para na rin makapamasyal, nagbigay si lolo ng ilang mga paalala kung ano ba ang kalakaran dito sa Maynila. Nabanggit niya sa akin na araw-araw may pinapatay, may hinuhuli saka kinukulong at ang iba naman, inaabuso. Nagsimula ito noong kasagsagan ng giyera kontra droga ‘diumano ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kung susumahin, tila mahihirap lang ang puntirya nito. Mas lumala pa ang sitwasyon nang isabatas ang Anti-Terrorism Law ng namumunong rehimen at sa pangunguna rin ng pinakamalakas nitong armas, ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

16


Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, itinuturing na terorista ang mga aktibista. Laganap ang red-tagging sa iba’t ibang panig ng bansa, partikular na sa mga rehiyong may mga progresibong organisasyon. Natatakot (daw) kasi si Digong na matigok siya tulad nang nangyari sa kanyang idolong si Ferdinand Marcos, ang napatalsik na diktador. Ang akala ng lahat iba siya sa lahat ng kandidato sa nakaraang eleksyon. Ngunit, isa lang pala itong palabas. “Kung baga sa wika natin, si Duterte ay isang doti o lason sa Tagalog at nalason ang lahat.” mga salitang binigkas ng aking lola na hindi mawala sa isip ko. Ilang araw na ang lumipas ngunit ginugulo pa rin ang isip ko ng mga sinabi ni lolo. Hindi tuloy ako makapagpokus sa pagbabantay ng mga paninda ko. Sa kabilang banda, hindi ko inakalang mahahanap ako ni Gina sa dami ng tao sa palengke. Nagkaroon kami ulit ng pagkakataon upang pag-usapan ang buhay sa siyudad. Sa mga sumunod na oras, tinulungan ako ni Gina magbenta. Subalit, may pangyayaring umagaw sa atensyon ng lahat. May isang aleng sumisigaw sa kabilang puwesto dahil sapilitan siyang hinihingan ng kolektor ng pera gayong wala pang benta sa maghapon. Napansin ko ang pagbaling ng atensyon ng mga tindera sa kani-kanilang tinitinda dahil sa takot at pag-aalala. Napag-alaman kong may kapit pala ang kolektor sa taas kaya kung umasta ay tila hari ng merkado. Sinubukan ko siyang pigilan at pagsabihan pero parang wala lang sa kolektor. Kaya kumuha ako ng kahoy para ipukpok na kanyang ulo para matauhan. Natigil lamang siya sa panggugulo nang dumating si lolo kasabay ang ilang pulis na rumoronda para maginspeksyon. Nang pauwi na kami alas-siyete ng gabi, bumili muna ako ng ulam at tinapay nang harangin ako ng isang grupo ng kalalakihan sa daan. Hindi na ako nagtaka kung bakit gusto nila akong kausapin ngunit lingid sa kaalaman nila, may sapat kaalaman ako sa sining ng pakikipaglaban kaya hindi nila ako gaano napuruhan. Sinubukan naming ipagbigay alam sa kapulisan. Subalit ang tugon nila sa amin, mas mabuti kung itutulog na lang namin ang nangyari dahil mahirap kalabanin ang mga nasa itaas. Pinayuhan ako ni lolo na ‘wag nang makialam ulit sa mga negosyo ng iba kung gusto ko pang manatili sa mundo. Napagdesisyunan din ni lolo na mas makabubuti kung dito ko na itutuloy ang pag-aaral ko upang hindi masayang ang oportunidad na meron ako ngayon. Tulad ng inaasahan, dito ko na itinuloy sa Maynila ang pag-aaral ko habang sa gabi naman, ako’y nagtitinda sa palengke. Sinubukan ko rin ang kapalaran ko sa peryodismo at laking tuwa ko nang maging parte ako ng iba’t ibang mga progresibong organisasyon na isinusulong ang malayang pamamahayag laban sa diktadura at pagtatanggol sa karapatan ng tao sa lipunan.

17


Sa matagal na panahon, nahanap ko na rin ang sarili ko – ang pagiging balyenteng manunulat mula sa progresibong organisasyon ng mga mamamahayag. Alam ng bawat isa sa amin na tama ang aming pinaglalaban, at mananatili kaming nakatayo hangga’t may mga Pilipinong naghihirap, inaapi at inaabuso, at patuloy na umiiral ang bulok na sistema sa bansa. Isang gabi, habang naghahanda ang lahat para umuwi sa kani-kanilang tahanan, sinira ng mga armadong lalaki ang pinto ng aming punong-tanggapan. Wala kaming idea sa kung bakit nila ito ginawa. Ginulo nila ang buong silid at naghanap ng mga iligal na mga kagamitan laban sa aming mga aktibista at mamamahayag. Huli na nang napagtanto naming isa pala itong set-up at kasabwat ang may-ari ng inuupahan naming bahay. Sapilitan kaming iginapos at ikinulong dahil sa mga gawa-gawang kaso ng mga tauhan ni Duterte laban sa aming grupo. Ipinaglaban namin ang kaso kasama ang mga taong naniniwala sa amin at mga progresibong organisasyon. Habang nakakulong, ako at ang aking mga kasamahan ay hindi nakaligtas sa bagong mundong laganap ang diskriminasyon, pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao. Makalipas ang ilang buwang pagkakakulong, lumabas na ang desisyon ng korte. Napawalang bisa ang kaso sapagkat walang sapat na ebidensya ang lokal na NTF-ELCAC ni Duterte. Nakalaya kami sa mga gawa-gawang kaso at pang-aapi ng kasalukuyang administrasyon sa mga ordinaryong mamamayan na ang tanging hangad ay malayang Pilipinas. Gayunpaman, hindi dito nagtatapos ang pakikibaka. Simula pa lamang ito ng mas malawak na pakikipagtunggali laban sa diktadura ng gobyernong Duterte. Kasama ko at namin sa pagtaliwas sa agos ang mga progresibong organisasyon, si lolo na tumatayong magulang at Gina naman bilang kapatid at karamay sa lahat ng panahon. Ako si Mayan ng Progresibong Organisasyon ng mga Mamamahayag at inuulit kong kailangan nang buwagin ang walang kwenta’t huwad na NTF-ELCAC dahil puro paglabag sa karapatang pantao ang dulot nito. Muli akong nanawagan sa Korte Suprema na ibasura ang Terror Law ni Duterte. Sa halip na kontra-mamamayan na batas ang ipatupad, marapat na dinggin ng gobyerno ang hinaing ng taumbayan ngayong pandemya. Tumindig para sa ating mga karapatan!

18


Larawan ni Paulo Angelo Fronda

19


kayod kalabaw Isa sa mga problemang nararanasan ng ating bansa ay ang pagrami ng bilang ng child labor rate. Sa pananaliksik ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER), napag-alamang na sa bawat sampung pamilya, may dalawang bata na sa edad lima hanggang 17 ang nagtatrabaho. Hindi natin maikakaila na talagang maraming mga bata sa murang edad ay nagbabanat ng buto upang kumita ng pera na ipangtutustos sa kanilang pamilya at pang araw-araw na pamumuhay.

20


Pamana

Ray Mark Espiritu

“’Wag ka mag-journalist, maaga ka mamamatay.” Halos buong buhay ko dinig ang mga salitang iyan na tila nagbabanta at hindi basta lamang nagpapaalala—paalalang sa payak na sanhing pagpili na simulan ang isang pananalaysay ay maaaring magbunga sa katapusan ng sariling kwento. Hindi ko ito pinaniwalaan. Marahil ako ay lumaking iskeptiko o punong-puno ng pag-aalinlangan o maaaring hindi pa naaabot ng aking kamalayan ang malagim na katotohanan. “Ay okay lang pala, mas kaunti ang namatay noon kaysa ngayon,” bigla kong narinig isang beses. Tama ba? Numero lamang sa kanila ang buhay ng mga peryodista? Mahirap man lunukin ang katotohanan, kailangang harapin dahil kaliwa’t-kanang pinagpapapaslang ang mga peryodistang inilalantad ang mga naratibong pilit ibinabaon sa limot, mga masalimuot na katototohanang kapag nailathala ay tanda ng simula ng pagkasira ng mga naghahari-harian. Naniwala ako, at mas lalong natakot. Hindi maatim na may nangyayaring patayan dahil lamang may piniling magsulat, magkwento. Noon, ang buong pag-aakala ko, ang digmaan ay inugat sa depensa laban sa mga mananakop. Bakit may tahimik na digmaan mula sa sarili nating bansa? Paano ako magiging tanyag na peryodista? Gusto ko makita sa TV. Gusto ko mag-ibang bansa para magulat ng mga iba’t-ibang lutuin at pook pasyalan ng iba’t-ibang kultura. Kahit puno ng karangyaan ang orihinal na layunin, naisip ko rin magsulat tungkol sa karahasan, sa mga hindi nabibigyan ng pagkakataon maisaboses ang kanilang danas—

Dibuho ni Rowz Fajardo

21


silang nasa kanayunan. Ngunit dahil ako ay natakot, ‘wag na lang kaya? Pero kung lahat ng peryodista ay iisa ng pag-iisip, na pipiliin na lamang kung ano’ng madali, paano na lamang ang kwento ng ibang Pilipino? Ang trabaho ba natin ay magbalita lamang kung ilan na ang namatay? Bakit hindi natin subukan bigyang diin ang mga lumalaban, mga pinipilit mabuhay, mga buhay na naulila dahil sa kultura ng karahasan. Baka sakaling may makarinig, makapanood, makabasa ng kani-kanilang danas at mapaingay pa ito sa buong bansa. Takot pa rin ako, oo, pero mas malawak na ang nasusuyod ng aking kaalaman. Gusto ko pa rin magsulat tungkol sa karangyaan, gusto ko pa rin mag-ibang bansa upang magkwento, pero hindi ito ang primarying obhektibo ngayon. Hindi na ito bago—ang kultura ng karahasan—ngunit hindi rin bago na may handang itaas ang kani-kanilang mga kamao habang hawak-hawak ang bolpen at titindig bitbit ang tinta ng pakikibaka laban sa mga naghaharing-uri. Paminsa’y nakakaramdam pa rin ako ng takot at pangamba, pero gusto ko pa rin maging peryodista. Lalo sa tuwing naaalala ang trahedyang dinanas at patuloy nararanasan ng maralita sa hindi maka-masang lipunan. Gusto ko maging peryodista, dahil utang natin ang ating boses, hindi sa kwaderno, hindi sa lapis o bolpen, kundi sa mga nag-alay ng kani-kanilang buhay matamasa lamang natin ang demokrasyang pilit pinagkakait sa atin, mas lalo sa mga napag-iwanan.

22


kikiam

ni Beatriz Cabra;

Musmos pa lamang ako, Gusto ko na ng kikiam sa kanto. ‘Yong mataba, malaki at masarap. Nakapapawi sa nagtatambol kong t’yan. Ngunit hindi na puwedeng makalabas sa silid na puno ng rehas. Minsan nga’y nanghingi ako ng kikiam sa bantay; Hilaw, mapakla at panget ang binigay. Nagalit ako dahil hindi ‘yon ang dapat sa’kin. Babae raw ako kaya ayos na ang kikiam niya sa ‘kin! Bakit pa raw ako naghahanap ng mas malaki, Mas masarap at mas makinis ang balat? Kung sa kikiam niya pa lang, masisiyahan na ako. Nakamatyag na ang buwan sa itaas. Tulog na ang lahat, maliban sa amin. Masakit sa dila, parang hindi ako makapagsalita. Lasang bulok at inaamag na hustisya. Nakakasuka ang masangsang na amoy nito, Pati ang gaspang ng sistema sa loob. Taas noo kong sinabi sabay hawak sa rehas… “Kung may awa pa ang Diyos, tulungan niyo ako!” Ngunit pinilit, tinakot at pinahirapan pa ako Ng kikiam na pilit na isinusubo sa akin. “Mga hayop kayo! Ang sasahol!”

23


Nanghina ang buo kong katawan, Nanlamig at humimlay na parang bangkay. Salamat sa buwan at naaninag ko pa rin Ang ilaw ng pag-asang hatid nito sa’kin. Bumangon akong muli, Na may tinik sa aking dibdib. Sa bawat tusok nito’y naaalala ko, Higit pa sa kikiam nila ang nais ko, ‘Yong may kalidad at nakabubusog dapat, ‘Yong maayos, lumalaban at maka-tao. Dahil hindi ako babae lang. BABAE AKO. Gusto ko ng kikiam, pero hindi ang kikiam nila. Kikiam na hindi lamang lumalaki kapag mainit. Kikiam na tumutugon sa gutom na hustisya. Kikiam na walang balot ng diskriminasyon. Kikiam na pampawi sa kumakalam na sikmura. Kikiam na may kalidad para sa kababaihan. At kikiam na nararapat para sa bilanggong tulad ko. Ikaw? Gusto mo rin ba ng kikiam?

Dibuho ni Camille Finuliar

24


25

Dibuho ni Margalo Alagao Dibuho ni Margalo Alagao


selda 1081

ni Everose Martirizar-Asidoy “Tao po,” bigkas ng mga anak ng bayan Habang kumakatok mula sa selda 1081 Sa rehas ng panggigipit at panunupil, walang kawala kahit ang mga kabataan. “Tao po,” sigaw ng mga sakdal diwa. Kahit mga katawan nila’y nakagapos sa alambreng tinik, Nagbabanat ng buto sa loob ng kulungan. Kaharap ay mga naghuhugas kamay. “Tao po,” panaghoy ng mga walang pangalan, Mga aktibistang ninakawan ng buhay at salapi, Pinagtagpi-tagpi ng isang kamay na bakal Mga kaluluwang may paninindigan, binukot sa selda 1081 Ngayon, sa nakatakdang panahon. Kuwento ng pagbabago ay muling binibigkas Para sa “tao po” ng politikong salita ang alas. Sa mga pangako naman ay umaatras. Gugustuhin mo ba na isangla ang perlas ng silangan? Magdasal sa maligno at maniwala sa dila ng kasinungalingan? Nawa’y ikintal natin sa isipan, na sa nakatakdang panahon, Gayuma ng mga politikong kawatan ay di na muling tatalab Sapagkat ang sulo ng kalayaan ay muling magliliyab. Hindi na mag ngingitngit ang ngipin ng batas. Mga mukha ng matatapang kung saan dumadaloy ang kagitingan Ay hindi na muling mawawalan ng pangalan Kapag hangad ay kalayaan, Wala ng mga preso sa selda 1081 Kung sa bawat pamantasan ay may panatang makabayan. Patuloy ang pag unlad, sapagkat sa ating mga kamay Nakasalalay ang kinabukasan ng mga anak ng bayan.

26


Literary Folio Vol. 1, Issue 3


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.