1 minute read
Lima
by kaela
Tagu-taguan, maliwanag ang buwan. Pag bilang kong lima, kakalimutan na kita.
Advertisement
Isa, Isang beses mo lang akong tinitigan ngunit napakasarap sa pakiramdam na ramdam sa kalooban ang nararamdaman mong tuwang nakakaramdam. Tuwa na tila bang parang isang sakit na nakakahawa. At sa pagkahawa nito sa akin ay may kakaiba akong nararamdaman. Hindi, hindi ito pakiramdam na para bang multo kundi ito’y pakiramdam na para bang ika’y gusto.
Dalawa, Dalawang gabi na kitang sinusubaybayan, ginagabayan at sinasakyan at dahil dito, parang ako’y nahuhulog ng tuluyan. Hindi kita masisisi ngunit hindi sa pagbubusisi pero nakakapagtaka. Ako kaya’y tipo mo?
Tatlo, Tatlong tawag na hindi nasagot mula sayo at ako’y napangiti. Tila ba nakaramdam ng mga paru-paro sa aking sikmura na pilit ko ring pinipigilang maramdaman. Hindi dahil ayoko, kundi dahil ito’y hindi tama ngunit alam kong ako’y may tama sayo na hindi na kaya pang itama.
Apat, Apat na beses na ‘kong pinagsabihan ng mga tao pero heto pa rin ako. Sumusulong sa isang laro na hindi ko naman alam kung may tsansa bang ako’y mananalo. Teka, mali. Mali ‘to. Mali marahil sa una palang alam ko talo na ako. Alam ko ng matatalo ako ngunit hindi aminado.
Lima, Lima. Huling bilang ng tulang ito. Umaasang makakayanang kalimutan ang nabuong nararamdaman marahil alam na dapat ito’y panandalian ngunit inasahang pang-matagalan.
Sa pagtapos ng panunulat sa tulang ito, inasahang matatapos rin ang pagkagusto sa iyo. Ngunit ngayong nasa dulo na ang piyesang ito, masasabi kong hindi pa rin ako tapos sa iyo.