1 minute read
Torpe
Torpe—iyan ang pagkakakilala ng mga kaibigan ko sa akin. Ako ‘yung tipo na itatago at hindi aaminin ang tunay na nararamdaman sa taong kanyang nagugustuhan. Sa palagay ko, dala na rin ito ng aking karanasan apat na taon na ang nakalipas.
Apat na taon na nang huli akong umibig. Apat na taon na rin nang malaman kong may kapiling na siyang iba. Mula noon ay natakot na akong magpahalata ng pagtingin. Pilit kong kinimkim ang lahat dahil ayaw ko nang masaktan.
Advertisement
Sa mga sumunod na taon, ibinuhos ko ang oras at atensyon ko sa pag-aaral. Kamakailan lamang nang muli akong nahilig sa pagpunta sa samu’t saring programa’t pagtitipon.
Isang gabi sa isang pagtitipon ay may isang lalaking pumukaw sa akin. Habang ipinapalabas ang video ng kanyang pagpapakilala ay hindi ko na maialis ang atensyon ko sa kanya. Mula sa kinauupuan ko ay kitang-kita ko sa kanyang mukha ang pagtawang dala ng hiya. Napangiti na rin ako nang makita ko siyang tumatawa. Buong gabi ay hindi ko na maiwasang ibaling ang tingin sa kanya, lalo’t nakaupo siya sa aking tapat, bagamat sa kabilang mesa. Pabalik-balik pa ako para kumuha ng bagong inumin para lang makakuha ng mabilisang sulyap sa kanya.
Nang bumalik ako sa aming kwarto pagkatapos ng pagtitipon, naisip ko agad, “Mukhang heto na naman.” Napagtanto kong gusto ko siya—‘yung lalaking matangkad, payat, masiyahin, pabalik-balik sa mobile bar at photo booth. Hiniling ko noong gabing iyon na sana’y hindi pa iyon ang huli naming pagkikita.
At hindi nga iyon ang huli.
Muli ko siyang nakita makalipas ang dalawang linggo. Inaya kami ng aming kaibgan upang magsaya sa Makati. Sa gitna ng ingay ng tugtog at kislap ng mga ilaw ay napupuno ng katahimikan ang isip ko. Nasa gitna na naman ako ng dalawang magkasalungat na ideya. Hindi ko maiwasang mag-isip kung dapat ko bang itago na lang ulit, o sabihin ko na ang tunay kong nararamdaman. Ayaw kong magkaroon ng pagsisisi dahil wala akong ginawa, ngunit nandoon pa rin ang takot na masaktan akong muli.
Tandang tanda ko pa nang tinawag kita at lumapit ako sa’yo para sabihin sa iyo ang lahat. Oo, kabado at nauutal pa ako sa umpisa, pero idinaan ko na lang sa tawa at paghinga nang malalim. Pagkatapos lang ng ilang saglit ay nasabi ko na ang gusto kong sabihin—gusto kita.
Iba ka. Ewan ko ba’t anong pumasok sa isipan ko noong gabing iyon at napaamin mo ako. Nagawa mong paaminin ang apat na taon nang torpe na takot masaktan.