1 minute read
Maligayang Araw, (Ama?
from Scribe - Vol 23
Maligayang Araw, (Ama?) MA. KRISTINE JOY R. BAYADOG
Una sa lahat, hindi ko na dapat binibigkas pa ang salitang ama.
Advertisement
Pangalawa, ‘di na dapat kita sinusulatan ng liham kasi ‘di mo rin naman ito mababasa.
Ngunit, pangatlo— wala kang alam. Wala kang alam sa pighati, poot, at pangungulila na idinulot mo nang nawala ka, kaya kinakailangan...
Kinakailangan kong bagtasin pabalik ang mga alaala at danasing muli ang mga damdaming minsan nang pumiglas— para sa’yo.
Para alam mo kung paano ang masaktan— hindi ang manakit.
Sampung taon kong naranasan ang magkaroon ng tahanan bago ko sinuong ang sampung taon pang wala ka. Pinilit kong itikom ang aking bibig sapagkat akala ko hindi ako kasali diyan.
Hindi ko away ‘yan. Wala akong karapatan.
Pero laking panghihinayang na sana ibinuka ko na lamang ang aking bibig— Tama na.
Sa halip na magtago sa sulok at pakinggan ang mga matutulis na salitang ibinato sa isa’t isa na para bang kahit minsan ang apat na kanto ng gusaling ito’y hindi naging takbuhan, sandalan, kublihan ng puso.
Sana pala sinubukan kong pumalag, kumawala sa seldang tinatawag niyong kanlungan.
Nabulag ako sa mga pangakong binitawan mo, ama. Na walang titibag sa pag-ibig ng isang haligi ng tahanan. Ngunit, ika’y naging anay.
Dalawang panganay ng dalawang nanay—iisang tatay. Paanong nasisikmura mong tumawid sa magkabilang bahay, halikan ang mga pisngi ni Inay na para bang ang iyong bibig ay walang bahid ng tukso? Paanong natitiis mong tumabi sa kanya sa gabi at umuwi sa iba pagsapit ng umaga? Paanong napunta sa iyong utak ang libog ng iyong kalamnan?
Ama, sa maraming beses, ikaw ang laman ng aking mga sipi, mga librong inaagiw na, mga tulang ibinahagi sa madla, bayaning itinuring ngunit hindi pala.
Pinatikim mo lamang ako ng sampung huwad na taon. Huwad din bang pagkatao ang ihaharap ko sa mundo? Kung ika’y bayani, ayokong tumulad sa’yo sa aking susunod na sipi.