2 minute read

Mass Hysteria

Next Article
Consider No Mercy

Consider No Mercy

Marso 5, 2008 Paano kaya ‘to? Malungkot ako ngayon. Hindi ko masabi kay mama na hindi ako ang top 1 ngayong taon. Tiyak magagalit ‘yun pag sinabi kong top 3 lang ako. Hindi ko naman masisisi si Christopher ‘tsaka si April Rose kasi matatalino rin naman sila. Ginawa ko naman ang makakaya ko, eh mas matalino lang talaga sila. Tapos, tatlong medalya lang ‘yung nakuha ko ngayong taon. Patay talaga ako nito kay mama. Pero hayaan mo na, gagalingan ko na lang sa susunod na taon. Hindi ko alam kung paano ko ito sasabihin sa kanya.

Marso 14, 2009 Bahala na! Hindi ko alam kung matutuwa ako o malulungkot sa sinulat ko rito noong nakaraang taon. Gagalingan ko raw dahil top 3 lang ako. Gunggong! Top 5 ka na lang ngayon. Kasalanan ‘to ni Mary Jane at Shiena eh. Kung hindi lang nila pinapalitan ang mga sagot nila tuwing may pagsusulit, edi sana top 3 pa rin ako. Ang alam ni mama top 4 ako, pero hindi niya alam top 5 talaga ako. Hayaan mo na, malalaman din naman niya mamaya sa recognition. Hindi ‘yun magagalit kung maraming tao eh.

Advertisement

Marso 23, 2013 Anong nangyari sakin? Kakatapos lang ng graduation ceremony namin. Hindi ako masaya dahil hindi rin masaya si mama. Hindi ako napabilang sa top 10 sa katapusan ng eskwela. Ngayong taon pa na gagraduate ako sa elementarya. Hindi ko alam kung ano ang nangyari. Nagbubuklat at nagbabasa naman ako ng libro bawat hapon pagkatapos ng klase, nagpapasa naman ako sa takdang oras, at lagi naman akong pasado sa mga pagsusulit. Pero bakit ganon? Ako na yata ang pinakamangmang sa buong mundo. Abril 15, 2017 Apat na taon na rin ang nakalipas noong huling akyat ko sa entablado para kumuha ng diploma, at ngayong araw, aakyat ulit ako sa pangatlong pagkakataon. Marami na ang nangyari at nagbago sa buhay ko, diary. May masaya at malungkot na bahagi. Syempre, may konting kirot pa rin buhat ng nakaraang pag-akyat ko sa entablado pero masasabi kong hindi na ganun ka grabe tulad ng dati. Siguro, paunti-unti ko na ring natanggap na sadyang may mas magaling lang talaga kaysa sakin.

Abril 2, 2021 Nasa kolehiyo na ako ngayon, diary. Masasabi kong hindi oras ang naghilom sa kirot na napagdaanan ko sa loob ng ilang taon. Sa totoo lang, hindi nawala yung kirot, meron pa rin naman, pero hindi na ganun kasakit. Siguro, natuto lang akong mabuhay na may bitbit na hapdi, kaya kapag naaalala ko, hindi na ako naapektuhan ng sobra. Sa bawat pagtiklop ko ng mga pahina, naaalala ko ang dati kong sarili at nagpapasalamat ako sa unti-unting paglaho ng aking pangalan sa mga listahang laging pinapaskil sa harap ng aking inuupuan at sa pa ambonambon na medalyang tinatanggap ko bawat taon. Hindi ko inakalang magigising ako sa murang edad. Mapait at masakit, sa totoo lang. Pero kung hindi ako dinala ng aking mga maliliit na yapak sa dambuhalang mundo na ito, siguro medalya na ang umaapak sa buong pagkatao ko. Sige, sa susunod na lang ulit, diary. Tatapusin ko na muna ang mga modules ko. Mahirap na—baka bumagsak pa ako. Endterm pa naman din.

This article is from: