The Torch Publications Tomo 73 Blg. 2

Page 1

Ang Opisyal na Pahayagang Pangmag-aaral ng Pamantasang Normal ng Pilipinas ISYU LXXI BLG. 2 KASAPI: College Editors Guild of the Philippines (CEGP) Progresibong Lupon ng mga Manunulat (PLUMA-PNU)

Ang Pag-igting ng Laban ng Mamamayan Hinding-hindi magagapi ng anumang porma ng pandarahas ang sama-sama at kapit-bisig na pakikibaka ng masa laban sa tiraniya at walang habas na pagkitil sa soberanya at demokrasya ng Pilipinas. Naging kabi-kabila ang atake ng estado sa malawak na sektor ng lipunan tulad ng nananatiling kahirapan, madugong mga patayan, at militarisasyon sa kanayunan. Bukod pa rito, lantad ang pagiging sunudsunuran ng administrasyon sa malalaking bansa gaya ng Estados Unidos at Tsina. Ang hayagang pasismo ng rehimen ang siyang ugat ng patuloy na lumalakas at lumalawak na pagkilos ng mamamayang api. Sa lagpas tatlong taon na panunungkulan ni Pangulong Duterte, nananatiling bigo ang kanyang administrasyon na gawin ang tungkulin nitong magserbisyo nang ayon sa interes ng mamamayan. Balahaw pa rin ang pag-unlad at nananatiling nakapako ang mga pangakong kanyang binitawan sapul sa kanyang kandidatura noong taong 2016. Isa sa pinakamainit na isyung ibinato sa noo’y kumakandidatong si Duterte ay ang usapin ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS). Dito, matapang na nangako siyang ipagtatanggol ang pag-aari ng Pilipinas laban sa

Tsina. Ngunit, matapos ang ilang taong pagkakaluklok, tila yumuyuko at umaarteng sunud-sunuran na ito sampu ng kanyang gabinete sa agresyon ng Tsina. Ano pa ang halaga ng ipinanalong kaso ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) kung yuyurakan lang din naman ito ng kasalukuyang rehimen. Bukod sa patuloy na pagtatayo ng mga ilegal na estraktura sa maraming isla sa WPS at ang pagpapalampas ng administrasyon sa mga paglabag ng Tsina sa ating soberanya at internasyonal na mga batas. Pinakabagong patunay rito ang naging pagpapabaya ng rehimen sa nangyaring pagbangga ng barko mula Tsina sa bangkang pangisda ng mga Pilipino sa loob mismo ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa. Bagaman tila sa Tsina kumikiling ang Pangulo, hindi pa rin nawawala ang presensya ng kapangyarihan ng Estados Unidos sa Pilipinas. Kamakailan lang, nagbigay ng pahayag ang Estados Unidos hinggil sa pagsuporta nito sa Pilipinas kung sakaling magkakaroon ng pagtindi ng agresyon ang Tsina sa pinag-aagawang mga teritoryo. Ito ay nakabase pa rin sa napakatagal nang Mutual Defense Treaty sa

pagitan ng US at Pilipinas. Hindi rin matapos-tapos ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na nagpapahintulot sa pagpapatayo at paggamit ng mga Amerikanong sundalo ng mga base militar sa bansa. Pinapakita lamang ng mga ito ang tuluyang pagkawala ng soberanya ng Pilipinas dahil sa mga imperyalistang bansa na siyang pinananatili ng rehimen. Samantala, hindi maiaalis sa administrasyong Duterte ang usapin ng karahasan. Dahil sa pagkapanalo ng sandamakmak na mga kandidatong sumusuporta sa rehimen, hindi malayong mas umigting pa ang pagpapatupad ng mga antimamamayang polisiya ng administrasyon gaya ng Giyera Kontra Droga, Oplan Sauron, at ang umiiral na Martial Law sa Mindanao. Sa kabilang banda, sunud-sunod naman ang pagputok ng mga welga at pagtatatag ng piketlayn ng mga manggagawa ng Pepmaco, NutriAsia, at Zagu kasama ng marami pang mga inaabusong manggagawa. Manipestasyon ito na bigo ang administrasyon na tuparin ang pangako nito na wakasan ang kontraktwalisasyon sa bansa. Sa halip, lalo pang tumindi ang masahol na kalagayan ng mga manggagawa.

Idagdag pa rito ang kalagayan ng kaguruan na matagal nang umaasa sa pangakong pagpapataas ng sweldo dahil nananatiling kapos ang kinikita ng mayorya na mga guro upang tustusan ang pagsirit ng presyo ng napakaraming bilihin. Kasabay ng tila hindi matapostapos na problemang kinakaharap ng bansa at ng masang Pilipino, hindi rin maawat ang paglaban at pagtutol ng laksa-laksang mamamayan kontra sa mga palisiyang sumisira sa itinatayong pundasyon para sa malayang bayan. Ang martsa at sigaw ng mamamayan ay mas maingay at makatotohanan kaysa talumpati ng pangulo na ibibida ang kanyang mga huwad na tagumpay at legasiyang nakaugat sa pananamantala, karahasan, at pangungutang sa malalaking bansa. Lalong lumalakas at lumalawak ang hanay ng mamamayang Pilipinong lumalaban sa opresyon ng mga nasa kapangyarihan. Malayong masaid ng rehimen ang kapangyarihang taglay ng sama-samang pagkilos na pinagtitibay ng aktibong pakikisangkot ng mga mag-aaral sa laban ng taumbayan. Pagtatagumpayan ng mamamayan ang soberanya ng Pilipinas na nauna nang isinuko ng pamahalaan na may pangunahing pananagutan sa pagtatanggol nito.


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.
The Torch Publications Tomo 73 Blg. 2 by The Torch Publications - Issuu