9 minute read

NEWS

Next Article
OPINION

OPINION

Mga progresibong grupo, pahayagan, kinondena ang pag-redtag, pagbulabog ng militar sa medical mission sa Quezon

Matapos ang panggugulo sa isinagawang medical mission ng KASAMA-TK noong ika-10 ng Abril, tahasang ni-red-tag ng militar ang UPLB Perspective at mga progresibong grupong nagbalita ng insidente.

Advertisement

NI ALEXANDRA GRACE DELIS CONTRIBUTOR

“Ang pag-atake sa aming karapatang makapagpahayag ay katumbas ng pagsupil sa aming tungkuling ilantad ang mga inhustisyang patuloy na umiiral sa lipunan. Hindi lamang mga mamamahayag ang minamaliit sa lantarang panghaharas ng estado, ipinagkakait din nito ang tapat at totoong impormasyon na kailangan ng mamamayan para sa mapanuri at demokratikong pag-iisip.”

Bahagi ito ng inilabas na opisyal na pahayag ng UPLB Perspective noong ika-15 ng Abril bilang tugon sa pag-red-tag ng 201st Infantry “Kabalikat” Brigade, Philippine Army sa nasabing pahayagan at iba pang mga progresibong grupo.

Kabilang sa mga grupong ito ang Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK), Kabataan Partylist, at Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Laguna, na binansagan ng 201st Infantry Brigade bilang front organizations ng Communist Party of the Philippines - New People’s Army - National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Matapos ang akusasyon, naglabas ng opisyal na pahayag ang UPLB University Student Council (USC) noong ika-14 ng Abril, kung saan kinundena nila ang tahasang pagred-tag ng militar sa opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng UPLB at maging sa iba pang mga progresibong grupo.

“The red-tagging of our official school publication is a clear attempt of the state forces to silence and target the media. Our campus journalists, and most importantly, our constituents are not terrorists,” diin ng UPLB USC. [“Ang pag-red-tag sa aming opisyal na pahayagan ay malinaw na pagtatangka ng mga pwersa ng estado na patahimikin at atakihin ang midya. Ang aming mga mamamahayag, at higit sa lahat, ang aming mga estudyante ay hindi terorista.”]

Ang insidente ng red-tagging na ito ay bunsod ng pagbabalita ng UPLB Perspective tungkol sa isinagawang libreng medical mission ng KASAMA-TK para sa mga magsasaka at mamamayan ng Agdangan, Quezon noong ika-10 ng Abril, kung saan nanggulo ang mga militar ng 85th Infantry Battalion, 2nd Infantry Division ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon sa Kabataan Partylist Southern Tagalog (ST), binulabog ng militar ang aktibidad at ipinagpilitang kaisa sila sa naganap na medical mission.

Naglagay rin ang militar ng tarpaulin na may nakasaad na mga katagang “Joint Medical Mission of Kasama-TK and 85IB, 2ID,PA”, kahit na mariing itinanggi kalaunan ng KASAMA-TK ang kaugnayan ng mga pwersa ng militar sa kanilang proyektong tulong-medikal.

Bagamat tinangkang tanggalin ito ng mga organisador ng medical mission, pinagmatigasan umano ng mga sundalo na ikabit ang nasabing tarpaulin.

Sa isang pahayag na kaniyang ibinahagi sa UPLB Perspective, mariing nilinaw ni Jerry Luna, taga-pangulo ng KASAMA-TK, na hindi kailanman makikipagtulungan ang kanilang organisasyon sa militar para maisagawa ang tulong-medikal.

“Hindi kami makikipagtulungan sa berdugong AFP na pumatay sa isang daan na mga magsasaka, lalo na ang 201st [Infantry] Brigade,” aniya.

Maliban sa pagkakabit ng tarpaulin, kinuhanan din ng mga militar ng bidyo ang mga volunteers at medical personnel, pati na rin ng litrato ang listahang naglalaman ng pribadong impormasyon ng mga pasyenteng kabilang sa tulong-medikal.

Kwento pa ni Luna, pinagtawanan umano ng militar ang isang pasyenteng kinakailangang isugod sa emergency room dahil may malubha itong karamdaman.

“Kung paano ipinagyayabang ang malalaking baril, pinagtatawanan [nila] ang ER patient,” saad niya.

Dagdag pa ng KASAMA-TK, nagkaroon din umano ng checkpoint sa Agdangan, Quezon matapos ang medical mission, kung saan binabantayan ng militar ang mga organisador at mga boluntaryong lumahok sa aktibidad. Anila, binisita rin ng mga sundalo ang mga bahay ng mga magsasaka upang interogahin sila tungkol sa nangyaring medical mission.

Pagputok ng mga akusasyon

Bagamat unang iginiit ng militar na “joint” ang nasabing medical mission, kalaunan ay naglabas naman ng pahayag ang 201st Infantry Brigade na nagsasabing expired umano ang mga gamot na ipinamahagi sa programa. “Ayon sa mga mamamayan, ng Agdangan, Quezon, imbes na magbibigay ng pangunahing serbisyo para sa mga mamamayan ng Agdangan, mga expired na gamot at vitamins ang ipinamahagi ng nasabing grupo,” ani ng 201st Infantry Brigade sa isang Facebook post. Sa kabila ng pahayag na ito ng militar, makikitang naglabas ng Facebook video ang 85th Infantry Sandiwa Battalion noong ika-10 ng Abril, kung saan makikitang nagpapasalamat ang isang babae dahil “na-check up” ang kaniyang mga anak at nabigyan ng mga

MGA LARAWAN MULA SA KASAMA -TK

Resibo ng mga gamot na binili ng KASAMA-TK. MGA LARAWAN MULA SA KASAMA-TK / FACEBOOK kinakailangang gamot, “sa pamamagitan ng KASAMA [TK] kasama ang Philippine Army”. Sa kabila ng mga pahayag ng 201st Infantry Brigade ukol sa anila’y mga “expired” na gamot, agad namang inihain ng KASAMA-TK ang mga resibo ng biniling gamot mula ika-9 ng Abril hanggang sa araw na ginanap ang medical mission. “Patunay ito na bagong bili ang mga gamot. Hindi galing sa medical mission ng Kasama-TK, ng mga pribadong donor at kabahaging organisasyon ang mga pinalulutang na mga ‘expired na gamot’ sa Facebook post ng

85th IB at 201st IB,” giit ng samahan sa kanilang pahayag noong ika-15 ng Abril.

Dagdag pa ng KASAMA-TK, nakipag-diyalogo rin sila sa mga opisyal ng barangay at munisipyo upang alamin kung ano ang mga pangunahing pangangailangang medikal ng mga mamamayan ng Agdangan.

Sa kabila nito, naglabas naman ang 85th Infantry Sandiwa Battalion ng larawan ng “Pagpapatunay” ng punong barangay na si Kgg. Edilberto Lancion na hindi umano nakipag-ugnayan ang KASAMA-TK sa pamunuang barangay.

Dahil taliwas ito sa naunang Facebook post ng organisasyon ng mga magsasaka, sinubukan ng UPLB Perspective na muling kunan ng pahayag ang KASAMA-TK. Sa kasalukuyan ay hindi pa nakapagbibigay ng tugon ang organisasyon.

Samantala, inakusahan din ng mga militar na hindi mga tunay na doktor ang lumahok sa proyekto.

“Nang hiningan ni Gng. Hernandez [isa sa mga dumalo sa medical mission] ng PRC License Number ang inakala niyang doktor na para doon sa resita, hindi umano ito nakapagbigay sa kadahilanang nakalimutan ang kanyang PRC license number. Agad tinanong ni Gng. Hernandez kung siya ay tunay na doktor, subalit ang sagot ay estudyante pa lamang ito at hindi rin siya makapagpakita ng kanyang school ID,” salaysay ng 201st Infantry Brigade.

Ayon naman kay Luna, “‘Yung Health Aksyon for Human Rights ay magre-release ng sariling statement. Pwede silang hingian ng komento dito.”

Ang Aksyon Health Workers ay isang partidong aktibong nangangampanya para sa kapakanan ng health workers, at para sa pagkakamit ng maayos na kalusugan ng mga Pilipino. Sinubukan ng UPLB Perspective na makuha ang pahayag ng Aksyon Health Workers, ngunit sa kasalukuyan ay wala pa silang tugon.

Samantala, nag-akusa rin ang militar na layunin umano ng KASAMA-TK na linlangin ang mga mamamayan sa Agdangan, Quezon upang makuha ang suporta ng mga ito para sa rebolusyonaryong kilusan.

“Nangagalaiti kayo sa galit dahil natumbok at nasira ang inyong planong gamitin ang medical mission para makakuha ng simpatya sa mga tao na patuloy na suportahan ang teroristang NPA na bumibilang na lang ng dalawampu (20) na nahahati sa 2 grupo,” ani ng 201st Infantry Brigade.

Dagdag pa ng militar, wala umanong nangyaring intimidasyon. Anila, ang pag-iwas ng KASAMA-TK sa “security” ay indikasyon umano na ayaw ng organisasyon na makitang mayroon silang “magandang relasyon sa mga kasundaluhan at kapulisan o sa alin mang ahensya ng gobyerno”.

Kawalan ng seguridad sa matinding militarisasyon

Sa kabila ng “seguridad” na iginigiit na ibigay ng 201st Infantry Brigade, matatandaang ang malalang militarisasyon mismo sa Quezon ang nagbunsod sa panghaharas sa mga magsasaka. Noong 2021, daan-daang magniniyog ang sapilitang pinasuko ng militar bilang mga kasanib umano ng CPP-NPANDF.

Ang militarisasyon ding ito ang nagbunsod sa pagkamatay ng ilang mga residente.

“Ang 59th IB na under ng 201st IB ay nambaril noong April 9. Sila rin ang pumatay sa Sampaloc 2. Pinaratangan na NPA para pabanguhin [ang kanilang imahe]. Ang red-tagging, sobrang gasgas na script ‘yan para i-justify ang patuloy na karahasan at pagpatay sa mga magsasaka,” diin ni Luna.

Ayon sa Anakbayan Quezon, noon lamang ika-9 ng Abril, binaril ng isang lasing na sundalo ng 59th Infantry Battalion ang 20 taong gulang na sibilyan na si Jayr Lasquites sa Mauban, Quezon.

Matatandaan ding nagbunsod ang red-tagging ng mga militar sa pagkamatay ng dalawang sibilyang magsasakang sina Jorge Coronacion at Arnold Buri sa Sampaloc, Quezon noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Ayon sa pandaigdigang organisasyon na Human Rights Watch (HRW), ilang dekada nang ginagamit ang red-tagging sa Pilipinas bunga ng pakikipaglaban ng pamahalaan sa NPA. Naging daan din ang Anti-Terror Law at Executive Order No. 70 na nagtatag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa ilalim ng administrasyong Duterte upang mapalaganap ang pag-akusa sa mga progresibo bilang kasapi ng kilusan.

Samantala, mariin namang kinokondena ng KASAMA-TK ang pag-red-tag sa kanila ng militar.

“Dahil sinuka sila sa pagpapanggap at pagpapakitang-tao noong medical mission na hindi nila inorganisa, bumaling sila sa pinakagasgas na red-tagging upang siraan na ang ‘katuwang’ nilang organisasyon,” anila.

Kilala ang KASAMA-TK bilang pederasyong binubuo ng iba’t-ibang samahan ng mga magsasaka sa Timog Katagalugan. Itinuturing ito bilang opisyal na regional chapter ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na isang demokratiko at militanteng kilusan ng mga magsasaka.

“Kahit sa pakanang red-tagging, intimidasyon, at pagkaepal ng AFP sa Quezon, mananatili kaming lingkod ng mga magbubukid sa probinsya at sa Timog Katagalugan,” huling mensahe ng samahang magbubukid sa kanilang bukas na liham.

Pagsupil sa panulat

Samantala, mariin namang kinondena ng UPLB Perspective ang pag-red-tag sa kanila ng militar sapagkat anila, direktang pag-atake laban sa malayang pamamahayag ang ginawa ng 201st Infantry Brigade.

“Ilang taon nang nasa peligro ang mga mamamahayag, litratista, at manunulat mula sa kamay ng estado. Ngayon ay lalo pa itong umiigting nang mas pinalakas pa ng kasalukuyang administrasyon ang pulis at militar upang patahimikin ang bawat kumpas ng panulat,” pahayag ng UPLB Perspective.

Ayon sa opisyal na pahayagan ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya ng UP Diliman na SINAG, hindi ito ang unang beses na naging biktima ng red-tagging ang mga pahayagan. Bukod sa UPLB Perspective, inatake rin ang mga pahayagang SINAG, Philippine Collegian, at mga alternatibong midya kagaya ng Bulatlat at Altermidya, maging ang mga grupong College Editors Guild of the Philippines (CEGP), at National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), dahil sa pagiging kritikal ng mga ito sa kasalukuyang rehimen.

Samantala, nakiisa ang CEGP sa panawagang itigil ang pag-atake sa mga pahayagang patuloy na pinipiling magsulat, maglingkod, at magpalaya.

“We challenge the UP system and UPLB administration, student publications, youth, and freedom-loving Filipinos to denounce this red-baiting on UPLB Perspective as an assault on campus journalism and human rights,” dagdag pa nila. [“Hinahamon namin ang buong UP system at ang administrasyon ng UPLB, pahayagang pang-kampus, mga kabataan, at mga Pilipinong nais ng kalayaan, na tuligsain ang pagred-tag sa UPLB Perspective na isang atake sa mga pahayagan at maging sa karapatang pantao.”]

Ang CEGP ay ang pinakamatanda at pinakamalawak na alyansa ng mga opisyal na pahayagang pang-kolehiyo sa buong Asya-Pasipiko.

Iginiit din ng UPLB Perspective sa kanilang pahayag na tungkulin nilang maghatid ng makabuluhang balita at maging boses sa mga panawagan ng mga mamamayan ng Timog Katagalugan. Bilang alternatibong midya, tungkulin din ng nasabing pahayagan na magbigay-liwanag sa mga inhustisyang nararanasan ng mga mamamayan sa kamay ng estado.

Sa kanilang pangwakas na mensahe, binitawan ng UPLB Perspective ang mga katagang: “Subalit sa kabila ng mga atakeng ito, matapang na ipagpapatuloy ng UPLB Perspective ang makatotohanang pamamahayag, ang kritikal na pagsuri sa makakapangyarihan, ang pagtataguyod ng malayang pamamahayag, at ang pagtindig para sa demokrasya.” [P]

LARAWAN MULA SA KASAMA-TK / FACEBOOK

ONLINE

This article is from: