(Maikling Kwento) Si Erpat

Page 1

Nagbago na si Erpat ni Andrew Estacio May 2013 (karugtong ng Uyayi ni Nanay)

“…Lagi sa’king sinasabi ni tatay na swerte na ‘pag kumikita ng 300 piso. Pwede nang pambili ng limang balut, kalahating kilo ng kanin, dalawang pakete ng kape, at isang tali ng talbos ng kamote para sa limang kakain ng pananghalian. Ganoon niya tinitignan ang mga maliliit na bagay, may malaki itong naidudulot. Bahala na si Itay sa sukling matitira, baka sa pang-sigarilyo niya…”

Pumipitik, sumisindi at bumubuga-buga ng maliit na apoy. Lighter. Para sa ‘ki’y isang laruan na nakakawiling kalikutin at itapat sa bagay na mabilis magliyab. Sobrang bilis magliyab na sobrang mapanira kapag kina-adikan. Garilyo ba tawag dun? Garilyo raw ang tamang salitang maihahambing sa Adik. Sabi ‘yan ni Jetro, yung kalaro ko at kapitbahay namin sa tapat. Garilyo raw ang laging kinakalikot at pinaglalaruan ng kanyang Erpat na si Otep. Araw-araw hindi mawawala sa kanyang kamay ang mausok na istik na lagi niyang hinihithit at kapag binuga ay bulkang sampung taong nagreserba ng makapal na usok. ‘Yun! ‘Yun din ang pinaglalaruan ng Erpat ko. Hithit, buga, hithit, buga. Paulit-ulit na ginagawa. Para bang nakakaengganyong gawin. Nilapitan ko si Erpat. “Tay, ano po ba ‘yan?” Hithit, buga , hithit buga. “Wala…,”sabay buga. Nalanghap ko ang mapaklang usok na lumunod sa aking ilong at para bang nagpaasim sa aking sikmura. “Garilyo ba tawag diyan?” Nahulog sa pagkakahawak ang istik, tinapakan niya at tsaka hinitsa sa bintana. “Matulog ka’t ala una imedya na, tawag ka na ng Nanay mo.” Lumabas ako ng bakuran para ‘di ako makita ng Nanay. Pinuntahan ko ang pinagtapunan ni Erpat ng sigarilyo. Sa ‘di kalayuan ay naamoy ko ang abo nito at nasipat ang nakayuping istik. Pinulot ko ito mula sa madamong lupa. Habang kinakapkap ko ang lighter sa aking bulsa ay sinisigurado kong walang nakakakita, tanging ang mga langgam lang sa pader. Pitik, sindi . Ayaw pa ring lumiyab. Pitik, sindi. Lumingon ako sa likod, buti wala pa si Erpat. Tumatakbo ang tibok ng puso ko sa kaba. Sinigurado kong nasa loob siya nang marinig kong nag-uusap sila ni Nanay. Ngunit ayaw pa ring lumiyab ng apoy. Sa ikalimang pagkakataon ay umandar na ang lighter. Tulong-tulo ang pawis ko sa leeg. Natatawa kong sinindihan ang tustang nguso ng istik ng garilyo. Bigla akong nakarinig ng yapak ng paa sa aking likuran. Hindi ko naman talaga ito hihithitin bagkus balak ko itong lagyan ng pulbura para pumutok-putok parang sa Pikolo. “Anong ginagawa mo?!,”sigaw ni Erpat. Napanginig ng ‘di oras, bigla kong hinitsa ang istik. Patay.

Nakahiga na kami ni Nanay sa banig. Habang nakakulong ako sa yakap niya, isinara ko ang aking mga mata…unti-unting naglaho ang aking malay at nakatulog… …Nakaamoy ako ng usok…kaamoy ng sunog na abo, mapakla, nakakasikmura. Umaalingasaw ang mabahong amoy. Madilim. Walang tao sa paligid. Hindi ako makagalaw. Pakiramdam ko’y para kang pinaiikut-ikot at lutang sa kawalan. Sa isang kurap ay nakakita ako ng malabong imahe, nakatalikod at may hawak na kung ano. Unti-unti nabuo ang muka ng aking Itay. Sinubukan ko siyang abutin. Miya-miya’y nakarinig ako ng malakas na hiyawan sa aking likuran. Tila may matinding alitan. Malabo ang bawat salita ngunit ramdam ang matinding galit at hinanakit. Lumingon ako sa harapan at biglang tumambad ang makapal


na usok…maitim, nakakakilabot,…Nakita ko ang muka ng aking Ama na unti-unting nilalamon. Napalibutan ako ng matinding takot! Nawawala ako sa sarili. Lumakas nang lumakas ang naririnig kong hiyawan, bayolente. Nawala sa aking paningin ang aking Ama. Tumaas nang tumaas ang boses na aking naririnig…hindi ko mawari kung nasaan ako…paikot-ikot ang aking paningin. Paikot-ikot. Luminaw ang boses at bigla kong narinig …”Sigarilyo!” “…Sigarilyo! Ha Otep?!,” sigaw ng isang babae sa labas. Bigla akong nagising. Dumilat akong lutang sa aking napanaginipan. May nag-aaway sa labas , sa kapitbahay. Sila ang narinig ko. “Wala ka nang inintindi kundi puro alak, sigarilyo, bisyo!” Nakita kong nagkakagulo sa bahay nila Jetro. Bumabaha sa luha ang nanay niya. “…dahil sa bisyo nawala ka sa katinuan! At nakuha mo pang mam...baba…,” hindi masambit ng kanyang nanay ang masaklap na salitang ginawa ng kanyang ama. Bumuhos ang matinding luha at pighati sa dating inaakalang langit na tahanan. Gulong gulo, basag ang mga plato, at nagkalat ang mga kagamitan. Delubyo ang nasaksihan ni Jetro. Pilit niyang pinipigilan ang dalawa ngunit sinong makakarinig sa hinaing ng isang batang paslit sa kalagitnaan ng maingay na pag-aawayan?

Sa isang pitik ay nagliyab ang kinatatakutan ko. Nahawa na ang aming tahanan sa kanila.

Nagising ako sa bangungot. May nagbabatuhan ng masasakit na salita, naghahampasan, naghahagisan ng gamit, nagsisigawan, nag-iiyakan. Tumakbo ako papalayo ng gulo. Nakita ko si Tatay may daladalang malaking bag na tinahi pa ng Nanay. Marami siyang dala. Pinagmasdan ko siyang umalis papalayo sa apat naming pader. Papalayo nang papalayo. Nakita ko ang nalaglag ‘nyang sigarilyo sa huli niyang hakbang sa aming bahay. Pinulot ko ito at tiningnan nang maigi ang nasunog na nguso. Tinawag ni Nanay ang pangalan ko at dali-dali niyang ‘tong hinablot, pinagtatapak at sumisigaw sa sobrang galit. Umiyak ako nang umiyak. “Ano p..pong… nangyari?,”sabay punas ng tumutulo kong sipon. “Nam…baba…,” hindi masambit ni Nanay ang masaklap na salitang ginawa ni Tatay. Hindi masambit sa sobrang bigat ng kanyang damdamin at sa pwersa ng kanyang pag-iyak. Nagkatotoo ang aking bangungot. Wala na siya. Kami-kami na lang nina Kuya, Ate, at Nanay. Magpahanggang ngayon ay pilit kong iniisip kung anong sapi ba may’ron ang Garilyo at ganun na lang niya pinagwatak-watak ang pamilya. Sinunog nito ang kaisa-isa kong Tatay. Sinunog ng Bisyo at Tukso.

Disyembre 17, Sumapit ang kaarawan ni ate. Nagluto si Nanay ng paborito niyang Menudo at naghanda ng limang lanera ng Gelatin. Pangkaraniwang araw para sa iba pero Fiesta na ang dating nito sa amin lalo na sa magsasampung taon na dalaga. “Hapi Bertdey to yu! Happy…,” biglang naudlot ang aking pagkanta. Hinampas ako sa kamay ni Kuya dahil kailangan munang magdasal bago pagsaluhan ang munting handa. Dahil sa ako ang unang kumanta, ako ang mamumuno ng dasal. “Papa Jesus, salamat po sa pagkain nasa lamesa at sana marami pang bertdeys ang dumating ke ate at sana …” Nakikita ko ang mga muka nila na nakangiti at among-among pinagmamasdan ang aking pagdarasal, “At sana dumating na po si Papa…Amen.” “Anak nandito na ko…” Biglang sumabay ang kalmado at nananabik na boses , sumulpot ang hindi inaasahang pagdating ni Itay. Kumalansing ang kutsara’t tinidor at nalaglag ang mga kubyertos sa dalidaling pagyakap ni Nanay. Ito ang pinakamasayang araw.


Sumapit ang mga masasayang araw sa unti-unting pagluwag ng aming buhay. Dahil ‘yun sa Ilaw ng Tahanan at higit lalo na sa Haligi ng Tahanan. “Nako, walang wala na ang bisyo simula ng napunta kami ng Nanay mo dito sa Amerika!,” pagmamayabang ni Tatay habang kami ay naguusap sa Skype. “Syempre, kung hindi dahil sa inyo, hindi ako magbabago. Kayong mga anak ko ang aking inspirasyon.” Tumatak sa aking puso ang mga salitang yon. Ang sarap malaman na kami ang dahilan bakit siya bumabangon. Napakasarap magkaroon ng Ama , ‘yan ang nararamdaman ko sa katulad niya. Abril 17, kaarawan ko. Sumabay din ang aming Graduation. Tumungtong ang ala-una imedya ng hapon ngunit sarap na sarap ako sa pagtulog. Nakahiga akong nakatagilid sa kaliwa, nasanay na dahil sa posisyong ‘yun magkaharap kami ni Nanay matulog. Naramdaman kong may kumakalabit sa aking balikat. “Gising na gising ka na ba?,” sinalubong ako ng maliwanag na ngiti ni Tita, ang matagal na nagalaga sa amin noong wala ang Nanay at Tatay. “Opo, handang-handa na!,” dumeretso ako sa banyo, naghanda, nagpalit ng damit, at isinuot ang matagal na inaasam na Toga. Humarap ako sa salamin at taas-noo kong sinabi, “Para kay Tatay at kay Nanay!” Miya-miya pa’y biglang tumapik sa akin ang isang malaking kamay. “O, hindi pa maayos yang Toga mo.” Lumingon ako sa kanya at napasigaw sa sobrang tuwa sa hindi inaasahang pagtatagpo. “Anak…Proud kami ng Nanay mo sa’yo,” niyakap ako ni Tatay! Hindi ako makapaniwala sa nangyayari. Bumilis ang tibok ng aking puso, nanlaki at nanluha ang aking mga mata, at tumindig ang aking mga balahibo. Hindi ko mawari ang nararamdaman ko. Ilang taon kaming hindi nagkikita, at heto nasa harap ko na. Nakuha kong kurutin ang aking pisngi , nagbabakasakaling baka panaginip lamang ito, ngunit hindi! “Nasaan si Nanay?!” Lumingon ako sa kanan at nakita ko sya na dala-dala ang aking cap. Hindi mapigilan ang luha sa kaligayahan habang isinusuot niya ito sa akin. Habang si Tita ay nagpupunas din ng mata sa bandang gilid dahil sa sobrang kaligayahan. Gusto kong tumalon sa sobrang kaligayahan. Nagulat ako nang biglang sumulpot sina Kuya at Ate, may dala-dalang Cake . “Hapi bertdey to yo, hapi bertdey, hapi bertdey, hapi bertdey to yo!” Maluha-luha kong hinipan ang labing walong kandila ngunit dapat sana ay labing-siyam. Kinapa kapa ni Tatay ang kanyang bulsa, sinalat ang maliit na bagay, bagay na dati kong kinatatakutan. Lighter. Pitik, Sindi. Pitik, Sindi. Sinindihan ang istik na kandila. Napatingin ako kay Tatay. “Ngayon, ibabaon ko sa limot ang nakaraan,” sabay kong hinipan ang ika-labing siyam na kandila. Humarap sila sa akin at taas-noong sinabi, “Para sa Summa Cum Laude.”


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.