6 minute read

Ang Siyam na Buwang Ipinagbuntis ng Panunungkulan ni Marcos Jr.

Halos siyam na buwan na ang nakalipas simula nang manumpa si Ferdinand Marcos Jr., anak ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr., bilang opisyal na ika-17 pangulo ng Pilipinas.

Sa loob ng panahong ito, halos walang maitatalang naidulot na progreso at pag-unlad ang kanyang panunungkulan. Sa halip, samu’t saring sosyo-politikal at ekonomikong suliranin ang umuusbong at patuloy na kinahaharap ng mga Pilipino. Nariyan ang isyu patungkol sa patuloy na paglobo ng presyo ng mga bilihin, hindi sapat na pasahod sa mga manggagagwa, pilit na pagpilay sa malayang pamamahayag, walang humpay na pangreredtag, pagbasura sa sa mga tradisyunal na dyipni sa kalsada, at iba’t iba pang paglabag sa karapatang pantao na siya ring nakamit sa pasistang rehimen ng kanyang ama.

Pagsasabatas ng Mandatory ROTC

Matatandaang isa sa mga prayoridad ni Marcos Jr. sa kanyang anim na taong panunungkulan ay ang muling pagsasabatas ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) bilang isang mandatory requirement sa Senior High School (SHS).

Katwiran niya, layon nitong sanayin at ihanda ang mga mag-aaral bilang bahagi ng depensa ng bansa at pati na rin aniya bilang paghahanda sa mga sakuna.

“The aim is to motivate, train, organize, and mobilize students for national defense preparedness, including disaster preparedness and capacity building for risk-related situations,” sambit niya sa kanyang unang State of the Nation Address noong Hulyo 2022..

Giit naman ni Sen. Risa Hontiveros na hindi lang sa pamamagitan ng sapilitang ROTC maaaring ipakita ng isang magaaral ang pagmamahal niya sa kanyang bansa. “Iba’t ibang paraan mahalin at magsilbi kay inang bayan. So ‘yung mga passion nila sa buhay ay may military service, katulad ng late husband ko na PMA graduate. Full support ako sa mga batang iyon,” ana ng mambabatas sa isang pahayag noong nakaraang taon.

“Pero ‘yung ibang mga kabataan na Filipino na gustong maglingkod kay inang bayan sa iba pang paraan, ‘wag natin sila pipilitin no sa iisang hulma lamang. [D] apat palayo tayo sa militarism na mindset natin. Papunta sa mas demokratiko at sa mas citizen’s participation sa ibang anyo,” dagdag pa niya.

Bago pa man ito, una nang isinulong ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang papasa sa MROTC na siyang aniya magbibigay ng “gallantry, bravery, and spirit of volunteerism” sa kabataang Pilipino.

Kaugnay ng paulit-ulit na pagsulong nito ay ang malakas na oposisyon ng ilang mag-aaral at progresibong grupo dahil sa ilang dahilan.

Una ay dahil sa madilim na kasaysayan nito sa pagiging abusado at bayolente.

Marami na ang naging patotoo sa kasong ito—isa na ang sinapit ni Mark Welson Chua na isang kadete sa Unibersidad ng Santo Tomas. Taong 2001 nang pinaslang si Chua matapos nitong ilantad ang korapsyon sa ROTC program ng kanyang pamantasan.

Ang naturang krimen ang siyang nagsilbing daan upang maisabatas ang RA 9163 o ang NSTP Law kung saan naging opsiyonal na lamang ang pagkuha ng ROTC.

Maaaring iugnay ang insidenteng ito sa matagal nang isyu ng hazing sa bansa. Nito lamang nakaraang buwan nang pumutok ang balita tungkol sa pagkasawi ng isang Adamson University student na si John Matthew Salilig matapos magtamo ng “severe blunt force in the lower extremities” sa isinagawang initiation rites ng Tau Gamma Phi.

Dahil dito, nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers na ibasura ang pagsulong sa sapilitang ROTC dahil pareho anila itong may “destructive hazing culture” at ang naturang programa ay macho-pasista at marahas.

“Our schools should at all times be safe spaces for learning and zones of peace. Such school environment is vital in enabling free discourse and genuine pursuit of truth and knowledge that is relevant to the lives of our youth and the country’s future,” saad ng grupo sa isang pahayag.

Pangalawa ay ang posibilidad ng gawing kuta ng korapsyon ang naturang programa. Ang mga nakaupo at magtuturo ng ROTC sa bawat paaralan ay hindi malabong gawing espasyo ng pangkokorap at panunuhol ang naturang programa lalo pa’t sila ang may awtoridad sa mga estudyante.

Panghuli ay ang pagiging dagdag na pasanin nito sa mga mag-aaral at magulang. Bukod sa kultura ng karahasan at korapsyon, mas makadadagdag pa ang pagsasabatas ng sapilitang ROTC sa mga gastusin ng mga magulang ng mag-aaral.

Panawagan ng ilang grupo sa isang petisyon, sa halip na isabatas ang MROTC sa SHS ay dapat na mas pagtuunan na lang nila ng pansin ang iba pang isyu pang-eduaksyon na siyang kailangan ng agarang aksyon.

“We, students, teachers, parents, and citizens who care for our youth and the nation, firmly oppose the revival of mandatory ROTC via its inclusion in the Senior High School curriculum,” pahayag nila.

“We call on the government to take action to resolve the students’ genuine concerns for increased education budget and retrofitting of schools towards the safe resumption of classes.”

Kabi-kabilang labor rights violation

Nitong Pebrero 2023, naglabas ng pahayag ang Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan kanilang sinisigurado na lahat ng kasong isinumite sa International Labor Organization (ILO) patungkol sa harassment at rights violation sa mga manggagawang Pilipino ay sumasailalim na sa matinding proseso.

Ito ay matapos maitala ng nasabing international labor group ang kabi-kabilang “karahasan” laban sa mga manggagawa matapos isakatuparan ang kanilang high-level tripartite mission (HITM) noong ika-23 ng Enero hanggang 27, 2023, na may layuning siyasatin ang pagtupad ng pamahalaan sa kanilang tungkuling protektahan ang kalayaan at karapatan ng mga manggagawa na nakasaad sa ILO Convention No. 87.

Matatandaang sa pagbukas ng taong 2023, muling hinimok ng mga labor and right groups ang ILO na imbestigahan ang mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga manggagawang Pilipino mula sa mga nagdaang taon, kung saan binibigyang-diin ang samu’t saring kaso ng red-tagging, pagpatay, at biglaang pagkawala ng mga aktibistang manggagawa magmula pa noong administrasyong Duterte.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, kasalukuyan nang hawak at iniimbestigahan ng mga National and Regional Tripartite Monitoring Bodies (RTMBs) ang mga naitalang kaso lalo na ‘yong sangkot ang mga trade union leaders.

“They help ensure the full and swift investigation and resolution of the alleged acts of killings, harassment, and abduction of trade union leaders and members through the active involvement of workers’ and employers’ representatives in case monitoring,” aniya.

Dagdag pa rito, mayroong humigit-kumulang 60 kaso ng extrajudicial killings at attempted murder na naitala sa kasalukuyang administrasyon ang kanila ring sinusubaybayan sa ngayon at 20 mula rito ang naisulong na sa korte.

Iniuugnay ito sa ipinasang report ng KARAPATAN sa ILO, isang alyansa para sa proteksyon ng karapatang pantao, kung saan nakasaad na mayroong matinding kakulangan ang pamahalaan sa pananagutan sa mga naitalang kaso ng human rights violation sa mga nakaraang administrasyon na isang pagpapatunay na hindi nagawa ng pamahalaan ang kanilang tungkuling sundin ang ILO Convention No. 87.

Isa na rito ang tinaguriang “Bloody Sunday” noong Marso 2021 kung saan siyam na manggagawang aktibista ang pinatay at anim ang inaresto sa Southern Tagalog matapos ma-red-tag bilang kaalyansa ng Communist Party of the

Philippines (CPP), tatlong araw nang maglabas ng panibagong ‘kill order’ ang dating pangulong Rodrigo Duterte.

Dagdag pa rito, binigyang-diin din ng KARAPATAN na ‘di umano’y “markado” na ang mga biktima para sa political persecution bago pa man sila ma-red-tag.

Kabilang din ang mga grupong ACT, Alliance of Health Workers, Courage, at Kilusang Mayo Uno sa mga organisasyong nakaranas ng walang-basehang pag-redtag ng mga nasa opisyal ng pamahalaan tulad ni Vice President Sara Duterte na siya ring kalihim ng DepEd. Pagpilay sa Malayang Pamamahayag

Tatlong buwan matapos ang opisyal na pagtatalaga kay Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang pangulo ng bansa, nagpahayag ng kanyang saloobin si Senator Grace Poe hinggil sa ‘di umano’y “media blackout” pagdating sa kabi-kabilang kaso ng kidnapping partikular na sa Luzon.

Ayon kay Poe, hindi nagtutugma ang impormasyong inilalathala ng Philippine National Police (PNP) kumpara sa mga social media post tungkol sa isyung ito.

“Nawala” naman sa Ika-10 ng Enero, 2023 ang dalawang Cebuanong aktibista na sina Dyan Gumanao at Armand Dayoha sa pagkarating ng Cebu mula Cagayan De Oro.

Natagpuan sina Gumanao anim na araw matapos ang nasabing post, kasabay ng pagkalat ng aktwal na bidyo ng sapilitang pagdukot sa kanila ng apat na pulis sa daungan ng Cebu.

“We were abducted. We did not elope. We did not go away to settle some issues,” pagdedetalye ni Gumanao sa isinagawang press conference noong Enero 21 sa UP Cebu.

Ayon pa sa kanila, ilang ulit tinanong ni Gumanao ang mga pulis sa kanilang motibo na siya ring sinagot ng “dahil sila ay mga aktibista”.

“They asked us about our ties to socalled terrorist groups and what we had done for them,” saad niya.

“Here are the clear facts. We were abducted, and we were abducted because we are activists… because we are development workers, teachers, unionists. This is what we should ask. Just because we are activists, are we legitimate targets?” ani Dayoha.

Sa kasalukuyang lagay ng bansa at estado ng pamumuhay ng mga mamamayan nito, masasalaming bingi, walang pakialam, at tanging gahaman lang sa kapangyarihan ang mga nasa administrasyon.

Mahihinuhang isang palpak, hindi mabisa at malayo sa pagiging epektibong sistema ng pamamalakad ang ipinagbuntis ng Pangulo sa halos siyam na buwan niyang panunungkulan.

This article is from: