7 minute read
Liwayway sa Pag-usbong ng Bagong Merkado
sulat at larawan ni: MDPN. ALEXIS CARL B. TABASIN ilustrasyon ni: MDPN. NICANOR S. CINCO III
Nakakabinging turbo ng dyip ang gumising sa mahimbing na natutulog na lungsod. Batid ang daplis ng malamig na hangin sa gabing mapusok dulot ng nagkukumpulang mga sasakyan na tila kumakarera sa isang race track. Kaalinsabay ng pagsikat ng araw ay siyang paggising ng diwa ng mga taong naghahanda ng kanilang mga paninda sa munti nilang mga pwesto. Sa mismong lugar kung saan umiikot ang kanilang buhay ay magsisimula ang pagbabagong mag-iiba sa daloy ng kanilang kinabukasan.
Advertisement
Ito ang kadalasang eksena sa palengke – karaniwan na ang mga tao ay nagbabanat ng buto dahil may mga bunganga silang pinapakain sa kanilang tahanan. Hindi dama ang oras kapag ikaw ay nasa loob. Kakain lang kung gutom at magtatapos lang tuwing madilim na ang paligid. Ito ay isang laban na nakadepende sa haba ng pasensya at lakas ng loob.
Hindi magkamayaw ang mamimili na tila bubuyog na paikot-ikot at pabalik-balik sa bahay-pukyutan. Bawat sulok ng lugar ay napapalibutan ng kanilang suki kung saan ang pagkain na mas mababa ang presyo o naiiba ay siyang pinupunteyra. Iyan ang marka na kahit nakapikit man ang iyong mata ay kabisado na ang mga daanan sa mga kakailanganing bilhin.
Ito ang pagkakakilanlan ng sambayanan sa isang pampublikong pamilihan.
Ang merkado ay isang lugar na kung saan ang pinkasentro nito ay ang sari-saring mga produktong binebenta ng mga nagtitinda at pinipiling bilhin ng mga mamimili. Nagsisilbing lugar kung saan sumisibol at umuugat ang paglago ng isang negosyo. Bawat bayan ay may mga merkado na nagbibigay kita sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga lokal na produkto at kalakal. Kasabay ng modernisasyon ng mundo ay siyang pag-unlad ng pagbabagong-anyo ng mga merkadong pampubliko.
Layunin ng Public-Private Project (PPP) Program na mag-organisa ng iba’t ibang mga proyekto sa Pilipinas. Ayon sa Executive Order No. 8 series of 2010, na binago ng Executive Order No. 136 series of 2013, ang PPP Center ay ipinag-utos na mapadali ang mga proyekto at programa ng PPP. Kasama sa proyekto ang pagpapaganda ng ilang mga merkado sa lungsod ng Iloilo; kabilang dito ang Lapaz Market, Central Market, at Villa Arevalo Market. Sinimulan na ang mga rehabilitasyon at pagsasaayos sa mga merkdao ngayong taon. Nagsikilos at paumanhing pinalipat ang mga nagtitinda sa lugar sa pansamantalang pag-relocate sa kanila.
Merkadong Sagana sa Kultura
Ang sikat na Madge Café na itinayo noong 1938 ay isa sa mga inilipat sa temporaryong lugar malapit sa isinasaayos na merkado sa Lapaz. Kasama ng iba pang mga kainan, sila ay apektado sa rehabilitasyon na posibleng magtagal ng mahigit dalawang taon.
“Sinimulan ni lolo ang tindahan na ito noong 1938, kaya 84 years na itong kapihan. Simula noong bata pa kami, ito na yung training ground namin. Mula high school, nagsisilbi na kami at ito yung lugar ng ensayo namin”, sabi ng may-ari na si Peter De La Cruz, 54 anyos.
Halo-halong emosyon ang naramdaman ni Peter ng ipinatupad ang rehabilitasyon sa merkado na kung saan bantog ang kanilang kapihan.
“Ipinasa ito sa akin nang namatay si lolo, nakaraang 2003. 19 na taong gulang ako nang inaasikaso ko ang Madge. Hanggang naglipat kami ngayong October 1. Malungkot man sabihin, nawala na ang pamana, ang luma naming istraktura”, dagdag niya.
Kilala ang Madge Café sa kanilang makaluma at maaliwalas na interyor na dinudumog ng mga lokal at turista. Nakakahinayang na sa ilang dekadang serbisyo nila sa tao ay mag-iiba ang kanilang puwesto. Pagkatapos ng rehabilitasyon ay nakatalaga silang ipupwesto sila sa ikalawang palapag ng merkado.
Ikinumpara ni Peter ang lugar sa ngayon na isangkatlo espasyo lang kumpara sa malawak nilang orihinal na pwesto. Ang kinikita nila ay bumaba sa 60 porsyento noong nagsimula ang pandemya. Sa kabila ng lahat, dinadayo pa rin ng lahat ang kapihan.
Inilabas niya ang sariling kuro-kuro na panatilihin na lang ang lumang merkado dahil dito nakilala ang Lapaz Market. Idinagdag niya na wala namang kwestiyon sa bagong disenyo na isabay sa modernisasyon, pero sana hindi sinira ang mga luma, dapat inaayos at ibinabalik.
“Mayroon silang pasilidad bagama’t ang kaginhawaan hindi kagaya noon at yung paman ay nawala na. Yung iminungkahi sana namin ay ayusin lang yung bubong, kunin ang mga sabagal, linisin, at ayusin lang ang mga tindahan. Pero huli na, nasa plano na ang lahat, hindi na nila tinanggap ang suhestiyon”, pahayag ni Peter sa opisyal ng bayan.
“Pero okay gid, when it comes to the renovation, we can go with that pero tani kanugon.(Pero okay talaga, pagdating sa pagbabago, pwedeng sundin pero sayang ang nawala),” dagdag niya.
May higit-kumulang PhP 395M ang badyet para sa pagsasaayos ng nasabing merkado. Iminungkahi na ang bagong merkado ay makakapagkumpetensya sa mga malls kagaya ng Supermart, at ang kaginhawaan ay matitiyak para sa mga mamimili. Layunin nitong palakasin ang ekonomiya para lumaki ang kita ng mga nagtitinda, gayundin ang magandang karanasan ng mga mamimili.
Merkadong Sentro ng Katutubong Produkto
Sinong mag-aakala na ang mga paninda at produktong katutubo ay makikitang nakahilera sa kaibuturan ng Central Market?
Sa Central Market agad pumupunta ang mga mag-aaral kapag may proyektong ipapasa sa paaralan. Makikita rito ang lahat ng mga kakailanganing
materyales. Kawili-wiling tignan ang mga makukulay na palamuti na tila makikita sa isang magarbong parada ng mga produkto. Kumikinang ang mga kabibe, kaakit-akit ang mga balahibo ng iba’t ibang ibon na ginagawang palamuti, at nagsasayawan ang mga iba pang produktong gawa sa kawayan.
Yaong masusulyapan ang mga bantay at manggagawa na sa bawat silid ay naka-pokus sa bawat detalye ng ginagawang likha. Tila bawat patak ng pawis nila ay siyang pundasyon ng kanilang mga obra. Sa isang parte, may isang ginang na may suot na salamin. Si Flor na ilang taong gumagawa ng katutubong produkto ay nakapwesto sa pintuang bahagi ng kaniyang pwesto upang mahagilap ng sikat ng araw. Ito ang nagsilbing kabuhayan niya sa pang-araw-araw na hamon sa buhay.
Ayon kay Flor, ang pagsasaayos ng Central Market ay makakatulong sa kanilang may maliliit na negosyo. Aniya, mas maayos ang ibinigay na plano para sa lahat na nagtitinda sa Central Market. Gayunpaman, doble ang pakikibaka habang inaayos ang merkado dahil ang mamimili ay posibleng malito at mas matindi ang init na kanilang titiisin. Sa ngayon, patuloy siyang nagpupursige na gumawa ng detalyadong mga produkto upang mas maenganyo ang mga dumadaan.
Ang PPP ng Central Market ay nakipapagsosyo sa SM Prime Holdings, Inc. (SMPH) na may badyet na PhP 1.5B. Ito ay may layuning magbigay ng mas madaling puntahan na merkado para sa mamamayan at mga nagbebenta. Bukod dito ay plano nilang mas paramihin ang negosyo at benepisyo sa mga naninirahan sa Iloilo.
Merkado sa Dulo ng Syudad
Mabilis na tumaas ang bukang liwayway sa bayan ng Arevalo. Pansamantalang ipinagpatuloy nila ang kanilang pamumuhay at pagbebenta sa pansamantalang kuwadra sa tabi ng merkado. May mga karatula sa itaas ng kani-kanilang lugar upang mas mabilis makita ang mga bilihin. Hindi alintana ang usok na nanggagaling sa labas at kasidhian ng panahon. Araw-araw, simula nang isinasaayos ang Villa Arevalo Market ay ganito ang eksena hanggang sa matapos ang panibagong merkado.
Kung babalikan, hindi magkamayaw ang kasikipan ng mga paninda sa bawat sulok sa lumang merkado. May ilaw man ay madilim pa rin ang palengke. Kung tutuusin, madaming tao ang bumili sa mga paninda dahil kumpleto naman ang mga bilihin sa mga nagtitinda. Mas mainam na siguraduhin ang kalidad ng pagkain, kaluwagan ng lugar, at mas malinis na puwesto sa lahat ng nagtitinda.
May badyet na PhP 150M ang naturang proyekto. Layunin nito na bigyang-buhay ang negosyo at pamumuhay ng mga nakatira sa bayan ng Arevalo. Aayusin ito upang mas inklusibo ang pag-unlad ng ekonomiya ng bayan. Habang isinasagawa ito ay siyang pagmulat ng mga mamamayan na dapat binibigyang aksyon ang kanilang mga pangangailangan.
Makikita ng mga dumadaan ang pagbuo ng gusali mula sa plano ng PPP para sa pagpapabuti ng merkado. Ayon sa nagtitinda, konting tiis lang ang kailangan upang mas mapakinabangan ang pagtatag ng bagong merkado para sa susunod na henerasyon.
Takipsilim ang siyang pahiwatig na nairaos ang araw. Makikita ang pinaghalong pawis ng nagtitinda at natitirang paninda. Ang mga nagkukumpulang mamimili ay humuhupa ngunit walang pinagkaiba ang pang-araw-araw na eksena sa merkado hangga’t may bumibili. May bukas pang haharapin. May bukas pa para magsumikap na harapin ang mga hamon sa buhay.
Kung tutuusin, sumasabay ang lungsod ng Iloilo sa modernisasyon. Titutungo nito ang pagbabago para sa kaginhawaan ng bawat Pilipino. Malaking benepisyo ito sa mamamayan, komunidad, at pati na rin sa mga namumuhunan sa pagpapaayos ng mga palengke. Ito ang panibagong marka na siyang tatatak at magsisilbing bakas ng pagbabago.