21 minute read
BATTLE OF THE SOUNDS
KULTURA
Advertisement
sulat ni: MDPN. CHRISTIAN JAMES A. SEGOVIA larawan ni: MDPN. RENZE IVAN G. GOMEZ
Labis na nalungkot ang puso ng mga entusiyastiko ng musika nang dalawang taong wala silang naririnig na malalakas na tugtog noong kasagsagan ng pandemya. Kaya’y marami ang nagalak nang nalaman nilang muli itong nagbabalik. Batid sa kanilang mukha ang saya at galak nang una nilang malaman na sila’y makakarinig na ulit ng kanilang minamahal na tunog mula sa paborito nilang mga sound system sa isla ng Panay.
Nakakabinging musika– yan ang tema ng mga naglalakihang sound system na kinagigiliwan ng mga taga-Panay. Marahil madalas mo na din ito narinig o kaya’y naranasan noong ikaw ay pumupunta sa mga pista sa bayan. Karamihan sa kanila ay nagmula sa probinsiya ng Iloilo. Tanyag sa mga tao dito ang ganitong paksa sapagkat sa tinagal ng panahon, ilang dekada na nilang naririnig ang tunog ng mga ito kahit milya-milya pa ang layo. Ngunit alam mo ba kung sino ang mga pinaka unang nagtayo ng mga dambuhalang sound sytem na ito? Alam mo din bang may isang patimpalak na kung saan naghaharap at nagtatagisan ng lakas ang mga sound system?Ano ba ang meron dito at labis itong kinagigiliwan ng mga tao?
Matatagpuan sa bayan ng Leganes, Iloilo ang maalamat na pangalan ng “Five Brothers”. Sila ay tinaguriang isa sa mga pinakaunang sound system na nabuo sa buong Panay. Sa pangunguna ni Capt. Elias M. Huervana, nagsimula siyang bumuo ng maliliit na sound boxes kasama ang apat pa niyang mga kapatid. Sa panahong iyon ay pawang hilig at katuwaan lamang ang kanilang proyekto. Mura pa ang mga piyesa noon kaya naman ay mabilis nilang napalago ang kanilang kinahihiligan na kalaunay naging negosyo na dahil madalas silang kunin pag may mga selebresyon o kaya pista upang magpatugtog ng disco. Dito nila napagisipan na pangalanan ang kanilang sound system na “Five Brothers Audio Classic”.
Agad silang sumikat ngunit kasabay nito ang pagusbong ng kanilang mga kakumpetensiya na sa panahong iyon ay maituturing ng negosyo. May mga maganda naman itong naidulot sa industriya. Dumami ang mga panauhin sa mga disco at lalo pang sumikat ang mga sound system sa isla.
Ang isang sound system ay binubo ng mga speakers, amplifiers at lights. Ito ang karaniwang makikita kapag naka set up ito sa isang okasyon. Hindi naman bababa sa pitong katao ang kinakailangan upang mapa-gana at mapanatili ito sa magandang kondisyon mapa sa disco man o naka-stand by lang.
Hindi man gaanong kumikita ng kalakihan, patuloy pa rin ang paggawa ng karamihan ng kanilang mga sariling bersiyon ng sound system. Karamihan sa kanila ay pagmamay-ari ng mga negosyante o di kaya ay mga marino. Kaya marami ang napaisip na kung marami na sila, ang labanan ngayon ay kung kanino ang pinaka malakas. At doon nagsimula ang konsepto ng “Battle of the Sounds”.
Ang patimpalak na ito ay naglalayong bigyan ng isang ekstraordinaryong karanasan ang nagmamahal sa sound systems na marinig at malaman kung ang kanilang idolo nga ba ang may pinakamaganda at pinakamalakas na tunog. May mga kategorya itong pinagbabasehan ng mananalo. Hindi lamang ang napanalonang pera ang maiuuwi ng kampyon kundi pati na rin ang respeto at pagpupugay ng mga tao sa kadahilanang kanila ang pinakamalakas na sound system sa lahat ng lumahok.
Palaging inaabangan ang “Battle of the Sounds” sa mga bayan lalo na pag may mga pista. Dagdag atraksiyon ito sa mga turista at dagdag kita din para sa mga sangkot sa patimpalak. Hindi mawawala ang angasan at yabangan nga mga fans na gusto ipagmalaki ang mga panglaban nila sa patimpalak. May mga nasisiraan man ng piyesa o kaya ay natatalo pero umuuwi pa din silang masaya sapagkat nagagwa nila at napakikinggan ang mga halimaw na ginawa at sinuportahan nila na mag-ingay at magpasaya sa iba. Ngunit lahat ng ito ay biglang natigil nang magkapandemya.
Kasabay ng paglaho ng ibang negosyo ay ganun din ang pagkalugi ng mga may-ari ng sound system. Walang mga okasyon kaya walang disco at battle, kaya wala rin kita para sa kanila at sa crew na nagpapatakbo ng mga sound system nila.
Hindi biro ang gastos para makapag-umpisa at magpatakbo ng isang sound system. Kung dati ay malayo na ang naabot ng ₱300,000 mo, ngunit ngayonngayun ay kahit maglabas ka pa ng ₱3 milyon ay kulang pa din ito para mabili ang mga de kalidad na piyesa na gagamitin sa paggawa. Kaya labis na nalungkot ang mga may hilig sa sound system nang natigil ang operasyon ng mga ito gawa nang bawal lumabas dahil sa paglaganap ng pandemya. May mga binenta na lang ang kanilang mga piyesa, meron din hindi na nakapag upgrade at may mga hindi na talaga kinaya at itinigil na ang negosyo.
Kasama sa mga naapektuhan ang “Five Brothers Audio Classic”. Isa man sila sa mga pinakasikat at matagumpay ay hindi rin nila naiwasan ang pagkalugi. Pero, dahil hindi nila kayang basta-basta nalang bitawan ang bagay na nagbigay sa kanila ng labis na saya at pagkilala mula sa iba ay pinagsikapan nila itong maibalik sa maayos na kondisyon.
Nitong taon lang bumalik muli ang ang mga battle gawa nang lumuwag na din ang paghihigpit sa mga tao para maiwasan ang sakit na dulot ng COVID19. Labis ang galak ng mga tao at sa wakas, pagkatapos nag mahigit dalawang taon na pagtatago at pananahimik sa kanilang mga kabahayan ay muli na silang makakasayaw at makakapagsaya sa disco kasama ang nakakabinging tugtog at musika ng mga sound system.
Madalas man na hindi maipaliwanag kung bakit marami ang gustong-gusto ang malalakas na tugtog ay hindi naman maitatanggi na ito ay hindi lang saya ang dulot sa mga tao. Marami ang dumanas ng madilim at tahimik na dalawang taon at maraming kwentong malungkot dahil sa mga pagkawala ng mga bagay na minsan ay hindi napapansin ng tao na sadyang mahalaga para sa kanila. Lahat ay nagdusa, lahat ay nawalan at lahat ay nalungkot, pero sabay ng pagbabalik ng malalakas na tugtog ng musika ay maririnig at mararamdaman din sa malayo ang tunog ng ating pag asa. Kung nagawa ng “Five Brothers” na bumangon, ganun din ang mga mamamayan.
Ang tunay na battle ng mga sound system ay kung paano nila nalampasan ang hamon ng pagbabago dulot ng pandemya.
May mga natalo man pero karamihan ay nalampasan ito. At sila ay nagbabalik upang yanigin ang ating tenga at puso. Sila ay mas pinalakas at handang harapin ang isa’t-isa sa bagong yugto ng battle of the sounds.
TEKNOLOHIYA
De Padyak, De Kuryente
sulat ni: MDPN. JOHN FRANCIS M. BABIERA larawan ni: MDPN. RENZE IVAN G. GOMEZ
Sumasabay sa bilis ng gulong, ang pagbabago ng pampublikong sasakyan. Kung noon, tinawid ng ating mga ninuno ang magkabilang kontinente gamit ang mga paa bilang pangunahing transportasyon, sa kasalukuyan, nagkaroon tayo ng samu’t saring pagpipilian sa paglalakbay depende sa layo, bilang ng pasahero, at klase ng kalupaan. Subalit kahit gaano man kabilis ang pagsibol ng pagbabago, hindi natin maipagkakaila na may lubak-lubak tayong madadaanan. Saksi si G. Ludy Balili, 38, isang drayber, sa mga problemang umusbong noong nagsimula ang pandemya sa bayan ng Ajuy. PADYAK
Nagsimula bilang pedicab driver, binuhay ni Ludy ang kaniyang asawa at dalawang anak sa pamamagitan ng pagpadyak sa loob ng 15 taon. Tila kalabaw kung siya ay kumayod, bago pa man sumikat ang araw hanggang sa paglubog nito, siya ay nagbabanat na ng buto para sa kakarampot na kita sa pasada na kanyang pantustos sa susunod na araw.
Araw-araw siyang nagbabanat ng buto - hindi maaari ang magkasakit dahil sa antas ng kanyang pamumuhay. Ang kitang 450 pesos ay pilit na pinagkakasya para sa baon ng mga bata, ulam at mga bayarin sa loob ng bahay. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, 2.4 milyon ang sumasahod ng minimum wage at 8 milyon ang tumatanggap ng mas mababa pa sa minimo.
Dumating ang panahon kung saan naging tila ghost town ang bayan ng Ajuy. Dulot ng COVID-19, nagkaroon ng malawakang lockdown para masigurado ng pamahalaan ang kalusugan at kapakananan ng bawat Pilipino. Isa ang pampublikong transportasyon sa mga labis na naapektuhan. Bilang pamamasada ang pangunahing kabuhayan, napilitang tumigil si Mang Ludy sa pamamasada at naghanap ng ibang pagkakakitaan upang patuloy na mapawi ang kumakalam na sikmura.
Noong Hulyo 2021, binigyan ng Ajuy Municipal Social Welfare and Development Office (Ajuy MSWDO) ang 66 na pedicab drivers ng subsidiya , mga relief goods at isang malaking oportunidad magbabago sa kanilang hanapbuhay. Sila ay nagkaroon ng e-bike, isang karwaheng de kuryente, bilang tugon ng gobyerno, sa hirap ng kanilang trabaho sa gitna ng pandemya.
AHON
Sa kada byahe, may mga kalsadang paakyat kung saan kailangan mong patuloy na umahon. Kaya hiindi na nagdalawang isip si Mang Ludy na maghanap ng pera bilang paunang bayad. Mayroon silang hulugan kada buwan hanggang tuluyang matapos ang bayaran. Tinatayang umaabot ng Php 34,000 ang presyo ng isang e-bike – mas mahal sa kapilas nitong padyak, ngunit labis na mas mura kung ikukumpara sa presyo ng isang traysikel.
Isa sa pinaka-episyenteng transportasyon ang e-bike, hindi lamang para sa mga pasahero, pati na rin sa mga drayber. Gumagamit ito ang kuryente sa pagtakbo, kumpara sa mga sasakyang tumatakbo sa gasolina. Tinatayang tumatakbo ito ng 40 km/h – hamak na mas mabilis sa de-padyak nitong ninuno. Sa kasalukuyan, mayroon nang humigit kumulang 76 na drayber ng e-bike sa bayan. Pumapasada man, o gamit pangpamilya, isa na ang e-bike sa kabilang at bumubuhay sa lansangan.
Tumatakbo ang e-bike sa tulong ng electric motor o dynamo nito, kung saan nagiging enerhiyang mekanikal ang kuryenteng nagmula sa mga baterya nito. 12 oras, mula umaga hanggang gabi ang kakayahan nitong bumyahe sapat na upang maitaguyod ang pamilya habang siya ay may sapat na enerhiya at pahinga.
Pagdating naman sa bahay, kaniyang i-chinacharge ang behikulo, upang sa susunod na araw ay magamit niya ito. Umaabot ang pagcharge nang walo hanggang siyam na oras na kanyang sinusubaybayan sa app na konektado sa kanyang munting cellphone. Bagamat kumakain ito ng kuryente, nababawi niya rin naman sa kanyang pasada ang electric bill na binabayaran.
Mga parte ng e-bike
PADAYON
Sumasabay ang tao sa pag-ikot ng mundo. Kung noon, ang mga paa at biyas natin ang naging puhunan sa pagtuklas ng bagong kalupaan; sa ngayon, may mga makinarya tayong binuo upang mas mapadali at episyente ang paglalakbay. Isa ang e-bike sa makinaryang ginawa ng tao. Kumpara sa padyak, mas komplikado ang pagpapaayos nito ngunit hindi ito makapapantay sa hirap at pawis ni Mang Ludy noong depadyak pa ang kanyang pasada.
May mga lubak-lubak man sa lansangan, ang gulong ng buhay ay patuloy pa rin sa pag-ikot. Dahil sa e-bike nagkaroon ng panibagong buhay, panibagong pag-asa ang mga katulad ni Mang Ludy, upang maiahon ang sarili sa kahirapan dulot ng pandemya.
2 4
6
1. Electric motor (De kuryenteng Motor)
Ito ang makina ng e-bike na nagsasalin ng enerhiyang elektriko sa enerhiyang mekaniko. Ito ay karaniwang matatagpuan sa loob ng e-bike na nakakonekta sa gulong.
2. Lithium-ion battery (Baterya)
Isang uri ng baterya na angkop sa gamit ng pagpapaandar ng electric motor na may nakalaang kapasidad na siyang maari lamang gamitin para sa makina ng e-bike.
3. Pedal
And e-bike ay may karagdagang pedal kahintulad sa pedicab upang magamit ito kung sakaling maubusan ng baterya.
6
4. Brake system (Preno)
Kagaya ng mga motorsiklo at sasakyan, ang makabagong sistema ng preno ng ng e-bike ay napatunayang ligtas, mabisa at angkop dito.
5. Tires (Gulong)
Ang gulong nito ay mas maliit sa mga gulong ng pedicab kaya mas madali para sa electric motor na paikotin ito.
1
3
5
6. Lights & Reflectors (Mga pailaw)
Ito ay para sa mas ligtas na biyahe sa gabi dahil mas makikita ng ibang motorista ang e-bike kumpara sa traysikad.
pinagmulan: https://flyer.radioflyer.com/ blog/ebikes-101-anatomy-of-ebike/
MAKATAONG KAWILIHAN
Buhî para Buwas
sulat at ilustrasyon ni: MDPN. ARCYNE JOHN N. SERMENO larawan ni: MDPN. RENZE IVAN D. GOMEZ
Sa dingding na kahoy, lupang sahig, at makalawang na yero ng isang tagpitagping bahay masusulyapan ang pintuang tila subok na ng panahon. May mga nakasabit na makukulay na banderitas at isang karaoke na nakahanda sa labas ng bahay. Senyales ng paparating na pista sa lugar sa pagsapit ng bukang liwayway. Sabik ang lahat sa pista kinabukasan kaya inihanda na nila ang unan at kumot upang maipahinga ang mga katawang pagod sa pagbabanat ng buto.
Tahimik ang paligid. Maliban sa sirang pinto ng barongbarong, may usok na nagmumula rito. Isang babaeng may pausok para sa hika sa kanyang kanang kamay at may rosaryo sa kaliwa ang mahahagip sa butas ng dingding. Nagpatuloy ang usok hanggang sa ang mainit niyang katawan ay nanlamig kasabay sa pag-idlip ng kanyang mga mata at pagtigas nito.
Ang malamig na simoy na hangin, mga nakasampay na damit, at ang litratong kuha kasama ang pinakamamahal niyang asawa ang huling naalala ng apatnapu’t limang (45) taong gulang na si Violeta Padrones Dioso bago siya tuluyang nalagutan ng hininga.
Isa siyang residente ng Sohoton, Barotac Nuevo, Iloilo na kilala sa kabuhayan ng mga mamamayan nito sa pangingisda at agrikultura. Si Violeta ay ipinanganak sa mahirap na pamilya. Namulat ang kanyang mga mata sa reyalidad sa murang edad. Hindi niya nasulit ang kanyang kabataan at pinagsabay nalang ang pag-aaral sa pagtulong niya sa mga magulang. Kalaunan ay nag-asawa at nagkaroon ng tatlong anak.
“Tatlo bata ko, palangga ko guid sila” (May tatlo akong anak at lubos ko silang mahal) ang wika niya sa interbyu. Kalakip niyan ang kanyang malakas na pananampalataya sa Diyos. Ayon sa kanya, ang buhay ay handog ng Diyos at ang pananampalataya ay dapat paigtingin sa pagsamba sa poong maykapal. Lingid sa kanyang kaalaman, ang pananampalatayang iyon ay masusubok sa gabi ng ika dalawampu’t walo ng Abril. Nagsimula ang kuwento sa gabing iyon. Katatapos lamang niya sa mga gawain at preparasyon para sa darating na pista. Naramdaman niya ang pagod at ang unti-unting hirap sa paghinga. Kumain at natulog. Nagising siya bandang alas-onse at nagpausok para sa hika, walang kung ano-ano ay nakaidlip siya at hindi na natandaan ang paglamig at pagtigas ng kanyang katawan.
“Bulig! Bulig! Bulig!” biglang sigaw ng asawa niyang si Zaldy Dioso. Bangkay na si Violeta-hindi na siya humihinga bandang alas-dose. Nanlumo, nataranta, at bakas sa mukha ang labis na hinagpis sa sinapit ng asawa niya. Wala na ang ina ng kanyang mga anak.
Ang hagulgol ng asawang nawalan ay sapat na para magising ang mga taga-kabilang palayan. Ang mga taong nabulabog sa iyak ay mabilis na dumako para sa mainit na tsismis. Pagbukas nila ng pinto ay nakita nila ang mag-anak, balisa at humikbi sa malamig na bangkay. Alas-dose ng madaling araw nang naideklarang sumakabilang buhay na si Ginang Violeta.
Si Violeta, na nagsusumikap at sumasamba nang taimtim sa Diyos ay isang malamig na bangkay na lamang. Hindi inaasahan
na mangyayari iyon sa araw bago ang pista. Ang mga mukha na sabik ay napalitan ng lungkot.
Ngunit, lumipas ang dalawang oras at biglang may malalim na paghingang narinig. “Kanami sang tulog ko, ano na oras na man?” ang sabi ni Violeta sa harap ng manghang-mangha na mga itsura ng mga taong nakapalibot sa kanya. Tila bang walang nangyari at hindi siya namatay. Ang tanging bakas lamang sa kaniya ay ang sakit ng kanyang katawan.
Ilang araw ang lumipas, kumalat ang balita at hindi nagtagal ay nabatid ito ng isang tanyag na media outlet. Ang misteryong nakapalibot sa lugar ng Sohoton ay ginawang palabas na ipinakita sa iba’t ibang plataporma ng social media. Ang maliit na komunidad ng Sohoton ay mabilis na naging lugar para sa mga taong sabik malaman ang tungkol sa muling pagkabuhay ng isang taong namatay.
Natapos ang mga araw at ito ay naging buwan. Nalibing sa hukay ang balita ng kanyang muling pagbangon. Si Violeta ay bumalik sa dati niyang payak na pamumuhay. Ngunit, nabatid ang pagbabago sa kanya pagkatapos ng mga kaganapang iyon. Ang misteryong bumalot sa kanyang muling pagkabuhay gayun nadin sa buong komunidad ng Sohoton ay nakapagpabukas ng kanyang mga mata upang mapagtanto ang totoong mensahe ng Diyos.
Para kay Violeta, ang milagrong iyon ang nagbigay ng bagong perspektibo kung paano niya pahalagahan ang buhay na ibinigay sa kanya. Dahil sa pangyayaring iyon, natagpuan niya ang landas ng pagiging isang worship leader. Natutunan niyang
pahalagahan ang kanyang sarili, mas minahal niya ang kanyang pamilya, at higit sa lahat ang pananalig niya sa Diyos ay lalo pang umigting.
Sa kasalukuyan, nanatiling tapat sa Diyos si Violeta, nagretiro na siya sa pagiging lider sa simbahan. Ang kanyang mga anak ay nag-aaral at ang asawa niya ay may maayos na trabaho. Ayon pa sa kanya, “Ang natabo sa akon, amo to ang nag pabag-o sa akon panan-awan. May ara nga nagbag-o diri may ara man nga wala. Mas nami na lang tani nga waay nalang ako nagbugtaw pero hindi ko pa abi oras. Padayon kita ah.” (Ang nangyari sa akin ang nakapagpabago ng aking pananaw sa buhay. Meron din namang nagbago. Mas mainam na ngalang na hindi na ako gumising ngunit hindi ko pa oras kaya patuloy lang tayo sa buhay)
Ang oras natin sa mundo ay hiram lamang at ang bawat paghinga ay maituturing na isang himala. Kaya sa pagsipol ng hangin, sa dagundong ng kidlat, at sa mga senyales ng Poong Maykapal, tayo ay magbunyi at magpenitensya sapagkat ang misteryong nakabalot sa mundo ay lubos na mahiwaga.
Maaari pa bang mabuhay ang patay?
pinagmulan: https://www.healthline.com/health/lazarus-syndrome#definition https://youtu.be/WsBnRgABUKk?t=305
Gamit ang agham sa medisina, kayang ipaliwanag ang misteryong nababalot sa pangyayaring naganap kay Ginang Violeta. Ayon sa isang Doktor, ang nangyari ay ang pagsara ng daluyan ng hangin na nag resulta sa pagkahimatay niya. Ang pangyayaring iyon ay maitatawag na Brain Hypoxia na nangangahulugang kulang ang daloy ng hangin sa utak. Sa loob lamang ng 30-180 segundos ng pagkakait ng hangin sa utak ay maaring mawalan ng malay ang pasyente. Ang Brain Hypoxia ay nangyayari lamang kapag ang isang indibidwal ay nalulunod, nasasakal, cardiac arrest, o di kaya’y inaatake ng matinding hika. Maari ring Lazarus Syndrome ang nangyari kay Ginang Violeta na isang napakabihirang sakit na may talang 32 kaso sa pagitan ng mga taong 1982 at 2008.
KABUHAYAN
Hiblang Hinabi ng Nakaraan
sulat ni: MDPN. HANS IBERT R. DAVID ilustrasyon ni: MDPN. CEAN DAVID D. BARRION
Pasok sa kaliwa…Pasok sa kanan…makailang maulit ni Aleng Anini ang paghimaymay ng mga sinulid na kaniyang inihilera nang ilang oras, habang nakapwesto sa habihang siyang tumataguyod sa kabuhayan ng mga anak.
Mula pa sa lungsod ng Iloilo, ginalugad ni Aleng Anini ang probinsya ng Antique para makapaghanap ng trabahong mapapasukan. At doon, sa gabay ng mapagpalang Panginoon, namataan niya ang makabagong Sentro ng Pagpoproseso ng Bulak at Paghahabi sa Barangay Padang, Patnongon, Antique. Ito ang lugar kung saan ang mga residenteng nakasalalay ang kabuhayan sa bulak noong dekada 80, ay pumupunta pa sa lugar na iniwanan ni Aleng Anini upang ibenta ang hilaw na produktong nakalimutan, ngunit muling tinangkilik.
Noong 1980, ang mga magsasaka ng bulak ay naglalakbay ng humigit-kumulang limang oras para maibenta ang produktong bihirang ginagawang alternatibo sa bigas. Sa lakbay pa lamang, ang limang piso kada kilo na kita ay tila bayad na para sa transportasyon. Ang kakulangan sa suporta ng gobyerno ang siyang pumatay sa kabuhayan ng mga taga-Patnongon.
Dulot ng nawawalang mga gawaing nakaugat na sa tradisyon at kultura ng Antique, muling itinaguyod at mas pinagyaman ni Senador Loren Legarda sa kaniyang hinaing na gumamit ng “100% Philippine Cotton” sa paghahabi. Sa aksiyong ito, agaran namang naisagawa noong 2019 ang Sentro ng Pagpoproseso ng Bulak at Paghahabi sa barangay Padang ng Patnongon.
Ang pondong inilaan ng Senador sa Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA) ang siyang bumuo sa sentrong nakapagbigay trabaho sa mga empleyado nito. Ito naman ay pinanghahawakan ng Patnongon Multi-Purpose Cooperative (PMPC) sa tanan na pamamalakad sa sentro, mula sa mga makina, papunta sa binebentang produkto noong Disyembre 15, 2020. Ang Local Government Unit (LGU) ay aktibo ring tumutulong dito.
Dahil may angkop na kalupaan sa Patnongon para sa pagpaparami ng bulak, ay nakitaan ng potensyal para umunlad ang hilaw na produkto. Kaya naman, mas pinalawak ng PMPC ang kalupaan para sa produkto mula sa walong hektarya papuntang 23 hektarya. Ang nagagawang sinulid galing dito ay ibinebenta pa sa ibang manhihibla gaya ng Bagtason, Taoka, Mapua sa Tibiao, Antique, at mga imbestor mula sa Manila at sa may Negros, ang HABI Philippine Textile Council. Ang pakikipagsapalaran ng PMPC sa sentro na walang dalang kasanayan at ideya sa pagproseso ng bulak ay naging masagana sa nagdaang panahon.
Bago pa lamang ang sentro kaya may mga kailangan pang labis na palakasin sa awput ng mga makina. Upang masolusyonan ito, humingi ng tulong ang PMPC sa kanilang tagapagtustos na Microspin galing pa India at pumunta noong Oktubre 2022 upang maiayos at mas paunlarin ang sentro. Sapagkat hindi maipagkakaila na sa humigitkumulang 10,500 na miyembro ng PMPC, marami ang natulungan ng kauna-unahang sentro sa pagproseso ng bulak sa buong Western Visayas na gumagana, at may naiambag sa pinansyal na aspeto.
Ang noo’y limang piso kada kilo ay naging PhP 25 na kada kilo, dagdagan pa ng 1,651 kilo na kabuuang dami ng buto ng bulak nitong Hulyo 2022 ay mas napaigting pa ng PMPC ang tulong na naibibigay sa mga magsasaka ng bulak sa baranggay ng Pandanan, Villa Crespo, Igburi, at Villa Elio na kanilang pangunahing mga tagapagtustos ng produkto.
Matapos nito, layunin din ng PMPC na sa mga susunod na taon ay sila na ang siyang magsasagawa ng pangkulay, na kung saan hindi na kukuha pa sa mga imbestor upang ang hibla patungong tela ay talagang gawang Patnongon.
Ito ay gawang Antique na may samu’t saring produkto mula sa bulak tulad ng mga kartera, supot, maleta, at marami pang iba. Ito ay likha ng mga Antiqueñong kahit walang digri o natapos ay may dedikasyong armas.
Tulad ng determinadong tagapasimuno ng sentro na si Gng. Anecar M. Vera Cruz, kaniyang namataan na sa pagkuha niya ng mga manggagawa ay mistulang galak at
kumikinang-kinang na pawis ang nakikita niya sa noo’y mga palaboy lamang. Sa kasalukuyan, sila ay mga tagapanatili na ng nag-uumpisang tradisyon ng paghahabi sa Patnongon. Nakikita niya rin ang misyon at pangitain ng PMPC, “To make life better for our farmers (Upang maging mas maginhawa ang buhay ng aming mga magsasaka),”
“Because of that, PMPC is very thankful that we provide additional livelihood to our members because of our vision. They are the most trusted steward of wealth and mission that we can provide better quality of life (Dahil diyan, and PMPC ay lubos na nagpapasalamat dahil nakapagbibigay kami ng karagdagang pagkakakitaan at trabaho sa aming mga miyembro at iyan ay dahil sa aming pangitain, ‘Sila ang pinakamapagkakatiwalaang katiwala ng kaunlaran’ at misyon na nagsasaad na, ‘Kami ay makakapagbigay ng mas maayos na kalidad ng buhay o gawing mas maunlad ang buhay),” ani ni Gng. Vera Cruz.
Masasabi na rin ni Aleng Anini na ang pagpasok niya bilang kasambahay sa ibang bansa ay walang masyadong naiambag sa pangingitaan niya ng pera, pero pagpasok niya rito, maitatawag niya na itong kabuhayan. Ang pagpasok sa kaliwa, at pagpasok sa kanan ng mga sinulid ay may patutunguhan. Ang tulong ng dalawang shoal sa paghabi ni Aleng Anini na umaabot ng 70 pulgada sa buong magdamag, ang siyang inspirasyon upang maipadala sa rurok ng tagumpay ang mga anak. Natitiyak na ang nakaraang tradisyon ng paghahabi mula sa pagtatanim ng bulak, ay muling manunumbalik. Proseso sa Paggawa ng Hablon
1. Pagpaplano
Ang mga kono ng sinulid sa mga piling kulay ay isasaayos ayon sa gustong ‘pattern’ bago magkumiwal.
2. Pagkumiwal (Sab-ong)
Ang mga sinulid ay itatakda sa isang kasangkapan pankiwal at pagkatapos ang mga sinulid na ito ay igugrupo at paiikutin kasama ang ‘pegs’ ng kawayan ng ‘warping frame.’ Ang mga sinulid ay binibilang sa pamamagitan ng kamay batay sa nais na haba, lapad, at disenyo.
3. ‘Beaming’ (Likis)
Ang mga sinulid mula sa kiwal ay igugulong kasama ang ‘beam’ ng manghahabi, isang silindrong kawayan sa itaas na likod ng habihan.
4. ‘Hedding’ (Sulod sa Binting)
Ang bawat sinulid ng kiwal ay dumadaan sa mga bukana ng ‘heddle.’
5. ‘Reeding’ (Sulod sa Salod)
Pagkatapos ng ‘hedding’, ang bawat sinulid ay ipapasok sa bawat bukana ng metal na tambo gamit ang kawit ng kawayan.
6. ‘Tie-in’ (Higot sa Baston)
Ang dulo ng mga sinulid ay itatali sa rolyo ng tela, isang kahoy na tungkod sa patungan ng habihan.
7. ‘Spooling’ (Pangalinyas)
I-’spooling’ ang hinabi na sinulid na kailangan para sa shuttle gamit ang tradisyonal na ‘spooling’ na gulong.
8. Paghahabi (Habol)
Ang naghahabi ay pumepedal sa pedal na kawayan upang itaas o ibaba ang ‘heddle’ pagkatapos ang habi ay itutulak sa habihan ng isang ‘shuttle’ at ang susunod ay ang habi ay itutulak laban sa pagkahulog ng tela sa tabi ng tambo.