Ukol sa Pabalat
Sapagkat ang akto ng paglikha ay isa ring akto ng paggalugad— paggalugad sa pinakasulok at pinakamadilim na bahagi ng ating isip: libog, antok, saya, maging ang lungkot; paggalugad sa kiwal-kiwal ng ligaw nating utak. At pagbabalik. Pagbabalik sa sarili. At sa lipunan na tinutuntungan ng manunulat—isang proseso ng pagkakikala ng manunulat sa sarili bilang bahagi ng isang lipunan. Ang Faura ay sumisimbolo sa paggalugad at pagbabalik. Isang paggalugad sa kiwal-kiwal na mga kalye at eskinita na bumubuo sa ating naaabong pagkakakilanlan, sa madidilim at kasula-sulasok na bahagi ng ating kamalayan. At ng pagbabalik. Pagbabalik, sa kung saan naman talaga nagmumula at nagtatapos ang lahat— sa lipunan. Disenyo ng pabalat nina: Charlemagne Barceta Alodia Ricci Cantos Kuhang larawan nina: Jolly Lugod (p.1) Stephen John Fopalan (p. 12, 20, 43) Tagapaglapat: Jolly Lugod Inilathala ng: Southern Voices Printing Press Reserbado ang karapatang-ari ng mga akda sa mga manunulat. Ang muling paglilimbag o ang paggamit sa anomang anyo at paraan ay kinakailangan ng pahintulot mula sa mga may-akda.
faura faura
Mensahe para sa mga bagong kasapi ng Kataga-Maynila Maaari naman talagang maging manunulat na walang sinasalihang samahan. Napag-aaralan ang pagsusulat sa pamamagitan ng sariling sikap lamang. At, sa mismong akto ng pagsusulat naman talaga, sarili lang natin ang ating katunggali. Kaya, bakit tayo sumasapi sa isang samahan? May kani-kaniya tayong dahilan, rubdob, at inaasam sa pagsali sa isang samahan ng mga manunulat. Ngunit marahil, may commonality o may dahilang maaaring magkakapareho tayo o pagkakaisa sa gitna ng ating mga pagkakaiba. O, pwedeng sabihin din: sana may commonality tayo sa gitna ng marami nating pagkakaiba. May irony kasi sa pagsali sa isang samahan: totoong nagsisimula sa personal na antas ang ating paglahok sa isang grupo; ngunit ang paglahok sa isang grupo ay simula naman ng pagbawas sa pagiging personal. Halimbawa, ang kagustuhan nating matutong magsulat ay personal na hangarin. Isama pa rito ang ilang pangarap tulad ng magwagi sa patimpalak, malimbag, mabasa ng maraming magiging tagahanga, at sige na nga, kumita sa pagsusulat, o magka-syota. Hindi naman masama ang mga personal na hangaring ito. Kaya, nais nating matulungan tayo ng samahan para makamit natin ang mga personal nating hangarin. Samantala, batid nating may mga tungkulin tayong dapat gampanan para sa ikabubuti ng ating samahan. Kailangang maglaan tayo ng panahon, salapi at iba pang kagamitan, dumalo sa mga pulong at iba pang aktibidad, alalayan ang ilang kasapi, at marami pang katulad nito. Sa mga gawaing ganito, labas na ito sa
i
pagiging personal lamang. Batid natin, kung mahina ang samahan, kaunti lamang ang tulong na makukuha natin mula rito. Kung malakas ang samahan, marami ang tulong na makukuha natin mula rito. Pwede ring sabihin, kung kaunti ang tulong natin sa samahan, hihina ito. Kung marami ang tulong natin sa samahan, lalakas ito. Marahil, hindi irony ang wastong salita. Baka, sa positibong pagtingin, yin-yang, symbiosis, diyalektika. Sana nga may commonality tayo na tatahi sa personal at sa pangsamahan. O, pwede ring sabihing, sana lumikha tayo ng mga commonality. Kung wala kasi tayong commonality, hindi magtatagal ang ating pagsasamahan. Ang commonality na ito ay hindi tungkol sa sarili lang natin. Higit pa, tungkol ito sa pagkakaisa natin na mapalakas pa ang organisasyon. Hindi lang tayo kapwa manunulat. Maging magkaibigan din sana tayo. O higit pa, tunay na maging magkaagapay sa layuning makapag-ambag sa sining at lipunan ang ating mga akda. Linilikha ang mga pagkakaisa. Pinagsisikapang makamit ito. Kaya sa pagiging kasapi ninyo ngayon sa Kataga, isang mainit na pagyakap sa inyo bilang simula ng ating paglikha ng mga pagkakaisa. Mabuhay po kayo!
Dr. Reuel Molina Aguila 17 Setyembre 2016 Tagapayo, Kataga
ii
Mensahe
Malapit sa akin ang Faura dahil ito ang munti kong pugad noong nagbalik-eskwela ako. Sa mga klasrum at pasilyo ng UP CAS, nabuo ang mga linyang kalauna’y magiging tula o bahagi ng kung anong akda. Sa trapik, sa paglusong sa baha, at sa pagiging mata’t bahagi ng buhay at kasaysayan ng Faura at iba pang sulok ng Ermita, napayaman din ang sensibilidad ko bilang tao, at bilang nagsisimulang manunulat. Pinagmamalaki ko ang pagtatampok ng librong ito sa Faura - isang lumang lunan na laging may bagong karanasan. Tiyak akong sa salimuot ng Faura itinuntong ang mga damdamin, kundi man ang mismong danas ng mga akda sa koleksyong ito. Sabihin nating mga munting Padre Faura rin ang mga may-akda: mga mata silang nakamasid at nagsusuri sa panahon. Hayaang ang mga akda mismo ang mag-ulat ng kanilang suri. At kung buhay si Padre Faura ngayon, siguro’y nag-oovertime siya sa obserbatoryo, inaabangan din ang isang papasibol na bagyo! Binabati ko ang lahat ng bumuo sa koleksyong ito. Binabati ko ang Kataga – Manila. At isang buong-pusong pagtanggap sa mga bagong kasapi ng Kataga!
Ma. Cecilia dela Rosa Pangulo, Kataga
iii
Mensahe
Hindi na bagong makakita ng mga akdang ginagamit ang lungsod bilang lunsaran ng materyal pampanitikan. Alinsunod ito sa Kilusang Realismo na umusbong sa Panitikang Pilipino ilang dekada na ang nakararaan. Sapagkat saan pa ba huhugot ng materyal ang manunulat kung hindi sa personal niyang danas sa realidad? Ang apat na ipinakikilalang manunulat sa antolohiyang ito ay iniluwal ng iba’t ibang lungsod ngunit binuo ng kanilang mga karanasan sa Maynila. Sila’y mga naging tahimik na tagapagmasid at mag-aaral ng nanatiling mabangis na lungsod. Hayaang magsalita ang mga piyesang naririto ng kani-kanilang sensibilidad. Nakatutuwang Kataga-Manila ang piniling organisasyon ng apat na indibidwal sa antolohiyang ito. Sa loob ng ilang buwan, naging saksi ang mga kalsada ng Padre Faura sa masinsing pagsisikap ng bawat isa na pag-igihin ang kanilang sining. Ipinagmamalaki kong naging bahagi ako sa pagbubuo at pagtitipon nito. Pagbati sa mga bagong kasapi ng Kataga at sa tagapagluwal ng Faura! Hanggang sa mga susunod pang akda at antolohiya!
Isaac Ali Tapar Kawaksing Tagapangulo, Kataga-Maynila
iv
Mensahe
Malaking bahagi ng aking buhay-propesyunal ang kalye ng Padre, Faura sa Maynila. Sa loob ng apat na taon ng pagtuturo sa isa mga eskwelahang nakapaligid dito, naging natural na sa akin ang pakikisama sa sikip, ingay, usok, (at baha tuwing tag-ulan), sa kalyeng ito. Araw-araw na nakikipagkumpetensya ang boses ko sa ingay na nanggagaling sa busina ng mga sasakyan, wang-wang ng ambulansya, dagundong ng LRT at/o malalaking trak, o paminsa’y nagdaraang mga raliyista, habang nagtuturo dahil katabing gusali lang namin ang kalyeng ito at ang kahabaan ng Taft. Naging lulan din ang Padre Faura sa pagbuo ng chapbook na ito. Sa nagmamadali at maingay na kalyeng ito ay masinsin at tahimik na hinimay ang mga akdang ngayon ay handa nang magpakilala ng kanilang sariling tinig na sinlakas ng busina ng mga sasakyan o sigaw ng mga kilos-protestang nagdaraan dito. Narito ang mga akdang produkto ng limang buwan na serye ng mga palihan at pag-aaral sa panitikan ng mga bagong kasapi ng Kataga-Maynila. Ibinabahagi namin sa chapbook na ito, ang Faura, ang mga kuwentong may tinig ng pangkaraniwan na laging nagtatangkang ugatin ang mga problemang panlipunan, mga dagling antiestablisyemento, mga sanaysay ng pagkabatang nagpamulat sa mananaysay ng kaniyang pagiging bahagi ng mas malaki pang lipunan, at mga tulang umiibig/ ng mangingibig dahil umiibig din naman maging ang pangkaraniwan. Handa na sila at ipinagmamalaki namin sila. Hayaan ninyong ipakilala ng Kataga-Maynila ang mga bagong miyembro nito sa chapbook na ito. Abby Pariente Oktubre 18, 2016 Padre, Faura, Lungsod ng Maynila
v
Tula
1
Evan John Lee Daynos
Si Evan John Daynos ay ang dapat na Panlabing-apat na Pasaway (ngunit hindi isinama dahil nga sa sobrang pasaway), ang siyang natatanging itinalagang magsusulat ng Banal na Aklat ng mga Kakumag-kumagan, ang tanging pasaway na sumuway sa Utos ng Hari, at ang sidekick ni Juan Dela Cruz sa kaniyang Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran. Mahilig siyang maglakad-lakad kung saan-saan sa kailaliman ng gabing bilog na bilog ang buwan, umaasang mahanap na niya ang kaniyang sarili. At sa hapon, madalas siyang makikitang palaboy-laboy sa labas ng simbahan ng Quiapo, nagtatanong-tanong sa mga manghuhula’t nakikipagtitigan sa mga itinitindang santo sa bangketa at bumibili ng dasal sa mga nagtitirik ng kandila upang ipanalanging mahanap na niya ang matagal na niyang hinahanap na kulto. Kasalukuyan siya ngayong nagpapanggap na makata.
2
BUHAT SA PABRIKA
Muli’t muli kang mapapatigil Sa mismong sandaling mapatapat sa iyong Sariling pinto, nakatitig sa nakapaskil na letra’t numero. Muling kakapkapin sa kanang bulsa ang susing Isinilid kaninang umaga, ilalabas, iuumang sa susian, At sa pagpihit ng susi, itutulak ang pinto, Saka ipapasok ang mga paa Sa inuupahang kuwarto. Lalangitngit ang kama sa iyong pagkakahiga Habang umaalingawngaw ang tunog ng makina Sa iyong isipan―ang paisa-isang pagbilang Ng libong lata ng sardinas Na kailangang selyuhan. Marahil sa mga sandaling bago ka humimbing Upang muling gumising bukas nang maaga At paulit-ulit itong gawin, Hindi mo makakaligtaang hubarin At isampay ang iyong isinuot na katawan Sa pakong nakatarak sa dingding.
3
SAPAGKAT UMIIBIG
Iniibig ko ang ikinukubling dilim sa pinakatagong sulok na hindi naaabot ng liwanag. Iniibig ko ang siyudad sa pinakatahimik nitong sandali. Iniibig ko ang mga anino. Iniibig ko ang lilim sa ilalim ng puno ng mangga. Iniibig ko ang tibok ng alon. Iniibig ko ang nabubulok na mansanas sa ibabaw ng mesa. Iniibig ko ang isanlibo’t isang kuwento. Iniibig ko ang alikabok sa agiwing dingding at kisame. Iniibig ko ang munting gagambang naghihintay sa kaniyang mabibiktima. Iniibig ko ang ating kani-kaniyang mga bato sa ating bulsa. Iniibig ko ang ipis na naninirahan sa kubeta. Iniibig ko ang mga aswang at manananggal. At mga diwata. Iniibig ko ang mga munting demonyo sa ating mga dibdib. Iniibig ko ang mga dagang ngumangatngat sa ating mga damdamin. Iniibig ko ang aking sobrang daliri sa paa na hindi ko malaman kung ano ang gamit. Iniibig ko ang kani-kaniya nating mga kalansay na ikinukubli natin sa ating aparador. Iniibig ko ang iyong amoy. Iniibig ko ang iyong lihim na nunal sa iyong kaliwang bayag. Iniibig ko ang mga bantas. Iniibig ko ang mga kulay-abong bagay. Iniibig ko ang tunog na nililikha ng kuliglig sa mga hatinggabing namumutiktik sa dingding ang butiki. Iniibig ko ang mga hubo’t hubad na dibuho. Iniibig ko ang paggapang ng malamig na tubig sa aking katawan sa tuwing naliligo sa umaga. Iniibig ko ang amoy ng ginigisang sibuyas at bawang. Iniibig ko ang sampaguita. Iniibig ko ang parang. Iniibig ko ang paghipo ng mata ng apoy sa aking hintuturo. Iniibig ko ang mainit na hanging ibinubuga ng electric-fan. Iniibig ko ang bagnos
4
sa kabundukan. Iniibig ko ang huni ng ibon. Iniibig ko ang grabedad—ang paghatak ng mundo sa ating katawan. Iniibig ko ang bughaw na kalangitan. Iniibig ko ang buhay na mayroong katapusan.
5
At higit sa lahat, iniibig ko ang mga ulap.
Oo, ang pinakaiibig kong mga ulap.
Daga
(Pasintabi kay Michael Coroza)
Hindi tayo nabahala sa mga narinig nating kaluskos Noong umpisa, maging sa pag-irit nitong paulitUlit na umaalingawngaw sa ating pandinig. Hindi tayo Malay sa lalim at lawak ng kaya nitong angkinin. Mananatili itong gising sa mga sandaling Mahimbing tayong idinuduyan ng hatinggabi; At, paunti-unti, pangamba itong Maglulunggang bitbit ang lahat ng takot Sa ating mga dibdib. Saka natin mapagtatantong: Hindi na natin inuusal, gaya ng dati, ang pag-ibig. Sa sandaling Maalimpungatan sa kalagitnaan ng gabi, Magkayakap nating kukumbinsihin Ang mga sariling walang dapat Ipangamba; at, hahalikan mo ako sa labing Taimtim na nakapikit Habang pilit nating kinikipkip Ang masangsang nitong pananahan Sa kani-kaniya nating dibdib.
6
PAGHUHUGAS
Ganito ang tamang paraan Ng paghugas ng ating mga pinagkainan: Unahing sabunan ang mga baso, Marahang is-isin ang naiwang bakas ng ating pinagtagpong mga labi; Ingatan ang mga babasaging pinggang Naghain sa ating mga damdamin; Ibabad ang mga tinidor at kutsarang Ipinangtikim sa putahe ng isa’t isa; Pabulaing maigi ang platitong pinagtimplahan Na nagpaasim, nagpaalat at nagpaanghang Sa ating pagsasama; At ihuli ang nangingitim na kawaling Nagluto sa hilaw nating pag-ibig. At pagkatapos nitong lahat, Huwag kalimutang pigaan at pisilin Ang pagurang espongha; At tunghayan kung paano dumausdos pababa, Kasama ng tubig,
7
Ang ating mga alaala.
8
ANG TULA
Ang tula Ay ang iyong asawang Nakatitig sa pintong Nagbibilang ng sandali, Napapabalikwas sa tuwing May marinig na yabag ng mga paa, Sa mga gabing inuumaga ka na naman ng uwi Galing sa iyong kerida. Hahalikan ka niya sa labing Hindi na muling mangungulit Kung saan ka na naman galing, At kung bakit ka na naman inumaga ng uwi. ‘Pagkat ahas siyang kaagad Na lilingkis sa iyong buong katawan, Sasagitsit na mang-aakit, Habang tinutulungan kang Hubarin at tanggalin nang paisa-isa Ang iyong saplot at gamit. Maamo siyang gagapang sa iyong dibdib, Ibabalabal ang iyong braso’t gagalugarin Ang bawat kurba ng iyong kabuuan
9
Habang ibinubulong sa iyong tainga Ang init ng kaniyang pagnanasa― Hubo’t hubad niyang iaalay sa iyo ang lahat. At sabay sa ritmo ng iyong indayog Sa sandaling ikaw ang umibabaw, Yayakap siya sa iyo nang mahigpit na mahigpit. Ngunit habang pigil ang hiningang Inaabot mo ang karurukan, Ay magmamaliw ang ungol at halinghing, Mangingibabaw ang pigil na pigil na hikbi At saka mo lang mamamalayan Ang marahang pagbaon Ng kutsilyong may napakatamis na kamandag Na kanina pa nakaumang sa iyong likuran.
10
MORGUE
Waring handa na ang lahat Nang marahan kong tanggalin Ang nakataklob na puting tela At tumambad ang iyong maamong mukha’t Pangalan sa kaliwang paa. Maingat kong isinalansan sa isang tabi Ang pinakulong mga gamit; Hinubad ang kasusuot pa lang na guwantes At sinimulang damhin Ang iyong mainit-init pang katawan. Marahang pinadaloy ang sandali Sa pagitan ng paglamas ng iyong suso’t Pagtikim sa iyong mapula-pula pang labi. Dinama ng iyong mga matang taimtim na nakapikit Ang dahan-dahang paggalugad Ng aking mga daliri sa iyong katawan At ang aking paisa-isang halik Pababa sa iyong kaselanan. Muli kitang tatakluban ng tela At mamaya-maya lamang, Mapupuno ng ungol at hagulgol ang buong silid.
11
At sa pag-alis ng iyong mga bisita, Mananatiling tikom ang iyong bibig Na ibulong at hilinging Mamaya na lamang kita higupan ng dugo’t Salinan ng pormalin, Sapagkat nais mong Sa kahuli-hulang pagkakataon, Muling madarang sa init ang iyong katawang Unti-unti nang sinasaklot Ng lamig.
12
Dagli
13
Xeus Dela Cruz Foja
Manginginom at stoner. Si Xeus Foja ay nagpapanggap na estudyante sa UP Manila. Kunwari ay nag-aaral siya ng kursong Political Science (kahit pag-inom at pagsusulat lang naman talaga ang pinagkakaabalahan n’ya). Madalas siyang nakatambay sa kahabaan ng Padre Faura--payosi-yosi at kung minsa’y naghahanap ng chikas. Nagpapanggap din siyang conyo (para kunwari legit na taga Vito Cruz) pero ang totoo’y hipster at anti-fuccboi.
14
Sabit
Kakaba-kabang sinuyod ni Pu ang eskinita sa may Tramo. Alasdos na ng madaling araw at manaka-naka na lang ang mga nangangahas na mambulabog sa ganitong lugar. Liban sa ilang aninong nakikipagpatintero sa liwanag. Liban sa kaluskos ng kaniyang mga hakbang ay may mangilanngilan ding mga ungol at halinghing na nagsisilbing ingay na nambubulabog sa katahimikan ng gabi. Mabilis ngunit maingat ang kaniyang mga hakbang. Kung tutuusin, sanay na si Pu sa ganitong mga lakad. Hindi na rin naman siya newbie sa trabahong ‘to. Ang kaso, hindi n’ya kilala ang katransaksiyon. Kumbaga, hindi n’ya basa ang galawan. Pinalakad lang kasi siya ng boss n’ya at tanging cellphone number lang ng kontak ang ibinigay. Tumigil sa paglalakad si Pu at nagsindi ng yosi. Kinuha ang cellphone sa bulsa’t tinext ang katransaksiyon. Maya-maya pa’y nagbukas ang pinto sa harap niya at iniluwa ang isang anino. “Tsong, tara pasok,” bungad sa kaniya ng nagbukas ng pinto. “Inaantay ka na ni boss.” Walang patumpik-tumpik na pumasok si Pu. Sinalubong agad siya ng isang lalaki. “Magkano damage?” “Wampayb boss!” mabilis na sagot ni Pu.
15
“Yung item?” tanong ng lalaki. Hinugot ni Pu mula sa kaniyang brip ang item sabay abot sa lalaki. Iniabot naman sa kaniya ang arep. Manaka niyang sinipat ang loob ng bahay ng katransaksiyon. Hindi man ganoon kaliwanag sa loob ay naaaninag pa rin niya ang mangilan-ngilang parapernalyang nagkalat--mga palara, sachet at tooter. Nandoon din ang dalawa pang lalaki na naghahanda na sa kanilang session. “Sige ho, batsi na ho ako irereto ko pa kay boss ‘tong arep.” “Sandali lang bata, magkape ka muna. O di kaya, sumabay ka muna sa amin,” aya ng lalaki. “Hindi na ho. Baka mabadtrip pa sa akin si boss,” sagot naman ni Pu. Ngunit mapilit ang lalaki kaya wala nang nagawa si Pu. Sa ganitong trabaho kasi puhunan mo ang pakikisama. Alam ito ni Pu kaya hindi na rin siya nagpumilit pang tumanggi. Nagsimulang magpagulong ang apat. Unti-unting natutunaw ang mumunting kristal na nakaangkas sa palara at tuluyang naging usok. Sindi, pasa. Paulit-ulit. Hindi na namalayan ni Pu ang oras. Ni hindi na rin siya sigurado sa paligid at kung totoo pa ba ang kaniyang nakikita at naririnig. Hindi siya makagalaw na animo’y nakapako na lang sa kinauupuan. May mga kaluskos. Sunod-sunod ang malalakas na katok sa pinto. May nakabibinging alingawngaw. At may kung anong liwanag na lumamon sa kadiliman ng silid. “Walang gagalaw! Itaas n’yo mga kamay n’yo! Putangina, dito ka lang pala nagtatago Boy Bato!” sigaw ng pulis na nakatutok ang baril kina Pu.
16
Dasal
Pagkarating na pagkarating ko ng bahay, diretso agad ako sa kuwarto. Nagpalit ng damit sabay hilata sa kama. May kung anong bumabagabag sa akin. O gumugulo sa aking isipan. O nagtatalo sa loob ng aking bungo. Hindi ko alam kung kasalanan ba ito sa Diyos o hindi. Pinipilit kong burahin sa aking isip ang malisyosong imaheng, sa pakiwari ko, ipininta ng kung anong demonyo. Ngunit sadyang madikit ang bawat detalye na ayaw kumawala sa bawat himaymay ng aking utak. Minabuti kong magdasal at baka sakaling maliwanagan ako. Ang sabi kasi sa bible study, ito raw ang solusyon sa lahat ng problema. Waring gamot na kayang puksain kahit na pinakamalalang sakit. Sa kaso ko, nag-iisip ako ng masama. At kasalanan ito. Matapos magdasal ay binuklat ko ang bibliya. Nagbasa ng verses at nagmuni-muni. Pansamantala kong nakalimutan ang kanina kong iniisip. Tama nga si Sister. Epektibo pala talaga ang sumangguni sa Banal na Aklat lalo’t nagkakaroon ng moral crisis. Ngunit nang mabuklat ko sa kuwento ni Joseph, ay muling bumalandra sa akin ang imahen. Malinaw na malinaw. Si Joseph. Iyon bang may kakayahang alamin ang kahulugan ng mga panaginip. Kwinento kasi kanina sa amin ni Sister Bianca ang buhay nito. Kung paanong nabago ang buhay niya nang himasin ng Diyos ang kaniyang kaluluwa’t gawing sugo nito. At kung paanong akitin siya ng asawa ng Paraon. Tumatak sa isip ko ang eksenang iyon. Malinaw na malinaw. Lahat ng detalye’y nagmarka sa aking utak. Kapit na kapit at ayaw kumawala. Ang
17
mismong eksenang iyon—ng pang-aakit—ng pagmamatigas ni Joseph sa pagtanggi nito, ang siyang nagbuo sa utak ko ng malisyosong imahen. Sa mismong sandaling iyon, ay naramdaman kong mayroong nagmatigas sa akin. Gaya ni Joseph, pinaglabanan ko ang tukso. Kasi kasalanan ito sa Diyos. Ngunit malakas talaga ang tama ko kay Sister Bianca. Naakit ako sa alindog niya. Pero dahil nasa bible study ako noon ay napilitan akong tiisin ang kinikipkip kong libog. At pagkatapos na pagkatapos nito, nagmadali akong umuwi. Isinara ko ang bibliya at taimtim na nagdasal. Diyos ko, patawarin mo ako. Patawarin mo ako sa lahat ng aking naiisip. Ipinasa-Diyos ko na ang sumunod na mga pangyayari. Isinuko ko ang aking katawan sa nangiimbitang kama. At sa aking isipan, isinuko ni Sister Bianca sa akin ang kaniyang templo. Dahandahan kong hinubad ang kaniyang saplot at kasabay ko ring hinubad ang kaniyang kabanalan. May halong gigil ang bawat haplos na iginagawad ko kay Sister. Taimtim kaming nagdasal. Lumuhod si Sister Bianca at isinubo ang aking banal na tinapay. Napasinghap ako sa sarap. Napuno ng mga ungol ang kuwarto habang ang mga kamay ko nama’y kinakalembang ang aking kampana. Pakiramdam ko’y hinihimas ng Diyos ang aking kaluluwa. Ang kaluluwa kong unti-unting kumakawala. At ako’y napapikit. Diyos ko, patawarin mo ako.
18
Sako
Tagaktak na ang pawis ni Mang Tasyong sa magdamagang paghuhukay. Malalim-lalim na rin ang butas na sinimulan niyang hukayin simula pa kaninang alas diyes ng gabi. Hindi na mapakali ang mga tandang kaya mabilis ang kaniyang kilos. Mahirap na baka matiktikan pa siya. Panigurado tepok siya kay Boss. Magtatatlong buwan na rin siyang nagtatrabaho kay Boss. Kung datirati’y barya lang ang kaniyang kinikita, dito sa sideline niya’y papel na ang naiuuwi. Iyon nga lang, may kahirapan ang trabaho. Bukod sa kailangan mong maging maingat sa mga kilos mo’y dapat mabilis at pulido. Hindi naman kasi maramot si Boss sa mga bata niya, basta ba walang sabit ang mga ipinapagawa. Noong una’y alangan pa siya na tanggapin ang binibigay sa kaniyang sideline ngunit nang hainan siya ng benteng ninoy ay pinatos din niya. Bilang sepultorero’y sanay na rin siyang naglilibing ng mga bangkay. Ngunit sa sideline na ito, paminsa’y umiikot pa rin ang kaniyang sikmura. O hindi niya lang talaga masikmura ang ganitong trabaho. Sa t’wing binubuksan n’ya ang sako, panibagong mukha ang bumabalandra. Iba’t ibang mukha, ang iba’y pamilyar sa kaniya, ngunit iisa lang ang nakapintang emosyon— takot. Pero para sa tulad niyang dalawang kahig isang tuka, ano ba naman ang paminsa’y maghangad ng kaginhawaan. Lalo pa’t graduating na ang kaniyang anak na babae. Kaunting himod na lang sa tumbong ni mayor at maigagapang na rin niya ang pag-aaral ng anak.
19
Itinabi ni Mang Tasyong ang pala at saka kinuha ang sakong ipinapadispatsa. Binuhat niya ito at inihandang ihulog sa hukay. May kakaibang bigat ang sako. Ang nakapagtataka’y kilala ng kaniyang mga bisig ang bigat na ito. Nagmadali siyang buksan ang sako at nang makita ang laman nito, bumigat rin ang kanyang mga luha’t tuluyang nahulog sa hukay.
20
Sanaysay
21
RHEA GULIN
Si Rhea B. Gulin ay nagtapos ng Bachelor of Arts/ Bachelor of Secondary Education Major in Literature sa Pamantasang Normal ng Pilipinas- Manila at kasalukuyang nag-aaral ng Master of Arts in Filipino: Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas- Diliman. Fellow para sa Sanaysay sa 2015 Ateneo National Writers Workshop at 2016 UST National Writers Workshop. Nailathala ang ilan sa kaniyang mga akda sa tatlong edisyon ng Aklas Literary Folio, Liwayway Magazine at pahayagang Manila Bulletin at online portal na Rappler. Kasalukuyang nagtuturo sa Bulacan State University- Sarmiento Campus.
22
Tagumpay
Tulad ng ibang bata, kinahumalingan ko ang ice cream. Ube, keso, mangga, macapuno at iba pang flavor; kaya kong ubusin nang walang tatlong minuto. Malamig at matamis, wala na ‘atang tatalo sa combo na iyon pagdating sa pagpapasaya sa akin. Pero hindi ako basta-basta bumibili ng ice cream tuwing tanghali. Kahit na marami akong marinig na kleng-kleng ng ice cream sa labas namin, hindi ako lalabas hanggang hindi ko naririnig si Tagumpay. Hindi tulad ng ibang nagtitinda ng ice cream, nakamotor si Tagumpay at hindi de-tulak na ice cream cart. Kaya tuwing tanghali, sa sala ako manunuod at hindi sa kuwarto dahil iyon ang pinakamalapit na bahagi ng bahay namin sa kalsada. Pinapakinggan ko ang tunog ng kalsada lalo na kapag may motor na dadaan. Sa tuwing may naririnig akong malakas na ingay ng motor na tila hinahati ang kalsada, inaabangan ko kung lalapit ang tunog nito sa bahay namin. Kapag lumakas ang tunog at biglang namatay ang motor, agad na akong tatakbo papunta sa kwarto ni Mommy at kukunin ang bente pesos na nakalagay sa maliit na banga namin. Hindi pa man din napapatunog ni Tagumpay ang dala niyang kleng-kleng, nakalabas na ako ng bahay at tumatakbo na papunta sa kaniya. Ako lagi ang unang bumibili sa compound namin, pagkatapos ng ilang minuto, isa-isa na ring maglalabasan ang mga pinsan ko para bumili. Wala akong pinapalampas na pagkakatoon noon na makabili ng ice cream ni Tagumpay. Wala pa kasing 7-eleven o ibang convenient store malapit sa bahay namin na pwede kong pagbilhan ng ice cream kung gusto
23
ko. Kailangan ko pang sumakay ng jeep para makarating sa Sampol, ang buong palengke ng Sapang Palay, para makabili. Bagaman maikli lang ang biyahe, hindi ko pa kayang gawin iyon nang mag-isa. Magiging abala pa kay Mommy ang pagsama sa akin. At napakalaking abala naman talaga kung gagawin namin iyon araw-araw para sa ice cream. Kaya all-or-nothing ang dalang si Tagumpay noon. Hindi sa apa o sa plastic cup inilalagay ni Tagumpay ang ice cream ko. Lagi akong may bitbit na tasang pink kapag bumibili sa kaniya. Hindi kasi ako nakukuntento sa isang apa o sa isang cup ng ice cream. Pagkabili ko ng sampung pisong ice cream, agad kong nauubos bago pa man din makaalis si Tagumpay sa harap ng bahay namin. Bunso pa ako noon, at kayang-kaya ko pang magpaawa kay Mommy, kaya hihingi pa ulit ako ng sampung piso para makabili ng isa pang apa. Maya’t maya ay maglalabasan ang iba pang mga kapitbahay namin para bumili kay Tagumpay. Muli, mauubos ko na naman ang ice cream ko at magpapaawa ulit kay Mommy para hayaang bumili ulit. Siguro ay naisip ni Mommy na kahit siya mismo ay mabibitin sa ganoong kakaunti na ice cream kaya tinatanggap din niya ang pagpapaawa ko. Pero isang beses, napansin na ni Mommy na masyado nang malaki ang nagagastos ko sa paunti-unti at paisa-isang bili ko ng ice cream kay Tagumpay. Pwede na halos pangmeryenda naming tatlo nina Ate. Pero hindi pa rin naman niya pinagkait ang pagbili ko ng ice cream. Ang solusyon niya, gumamit na lang ako ng tasa. Tinanong niya kay Tagumpay kung pwedeng sa tasa raw ilagay ang ice cream ko kahit mas malaki na lang ang bayad. Bente pesos isang tasa. Sinabi ni Tagumpay na wala naman daw kaso iyon, ayos nga raw na makakatipid siya ng apa o plastic cup tuwing ako ang bumibili. Sinabi naman sa akin ni Mommy na kung sa tasa na ilalagay ang ice cream ko, hindi na ako pwedeng magpabalik-balik. Isang tasa lang ng ice cream isang araw. Hindi ko pa kayang tantsahin noon kung mas nakamura nga talaga kami sa ganoong sistema ng pagbili, hindi ko na rin kayang tantsahin ngayon dahil ibang-iba na ang halaga ng bente pesos ngayon. Tuwing binubuksan ni Tagumpay ang lalagyan niya ng ice cream, tumitingkayad ako para sumilip. Punong-puno ng tinadtad na yelo at asin ang dilaw na ice cream cart niyang hugis parisukat. Sa loob, may tatlong bilog at stainless na lalagyan ng ice cream. Hindi ko pa alam ang iba’t ibang flavor noon, at hindi ko na rin naman tinatanong dahil masarap naman sila lahat para sa akin, kaya hindi ko nalalaman kung nag-iiba ba ng ice cream flavors si Tagumpay tuwing dadaan sa amin. Pero ang iba kong pinsan, pihikan sa lasa, namimili pa ng flavor na ilalagay. Minsan, gusto nila ng maraming ganito, minsan gusto nila ng konting ganyan. Yung iba gusto sa apa, yung iba gusto sa
24
plastic cup dahil natutuwa sa kutsarang kasama. Pero ako, hinahayaan ko na lang na si Tagumpay ang magpuno ng tasa ko. Gamit ang malaking pansandok ng ice cream ni Tagumpay, dahan-dahan niyang pinagpapatong-patong ang iba’t ibang flavor ng ice cream sa lalagyan ko. Sinusundan ko ng tingin ang bawat galaw niya, tuwing kukuha mula sa loob ng mga stainless na lalagyan, maglalagay ng isang scoop sa tasa, magsasandok ulit mula sa ibang stainless na lalagyan, aayusin ang paglalagay ng ikalawa o ikatlong scoop, hanggang sa huling takal ng ice cream sa pink kong tasa. Madalas, nagpapabili rin sina Mommy at Ate ng ice cream kaya tatlong tasa ang kinakailangan kong bitbitin kada tanghali papunta kay Tagumpay. Mabilis niyang pinupuno ng ice cream ang tatlong tasa, baka raw kasi matunaw ‘yung nauna kung magiging mabagal siya. Hindi naman naging kaso sa akin iyon noon, hindi ko nga namamalayan kung nagiging mabagal siya sa pagsandok. Masyado akong nalilibang na panuorin ang pagpupuno niya ng mga tasang dala ko. Isang beses, ibibigay ko na sana ang tatlong bente pesos nung napansin kong hindi pantay ang dami ng laman ng tatlong tasa. May isang sobrang dami at yung dalawa sakto lang. Akala ko, namali siya ng paglalagay. “Hindi po pantay oh!” sigaw ko kay Tagumpay. “Dinamihan ko yung sa iyo,” sagot niya sabay turo sa pink kong tasa. Oo nga, siguro’y tatlo o apat na scoop ng ice cream ang lamang ng tasa ko kesa sa tasa nina Ate at Mommy. Nagngitian kami ni Tagumpay na para bang may malaking kalokohan na ginawa. Dahan-dahan akong naglakad pabalik ng bahay at inilapag ang mga tasa malapit sa lababo. Kumuha ako ng tatlong kutsara at pinasok sa loob ng mga tasa. Nanonood ng TV sa sala sina Ate at Mommy at tila hindi napansing nakabalik na pala ako galing sa labas. Una kong iniabot ang tasa ni Mommy, tsaka bumalik sa lababo at iniabot ang kay Ate. “Kinuhanan mo ‘tong akin no?! Bakit mas marami sa iyo?” tanong ni Ate nang napansin niyang parang mas marami ang laman ng tasa ko. ni Ate.
“Hindi ‘no,” sabay siksik sa tabi ni Mommy para hindi na ako awayin
Kahit kailan, hindi ko nagawang magpasalamat kay Tagumpay sa pasobra niyang ice cream, tulad ng kung paanong kahit kailan ay hindi ko
25
naitanong kung ano ang tunay na pangalan niya. Wala rin kina Mommy, Ate at iba ko pang nakatatandang pinsan ang naisipang itanong iyon. Basta Tagumpay ang pangalan niya sa amin dahil sa malaking salitang Tagumpay na nakasulat sa sidecar niya noon. Ilang taon na kaya siya? Saan kaya siya nakatira? May pamilya kaya siya? Gusto rin kaya ng mga anak niya ang ice cream? Wala akong naitanong kahit isa man lang sa mga ito. Tila nagsisilbing orasan ng interaksyon namin ang bawat tasa ng ice cream. Kung magtanong ako nang magtanong ay baka magkandatunaw-tunaw ang mga ito. Ano pa ang babayaran ko kung ganoon? Noong umuwi si Papa galing Saudi, apat na tasa na ang dala ko tuwing bumibili kay Tagumpay. Noong unang pagkakataon, nagtanong si Tagumpay. “Para kanino ‘tong isa?” tanong niya. “Kay Papa po,” sagot ko habang nakatingkayad at tinitingnan ang laman ng sidecar niya. Hindi ko naman nasabi kay Tagumpay na nagsa-Saudi si Papa noon, pero sa tingin ko ay alam niyang tatlo lang kami sa bahay lagi dahil tatlo lang ang madalas kong binibiling ice cream. Hindi na rin naman siya nagusiyoso tungkol sa pagdating ni Papa. Napansin ko nang lalong bumilis ang pagsasandok niya sa bawat tasa dahil may nadagdag nang isa. Pinuno niya nang bahagya ng ice cream ang tatlong tasa at pinaapaw ang sa akin. Halos ilang buwan ko ring kinailangang sigawan si Ate tuwing tapos nang lagyan ni Tagumpay ang mga tasa namin. Hindi ko na kasi kayang bitbitin ang apat na tasang punong-puno ng ice cream papasok sa bahay. Isang beses, sinubukan ko nang buhatin lahat. Hindi kinaya ng mga daliri ko ang mabibigat at malalamig na tasa. Natapon ang isa, buti na lang ay hindi naman nabasag. Isang beses, si Papa ang lumabas para tulungan ako at nakita ko silang nagngitian ni Tagumpay. Matagal-tagal nang nananatili si Papa sa bahay noon. Hindi iyong normal na pagkatapos ng dalawa o tatlong linggo ay aalis siya ulit na parang hinintay lang niyang maubos anomang pagkaing dala niya sa pag-uwi. Tinanggal na niya ang mga gamit niya sa mga maleta at kahong dala at inilipat na sa mga aparador at tukador namin sa bahay. Mukhang hindi na siya aalis. Hindi ko naman inalam ang mga nangyari, at lalong hindi ko naman inisip kung ano ang magiging epekto sa amin ng pananatili ni Papa. Pero isang beses, nakita kong isang bente pesos lang ang nakalagay sa banga namin. Naabutan
26
na ako ng pagtunog ng kleng-kleng ni Tagumpay pero hindi ako makalabaslabas dahil kailangan ko pang itanong kung bakit isa lang ang bibilhin ko. “Sa iyo lang ‘yan,” sagot ni Mommy habang nakapako pa rin ang tingin sa TV. Ngayon ay katabi na si Papa. Inisip ko lang na baka nagsawa na sila sa ice cream ni Tagumpay. Matatanda na nga naman sila at hindi na ganoon kahilig sa malalamig at matatamis. Bahala sila. Basta ‘wag sila hihingi sa akin pagbalik ko. Alam ko sa sarili ko na kahit kailan, hinding-hindi ako magsasawa sa ice cream ni Tagumpay. Ilang linggo rin na ganoon ang naging sistema ko sa pagbili ng ice cream. Noong mga unang araw, tinatanong ko pa sila. Pero noong makakasanayan ko na ang pagbili ng ice cream para lang sa sarili, saka naman tuluyang nawala ang bente pesos ko sa banga sa kwarto nina Mommy, kaya kinailangan ko na ulit magtanong. “Mommy, pera? Andyan na si Tagumpay,” sabi ko kay Mommy. “Wag na bukas na lang. Wala na tayong pera,” at sabay-sabay napako ang tingin nina Mommy at Papa sa TV. Hindi ako nagmaktol o nagsisisigaw dahil alam kong katakot-takot na pagpapagalit buong maghapon ang kahihinatnan ng gagawin kong iyon. Hindi ko rin ipinakita ang pagkadismaya ko dahil alam kong mapapagalitan din ako kung sumimangot ako. Iba magalit si Mommy. Kahit kailan ay hindi niya ako pinalo pero iba siya kung magpagalit. Iyong tipo na akala mo ay wala ka nang ginawang tama at wala ka nang gagawing tama. Sobrang bait naman niya talaga kung tutuusin, kaya kung magalit man siya, siguradong mali talaga ang nagawa ko. Kararating lang din halos ni Papa, at sa oras na inilagi niya rito, hindi ko pa alam kung kaya niyang pigilan si Mommy kung magalit ito sa akin. O kung susubukan man niyang pigilin. Lalong-lalong hindi ko naisip ang magnakaw. Kung ngayon ay wala akong pang-ice cream, baka kung malaman man ni Mommy na kinupitan ko siya, ay mawalan na ako ng pambili ng kahit ano. Kaya sa halip, sumiksik na lang ako sa sofa sa gitna nina Mommy at Papa. Matagal na nanatili si Tagumpay sa labas ng bahay namin. Siguro ay mga nasa kinse minutos, pero para sa akin, parang mas matagal pa roon. Malakas niyang pinapatunog ang kleng-kleng niya. Alam kong ako ang hinihintay niya noon. Sayang nga naman ang bente o kung minsan pa nga
27
ay otsenta pesos na kinikita niya sa amin. Mga isa, dalawa o tatlong minuto pa, narinig ko nang tumunog ulit ang motor ni Tagumpay. Pinakinggan kong mabuti ang unti-unting humihinang tunog ng motor ni Tagumpay na papalayo na sa bahay namin. Noong mga unang araw na hindi ako makabili-bili ng ice cream, kunware ay pasimple pa akong dumadaan sa banga sa kwarto nina Mommy para tignan kung may laman. Baka sakaling may pera na ulit. Pero sa huli, madalas ay nagtutulug-tulugan na lang ako sa kwarto, para hindi masyadong marinig ang malakas na pagkleng-kleng ni Tagumpay sa labas ng bahay namin. Bawat araw na lumilipas, bumibilis na ang pag-alis ni Tagumpay. Siguro ay umaalis na siya talaga agad, pwede rin sigurong nakakasanayan ko na ang pilit na hindi pagpansin sa ice cream niya. Ang problema kasi, hindi niya ako matawag-tawag. Parehas lang kasi kaming hindi alam ang totoong pangalan ng isa’t isa. Parehas lang din kaming hindi na inisip ang pagtatanong ng bagay na iyon. Hindi man lang niya ako matanong mismo kung bibili pa ba ako, at hindi ko rin naman masabi sa kaniya na wala kaming pera ngayon. Kung binibigyan niya ako ng pasobrang scoop, bibigyan niya kaya ako ng libreng ice cream kahit iyong tiglilimang piso lang kung malaman niyang wala kaming pera noong panahon na iyon? Hindi ko na nalaman ang sagot doon. Kung ang pagkatunaw ng mga ice cream na binili ko ang nagsilbing orasan sa bawat interaksyon namin noon, ganoon pa rin ngayon. Pero wala nang ice cream, wala nang interaksyon. Naging buwan ang mga araw at ang mga buwan ay naging taon. Hindi na ako humihingi ng pera kina Mommy tuwing tanghali dahil alam ko kung wala kaming pera kahapon, wala rin kaming pagkukuhanan ng pera ngayon. Hindi na rin ako pasimpleng dumadaan sa banga sa kuwarto nina Mommy. Hindi na ako nakakabili kay Tagumpay. Humihinto pa rin siya sa tapat ng bahay namin pero hindi na naghihintay nang matagal. Mahina na rin ang pagpapatunog niya ng kleng-kleng. Hanggang isang araw, napansin ko na hindi na talaga siya dumadaan sa amin. Noong nagkaroon kami ng jeep, muli, nagkaroon ng mga barya ang banga sa kwarto nina Mommy. Dumoble pa nga kung tutuusin. Sobrang daming barya. Alam kong pwede na ulit akong humingi ng bente pesos pang ice cream. Pero kung kailan naman pwede na, tsaka siya tuluyang nawala. Ang naisip kong dahilan, nainip o napikon na siguro dahil sa tagal na hindi ako bumibili sa kanya. Hindi ko naisip na maaaring may iba pang dahilan sa hindi na niya pagdaan sa amin. Paano kung hindi na pala siya nagtitinda ng
28
ice cream? Paano kung may iba na siyang tinitinda? Ibang trabaho? Lumipat na siya ng pinagtitindahan? O, nagkasakit? Muli, mga tanong na walang mga sagot- dahil walang ice cream, walang bayad, kaya walang interaksyon. Pero isang tanghali, narinig ko ulit ang pamilyar na tunog ng humihintong motor sa labas namin. Hinintay ko muna ang tunog ng klengkleng at saka humingi kay Mommy ng bente. Wala na ang tasa kong pink, hindi ko na alam kung nasaan o kung basag na ba, kaya kumuha na lang ako ng ibang tasa. Nakita kong ngumiti si Tagumpay nang nakita niya akong lumabas ng pintuan. Pagkalapit ko sa kaniya, iniabot ko ang tasa at bente pesos. Napansin kong hindi ko na kinakailangang tumingkayad para masilip ang loob ng sidecar ni Tagumpay. Nakatayo lang ako ng normal, kitang-kita ko na agad na wala nang laman ang ikatlong stainless na lalagyan. Dalawa na lang ang flavor ng ice cream ni Tagumpay. “Nawala ka,” bulong ni Tagumpay habang nagtatakal ng ice cream. Hindi na ako sumagot. Bagaman kung tutuusin ay nawala rin naman siya at pwedeng-pwede kong isagot na, “Nawala ka rin naman ah.” Pero ngumiti na lang ako at tinitigan ang loob ng side car ni Tagumpay. Muli, sinundan ko ng tingin ang bawat pagsandok at pag-scoop ni Tagumpay ng ice cream. Pagkatapos niyang magtakal ng ice cream, iniabot niya ito sa akin. Hindi ko agad kinuha dahil puno lang ang tasa, hindi umaapaw. Walang sobrang scoop tulad ng dati. Pero nu’ng naramdaman ko na talagang hindi niya na dadagdagan iyon, kinuha ko na rin at wala nang sinabi pa. Naglakad na ako nang dahan-dahan pabalik ng bahay. Ilang araw din na nagpabalik-balik ulit si Tagumpay sa pagdaan sa amin. Nakakabili na ulit ako. Pero, ako na lang halos ang nakakabili. Ang mga pinsan ko kasi, naging whole day na ang schedule sa school kaya wala na sila tuwing hapon, tuwing nariyan si Tagumpay. Ako, isang taon na lang ay ganoon din. Ilang beses ding muntik akong hindi makabili kay Tagumpay dahil hindi ko napansin ang tunog ng motor niya o ang malakas na pag-klengkleng dahil abala na ako sa mga humihirap nang assignment sa eskwela. Kasabay ng maraming pagbabago ang pagtaas ng presyo ng ice cream ni Tagumpay. Isang beses, binulungan niya ako na bente singko pesos na ang punong tasa ng ice cream. Kinailangan ko pang bumalik sa loob ng bahay para kumuha ng ekstrang barya. Sabi niya, dadagdagan pa rin naman niya,
29
pero iyong dagdag ay kasing dami lang naman ng extra scoop na ibinibigay niya sa akin noon. Binabayaran na ang dating pasobra niya sa akin. Hindi ko na maalala kung kailan nawala ulit si Tagumpay, o kung bumabalik pa rin naman siya kahit noong magbago na ang schedule ko sa eskwela. Pero dumating sa punto na wala nang motor na humihinto sa amin at wala nang kleng-kleng na nag-iingay. Hindi ko na ginagalaw ang mga barya sa loob ng banga sa kwarto nina Mommy. Hindi ko na rin kinailangan ang mga tasa sa bahay tuwing tanghali. Simula noon, naging suki na ang pamilya namin ng Selecta 3-in-1. Hindi na nawala ang pagiging mahilig namin sa ice cream, lalong-lalo na ako. Noong nag-aral na ako ng kolehiyo sa Maynila, natuklasan ko ang mga soft serve na mabibili sa mga convenient store tulad ng 7-eleven, Ministop, Family Mart at iba pa. Halos araw-arawin ko ang pagbili ng mga iyon. Talagang ipinapasok ko sa pagba-budget ng lingguhang baon ko dahil hindi na ako basta-bastang pwedeng kumuha ng barya pambili sa isang banga. Paborito ko ang ube ng 7-eleven, ang strawberry ng Ministop, at siyempre ang pinakasikat, ang matcha ng Family Mart. Kung si Tagumpay, may pasobrang scoop noon, unli-twirl naman ang promo na ginagamit ng mga convenient store na ito. Ilang buwan ko ring minaster ang maingat na pagti-twirl ng ice cream sa cone para marami akong mabili sa halagang 25 to 30 pesos. Minsan nga ay nahuhulog pa ang ilang bahagi dahil sa dami nang kinukuha ko. Nang magkatrabaho ako, nagkaroon na ako ng pera para makatikim ng gelato. Naging paborito ko ang mga cheese cake flavor ng Caramia at ang mga caramel flavor naman ng Baskin-Robbins. Nakakilala rin ako ng mga kaibigang kasing hilig ko sa lamig at tamis ng ice cream kaya halos hindi ako nawawalan ng pwedeng ayain sa tuwing may nakikita ako online na bagong tindahan ng ice cream sa Metro Manila. Kahit anong hirap mang hanapin sa magkakamukhang kalye ng Bonifacio High Street, kahit anong hirap mang sumakay papunta ng Maginhawa sa Quezon City, o kahit anong layo man ng Greenhills, lahat ay susuungin ko para sa ice cream. Wala nang araw-araw na magbebenta sa akin sakay ng kaniyang de-motor na ice cream cart. Nawala man si Tagumpay, sa tingin ko ay hindi na kailanman mawawala ang pagkahilig ko sa ice cream.
30
Predo
Sa likod ng bahay namin, may isang maliit na lote na dating tinataniman ni Tatay (lolo ko kay Mommy) ng mga gulay at prutas. Noong umalis sila ni Nanay (lola ko kay Mommy) papuntang Canada, sinubukan ni Papa na ituloy ang pagtatanim, pero wala raw siyang “green thumb� kaya hindi tumutubo nang maayos ang mga tanim niya o kung minsan nga, hindi na talaga tumutubo. Dahil nga sa kawalan ng talent ni Papa sa pagtatanim, napapabayaan ang loteng iyon sa likod ng bahay namin. Malaki pa naman kung tutuusin. Siguro, kung nasa Maynila kami at wala sa Sapang Palay, Bulacan, paniguradong may bumili na sa lupang iyon na maaaring pagtayuan ng isa o dalawa pang bahay. Pero wala kaming sapat na pera para magpatayo ng isa pang bahay o kahit palakihan man lang ang bahay namin noon para lang magamit ang bakanteng loteng iyon, kaya mga iba’t ibang uri na lang ng mga ligaw na halaman at damo ang namamahay dito. Sa tuwing tumataas at yumayabong na ang mga damo sa loteng iyon, hindi ako pinapayagan ni Mommy na maglaro roon. Nakakapaglaro lang ako doon sa tuwing tinatawag ni Mommy si Predo, ang buwan-buwang nagtatabas ng mga damo at naglilinis sa paligid ng bahay namin. Lalong-lalo na sa loteng iyon. Nakatira si Predo kasama ang kapatid niyang babae at ang pamilya nito sa likod ng bahay namin. Hindi sa bakanteng lote, sa pinakalikod pa. Kailangan pang bumaba sa isang matarik na bato-batong hagdanan na sila mismo ang gumawa para daanan nila tuwing aakyat at bababa pabalik sa kanila. Mula sa lote na kinatitirikan ng bahay namin, matatanaw mo ang maliit nilang barongbarong sa baba. Noon ay hindi ako pinapayagan ni Mommy na
31
bumaba roon. Bukod sa delikado ang hagdan pababa, masyadong madamo at matalahib kaya pinamumugaran hindi lamang ng mga lamok, maging ng mga ahas. Ang pwede ko lang gawin ay ang tanawin ang lugar na iyon mula sa kinatatayuan ng bahay namin. Tanawin ang pamilya nina Predo. Sa pagkakaalam ko, hindi namin direktang kamag-anak sina Predo. Ang auntie niya, asawa ng uncle ko. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin lubos na maunawaan ang koneksyon namin sa kanila. Malabo ang sagot na nakukuha ko sa tuwing nagtatanong. Basta ang kinalakihan ko, hindi namin kailangang dumistansya sa kanila na parang estranghero, pero hindi rin naman kami pwedeng masyadong maging malapit sa kanila na parang direkta namin silang kamag-anak. Hindi namin sila pwedeng basta-basta na lang daanan tuwing nakakasalubong, pero hindi rin naman pwedeng hintuan para makipag-usap nang matagal. Mag-uumpisa at matatapos sa simpleng pagtango o pagkaway ang interaksyon namin kina Predo. Kung hindi itim, dark blue ang laging suot ni Predo sa tuwing nakikita ko siya noon. Kahit kailan, hindi ko siya nakitang nagsuot ng kahit anong matingkad na kulay na damit, at siguro ay hindi rin niya tinangkang gawin iyon dahil sa maitim din niyang kulay. Lagi-lagi, sa tuwing tatanawin ko siyang naglilinis sa likod ng bahay namin mula sa bintana ng kwarto, nakikita ko siyang nakaitim na t-shirt kahit tirik na tirik ang araw. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi man lang niya suotin ang mga preskong t-shirt at sandong binibigay ni Papa sa kaniya gayong sinisigurado naman ni Mommy na hindi kami magbibigay sa kanila ng mga lumang damit na sira-sira na. Ang naisip ko, baka hindi lang niya talaga gusto ang estilo ni Papa sa pananamit. Si Predo ang taong pinakamabilis maglakad na nakilala ko. Hindi malalaki ang hakbang tulad ng ibang matatangkad na lalaki tulad ng Papa ko, pero mabilis talaga. Parang laging may hinahabol at humahabol. Kasing bilis din ng paglalakad niya ang pananalita niya. Noong minsang napadaan siya sa harap ko habang naglalaro sa gilid ng bahay namin, narinig ko siyang nagsasalita nang mag-isa, sobrang bilis at sobrang hina. Parang bumubulong lang sa hangin. Naisip ko kung ano ang mangyayari kung ganoon ako magsalita tulad niya, malamang ay malutong na hampas ang ibibigay ni Mommy dahil ayaw na ayaw niyang bumubulong-bulong ako lalo na kapag pinapagalitan. Sa tuwing lilinisin ni Predo ang maliit na lote namin sa likod, pinapanuod ko siya galing sa bintana ng kwarto namin ni Mommy. Komportable akong nakaupo sa headboard ng kama namin kaya hindi ako nahihirapang obserbahan ang bawat galaw niya. Mabilis din kung kumilos
32
si Predo, tulad ng paglalakad at pananalita niya. Wala pang kinse minutos, natapyas niya na ang kalahati sa mga damo sa bakanteng lote. Tinutumpok niya ito sa gitna na unti-unti ay nagiging mataas na bundok ng mga dahon at damo. Sa tuwing nangangalahati na siya, kakatok siya sa bahay namin at agad siyang dadalhan ni Mommy ng limang pirasong tinapay, kape at malamig na tubig. Kukuha na rin ako ng meryenda ko at kakain, pero hindi kami nagkakasabay dahil sa labas siya kumakain. Hindi ko na matandaan kung kahit minsan ba ay inaya siya ni Mommy na magmeryenda sa loob ng bahay namin, tulad ng ginagawa ng ibang tao sa kanilang mga kamag-anak. O kung simula’t sapul ba ay naroon na ang distansya dahil nga hindi naman namin siya direktang kamag-anak. O siguro ay may iba pang dahilan na hindi pa malinaw sa akin noon. Tuwing tanghali, mula sa kusina namin, naririnig ko siyang nagsasalita nang mabilis kahit wala naman siyang kasalo sa meryenda niyang limang pirasong tinapay. Pagtapos magmeryenda, agad na babalik ni Predo sa lote namin. Ako rin, babalik sa kwarto para panuorin siya mula sa bintana. Tatrabahuin niya ang natitirang bahagi ng bakanteng lote namin. Buti na lang ay hindi ganoon kainit sa loteng iyon kahit tirik na tirik ang araw, nalililiman kasi ng mga punong tinanim noon ni Tatay: saging, niyog, guyabano at abokado. Ngunit may isang maliit na bahaging hindi inaabot ng lilim ng mga puno, lalo na tuwing tanghaling tapat at galit na galit ang sinag ng araw. Pero kung gaano kabilis tinatrabaho ni Predo ang mga damong tumubo sa malililim na parte ng lote namin, at kung gaano siya kabilis maglakad, magsalita at kumain, ay ganoon din niya kabilis tinatabas ang mga damong direktang nasisinagan ng araw. Kahit isang segundo man lang ay hindi siya natitinag o napapabagal ng init. Hihintayin ko munang buhatin ni Predo ang bundok ng mga dahon at damo sa gitna ng lote namin at saka ako maghahanda para maglaro sa labas. Hindi pwedeng sigaan ni Predo sa mismong lote ang mga dahon at damo dahil pareho kaming may hika ni Ate noon, kaya sa halip ay sinisilid na lamang niya sa isang sako ang mga dahon at damo at sinasama pababa sa kanila. Hihintayin kong abutan ni Mommy ng sisenta pesos si Predo at tsaka ako magpapaalam para maglaro sa lote. Hindi ko alam kung noong 2002 ba ay sapat na ang sisenta pesos para sa ganoong uri ng serbisyo. Ang alam ko lang, ang tapos ng trabaho ni Predo ay ang siyang simula ng paglalaro ko. Wala naman akong katuwa-tuwang ginagawa sa loteng iyon noon. Halos naglalakad at tumatakbo lang ako paikot-ikot dahil wala rin naman akong kalaro. Siguro ay talagang nasasabik lang akong tignan kung ano ang
33
meron doon dahil halos isa o dalawang linggo ko lang sa loob ng tatlong buwan napupuntahan ang lugar na iyon dahil magsisimula na namang tumubo ang mga damo. Kapag tumaas-taas na sila, bawal na ulit akong pumunta roon. Tatanawin ko na naman ang pagtubo ng mga damo mula sa bintana ng kwarto namin. Kinakailangan na naman naming tawagin si Predo. Iniisip ko noon, paano kaya kung wala si Predo? Makakaya kaya ni Papa na tabasin ang lahat ng mga halaman at damo sa loteng iyon? O magmumukhang horror house na binabalot ng mga nagsanga-sangang halaman at nagtataasang damo ang bahay namin? Hindi rin naman nagtatagal ang mga tanong na iyon dahil laging andyan si Predo sa tuwing bahagyang natatakot na ako sa lote naming nagmumukha nang gubat. Pero tulad ng mga katanungang iyon, hindi rin nasagot ang mga tanong ko tungkol kay Predo. Ano ba talaga ang pangalan ni Predo? Bakit nasa baba sila at wala sa mismong compound naming magkakamag-anak? Kamag-anak ba talaga namin sila? Bakit hindi kami pinapayagang maging malapit sa kanila? Mas nakakatakot pa sa loteng nagmumukhang gubat ang mga maaaring sagot sa mga tanong na iyon kung tutuusin. Noong minsang magkaroon ng 1100 si Mommy, ibinigay na lang ni Papa ang luma naming 5100 kay Predo. Nasa labas din ako ng bahay noon at nakita ko kung paanong iniabot ni Papa kay Predo ang cellphone. Noong panahon na iyon, marunong na akong gumamit ng cellphone kahit ako mismo ay wala pa noon; madalas ko kasing pinapakialamanan ang mga cellphone nina Mommy at Papa lalo na ang mga picture message na noon ay bilib na bilib ako. Nakita kong tinanggalan ni Papa ng sim card ang 5100 na iyon, kaya laking gulat ko noong inilagay ni Predo sa tenga niya ang kaaabot lang na cellphone at parang may kinakausap agad. Hindi ko naiintindihan ang sinsabi niya dahil sa sobrang bilis niyang magsalita. Nakita ata ni Papa na napakunot noo ako kaya napangiti siya at agad na ipinaliwanag kay Predo kung paano gamitin nang tama ang cellphone. Hindi ko sigurado kung iniintindi siya ni Predo dahil sinasabayan niya ito ng bulong. Noong tapos nang magpaliwanag si Papa tungkol sa sim card, load at text, at noong iniabot niya na ang charger, ibinalik uli ni Predo ang cellphone sa tenga niya at ipinagpatuloy ang pagbulong. Noong mismong oras na iyon ko lang nakita si Predong ginamit ang cellphone na ibinigay namin. Imbes na tawagan o itext na lang ay kinakailangan pa ring hintayin ni Mommy na dumaan si Predo sa bahay namin para sabihing magpapalinis ulit kami. At kahit na sa tuwing pinapanuod ko siyang magtabas
34
ng damo sa lote namin, o sa tuwing kumakain siya ng meryenda, o kaya ay kahit sa pagdaan-daan niya sa amin, hindi ko nakitang may kinakausap siya sa cellphone. Pero tulad nang dati, patuloy siyang bumubulong sa hangin. Noong mag-ge-grade five na ako, sinubukan na namang magtanim ni Papa sa bakanteng lote sa likod ng bahay namin at dinagdagan pa niya ito ng mga alagang pato. Sa tingin namin noon ay mabubuhay ang dalawang patong alaga ni Papa dahil may maliit naman na lagayan ng tubig sa loteng iyon na dating ginagawang mini pond ni Tatay. Naisip din namin na baka sa pagaalaga talaga ng hayop magaling si Papa at hindi sa pagtatanim, dahil sigurado noon si Mommy na hindi na naman tutubo nang maayos ang mga itatanim niyang gulay. Dahil sa mga pato, kinakailangan ni Papang linisin araw-araw ang bakanteng loteng iyon kaya hindi na namin kinailangan ang serbisyo ni Predo. Nakikita ko na lang siya sa tuwing mamumunga ang mga puno ng buko at mangga sa paligid ng bahay namin. Hindi marunong umakyat ng puno ng mangga si Papa at lalong hindi niya kayang abutin ang tuktok ng puno ng buko, kaya sa tuwing namumunga ang mga ito, muli naming tinatawag si Predo. Ang pagkakaiba lang ay ngayon, hindi na kinakailangang pagmeryendahin ni Mommy si Predo at hindi na rin niya ito inaabutan ng sisenta pesos. Sa halip ay ang kalahati ng makukuha niya sa puno ng buko at mangga ay pwede niyang iuwi, at siyempre ang kalahati ay sa amin. Hindi ko na rin kaya pang mag-aksaya ng oras upang obserbahan ang pag-akyat ng puno ni Predo, kahit ba mahilig ako sa buko juice at gustong-gusto ko ang indian mango. Tumatanda na ako, dumarami ang mga kailangang gawin sa eskwelahan, nagkakaroon ng mga gawaing bahay na kailangang tapusin, at nagkakaroon ng mga personal na problema na kailangang isipin imbes na alalahanin ang mga ginagawa ni Predo. Nawala ang dalawang pato ni Papa, nakalimutan niya kasing bakuran ang likod ng lote namin. Hindi namin alam kung ahas, aso o tao mismo ang kumuha ng mga pato. Pero hindi ito masyadong pinansin ni Papa, dahil kasabay nito ang pagkatalo ni Mommy,— tumubo ang malunggay na itinanim niya sa likod ng bahay namin. Simula noon, lalong naging masipag si Papa sa paglilinis ng likod ng bahay namin, at lalong nawalan ng gagawin para sa pamilya namin si Predo. Napagtanto ko na hindi ang pagiging malayong kamag-anak namin ang nagbubuklod sa amin kina Predo kung hindi ang mga serbisyo na ibinibigay nila sa pamilya namin. Iyon lamang at wala nang iba. Talagang tumubo ang malunggay na itinanim ni Papa at kung misan
35
pa nga ay naihahalo namin sa pagkain. Isang beses, nakisuyo si Predo kung pwedeng humingi ng malunggay, sasabawan lang daw niya para maging ulam nila. Agad namang umoo si Papa, na sa tingin ko pa nga ay sobrang saya dahil siya mismo ang nagpatubo noon. Muli, pinanuod ko si Predo mula sa bintana ng kwarto namin habang nagpuputol ng mga sanga ng malunggay. Bahagya akong naalarma at nagbadyang tatawagin sina Papa dahil sobrang daming sanga ang tinatapyas ni Predo. Natakot ako na baka sinisira niya na ang puno ni Papa. Pero sa unang pagkakataon, siguro ay sa kadahilanang malapit ang malunggay sa bintana namin at hindi na rin ako ganoon kabata, naintindihan ko na ang binubulong niya. “Tutubo naman ulit yan tutubo yan ‘tong malunggay tutubo ulit yan tutubo ulit,� bulong ni Predo. Habang nagtatabas siya ng mga sanga ay patuloy niyang binubulong ang muling pagtubo ng maluggay. Marami-raming bagay ang nagbago kasabay ng pagtubo muli ng malunggay na tinabas ni Predo. Binakuran na ni Papa ang likod bahay namin at doon ay nagpalaki ng dalawang manok. Umalis na ako sa kwarto nina Mommy at Papa at nakihati na kay Ate. At sa wakas, pinapayagan na akong makababa sa pinakalikod ng bahay namin, kung saan dating nakatira sina Predo, nagkaroon na kasi nang maayos na hagdanan pababa at nabawasbawasan na ang mga damo at talahib na dati ay pinamumugaran ng mga lamok at ahas. Pero wala na si Predo roon. Umalis na sila ng kapatid niya. Nagtayo na kasi ng bagong bahay ang isa sa mga tita ko roon, ang mas malapit na kamag-anak nina Predo, at tunay na nagmamay-ari ng lupang kinatitirikan ng bahay nila. Wala man lang kahit anong pamamaalam ang nangyari. Isang kapamilyang basta na lang umalis.
36
Doll Box
Damit ang umubos ng mga araw ng pagkabata ko. Hubad, suot, hubad, suot, halos maya’t mayang pagbibihis. Madalas ay napapagalitan na ako ni Mommy dahil sa mga nakakalat na mga bestida, blusa, palda at iba pang mga damit sa kuwarto. Paano ba naman kasi, humigit kumulang dalawampung Barbie ang kailangan kong bihis-bihisan noon. Madalas ay ginagawa kong kumplikado ang dapat ay madali lang namang gawain ng pagbibihis ng mga Barbie. May ginagawa pa akong mga istorya: kunware ay dadalo sila sa isang sosyalang party, kaya itong mga magagandang bestida ang isusuot; kunware ay prinsesa sila na nakatira sa kastilyo, kaya itong mga long gown, pero kapag dumating na ang mga Prince Charming nila, kasalan na agad kaya magpapalit na sila ng mga puting gown; kunware ay nasa beach sila, kaya swimsuit, pero matitilamsikan ang mga binti nila ng tubig-dagat, kaya magiging sirena sila. Hindi ako magkandaugaga sa pagbibihis sa mga Barbie ko. * Gumigising ako nang alas siete ng umaga para sa alas nuwebe kong pasok sa trabaho. Ang unang trenta minutos ay para sa pagkain ng almusal na kadalasan ay kalahating sandok ng gulay at kalahating tasa ng kanin; trenta
37
minutos para sa paliligo, kasama na ang pagpapalabas ng kung anomang dapat ilabas, paghihilamos, pagsisipilyo at iba pa; kuwarenta minutos para sa pag-iisip ng kung ano ang susuotin para sa partikular na araw na iyon, o kung paano susuotin, o kung bakit iyon ang susuotin; at ang pinakahuli, kinse minutos na paglalakad mula sa boarding house patungo sa trabaho. Matagal ang kuwarenta minutos para sa pagbibihis. Hindi naman sa may malawak akong damitang kailangan pang bagtasin sa paghahanap ng masusuot, sa totoo lang ay hindi naman talaga ganoon karami ang mga damit ko. Ang nagpapatagal sa pagbibihis ko ay ang pag-iisip kung ang palda bang gusto kong suotin ay masyadong maikli, baka kasi makita ang mga peklat ko sa binti; kung ang blouse bang ito ay sobrang hapit, baka may mang-asar nang suman sa akin; kung ang t-shirt ba na ito ay sobrang luwag, baka masabihan na naman ako nang tomboy; at kung pang-ilang beses ko na ba nasuot ang pantalon na ito? Baka masabihan na akong dugyot. At syempre, hindi ba makakapagudyok ng pambabastos ng mga lalaki ang isusuot kong ito? At sa mga kuwarenta minutos na pakikipagtalo sa sarili, ang karaniwang nagwawagi ay ang kombinasyon ng pantalon, polo shirt at Converse sneakers. Dahil ito ang ‘okay’ na. * Taliwas sa inaasahan ng marami, hindi ako lumaki na magaling sa pananamit bagaman lumaki ako sa paglalaro ng Barbie. Kasi nga, hindi ko naman nakikita si Barbie sa pangangatawan ko kahit ano ang gawin ko. Masyadong kumplikado ang hubog ko. Hindi galit na galit sa laki ang dibdib ko, pero hindi rin maliit; sa ibang damit ay nagmumukhang malaki at sa iba naman ay nagmumukhang sobrang liit na tila wala nang laman. Hindi maliit ngunit mataas ang baywang ko. Halos wala akong balakang. Hindi rin naman ako balingkinitan. Mahaba ang mga biyas ko na siyang tila awtomatikong nagpapaigsi sa lahat ng pantalong isinusuot ko. Gusto kong punitin ang lahat ng magagandang damit na hindi masakto-sakto sa akin. Hindi ako magkandaugaga sa pagbibihis sng sarili ko. *
38
Isang buong bestida ang uniporme ko noong nasa elementarya pa ako. Checkered na black and white ang kabuuang tela na may maliit na telang puti sa may bandang leeg na pinagdidikitan ng pulang ribbon. May kasama itong telang sinturon na sinusuot sa may gawing baywang upang magkaroon ng hubog ang bestida. Pero bahagyang hindi buo ang unipormeng sinusuot ko noon. Hindi kasi pinapasuot sa akin ni Mommy ang telang sinturon dahil maiinitan lang daw ako. Hindi ko naman lubos maisip kung bakit, gayong hindi naman kakapalan ang sinturon na iyon at hindi rin naman niya mababalutan ang buong katawan ko. Lalong-lalong hindi rin naman mukhang naiinitan ang mga kaklase kong babae tuwing suot-suot nila ang sinturon nila. Sa tuwing tinatanong ako ng mga kaklase ko kung bakit hindi ako nagsisinturon, ang sinasabi ko lang, mainit kasi. At sa tuwing sasabihin nila na hindi naman mainit, at na nagmumukha akong batang buntis sa suot ko, ang agad kong tugon, ah basta. Hindi ko naman kasi masabi na hindi ko rin talaga lubos na maunawaan kung bakit ayaw sa akin ipasuot ni Mommy ang telang sinturong iyon. Nasa ikaapat na baitang na ako sa elementarya nang subukan kong isuot ang telang sinturon na iyon. Bumili ng bagong set ng mga uniporme si Mommy noon kaya nagkaroon din ako ng mga bagong telang sinturon. Mukhang hindi nasabi ni Mommy na hindi naman ako nagsusuot ng sinturon, kaya ginandahan ng modista ang pagkakadisenyo, ginawang bulaklak ang hugis ng kabitan. Noong makita ko iyon, umalab ang kagustuhan kong magsuot ng telang sinturon na magbibigay ng hubog sa palobo kong bestida, kaya hindi ko na natiis at sinubukan kong suotin. Noong nakita ako ni Mommy na suotsuot ang sinturon na iyon habang papasakay ng tricycle papasok, wala na siyang sinabi. Hindi naman pala mainit ang pagsuot nang sinuturon na iyon. Sa katunayan ay komportable pa nga dahil hindi na nakaharang sa dinaraanan ko ang dating palobo kong bestida. Nang makarating ako sa paaralan noon, agad akong tinanong ng mga kaklase kong babae kung bakit sinuot ko na ang telang sinturon. Hindi ko naman talaga alam ang tuwirang dahilan kung bakit sinuot ko na iyon. O hindi ko pa napapagtanto na ang gusto ko talagang itugon ay “mukha kasing daster pambata kapag wala”, “maganda kasi kapag may kurba hindi ako mukhang bata” o “para pareho niyo na ako”. Kaya ang nasabi ko lang, “wala lang”. Mula noon, parati ko nang sinusuot ang telang sinturon na iyon,
39
at kung minsan pa nga ay ako mismo ang naglalaba kung nakikita kong medyo dumurumi na. Matiyaga kong nilalabhan sa lababo namin ang telang sinturong iyon, ingat na ingat na huwag mabasa ang dulo. Iyon ang unang bagay na nilabhan ko sa tanang buhay ko. Hindi ko pinapasama sa paglalaba ni Mommy sa washing machine. Bukod kasi sa kadahilanang nababakbak ang kulay ng kabitan nito tuwing nababasa, iniisip ko rin na baka hindi na naman ito ipasuot sa akin ni Mommy. Ilang taon matapos ang suliranin ng sinturon sa bestida, saka ko lang mapagtatanto na marami-rami pa palang isyu sa katawan ang kailangan kong kaharapin bilang isang babae. Paglaki at pagkakaroon ng hubog ng iba’t ibang bahagi ng katawan. Mga buhok na tutubo sa iba’t ibang sulok nito. Hindi maipaliwanag na sakit tuwing may buwanang dalaw. Hindi maunawaang pagbugso ng mga emosyon bago at pagkatapos ng buwanang dalaw. Sexual urges na hindi maitatanggi sa sarili kahit anong gawin. * Hindi ko na matandaan kung kailan ako unang nagkaroon ng Cristine, iyong isa pang brand ng manyika na kalaban ng Barbie. Sa pagkakatanda ko ay hindi naman talaga dapat Cristine ang ibibili sa akin nina Nanay at Tatay (Lolo at Lola ko kay Mommy), dapat ay Barbie talaga dahil iyon naman talaga ang hiningi ko, pero dahil sa kamamadali nila para umabot ang package na ipapadala nila sa amin para sa Pasko, Crisitine ang nabili ni Tatay. Noong nakita kong nakaipit ang pink na kahon ng Cristine sa gitna ng mga de-latang pagkain at iba pang groceries sa package, nanlaki ang mga mata ko. Alam ko agad na hindi Barbie iyon dahil kilalang-kilala ko ang logo ng Barbie dahil maski ang bed sheet ko, Barbie. Naisip ko na agad na ibigay na lang sa pinsan ko ang manyikang iyon dahil hindi naman siya magiging magandang kontribusyon sa koleksyon ko, o pwede ngang ibenta ko na lang para makabili ng Barbie. Pero noong hinila ko na ang karton at nakita ang manyika na nasa loob, nagsisisigaw agad ako sa tuwa. Malayo ang itsura ng Cristine sa Barbie. Ang mga Barbie noon, galit na galit sa laki ang dibdib, tapos biglang liliit sa baywang na kadalasan ay naiikot-ikot pa, tapos biglang lalaki ulit sa balakang. Pero iba ang hubog ng katawan ng Cristine. Hindi galit na galit ang dibdib, iyong tamang laki lang. Hindi rin naiikot ang baywang niya, pero may abs at may pusod pa. At lalong hindi biglang laki ang hubog mula sa baywang pababa, sakto lang ang ang
40
paglobo ng balakang sa may gawing pwetan. Gustong-gusto kong binibihisan si Cristine. Dahil nga kasi sa tama lang ang lapad at liit ng katawan niya ay madaling ipasok ang mga bestida at iba pang damit sa kanya. Mayroon ding iba’t ibang damit na kasama si Cristine na saktong sakto na sa katawan niya. Hindi katulad kay Barbie na dahil sa laki ng dibdib at lapad ng balakang ay mahirap nang ipasok ang parteng baywang ng mga damit sa katawan niya. Lahat ng damit, sakto kay Cristine. Samantalang sa mga Barbie ko, madalas ay napupunit ko pa ang mga damit para lang mapasuot sa kanila. Hindi ko pinaglalaruan si Cristine nang mag-isa. Hindi sa parating may kalaro ako, pero siya mismo ang dapat laging may ka-eksena. Patok na patok pa noon ang mga teleserye nina Kristine Hermosa at Angelika dela Cruz na puno nang pagmamalditahan at pag-aaway sa pagitan ng mga bida at kontrabida. At ganoon nga ang laging takbo ng kuwento ng mga paghaharap ng mga Barbie ko at ni Cristine. Sa umpisa, si Cristine ang maghihirap, dahil siya ang naiiba. Tapos ang pinakapaborito kong Barbie ang mangunguna sa pang-aapi. Pero darating ang iba ko pang laruang panlalaki tulad ni Batman na siyang sasagip kay Cristine mula kay Barbie. Ipakikita nila sa mga Barbie na si Cristine talaga ang pinakamaganda sa kanilang lahat. Pagkatapos ng isang mahaba-habang komprontasyon sa pagitan nina Barbie, Cristine at Batman, magpapalit na ng mas magarbong damit si Cristine at tuluyang ipakikita na mas maganda talaga siya sa mga Barbie. At magiging miserable ang buhay ng mga Barbie ko dahil si Cristine ang mas maganda, at si Cristine ang pinili ni Batman. * Hindi pinapakealamanan ni Papa ang kahit anong isuot ko. Wala akong maalala ni isang tagpo na pinabalik niya ako sa bahay para sabihing masyadong maikli ang damit ko. Hindi ko na rin matandaan kung minsan ba ay napuri niya ako sa pananamit ko. Naisip ko noon na positibong bagay ito dahil nabigyan ako ng buong kalayaan na isuot ang anomang nais isuot. Pero sa kabilang banda, napagtanto ko noong lumaki ako na tila wala akong naging gabay sa kung ano ang maaaring isipin ng mga lalaki sa kung paano ko ipinapakita ang sarili ko bilang ganap na babae. Iniisip ko tuloy noon na minsan, tila masyadong pasexy ang suot ko, minsan naman ay tila masyado
41
nang panglalaki. Nahirapan akong malaman kung ano ba ang dapat na timpla ng tamang pananamit, o kung may tama nga bang timpla ang pananamit. Humantong ako sa sistema ng trial-and-error. Lehitimong trial-and-error. Subok lang ako nang subok at madalas ay nagkakamali pa rin hanggang ngayon na tila nakasanayan ko na. Siguro ay tama naman talaga si Papa, hindi ko naman talaga dapat iniisip ang sasabihin o magiging reaksyon ng mga kalalakihan tulad niya sa pananamit ko. Sa kinahantungan ngayon ng trial-and-error ko, unti-unti ko nang natatanggap ang mga sinusuot ko, tinatanggap man ng mga Batman sa paligid ko o hindi. * Ang mga lumaki at nagkahubog na bahagi ng katawan ay sinasabing dapat itago. Pero hindi masyado. Ipakita ang mga kayang ipakita para maipahayag sa nakararami na tanggap mo ang sarili, at matatanggap ka rin nila kinalaunan. Tanggalin ang lahat ng buhok sa iba’t ibang sulok ng katawan upang maisuot ang iba’t ibang damit na kahit hindi mo naman gusto ay tila bagay naman sa iyo kaya magugustuhan mo na rin. Masanay sa hindi maipaliwanag na sakit tuwing may buwanang dalaw. Pilitin ang sariling kumilos nang normal na tila walang nakamamatay na sakit na bumabalot sa iyong kalamnan at iba pang bahagi ng katawan. Bagaman hindi nauunawaan, kontrolin ang mga emosyon na isa-isang bumubugso bago at pagkatapos ng buwanang dalaw. At higit sa lahat, itanggi ang sexual urges na nararamdaman. Kung tanungin man ng iba hinggil dito, sabihin na “wala�. * Nahihiya man akong sabihin sa mga katrabaho ko kung bakit ayaw kong kunin ang unang event na pinapa-cover sa akin para sa pahayagan na pinatatrabahuan ko ngayon ay sinabi ko na lang din dahil wala naman akong magagawa, wala akong maisusuot. Kasama sa programa ang pagsusuot ng black and white formal attire alinsunod sa kulay ng bagong cellphone na ilulunsad, at wala akong black and white formal attire. Pero dahil sa trabaho iyon, hindi ko naman pwede basta-bastang tanggihan. Ilan sa kanila ang nagprisintang dalhan ako nang isusuot, pero panigurado akong walang
42
magkakasya sa akin. Malamang ay sakto sa katawan ko, pero paniguradong kapos ang haba. Malamang ay sakto ang haba, pero paniguradong masyadong malaki para sa katawan ko. Ganyan naman ang laging mga nangyayari tuwing nanghihiram ako sa ibang to. Nabagabag talaga ako noon. Hindi dahil sa walang akong maisuot para sa partikular na event na iyon, pero dahil sa katotohanang bagaman hindi hamak na mas maunlad na ang damitan ko ngayon kaysa dati, wala pa rin akong maisuot. Matagal ko nang itinigil ang pagbibilang kung ilang beses na ba ako nagkaroon ng problema sa pananamit, dahil masyado nang marami at alam kong darami pa. Mabuti na lang ay halos magkasing katawan kami ng isa sa mga matalik kong kaibigan kaya dinalhan niya ako ng damit. Dumayo pa siya nang Manila mula sa Taguig para lang matulungan ako. Isang pencil skirt, puting turtle neck shirt at itim na blazer ang ipinahiram sa akin. Sa paningin ko naman ay sumakto sa laki at haba ng katawan ko. Sa paningin ko rin ay hindi ganoon kagarbo na magmumukha na akong “overdressed” at hindi rin naman ganoon kasimple na masasabihan akong “underdressed”. Inasahan ko nang maraming magagandang kasuotan sa event na iyon, at totoo nga. Mga magagarbong bestida. Nagkikislapan ang mga itsura. Mga posturang paniguradong libo-libo ang ginastos. Parang iyong mga damit ng mga Barbie at ng Cristine ko noon. Pero may isang babae na dumating nang nakapantalon na maong at puting v-neck t-shirt. Bagaman halatang “underdressed” siya kumpara sa mga tao sa paligid niya, walang anomang bakas ng pagkahiya sa mukha niya. Pagkarating na pagkarating niya sa function hall ay may ilang tao agad na tumawag sa kanya. Ilan sa mga iyon ay iyong mga babaeng halatang pinaghandaan ang mga damit, pero mukhang wala naman kahit sino sa kanila ang pumansin sa suot niya. Nagbesuhan, nagkumustahan, at nagtawanan silang lahat. Hindi siya isa sa mga Barbie at hindi rin siya si Cristine. Higit sa kung anomang damit, suot ng babaeng iyon ang sarili niya. * Bumalik ako kamakailan lang ng Bulacan para ipamigay ang mga luma kong laruan. Sumabog na kasi sa inis si Mommy sa mga nakakalat kong
43
mga libro sa bahay, kaya iniutos niya na umuwi ako agad para ako mismo ang maghanap ng paglalagyan nila. Una niyang inutos na itapon ko na ang mga laruan ko, gayong hindi naman magagamit ng nakababata kong kapatid na lalaki, pero iminungkahi ko na ipamigay na lang namin para hindi naman sila masayang kahit paano. May ilang laruan akong itinago, iyong mga hanggang ngayon ay gusto ko pa ring paglaruan at iyong mga pwede pa ring gamitin ng kapatid ko. Pero karamihan ay isinilid ko na sa isang malaking kahon na siyang ibibigay sa maliit na simabahan malapit sa amin. Nasa loob ng kahon na iyon ang humigit-kumulang dalawampung Barbie ko at ang nag-iisa kong Cristine.
44
Maikling Kwento
45
Wynclef Hipolito Enerio
Si Wynclef H. Enerio ay ipinanganak sa buwan at araw kung kalian ipinanganak si Bruce Lee, ngunit magkaiba nga lang sila ng taon. Kasalukuyan siyang nakatira sa Taguig City, Metro Manila, at nag-aaral sa Adamson University sa kursong Electronics and Communication Engineering.
46
Riles
Parang matang nakatitig ang araw sa ‘kin. Pinipilit ng sinag nito na tumagos sa gamit kong itim na payong. Mabilis na nagpawis ang hawak kong buko juice na kabibili ko lang. ‘Di ko magawang ‘di umangal habang nanlalagkit na ang dibdib ko’t bumabakat ang pawis sa suot kong damit na kulay berde. Teka, berde ba ito? ‘Di ako sigurado. Color blind kasi ako. Parang umiikot din ang paningin ko. Kipkip ko ang perang may mukha ni Diosdado Macapagal na inabot sa akin kanina ni Mama. Pinabibili niya ako ng tatlong Twinsta 40 by 5 at dalawang Myra E. ‘Yung Twinsta, para sa high blood niya. ‘Yung Myra E, pampabata. Pumayag na lang ako na ako na ang bibili. Mahirap na, baka bigla na lang bumulagta ‘yung nanay ko sa semento sa ganitong panahon. Ayoko pa siyang mawala. Gusto ko pang makita niya akong hawak ang diploma ng kursong pinili niya para sa akin. Pero noong pag-alis ko sa bahay, ‘di na ako nakatakas sa titig ng araw na ‘to. Nakapila ako sa sakayan ng jeep. Hetong sasakyan ko, papuntang SM Bicutan. Kung tutuusin, kaya ko namang maglakad na lang. Maglalakad lang naman ako sa foot bridge na mas lalong maglalapit sa akin sa nakakapasong araw. Kaya napagpasyahan kong mag-jeep na lang. Baka kasi kapag tinuloy ko, matuluyan na itong pag-ikot ng mga mata ko’t bigla na lang tumumba sa nakakapasong sahig na bakal ng foot bridge na ‘yon. Hindi man tumatagos ang liwanag sa bubong ng jeep, nararamdaman
47
ko naman ito nang sumakay na ako. Sa gitnang parte ako ng kanang upuan pumuwesto. Kaharap ko ang isang babaeng bakat ang baitang ng bilbil sa tiyan niya. Naka-itim siyang sleeveless na damit. ‘Yung pumapagitna sa ‘kin, mga babae rin. ‘Yung nasa kaliwa ko, naka-uniporme ng Watson. Rinig ko ang kanta na pinapatugtog niya sa earphones niya, pero ‘di ko alam kung anong kanta, parang pang-party ‘yung tunog. ‘Yung sa kanan, naka-uniporme rin. Parang estudyante sa isang kolehiyo na ‘di ko kilala ang tatak. Puti ang uniporme niya. Isa-isang pumasok ang mga pasahero. ‘Yung pinakahuling sumakay, nanay na may bitbit na baby. Pinausog ng dispatcher ang mga pasahero sa kaliwang upuan para ‘di na mahirapang umupo ang mag-ina. Nakaupo siya katabi ang pinto ng jeep. Sumakay ang drayber. Napansin ko, kaming dalawa lang ng baby ang lalaking pasahero. Naisip ko, sana baby pa rin ako. Bitbit ko pa rin ang buko juice na binili ko kanina. Parang hinigop ng alinsangan ng paligid ang lamig ng inuming ito. Natuyo na rin ang pawis ng supot na lalagyanan nito. Hindi na hinintay ng drayber na may sumakay pa sa katabi niyang upuan. Umusad na ang jeep pero saglit lang na nadiinan ang pedal ng gas, huminto na agad ang jeep sa buntot ng nakahintong sasakyan dahil sa trapik. Pakiramdam ko, gustong-gusto nang sumigaw ng mga tambutso ng mga sasakyan sa daan. Kaya busina na lang ang pinapaingay nila. Sumasabay pa sa panahong ito ang pagka-aburido ng mga tao. Tumingin ako sa rear view mirror ng jeep. Pumupungay ang mata ng drayber habang hinihimas-himas ang dibdib niya. Paypay nang paypay ang ibang mga babaeng nakasakay sa jeep. Nagpapaypay din ang estudyanteng katabi ko, buti sa direksyon kung saan nahahanginan din ako. Pero gusto ko nang bumaba agad. ‘Di kayang palamigin ng pamaypay ang ulo ko. Gusto kong maglakad na lang siguro sa foot bridge. Titiisin ko na lang kahit lumagkit ang mukha ko. Tatakbuhin ko na lang sana. Putangina ng panahong ito. Kulang na lang, murahin ko na rin ‘tong pawis ko para huminto na sa paggawa ng iba’t ibang ruta sa katawan ko. Pero gusto ko ring murahin ang sarili ko, ang tao. ‘Di rin siguro magiging ganito ka-grabe ang init kung ‘di dahil sa mga kagagawan namin. Sa pagmamalabis para sa sariling interes, hanggang sa pati ang paligid, nadadamay na.
48
May bumubulong sa isip ko na nag-uudyok sa akin na magpagupit. Pero hindi sa may Salon ni Trish na kung saan may bonus siyang hipo sa alaga ko bago gumupit. Gusto kong magpakalbo dito sa gitna ng daan na ‘to. Baka sakaling mawala lahat ng naiisip ko. Kung ‘di lang talaga dahil sa nanay ko, hindi ako makikipagsapalaran dito. Nakaka-putangina na lang talaga. Mas mabilis pa siguro kung nilakad ko na lang ito. Pati mas mabilis pa siguro ‘yung hakbang ko kaysa sa mga gulong ng mga sasakyan na ito. Pero sa bawat pag-usad, sumisilip naman ang logo ng SM. Kahit papaano, may natitirang buhay sa loob ko. Konti na lang, hangin na ng aircon ang mararamdaman ko, hindi na ang mga maiitim na usok ng mga tambutso. Patuloy pa rin ang pagdaloy ng pawis sa iba’t ibang parte ng katawan ko. Lalo na sa sentido. Malapit na kami sa riles ng tren. Tanaw ko na ang traffic enforcer na naka-sombrero’t may suot na sleeve na may drawing na dragon. Para rin siyang nagmamaniobra ng manibela, pero ang pagkakaiba’y minamaniobra niya ang buhol-buhol na daloy ng mga sasakyan. Kahit ang direksyon ng pagkumpas niya ng mga kamay, buhol-buhol na rin. Para siyang sumasayaw na ‘di makasabay sa tempo ng kanta. Tanaw na tanaw ko na rin ang dalawang gusali ng SM na dinudugtungan ng tulay. Gusto ko nang bumaba sa jeep para tumakbo sa entrance ng mall na ‘yon. Nasa gitna na kami ng riles nang biglang bumaba ang harang nito. Sumilip ako sa katabi kong bintana. Nakita ko ang maitim na usok na binubuga ng paparating na tren. Parang sumasayaw ang imahe nito, dahil siguro sa init ng lupa. Pagkatingin ko ulit sa rear view mirror, nasa dibdib pa rin ng drayber ang kamay niya. Rinig ko na ang busina ng tren. Sinilip ko ang pwesto ng jeep, nasa gitna nga talaga kami. Napalunok ako ng laway. Humigop ako sa maligamgam nang buko juice. Binalik ko ang paningin sa paparating na tren, mas luminaw na ang imahe nito. Mas lumalakas na rin ang tunog ng busina. Tinignan ko ang mga kasama ko. Nakapikit ang katabi kong babae na estudyante, pero ‘yung iba, nagse-cellphone at nagpapaypay, may mga nakapasak na earphones sa mga tenga. ‘Yung nanay na may dalang baby, diretso ang paningin sa labas ng pinto ng jeep. Mas lumalakas na ang busina ng tren. Kita ko ang mga taong lumalapit sa harang ng riles. Nanlalaki ang mga mata’t sumisigaw. Pero tinatabunan ‘to ng mas lumalakas pang busina ng tren. Tinignan ko ulit ang drayber. Diretso ang paningin sa kalsada. Mayamaya’y bumagsak ang ulo niya sa manibela. Umusad na ang mga kotseng nasa
49
harap namin kanina na hindi naharangan. Tanging ang sasakyan lang namin ang nasa gitna ng riles. Nagsisigawan na ang mga pasahero. Nagising din ang katabi kong babae. Napaigtad ako nang bigla siyang sumigaw. Napapalibutan ang pandinig ko ng mga sigaw at mura ng iba’t ibang tao. Hindi ko na alam kung sino ang nagsasalita o kanino nanggagaling ang mga boses. ‘Yung nanay na may dalang baby, kinakalampag na ‘yung pinto ng jeep. Tulungan niyo kami! Sigaw niya. May tumakbong lalaki na walang pang-itaas sa pinto ng jeep. Pilit ding kinakalampag ang pinto pero ayaw talagang bumukas. Kita ko na ang logo ng kulay asul na tren. Walang direksyon na pupuntahan kundi sa jeep na sakay kaming lahat. Nagsitayuan ang mga pasahero’t nag-uunahan sa pinto. Pare-parehas ang daing na paghingi ng tulong. Iisa ang direksyon. Sumabay na ang iyak ng baby. Parang koro na sumasabay sa busina ng ‘di mapigilang tren. Parang nabibiyak na ang sigaw ng mga babaeng kasama ko. Bumukas ang pinto ng jeep. Tumalon ang nanay na may kargang baby. Sunod-sunod na lumabas ang mga tao. Kakaiba na ang busina ng tren. Para na ring sigaw ng ‘di ko kilala pero alam ko ang pangalan. Pero mas mabilis ang tren kaysa sa amin. Hinigpitan ko ang kapit sa dalang pera. Sana naglakad na lang ako. Nabili ko na sana ‘yung gamot. Ang init.
50
Central Station
Dala-dala ang amplifier at gitara, handa na akong tuparin ang aking pangarap. “Manong,” sabi ‘ko. “Jam tayo.” Sinapawan ng boses ni Manong sa pagkanta ng Royals ni Lorde ang alok ko sa kanya. Pero halata sa pagbigkas niya ng salita ang pagkabarok sa lenggwahe ng kanta. Patuloy lang siya sa pagkaskas ng gitara. Kulot na ang kayumangging balat. Naninilaw ang mga magkakalayong ngipin. Hindi maitatago ng itim na salamin niya ang kawalan ng paningin. Madiin na tinitipa ng makalayo niyang mga daliri ang chords ng kinakanta. Paminsan-minsa’y sumasabit sa kuwerdas ang mga humahabang kukong tinataguan ng alikabok ng Maynila. Nangingitim na rin sa libag ang mukha ni Erap sa puting damit na suot niya. Nasa gilid siya ng hagdan paakyat ng Central Station. Hanggang sa huling baitang ng hagdan ang pila ng mga pasahero. May mga naka-earphones, nakatingin sa mga cellphone nila, pasulyap-sulyap sa orasan, at nanonood kay Manong. Sa tabi niya, naroon ang tindahan ng siomai na ‘di ko alam kung may bumibili pa sa kanila. Katapat nito ang tindahan ng yema cake na madalas kong pinapasalubong kila mama. Walang tao ngayon sa harap ng TV malapit sa isang kainan. Sa harap ng TV na ‘yon, madalas na nagpapalabas ng karera ng mga kabayo.
51
Sa gitna ng pagtugtog niya, dinadaanan lang siya ng mga paningin ng mga tao habang sa labas ng station, dahan-dahang lumulubog ang araw. Halata sa mga malalambot na pagkaskas niya sa gitara na hindi niya alam ang nararapat na emosyon sa masayang kanta na ito. Walang sigla sa mga lirikong lumalabas sa bibig niya. Hindi pa rin siguro maitatago ng masayang kanta ang lungkot ng taong kumakanta nito. Sabog ang boses niya sa mic pati ang tunog ng gitara niya. Isang kupas na pulang Squire ang ginagamit niya, pero hindi ko alam kung original ang gitara niyang ito. Kupas na rin ang mga fretboards nito. Lumapit ako sa kanya’t tinapat ang bibig ko sa tenga niya. “Manong,” sabi ko. “Jam tayo.” “Tara,” sagot niyang nakangiti. Narinig ko ang boses niya sa speaker. Nagtinginan ang mga tao sa paligid namin. “Ano ang kanta?” Pumasok sa isip ko ang nangyari sa audition kanina. Kung gaano kapakla ang ngiti ng mga judge habang tinutugtog ko ang kanta ng Asin. Pagkatapos kong tugtugin iyon, nagtanong sila sa akin kung may alam akong mas sikat na kanta. ‘Yung pang-hype daw sa mga tao. Pero ‘yon lang ang alam ko’t gusto kong tugtugin. Pagkababa ko ng stage, sinabihan nila akong ite-text na lang. “Asin po, ‘nong,” sabi ko. Sinagot niya ‘ko ng pagkalabit ng kuwerdas. Mga kalabit na nagdadala sa akin sa mga gabing tumutugtog ako ng gitara’t nangangarap na marinig ng maraming tao. Nagtinginan ang mga taong dumadaan sa amin. Sumasabay ang ugong ng LRT sa ibabaw ng Central Station habang nasa ilalim kami nito. “Kunin mo ang mikropono,” sabi niya. “Ikaw ang umawit.” Hindi ko alam kung kanino niya tinutukoy ang sinabi niya. Pero kinuha ko agad ang mic para habulin ang unang mga kataga ng kanta. Himig ng Pag-ibig ng Asin ang tinutugtog niya. Sinusundan na kami ng tingin ng mga taong naglalakad sa estasyon na ito. Gumagalaw na ang ulo ni Manong sa pagdama ng kinakalabit na melodya ng kanta.
52
“Ako naman ang kakanta,” sabi niya matapos ang kanta. “Tumugtog ka rin ng kanta ng Asin.” Tinanggal ko ang gitara sa lalagyanan. Tinanggal ko ang cable sa gitara ni Manong. Pagkasaksak ko nito sa ‘kin, hinarap ko ang mic sa kanya’t kinalabit ko ang gitara. Sinimulan kong tugtugin ang kantang tinugtog ko sa audition. “Paborito ko iyan,” sabi ni Manong. “Usok iyan, ‘di ba?” Ngumiti ako’t pinagpatuloy ang pagtugtog. Naging makulay ang ang kanina’y itim at puti niyang pagkanta nang lumabas ang boses niya sa speaker. May mga tumitigil na sa harap namin. May mga naghuhulog na rin ng barya sa kahong nasa harap namin. Parang sumasabay sa pagtugtog ang paghulog ng mga barya sa kahon. Nagpalakpakan ang mga tao nang tinugtog ko ang adlib ng kanta. “Salamat sa iyo ha?” sabi ni Manong. Ngumiti siya. Sumilip ang naninilaw na tatlo na lang na ngipin na nasa harap at lima sa ibaba. Binalik ko na ang gitara sa lalagyan. Kinabit ko ulit ang cable sa gitara ni Manong. “Salamat din po, ‘nong,” sabi ko. “Pero kailangan ko na pong umuwi e.” Bumunot ako sa bulsa ko. Beinte pesos. Hinulog ko ang pera sa kahon. Iniwan ko si Manong na umiinom ng tubig. Malayo na kami sa kanya’y narinig ko ang pagkaskas niya sa gitara. Parang naging mekanikal ang pagkalabit niya ulit sa kwerdas. Narinig ko ang boses niya. Nanumbalik ang itim at puti sa mga kanyang musika. MADALAS KONG nakikita si Manong sa Central Station kapag uuwi na ko. Lagi kong pinaplanong lumapit sa kanya para kausapin siya, kahit na hindi niya ako nakikita. “Hindi ko gusto ang mga tinutugtog ko rito,” sabi niya noong balikan ko siya kinabukasan. Papalubog ulit ang araw, dumarami na rin ang pumapasok
53
sa estasyon na ‘yon. Nakapuwesto na naman ang mga parokyanong nakatitig sa mga kabayong nasa TV. “Ito lang ang pinapatugtog sa akin ng nagdala sa akin dito.” “Pero mas maganda po siguro kung gusto mo rin po ‘yung tinutugtog mo,” sabi ko. “Parang hindi ka po kasi masaya kapag ‘yun ‘yung mga tinutugtog mo.” Ngumiti si Manong. Sumilip ang tatlo niyang naninilaw na ngipin sa ibabaw. Hindi na rin naaahit ang mahaba’t inuuban na bigote niya, tumatakas na rin ang buhok sa loob ng ilong niya. “Ganoon talaga, utoy,” sabi niya. Lumalagpas na sa puwesto ni Manong ang haba ng pila ng mga sasakay sa LRT. “Aalis ba kayo rito, ‘nong?” “Hindi ko alam. Hindi ko alam kung nakakaalis ba ako sa lugar kung saan ako dinadala. Hindi ko rin alam kung magkakapareho ang lugar kung saan ako dinadala,’’ sabi niya. “Pero parang parehas ang lugar ko ngayon kung saan ako kahapon dahil nakakausap pa rin kita.” Ugong ng dumadaang tren sa ibabaw namin ang sumagot sa amin. “Ayoko na sa kumukuha sa akin dito. Sinasaktan kami kapag kaunti raw ang naibibigay naming pera,’’ sabi niya. “Ni hindi ko nga nabibilang ang laman ng kahon.” ‘Di ako nakasagot. Napatitig ako sa kaniya. Sa mukha niyang naglalangis sa alinsangan ng paligid. Ang kayumangging kulay ng balat niya. Ang nanlilimahid sa libag na mga paa niya. “May pamilya ka pa po ba?” tanong ko. “Sana nga, meron pa.” “Bakit po?” May kinakapa siya sa pantalon niya hanggang sa makarating ang kamay niya sa bulsa. May kinuha siyang litrato. Inabot niya sa ‘kin. Babaeng may kasamang bata na lalaki. Pagbalik ko ng paningin sa kaniya, pinupunasan niya ang mga mata niya. Inayos ang shades, ngumiti.
54
Muling umugong ang tren sa ibabaw namin. “Paabot naman ng tubig ko,” sabi ni Manong habang nakangiti’t kinakapa ang paligid niya. Inabot ko ang tubig na nasa tabi ng speaker. Nilalabas ko ang gitara mula sa lalagyan. “Tara ho.” Ibinaba ni Manong ang bote ng tubig. Tinapat ko ang mic sa kaniya. Sinimulan kong tugtugin ang Tuldok ng Asin. Lumabas ang boses ni Manong sa speaker. Mas ramdam ko ngayon ang pagkanta niya. Sa bawat kalabit ko sa gitara’t pagbakat ng litid niya sa pagbirit, sunod-sunod ang naghuhulog ng mga barya. May mga ilan na tumitigil para manood. Pinagmasdan ko ang mga labi ng ilang mga matatandang nanonood sa amin, sumasabay sila sa sa bawat salita ng kanta. Umiikli na rin ang pila sa LRT. “Wala ba kayong mga kamay diyan?” sabi niya. Bilang sa sampu ang pumalakpak pero may mga naghulog pa ng barya sa kahon. Ibinalik ko na ang gitara sa lalagyan. Kinabit ko na ulit ang cable sa gitara ni manong. “Babalik ka ba bukas?” Tanong niya sa ‘kin. “Wala po akong pasok bukas, e,” sagot ko. “Sa lunes po, babalik po ako.” “Sana nandito pa rin ako sa araw na iyan,” ngumiti siya, pero sa pagkakataong ito, ‘di sumilip ang bilang niyang mga ngipin. “Opo.” Paalis na ‘ko nang bigla siyang nagsalita ulit. “Sa susunod, ikaw lang ang tutugtog ha?” sabi niya habang nakatapat ang bibig sa mic. “Gusto ko lang makinig.” Wala nang pila sa Central Station. Mabagal akong umakyat hanggang sa marating ko ang babaeng guard na may hawak na drumstick. Bago ko buksan ang zipper ng bag, narinig ko ang pagkalabit ni Manong sa kuwerdas
55
ng pula niyang gitara. PAGDATING NG Lunes, hindi ko na nadatnan doon si Manong. Tinanong ko sa mga katabing tindahan kung nasaan na siya, noong Sabado pa raw siya wala rito. Walang nakakaalam kung bakit hindi na siya nakabalik. Sa puwesto niya, walang bakas ng palatandaang umalis siya. Habang nasa puwesto ako kung saan siya natugtog, dama ko pa rin ang musika. Pero ang mga busina ng mga sasakyan at ugong na lang ng tren sa ibabaw ng lugar na ‘to ang pumalit sa musikang ‘yon. Umakyat ako sa Central Station nang hindi ko nakalabit ang gitara ko’t narinig ang boses ni Manong. Bago ko buksan ang zipper ng lalagyan ng gitara sa harap ng babaeng guard, hinihintay kong marinig ang kalabit sa kuwerdas ni Manong, pero ang matining na tunog ng metal detector ang pumalit dito. HINDI NA ako sa Central Station ulit sumakay nang mangyari ‘yon. Hindi ko na rin nagagamit ang gitara ko. Bawat gabi, hindi matanggal sa isip ko ang mukha noon ni Manong. Ano kayang magiging reaksyon niya habang tumutugtog lang ako’t nakikinig siya? Isang araw bago matapos ang semestre sa Central Station ulit ako sumakay pauwi. Bitbit ang gitara, mabagal akong naglakad papunta sa estasyon. Pagkadating sa bukana nito, naroon pa rin ang tindahan ng siomai na katabi ng puwesto ni Manong noon. Nakatitig pa rin ang mga parokyano sa mga kabayong tumatakbo sa TV. Maikli ang pila ng mga sasakay sa LRT. Sa puwesto ni Manong, tinanggal ko ang gitara sa lalagyanan. Kinuha ko ang kahon ng sapatos sa bag. Sinabit ko ang gitara sa balikat ko. Kinalabit ko ang kuwerdas. Kahit walang mic, naririnig ko pa rin naman ang boses ko. Tinugtog ko ang Tuldok ng Asin. Matatapos na ang kanta, wala pa ring laman ang kahon. Ngumiti ako’t tinugtog ulit ito. Sa gitna ng kanta, napapikit ako. Nakita ko si Manong. ‘Di man siya nakaharap sa ‘kin, kita ko naman ang walo niyang ngipin na naninilaw. Dumilat ako nang matapos ang kanta. Hindi ko na nahintay ang palakpak niya.
56
50th
“San ka na naman galing?’’ tanong sa kanya ni Marta, asawa niya. “Wala… diyan lang. Napadaan lang kila—” sinalubong ni Berto ang mga damit niya na binato sa kanya ni Marta. “Uminom ka na lang!’’ Bago pa man may lumabas sa nakabukang bibig ni Berto, sinalubong siya ng pintong isinara ng asawa niya, tinamaan ang tiyan niyang pinalalaki ng alak. Umalingawngaw ang lakas ng pagsara ng pinto sa madilim na paligid. Nakatingin lang kay Berto ang buwan sa likod ng mga maninipis na ulap. Lumingon siya sa katabi nilang bahay, sa bintana ng kuwartong ‘yon, nakita niyang nakabukas pa ang ilaw at may gumagalaw na dalawang anino. Naririnig niya ang mga tawanan ng dalawang babae. Nang nagsanib ang dalawang anino sa ilaw ng kuwartong ‘yon, biglang namatay ang ilaw. Lumingon siya sa may bintanang katabi ng kanilang bahay. Sumasayaw ang ilaw ng kandila sa loob. Umupo siya sa tapat ng pinto. Umaalingasaw ang amoy ng Gin sa damit niya, habang hinihintay ang asawa niya na buksan ang pinto. Pagkatapos niyang pagbagsakan ng pinto ang asawa, bumalik si Marta sa kawayang bangkito habang tinititigan ang sumasayaw na apoy ng kandila sa mesang hinanda niya para sa kanilang dalawa. Mesang nababalutan ng pulang kumot na pinupunda niya kapag anibersaryo lang nila. Sa kaliwang bahagi ng mesa, nakasindi ang dalawang kandila. Sa ilaw nito, ang kumukulubot niyang balat. Sa gitna ng mesa, may chocolate cake na may nakasulat na, ‘’Happy 50th Anniversary!’’ Nakatirik sa gitna ng cake ang kandilang ‘50’ na ‘di pa
57
nasisindihan. Pinunasan niya gamit ang likod ng kamay ang luhang dumadaloy sa pisngi. Ang dating malambot na mukha’y kumukulubot na rin. Kaninang umaga, noong bibilhin niya na ang cake, naisip niya ang ilang linggong pagiipon mula sa paglalabada para mabili ang cake na ‘yon para sa kanilang anniversary, ang bawat pag-iisip ng ipapasulat na message sa cake habang kinukusot ang damit ng kumare niya sa kabilang barangay, at ang ngiti niya sa bawat perang binabayad sa kaniya ng sineserbisyuhan niya. Sa bilihan ng cake, tinanong niya ang babaeng nagbebenta kung anong magandang mensahe ang nakalagay sa cake. Ngumiti ang babae. Isinulat niya ‘’Happy 50th Anniversary!’’ sa tsokolateng cake. Nilagay sa kahon at ibinigay sa kaniya kapalit ang bayad. Hindi niya ba naalala? Pilit niyang pinipigilan ang mga hikbi. Sinandal niya ang likod sa pader. Sa mga nakaraang taon, wala namang nakaligtaang anibersaryo si Berto. Ngayon niya lang talaga naranasan ito. Kahit walang regalo, basta binate siya’t niyakap, sapat na sa kaniya. Pero ngayong ika-50 nila bilang mag-asawa, ngayon pa ito nangyari. Paunti-unting bumabagsak ang talukap ng mga mata niya habang lumilipad sa isip niya ang inaasahan niyang masayang gabi. SA LABAS, tinatawag ni Berto si Marta sa saradong bintana pero hindi siya sinasagot. Sa kaliwa niyang bulsa, naroon ang regalo niyang kuwintas sa asawa. Halos tatlong buwan din niyang dinoble ang kayod sa pamamasada ng tricycle para lang mabili ito. Gustong-gusto niya na itong bilhin noon pa. Noon pang nakita ito ni Marta sa may mall sa Maynila pagkatapos nilang bisitahin ang nag-iisang anak nilang lalaki’t ang pamilya nito. Malinaw pa sa alaala ni Berto kung paano siya tignan ng mga matang hindi tumatanda ng asawa pagkatapos tignan sa likod ng salamin ng isang tindahan ng mga alahas sa mall na ‘yon. Ngayon, nasa bulsa na niya ito. Habang nakatitig sa salamin, naiisip niyang sinusuot ang kuwintas sa leeg ng asawa habang tinatamaan ito ng liwanag ng kandila. Nang maisuot, niyakap siya ng asawa niya’t sa kanyang dibdib, naramdaman niya ang kuwintas na dumidiin. Binugaw ng amoy ng Gin sa damit niya ang mga naiisip. Gin din ang ininom niya noong nasa tapat siya ng bahay nila Marta bilang manliligaw. Dala ang gitara, kinatok niya ang pinto nina Marta. Bumubulong sa isip niya ang mga panalanging ‘wag sanang tumaon na nanay o tatay nito ang bumungad sa kaniya.
58
Napalunok siya nang narinig ang langitngit ng mabagal na pagbukas ng pinto. Niluwa ng pinto ang babaeng nakaputing bestida, nakalugay ang buhok, at nakapaa. Makinis ang mukha nito’t bakas pa ang kabataan. Ang babaeng bumihag sa puso niya nang makita itong laging naglalakad sa tapat ng bahay nila, dala-dala ang mga gulay na nasa bayong. Ang babaeng alam niyang mapapangasawa niya balang araw, ang babaeng nagbigay ng dahilan sa kaniya para maghintay ng isang taon para sa salitang “Oo’’. Kinaskas ni Berto ang gitara. Kinanta na niya ang sariling kanta na ginawa niya para kay Marta. Marta... kumusta na… kay tagal na rin kitang kilala… Nakita niya ang ngiti ni Marta. ‘Di mo pa rin ba nakikita… ika’y mahal ko, ‘di ba… Nagkaroon ng tawa sa ngiti ni Marta. Tawa hindi dahil sa tuwa sa kanta, kundi sa litid sa leeg na nagsisilabasan habang binibirit ni Berto ang kantang ginawa. “Sino ba ‘yang maingay na ‘yan?!’’ Napahinto si Berto sa pagtugtog. Alam niya sa sarili kung kanino ang boses ng lalaki mula sa bahay nila Marta. Nakita niya kung paano lumaki ang mata ni Marta at kung paano nito mabilis na isinara ang pinto. Agad siyang tumakbo papauwi sa kanilang bahay na parang walang espiritu ng alak. Pilit na dinadasal na sana’y hindi nalaman ng tatay ni Marta na may nanliligaw na sa anak niyang dalaga. Kinabukasan no’n, sinagot siya ni Marta. Pero ‘di pa rin siya sinasagot ng sarili kung paano siya makakapasok sa bahay nila. Lumapit siya sa pinto’t hinawakan ang door knob. Pinihit. Napangiti siya. Pumasok siya sa loob ng bahay. TULOG NA si Marta pagkapasok niya ng bahay. Kita niya ang mesang nababalutan ng pulang kumot na ginagamit lang nila tuwing anniversary, ang paubos na dalawang kandilang nakasindi sa kaliwang bahagi
59
ng mesa at ang cake na nasa gitna. Agad niyang nilapitan si Marta. Niyakap niya ito, sabay nilapit ang bibig sa tenga ng asawa’t kinanta ang ginawang kanta noong nanliligaw pa lang siya rito. Pagkatapos kumanta, binunot niya sa bulsa ang kuwintas. Binuksan niya ang kahon. Inangat niya ang ulo ng asawa’t isinuot sa leeg nito ang kuwintas na may pusong pendant. Nang masuot ni Berto ang kuwintas kay Marta, pinagmasdan niya ang asawa. Napangiti siya sa rito. Gusto niyang itago sa sulok ng isip niya ang sandaling ito, si Marta, mahimbing na natutulog habang suot ang kuwintas na niregalo niya. Hinawakan niya ang kamay nito. Pinunan ng magagaspang na mga daliri ni Berto ang pagitan ng mga daliring kumukulubot ni Marta. Lumingon si Berto sa may mesa kung saan naroon ang cake. Lumapit siya rito’t tinitigan ang paubos na dalawang kandila. Tinanggal niya ang isang kandila sa pagkakatayo. Binasa niya ang nakasulat sa may cake, lumingon siya sa direksyon ni Marta. ‘’Happy anniversary,’’ bulong niya. Sinindihan niya ang kandilang “50th.”
60
Pasasalamat
Ang Faura chapbook ay hindi magiging matagumpay kung wala ang pag-alalay ng mga miyembro ng Kataga-Manila, mula sa mga sesyon ng palihan hanggang sa paglilimbag. Nagpapasalamat si Xeus DC Foja kina Leslie Ann Bacarlos, Paolo Antonio Baladad, Mart Tabilin, Jacob Foja, at mga miyembro ng The Most Distinguished Tau Omega Mu Fraternity and Its Ladies’ Circle. Nagpapasalamat si Rhea B. Gulin sa mga guro, kamagaral, panelista, fellow at mga kaibigang manunulat na nagbahagi ng mga komento at suhestiyon sa kanyang mga akdang nakapaloob sa chapbook. Sa kanyang mga magulang, mga kapatid, at mga matalik na kaibigan, para sa lahat ng suporta. Nagpapasalamat si Wynclef H. Enerio kina Enrylin at Charles Enerio, mga kaibigan na sina Bryan Cajara, Kinglee Fernandez, Jayem Dioses, Diosocor Lagarde, at Kenneth Ferrer. At kay Kristine Abby Afuang.
Kataga
Ang Kataga ay organisasyon ng mga manunulat sa Filipino na naglalayong palaganapin ang paglikha ng panitikang makabuluhan sa lipunan. Itinatag noong 2008, ngayon ay binubuo na ito ng pitong mga sangay: Manila, Manila-South, Quezon City, Lucena-Panitik, Lucena-Tanghal (teatro), Zambales at Online.