Quaranzine

Page 1


QUARANZINE

Reserbado ang lahat ng karapatan. Walang bahagi ng koleksiyong ito ang maaaring gamitin o kopyahin sa anumang paraan nang walang pahintulot mula sa mga manunulat.

Kataga, Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas, Inc. Kataga - Manila Š2020


Nasa krisis ang mundo. Sa Pilipinas, hindi sigurado ng masa kung ano ang unang papatay sa kanya - virus, gutom, o ang 'shoot them dead' order ng Pangulo.

Tinanong tayo: Ano bang ambag ng mga manunulat sa panahong ito?

Narito ang aming sagot.


Deklarasyon ng Kataga Sapagkat naniniwala kami sa lakas ng salita tungo sa makasining at makabuluhang pagsusulat; Sapagkat ang salita ay isang tagang humihiwa at kumikitil sa urong na kaisipan; Sapagkat kakawing ang pagsusulat sa pang-araw-araw na buhay.



NILALAMAN Alyana Walde Pamimili Sa Panahon Ng Quarantine Angkas, Pabili! Christopher Concha Lipas Gerome Nicolas Dela Peña Buhay After Lockdown Glenn Galon Kaarawan at Corona April Fools’ Qua(rent)houghts Evelyn P. Antonio Ang Damit ng Hari Basic Liyan Quiñones Kandila De-Lata Extension

6 11 16 19 22 23 25 27 29 31 32 33


PAMIMILI SA PANAHON NG QUARANTINE Alyana Walde

Naubos na ang naitabi kong pagkain simula nang magkaroon ng Enhanced Community Quarantine o ECQ sa buong Luzon. Mag-isa lang din ako ngayon sa dorm na tinitirahan. Malayo sa magulang, kapatid, o kaibigan na puwedeng asahan. Wala akong ibang choice, kinakailangan ko nang lumabas at bumili ng pagkain. Isa pang problema ay wala rin akong face mask. Bago kasi mag-lockdown ay wala nang mabilihan dito sa lugar namin. Kumuha na lang muna ako ng panyo para itakip sa bibig at ilong ko. Dumaan muna ako saglit sa barangay para kumuha ng quarantine pass. Madali naman ang naging proseso, nagtanong lang sila ng ilang impormasyon tungkol sa akin pagkatapos ay pinapirma ako saka inabot ang pass na kinakailangan lagyan ng retrato. Labinlimang minuto ang ginugol ko sa paglalakad bago makarating sa supermarket. Maluwag ang kalsada, wala masyadong sasakyan na dumaraan dahil mga pribado lang ang puwedeng makabiyahe. Hindi ka rin makikipaggitgitan sa mga naglalakad dahil wala ang mga noon ay nakatambay o mga naglalako ng kung ano-anong sa daan. Swerte naman na may nadaanan akong nagtitinda ng washable face mask habang naglalakad. Pagdating sa supermarket ay kinakailangang pumila. Maraming tao na ang nakapila sa labas pa lang. Kung susukatin ang distansya, mula sa parking area hanggang sa loob mismo ng supermarket ang haba. Makikita rin ang mga kotse na dumarating at nagpa-park sa kung saan kami nakapila. ‘Yung ibang bumababa mula sa kotse ay dire-

6


diretsong pumapasok sa mall samantalang kaming mga de lakad, kailangang pumila. Nagkakatinginan na lang kami pero hindi na kami nagreklamo. Sabi nga, “Sumunod na lang kayo.� Unfair nga siguro talaga ang mundo. Isang oras munang paghihintay labas ang aming ginugol bago kami pinapasok sa loob ng mall. Pagdating naman sa loob ay may mga upuan na nakahanay. Pinaupo muna kami. Tatlong batch pa pala ng mga tao ang kinakailangang maghintay para makapasok sa loob ng mismong supermarket. Pangatlo kami. Naglabas na lang ng cellphone ang ilan para malibang at may pagkaabalahan. Kung susumahin, nasa 45 na minuto ang nagugol namin sa kaka-scroll sa Facebook, kapapakinig ng music, kapapanood ng mga videos sa Tiktok at kalalaro ng mobile games habang naghihintay makapasok. Alas sais y medya na ng gabi kaya nagmamadali na ang mga tao na kumuha ng basket at magtulak ng push cart na para bang nakikipagkarera. Hanggang alas siete lang ang oras ng supermarket at alas otso naman ang oras ng curfew. Nagmadali na rin akong kumuha ng mga kinakailangan pagkain na sasakto sa budget na mayroon ako. Kumuha ako ng ilang piraso ng de lata, noodles at itlog. Kumuha rin ako ng dalawang kilong bigas at isang litrong bote ng mineral water. Wala kasing tubig na puwedeng inumin sa dorm kaya pinili ko rin ‘yung mga tatagal ng isang linggo. Pagkatapos ay pumila na ulit ako para magbayad. Medyo may kahabaan din ang mga pila kahit pa marami namang cashier. Dalawampung minuto ulit ang lumipas, nakuha ko na rin ang mga napamili saka nagsimulang maglakad palabas.

7


May kabigatan ang mga dala ko. Mukhang mapapasubo talaga ako. Sa mga oras na ito, kinakailangan ko talagang ilabas ang natitirang lakas para makabalik sa dorm. Lalo pa at wala ngayong mga jeep, tricycle, o kahit pedicab na karaniwang nasasakyan kung manggagaling ng supermarket. Bawal kasi silang mamasada ngayon. Dalawang jeep o kaya naman ay may tatlong pedicab driver na siguro ang nag-aabang sa labas kung normal na araw lang ngayon. Pero wala tayo sa normal ngayon. Kung tutuusin malaking bahagi ng buhay ng tao ang apektado ng transportasyon. Kung walang mga jeep o kahit tricycle na masasakyan sa araw-araw ay magiging malaking problema ito para sa mga taong nagtatrabaho, may sakit at mga may edad na na kinakailangang umalis ng bahay sa anumang dahilan. Paralisado ang galaw, hindi lang ng mga tao, maging ang ekonomiya sa bansa kung wala sila. Kaya kahit gusto kong maiyak na lang sa daan dahil sa “feeling helpless� moment ko ngayon dahil masakit na ang mga braso ko at medyo hinihingal na ako ay pinilit ko itong lalakarin. Naisip ko na may mga tao nga na walang kakayahang makabili ng pagkain sa mga oras na ito. May mga taong naghihintay pa ng mga ipamimigay na relief goods mula sa barangay para lang may makain. At may iba rin na mas malayo pa ang nilalakad kumpara sa akin makauwi lang sa kanilang mga bahay. Swerte pa rin ako na mayroon akong bitbit sa ngayon. Kaya kung nakaya nilang magtiis, kakayanin ko rin. Tatlong kuwento tuloy ang naalala ko. Ito yung mga nabasa at napanood ko sa balita nitong mga nakaraang araw. May isang matandang naglakad ng apat na oras para bumili ng gamot para sa amo niyang may sakit. ‘Yung

8


mag-lolo na naglakad mula pa Pampanga para lang makauwing Maynila. At yung lola na naglakad ng ilang oras nang nakapaa para sana magbenta ng kangkong at hindi alam na lockdown pala. Ilan lang ito sa mga kuwentong nakakasakit sa puso ngayong lockdown. At hindi ito natutugunan kadalasan ng mga namumuno. Pakshet, ‘di ba? May mas mahirap na danas kumpara sa akin. Kung tutuusin sakop pa rin ako ng pangkat ng mga may prebilehiyo, kaya wala akong karapatan na mag-inarte. Hindi naman mabilang ang mga nakita kong Facebook post ng mga naninisi at nagagalit sa mga lumabas ngayong lockdown. May ilan siguro na pasaway talaga, matitigas ang ulo na lumalabas pa rin nang walang dahilan. Pero may mga tao kasi na walang ibang choice kung hindi lumabas at maghanap ng ikabubuhay nila. Sila ‘yung kung hindi kikilos ngayong araw, walang maihahain sa hapag para sa kanilang pamilya. Hindi siguro ito maintindihan ng ilan. May mga nabasa rin ako na “Bakit kasi hindi sila nag-ipon?” “Choice nilang mamatay nang mahirap.” “May pambili ng luho pero asa sa gobyerno!” Gayong hindi naman lahat ay magkakapareho ng katayuan sa buhay. May malungkot na katotohanang naghahati sa atin; kahit maghapon at magdamag pang kumayod ang ilan, hindi pa rin tayo magkakapareho ng payslip na natatanggap. Nasa ikaapat na palapag ang unit ko kaya kinakailangan ulit maghagdan paakyat. Pagkabukas ng pinto ay nilapag ko na agad ang mga bitbit na plastic bag. Ang sakit na kasi talaga ng mga braso ko. Dali-dali akong pumunta sa cr para maghugas ng kamay at maghilamos ng mukha. Nagpalit na rin ako ng damit na suot. Nagpahinga lang saglit at uminom ng tubig pagkatapos ay

9


inayos ko na ang mga napamili ko. Nagsalin ng bigas sa kaldero para isaing saka nagbukas ng lata ng sardinas para igisa. May hapunan na ako ngayong gabi. Pero kapag naiisip ko ang sitwasyon ngayon, parang ang hirap kumain. Hiniling ko na lang na sana hindi lang ako ang makakakain sa mga oras na ito. Sana sila rin.

10


ANGKAS, PABILI! Alyana Walde

Nagising ako na tuyong-tuyo ang lalamunan. Bumangon ako agad para kumuha ng tubig. Binuksan ko ang maliit na ref na mayroon ako sa kwarto. Kalahati na lang ang lamang tubig ng pitsel. Nilagay ko sa baso at saka dirediretsong nilagok hanggang sa maubos ang laman at lumamig ang aking tuyong lalamunan. Wala nang natira. Hindi naman kasi pupwedeng inumin ang tubig na mayroon dito sa dorm. Panghugas, panlaba at panligo lang ito. Kaya kailangan ko nang mamili. Sarado pa rin ang mga water refilling station ngayon. Sarado rin ang mga convenience store na malapit sa dorm na pinagbibilhan ko lagi ng tubig. Malayo pa ang lalakarin papunta sa supermarket at tiyak na aabutin na ako ng tanghali, baka lumawit na ang dila ko dahil ulit sa uhaw bago makabili. Madali pa naman akong mauhaw at malakas uminom ng tubig. Umupo na muna ako saglit para mag-isip ng gagawin. Kinuha ko muna ang cellphone ko para mag-check ng updates tungkol sa lockdown. Una kong nakita ang oras at petsa ngayon. Nawala na kasi sa isip ko kung anong araw na ba ngayon. Dalawang linggo na pala ang nakalipas matapos magpatupad ng Enhanced Community Quarantine ang gobyerno. Ang hirap nang mamalayan ng mga araw. Umaga at gabi na lang ang mapapansin mo. Habang nag-scroll sa Facebook ay nakita kong may nag-post sa Habal – Angkas group kung saan kasali ako. Ito

11


ang Facebook group kung saan pupuwede kang makakuha ng masasakyang motor na makapaghahatid sa ’yo kung saan ka man pupunta sa oras na kailangan mo. Ang kaibahan nito sa application na Angkas, kung saan ida-download mo ito sa cellphone mo para makapagbook, dito sa group magpo-post ka lang ng pick-up at drop off point, kung magkano ang pamasaheng ibabayad mo tapos ay may magko-comment o magme-message na sa’yo na biker o kung tawagin nila ay RS na ang ibig sabihin ay rider at ikaw naman ay ang tinatawag na CS o ang customer. Kapag nagkasundo na kayo ay pupuntahan ka ng RS para sunduin at ihatid sa pupuntahan mo. Mas mababa rin ang singil na pamasahe ng mga nasa group. Iligal ito kung tutuusin. Pero dahil wala naman choice ang karamihan dahil sa traffic at bulok na sistema ng transportasyon sa bansa ay pinapapatos na ito ng marami. Ang problema, ngayong lockdown bawal ang magangkas o magsakay ng kasama sa motor para maghatid at sundo. Isa lang ang puwedeng bumiyahe. Magmumulta nang malaki ang mahuhuling may sakay. Hindi naman puwedeng walang mag-drive o iparenta na lang ang motor. Kaya wala talagang tatanggap ng booking para maghatid at magsundo. Buti na lang nakaisip ang admin ng group na magkaroon ng Angkas Pabili na tinatawag nila. Kung saan pupuwede kang magpasuyo ng mga kinakailangan mo at ang driver na ang mamimili para sa ’yo. Puwedeng paluwalan muna ng driver ang pambayad sa bibilhin mo. Basta bawal ang mag-cancel kapag nakabili na. Ihahatid ang pinabili diretso sa bahay mo. Ang pamasahe

12


lang ang babayaran. Nakadepende naman ito sa layo ng pinagmulan. Nag-post ako agad sa Angkas Pabili group. “Hello po, may available po ba para bumili ngayon? Magpapabili po sana ako ng dalawang 6 liters ng tubig sa may malapit na 7/11 o Ministop sa inyo. ‘Yung malapit na lang po sa Samson Road, Caloocan. Fare 100. Thanks po!” May kasamang retrato ng 6 liters na mineral water na dinownload ko saka inupload sa group para mas malinaw ang nais kong ipabili. Kailangan kasi ‘yung malaki na ang mabili sa akin para hindi na ako mamroblema buong linggo sa iinuming tubig lalo pa ngayong pahirapang makabili. Suwerte dahil may nag-comment agad na pupuwedeng bumili. Nakikita ko kasi sa ilang post na walang nagko-comment o minsan naman ay matagal bago sila makahanap ng puwedeng bumili. Dahil nga siguro takot din lumabas ang mga RS ngayon. Mahirap na at baka mahawa ng sakit. Pero mayroon din naman na katulad ni Kuya na nagko-comment at sumusugal na lumabas para bumili at kumita nang kaunti. Mas okay na siguro para sa kanya kaysa walang kitain. Mabilis naman kausap si Kuya. Basta siniguro niya sa akin na hindi ako bogus o nantitrip lang. Sinabi ko naman na makakaasa siya na legit akong customer. Pumunta na siya agad sa pinakamalapit na 7/11 para bumili. Wala raw available na 6 liters at kagaya ng brand na ipinost ko sa group. Kinuhanan niya ng retrato kung anong meron sa tindahan. Ang meron lang ay 8 liters at yung brand na medyo mas mahal nang kaunti. Sinabi ko na puwede na ‘yun kaysa

13


wala. Mabuti na rin na mas malaki ang mabili para mas matagal bago ko maubos ulit. Buti na lang at sakto ang dala niyang pera para maipaluwal. Naihatid naman nang maayos ni Kuya RS ang tubig na pinabili ko. Binigay niya sa akin ang resibo ng napamili. Inabot ko ang bayad, dinagdagan ko nang kaunti bilang pagpapasalamat na rin. Hindi rin kasi madali ang ganoong trabaho sa panahon ngayon lalo pa at delikado. Inakyat ko na ang nabiling tubig sa kwarto. Sinalin ko ang tubig na nabili sa pitsel saka pinalamig sa ref. Naisip ko na mag-pm ulit sa kanya para magpasalamat at sinabihan ko na rin na magingat. Palagay ko kasi higit na kailangan ito ng mga taong kagaya ni Kuya sa panahon ngayon. Tulad ng lahat ng mga frontliners natin. Tayong mga ordinaryong mamamayan, hindi tayo puwedeng lumbas basta-basta pero kahit papaano ay suwerte na rin tayo. Hindi tulad ng mga frontliners na kailangan magsakripisyo dahil higit silang kailangan ng bayan ngayon. Kung wala sila, tiyak na lalong lalala ang kalagayan natin. Walang manggagamot, walang magtitinda ng mga pagkain at gamot, walang puwedeng mag-deliver ng mga kailangan at walang magbabalita ng lagay ng bansa kung wala sila. Kaya dapat ay bigyan sila ng importansiya. Nakakalungkot lang na may ilang buhay mula sa kanila ang nasakripisyo dahil sa kakulangan ng Personal Protective Equipment o PPE at kapabayaan ng iba. Nag-reply naman si Kuya RS kung may kinakailangan akong ipabili ay i-pm ko na lang daw siya ulit saka siya nagsend ng friend request. Hindi ko muna ito tinanggap. Hindi ko muna tinaggap, hindi dahil sa tinitignan ko siya bilang RS,

14


kundi hindi lang kasi talaga ako madaling magtiwala sa mga taong nakikilala ko lang sa internet kaya nag-iingat talaga ako sa pag-accept. Mahirap na kasing magtiwala sa panahon ngayon. Kinabukasan, nag-chat ulit si Kuya RS nagtatanong kung may ipabibili raw ba ako ulit. Tumingin ako ng wala o kulang na kakailanganin ko pero wala pa naman. Wala na rin kasi akong pera para bumili ulit kung hindi naman kinakailangan. Humingi ako ng pasensya kay Kuya at sinabi ko na wag mag-aalala kapag mayroon ay i-chat ko siya kaagad para magpabili. Nagpasalamat naman siya. Naisip ko na siguro talagang kailangang-kailangan niyang kumita. Kasi kung ordinaryong araw naman ito, hindi kadalasang nangyayari na i-chat ka ulit ng driver na nakuha mo. Bawal kasi yun sa group. Isa sa mga rules na binigay ng admin. Pero dahil nga walang pasaherong sumasakay, mahirap talagang kumita. Kailangan talagang maghanap ka ng pagkakitaan, ng customer na puwedeng bentahan ng serbisyo. Hindi natin sila masisisi. Silang mga sinusugal ang buhay para mabuhay at may maibigay sa pamilya. Ngayong panahon na ito, naiisip ko, sana may makatulong sa kanila. Sana mapansin sila ng gobyerno at maaksyunan ang pangangailangan nila. Muli, hindi naman nila siguro ito gagawin kung may sapat silang pangkain. Sa huli, in-accept ko na rin ang friend request ni Kuya RS. Naisip ko na natulungan naman niya ako kaya bakit hindi? Hindi naman siguro masamang magkaroon ng kaibigan na tulad nila.

15


LIPAS

Christopher Concha

Lunes. Day 13 ng Luzon-wide Enhanced Community Quarantine (ECQ). Kasabay ng paglipas ng mga araw, ang pagkaubos ng mga inimbak na pagkain bago magsimula ang quarantine. Pinilit kong bumangon nang maaga sa kabila ng panghihimok ng malambot na kama. Bali-balita kasi rito na mula nang ipatupad ang ECQ, naging mahigpit na ang magkatapat na higanteng pamilihan sa kahabaan ng España. Sampung tao lamang ang pinapapasok nila sa loob. Kapag may isang lumabas, saka lamang papayagang may pumasok. In short, aabutin ng siyam-siyam ang dating wala pang isang oras na pamimili. Patawid na ako sa kalye ng M. Dela Fuente nang matanaw ang humahabang buntot ng pila sa Puregold at Savemore. Pinili ko ang huli para magamit ang loyalty card dito. Agad kong binagtas ang daan patungo sa dulo. Pinagmasdan ko ang mga nauna na hindi pa man sumusulyap ang araw ay nakapuwesto na. Nasilayan ko ang iba’t ibang mukha ng pagharap sa dinaranas na krisis. May mga tulala’t hinahanap sa kawalan ang kasagutan sa nararanasang hirap. May mga ikinukubli sa simpleng pagngiti ang nauupos nang pagtitimpi. May mga tulad kong nilalabanan ang pangamba sa malalim na buntonghininga. Nang marating ko ang hulihan ng pila, hindi ko namalayang malapit na pala ako sa kanto ng Lacson. Sa estimasyon ko, nasa dalawampung metro ang haba ng pagitan nito. Hindi pa nasusunod ang social distancing at lapit-lapit ang mga tao sa isa’t isa. Ganoon kahaba. Pero

16


wala akong magagawa. Kailangan kong magtiis. Walang ibang aasahan kundi ang sarili. Lumipas ang halos isang oras pero wala pa sa kalahati ang naging pag-usad ng pila. Nabuksan ko na ang lahat ng social media account ko para libangin ang sarili. Nakatapos na rin ng isang kabanata sa binabasang e-book. Lumipas pang muli ang isang oras. Tuluyan nang nagsaboy ng liwanag ang langit. Para na kaming nililitson sa init. Tagaktak ang pawis. Hindi na maipinta ang mukha ng mga tao. Ang ilan naman nakatitig na lang sa malayo. Marahil iniisip kung hanggang kailan magtatagal ang ganitong sitwasyon. Muli kong tiningnan ang aking orasan. Ilang minuto na lang at magtatanghalian na. Tatlong oras na pala ang lumipas. Kahit paano, abot-kamay ko na ang pinto ng pamilihan. Bilang na sa kamay ang mga nasa unahan ko sa pila. Pinahahanda na rin sa’min ang Quarantine Pass. Hindi papapasukin ang wala nito. Itinago ko na ang pa-low batt na selpon. Muli kong inalala ang mga kailangang bilhin. Dalawang kilong bigas. Tatlong de-latang sardinas. Limang Pancit Canton. Isang balot ng instant coffee‌ Napatigil ako nang biglang may narinig na sigaw mula sa kabilang kalye. Patuloy siya sa paghiyaw habang tumatawid papunta sa pamilihan. Nabulahaw ang lahat at itinuon ang tingin sa pinanggagalingan ng boses. “Mga kababayan, kaunting tulong lang po. Nalipasan na po ako ng gutom. Gutom na gutom na po ako. Parang awa niyo na po,â€? hinagpis ng lalaki habang sinasalat ang kumakalam na sikmura. May katandaan na siya. Marahil nasa edad 45 hanggang 50.

17


“Sana po matulungan niyo ako. Gutom na gutom na ako. Ilang araw na po akong hindi kumakain,” pahabol ng nanghihinang tinig. Ilang sandali pa at dumagsa na ang tulong sa matanda. Kaniya-kaniya kaming abot ng barya. Sinuklian naman niya ito ng matamis na ngiti’t pasasalamat. Napaupo siya at binilang ang natanggap na limos. Maya-maya, tinawag na ako ng sekyu upang ipakita ang aking Quarantine Pass. Nang makapasa sa inspeksyon ng temperatura at malagyan ng alkohol sa kamay, sa wakas nakapasok na rin sa loob matapos ang halos tatlo’t kalahating oras. Bigla kong naramdaman ang pagkalam ng sariling sikmura. Lagpas-pananghalian na pala. Kinakalabit na ako ng gutom. Muli kong naalala ang nakitang matanda kanina sa labas. Mapalad na ako na sa kabila ng pagpila ng tatlo’t kalahating oras, tiyak na may maihahanda akong pagkain para sa sarili mamayang pag-uwi at sa susunod pang mga araw. Pero paano kaya ang gaya niyang walang katiyakan ang bawat bukas sa krisis na tulad nito? Hanggang kailan siya aasa sa pabarya-baryang tulong ng kapwa? Paano kung sila rin ay masaid at wala nang maiabot na kaunting liwanag ng pag-asa?

18


BUHAY AFTER LOCKDOWN Gerome Nicolas Dela PeĂąa

Tiyak na babaguhin ng COVID-19 ang bagay-bagay sa buhay natin, kahit pa matapos na ang pandemiyang ito. Mas magiging conscious at cautious tayo sa sariling galaw. Hindi lang dahil baka "mahawa" kundi dahil na rin sa potential risks na makapanghawa. Mas mahalaga ang mga kaibigan at kapamilya. Naalala ko iyong mukha ng estudyante kong babae. SHS. Habang break sa faculty ilang araw bago sabihin ng gobyerno na isasailalim ang Metro Manila sa quarantine, napanood ko ang video ng DOH na nagpapaalalang umiwas muna sa mga direct physical contacts. Maghugas ng kamay, mag-disinfect gamit ang alcohol, uminom ng vitamins. Nakangiti ang estudyante, kasama ng kaklaseng lalaki nang makasalubong ko sa tapat ng registrar's office. Siguro, may hinihintay na mga kaibigan din na nagta-transact sa loob. Aapiran dapat ako (na lagi kong ginagawa sa kanila, lalo pa't gusto kong di mabigat ang turingan namin dahil sa formalidad na hatid ng honorifics na ikinakabit sa aming mga pangalan) at kuntodo ngiti pa. Nagulat din akong kusang umiwas ang kamay ko. Nakita kong nagbago ang reaksiyon nila, takang-taka na parang may kung sinong espiritu ang sumanib sa akin noong mga oras na iyon. Inalis ko ang agamagam nila sa pagsasabing laging mag-ingat, may banta ng virus. Noong umaga ring iyon ay usap-usapan na ang isang positive case sa Cainta. Tumango silang parang sinasabing

19


napanood din nila sa balita. Dagdag pa ang hysteria na likha ng kumakalat (o ipinakalalat) na fake news. Lagi kong sinasabi sa kung sinoman na makararaos din tayo. Na darating ang panahong babalik sa normal ang lahat. Makakapagkuwentuhan tayong muli, palilipasin ang gabi sa pagitan ng ating mga tawanan at banggaang-bote. Na mayayakap natin ang isa't isa. Mahahagkan ang mga mahal sa buhay. Walang banta ng kahit na anong peligrong hatid ng nakamamatay na sakit. Normal, tulad nang dati. May kurot sa puso kong maaaring imposible na para sa ating lahat iyon. Bubungad sa ilan sa atin ang kulturang unti-unti nang naglalaho ang pagmamano. Magiging mantra na ng lahat ang social distancing. Makalimutan mo na ang lahat, wag lang ang alcohol o hand sanitizer sa bag mo. Magtuturo na ang mga guro ng naka-face mask. Dadagsa na lalo ang online inquiries mula sa mga estudyante. Dadalang ang group activities, practices, performance tasks na kakailanganin ang malalaking grupo. Iiwasan na ang mass gatherings. Wala nang Sabayang Pagbigkas sa Buwan ng Wika (seryoso? Heartbreaking ito, literal). Dadalang na ang monthly celebrations sa school. Mas magiging masidhi ang iral ng individualism. Fatal blow ito sa classic Filipino spirit. Kung kaya mong gawin, then there's no point in asking. Tatamlay ang mga tao sa pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan, dahil nga may Google naman. Biglang yaman ang mga IT firms na magde-develop ng mga app para sa video conferencing. Mawawalan ng simpatya ang mga tao sa problema ng iba. Bawal personal, direct to the point na. Sayang ang data at internet connection. Librong magtuturo ng Ethics in Post-Pandemic Era ang

20


magiging best-selling. And tadaaa, welcome to the ultrasuper-mega-selfie-generation! (Teka, commercial muna: Puwede kayang gumawa ang mga admin ng FB ng moda at paraan para sa virtual hug? Magpapa-customize sana ako ng sa akin.) Sabi nga ng essayist na si Sir Willi Pascual, these are anxious times. Natatakot ako, knowing the fact na natatakot din ang iba. Ang mga nanay, na laging nagsasabing, "huwag nang matakot, nandito na si nanay," bakas na sa mukha ang pagkataranta at pag-aalala. Pero di ko dapat bitawan ang katotohanang normal lang ang matakot, ang mabagabag, ang mag-alangan. Ang hindi normal, ang hayaang lamunin tayo ng lahat ng takot na ito. Kung hindi sumusuko ang frontliners natin, then walang dahilan para mawalan tayo ng pag-asa. Gusto ko pang makipag-apir sa mga estudyante ko.

21


KAARAWAN AT CORONA Glenn Galon

Ikawalong araw na ng ECQ. Binati ako ng tahimik na umaga. Hindi ako sanay. Nangungulila ako sa kalabog ng bola sa court. Sa mga paang naghahabulan. Sa tinig ng naglalako ng prutas. Sa batingting ng nagtitinda ng ice cream. Sa bombay na naniningil ng pautang. Sa mga tambay na nagmumurahan. Sa mga batang nagkakantahan. Ikadalawampu’t dalawa ng Marso. Kaarawan ko. Sanay akong walang selebrasyon. Sanay akong walang handa. Ngunit hindi ako sanay na hindi kasama ang pamilya. Lalo pa’t may krisis at lahat kami ay hiwa-hiwalay. Ako sa Maynila. Si Papa at ang mga kapatid sa probinsya. Si Mama sa ibang bansa. Sakaling lumawig pa ang ECQ, alam kong hindi ang virus ang papatay sa amin. Hindi ako sanay humiling; ngunit kung maaari, ako’y magbabakasakali: sana, hindi ko maiuwi ang Corona. Sana, gumaling na ang mga may Corona. Sana, mawala na ang Corona. Sana bukas makalawa, matanggal na sa puwesto ang virus na pasakit sa masa!

22


APRIL FOOLS’ Glenn Galon

Pumatak ang unang araw ng Abril. Nag-post ng status sa FB si kapitan na may hashtag na #SANAtotooAngAPRILFOOLS. Tipikal na araw ng samu’t saring paandar na kalokohan. Kaugnay raw ito ng Vernal Equinox ang unang araw ng spring. Sa panahon daw na ito ay pinaglalaruan ang mga tao sa pagbabago-bago ng klima. Sa Roma, sa Hilaria (Latin ng masaya) Festival, nagko-costume daw ang mga tao upang manloko ng iba. Sa France, tinatawag itong “Poisson d’Avril.” Ang mga bata roon ay naglolokohan sa pamamagitan ng pagdikit ng hugis isdang papel sa likod ng mga kaibigan nila. At kung matuklasan ng nadikitan ang isda sa kaniyang likuran, ang mga kaibigang nagdikit nito ay sisigaw ng “Poisson d’Avril.” Sa Scotland, tumatagal naman ito ng dalawang araw. Ang mga biktima ng prank ay tinatawag na gowks (cuckoo birds). Ang ikalawang araw ay tinatawag nila na “Tailie Day” na kung saan ang uso namang idikit sa likuran ng mga Scotish ay ang senyas na “kick me.” Sa Brazil, idinadaos ito sa unang araw ng Abril bilang “Dia de Mentira,” o “Lie Day” na kung saan ay sinusubukan ng mga tao na i-prank ang kanilang mga mahal sa buhay sa komedyang paraan. Sa England at Canada, ang mga prank ay nilalaro lang sa umaga ng unang araw ng Abril.

23


April Fool ang tawag sa nagiging biktima ng mga prank tuwing April Fools’ Day. Bagaman April Fools’ Day, hindi naglipana ang iba’t ibang trip ng kalokohan hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong bansa. Patunay na hindi biro ang banta ng pandemya. Sa post ni kapitan, ani niya, “KAYA HANGGANG NGAYON THIRD WORLD COUNTRY TAYO DAHIL MARAMI PA RING PINOY ANG GANYANG PAG-UUGALI.” Tinutukoy niya ang mga Pilipino na mahilig mag-post ng mga negatibo sa halip na mag-post ng mga inspiring at mga positibong bagay ngayong panahon ng COVID-19. May mga reklamo na kasi siyang natatanggap sa mga nasasakupan niya tungkol sa palyadong pamamahagi ng ayuda. Sabagay, sa mga hindi problema ang pagkain ngayong may krisis, mas madali sa kanilang sikmurain ang positivity. Ang hirap namang kainin ng positivity kung gutom na gutom ka na. At kung nakakain lang sana ang positivity, walang Pilipinong magugutom. Saya. Galak. Halakhak. Ito ang hatid ng April Fools’ Day sa bawat isa. Ngunit nagkaroon ito ng bagong bersyon nang nanalasa ang virus—ang prankster, na madalas ay nag-aanyong tao. Ang prank sa Pilipinas ay araw-araw. Maraming nabibiktima. Maraming asymptomatic. Lahat ay maaaring dikitan ng sakit na hindi nakikita. Na minsan, bago pa man natin matuklasan ay huli na. Sa prank na ito ay walang saya kundi tanging pighati at luha. Sana nga, totoo ang April Fools’.

24


QUA(RENT)HOUGHTS Glenn Galon

“Bago pa dumating ang ayuda, patay ka na.” “May nag-rally na nga dahil nagutom.” “Imbes na ayuda, ikukulong ka pa!” Ito ang usap-usapan ng aking mga kapitbahay. Paano ba naman, ikatlong linggo na nang huling maibigay ang unang relief. Hindi natutupad ang isang beses sa isang linggong bigayan nito. Paubos na ang naimbak kong bigas. Iisang surgical mask pa rin ang aking ginagamit. Paubos na rin ang huling perang padala ni Mama. Batid ko na malabong maibalik sa dating kalagayan ang lahat. Ang mag-zero infection dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga positibo sa virus. Ang pagdami ng mga PUI. Ang tuloy-tuloy na pagkalagas ng mga frontliners. Ang lumala pa ang pagkalat ng virus dahil delayed ang mass testing. Gayun pa man, mas ikinababahala ko ang aking kakainin sa mga susunod na araw. Walang tibay ang aking tiyan kaya dapat ay laging may laman. Lalo pa’t mahina ang aking resistensya. Lagi’t lagi kong sinisikap magpalakas ngunit hindi kinakaya ng bulsa. Sa mga tulad kong nangungupahang aba, pribelehiyo na ang maging malusog. Para sa iba, napakadali lang ang manatili sa kanilang mga bahay sa halos isa, dalawa, o higit pang mga buwan. Sa mga tulad kong nakikisiksik lang sa maliit na espasyo ng

25


isang urban poor community ay napakahirap gawin ito. Kailangan kong lumabas kahit walang seguridad at kasiguraduhan. Pumunta ng talipapa para may makain sa hapag. Madali lang naman sana ang mamalagi sa loob ng bahay kung sapat at walang palya ang ayuda. Ang tanging adbentahe lang ng krisis na ito sa akin ay ang libreng renta. Bukod doon ay wala na. Ayoko rin namang maging libre ang renta ng ilang buwan pa.

26


ANG DAMIT NG HARI Evelyn P. Antonio

Madaming oras ang mga tao sa panahon ngayon at kanya-kanyang isip ng pagkakaabalahan para sa isang buwang Community Quarantine. Naaalala ko noon, mga panahong katulad nito inuubos ko ang oras sa pagbabasa. Dati pa man ay nahilig na ako sa pagbabasa ng kuwento. Mga kuwentong pambata, alamat, kahit na mga akda sa komiks at istrip ng Bubble Joe. May isang magandang kuwentong pambata na hindi ko pinaniniwalang totoo. Hindi kase ako naniniwalang may ganoong klaseng kuwento. Ang sabi sa kuwento, may isang hari raw ang nagpatahi ng damit. Isang pambihirang damit na hindi makikita ng ibang hindi nakatataas, mga taong hindi kasing husay ng hari. Sa takot ng mga taong masabihang nabibilang sila sa mababang uri, ni wala ni isa ang naglakas ng loob para sabihin ang totoo na wala silang nakikitang damit. Upang ipagmalaki sa mga tao ang isang magandang damit, naglakad ang hari nang walang damit sa gitna ng kanyang nasasakupan. Lahat ay pumuri, namangha, at sumang-ayon sa hindi nakikitang damit ng hari. Tanging isang bata ang nagsabi nang katotohanang walang damit ang hari. Hindi ako naniniwala sa kuwentong ito, walang katotohanang may pumupuri sa isang haring wala namang damit. Hindi kapani-paniwala na papalakpak at mamamangha ang mga tao sa isang walang kuwentang damit. Hindi ako naniniwalang mayroong isang hari na gagawa nito dahil lalabas siyang katawa-tawa pati ang mga

27


taong naniniwala sa wala. Hindi talaga kapani-paniwala, at sadyang kuwentong pambata. Hanggang sa isang kakilala ang nagsabing “Sumunod na lang kayo, puro kayo reklamo!�

28


BASIC

Evelyn P. Antonio Mahaba ang pila sa grocery store dahil na rin siguro sa social distancing at panic buying ng ilang kayang bumili ng pagkain para sa itatagal ng extended community quarantine. Sa harapan ko ay kahon-kahon ang pinamili na itinatali ng kahera. Wala siyang katulong na bagger kaya siguro nagiging matagal ang usad ng pila. “Miss, pwede pakibilisan, kase may dadaanan pa ako baka magsara, mag-aalas-singko na,” sabi ng lalaki. Mabagal nga talaga ang cashier, kahit yung panali ay basta niya na lang pinutol gamit ang mapurol na cutter. “Andami nung binili nila.” “Oo nga po, hindi ko na nga kayang itali nanginginig na ‘yung kamay ko, hindi pa ako nakapagtanghalian, nandito po ‘yung pagkain ko,” sabay turo sa gilid ng kaha. “Mabuti pa po ‘yung iba andaming stocks na pagkain, ako nga wala, kase naka boarding house ako, hindi ko naabutan ang nagbibigay ng relief goods. Makukuha ko pa po kaya ‘yun? Sayang din ‘yung bigas at sardinas.” “Hindi ba kayo natatakot?” “Takot din po, pero kailangang mabuhay.” “Tama, salamat ha. Sana wag kayong magkasakit. ”

29


Sa isip ko, paano ba magpapasalamat sa mga ito? Mga frontliners na araw-araw itinataya ang buhay nila para mapaglingkuran ang lahat at patuloy na mabuhay. Mahirap sagutin, mahirap sa panahong napakahirap ang maging mahirap. Tama, lahat kailangang mabuhay, kahit ang virus, survival of the fittest.

30


Marso 22, 2020 Ika-8 araw ng ECQ/Lockdown

KANDILA

Liyan Quiñones Birthday ng bunso kong kapatid ngayong araw. Noong 19, birthday naman ni Papa. Nasa Laguna kami ni Aris at hindi makauwi sa Bulacan dahil sa lockdown. Para makumusta sina Mama at mga kapatid ko, videocall at chat na lang sa FB Messenger. Ngayong umaga, habang nasa group videocall kaming magkakapatid para batiin si bunso, naisipan namin ni Aris na magsindi ng kandila. Walang cake. Virtual blow the candle. Sa isip ko, mapalad pa rin kami. Nakakapag-usap kahit malayo. Nakakatáwa. May kandilang nasindihan para sa dagdag na taon sa buhay ni Papa at kapatid ko. Yung iba, sa mga oras na ito, nagsisindi ng kandila para sa natuldukang buhay ng minamahal.

Ayon sa Presidential Communications Operations Office (PCOO), nasa 380 na ang bilang ng naitatalang kompirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ang Department of Health (DOH) ngayong araw (ika-22 ng Marso, 4.00pm). Dalawampu’t lima (25) dito ang bilang ng mga namatay.

31


Marso 24, 2020 Ika-10 araw ng ECQ/lockdown

DE-LATA

Liyan Quiñones “Anong ulam n’yo, Ate?” Tanong ng kapatid kong kausap sa videocall habang nagluluto ng kanilang tanghalian. “Adobong manok. Nakabili si Kuya Aris mo kahapon ng isang kilong leeg ng manok. Mura lang. Baka may bird flu. Hahahaha ... Ulam na namin ‘to hanggang next week siguro.” Sagot ko. “Kayo, anong ulam n’yo?” “Corned beef. Nakabili sina Mama’t Papa ng mga de-lata saka bigas. Ako na magluluto para magkasya hanggang Friday.” “Sana makabili kayo ng repolyo, para maiba naman ang lasa. Pagdating ng sweldo ko papadala ako para makabili kayong dagdag na stock ng pagkain.” “Okay lang, Ate. De-lata naman ulam namin madalas kahit hindi lockdown. Sanay na kami.” Nagtawanan kaming dalawa.

32


Abril 7, 2020 Ikaapat na Linggo ng ECQ/Lockdown

EXTENSION

Liyan QuiĂąones Ikaapat na linggo na ngayon ng enhanced community quarantine. Nung ikalawang linggo, nakatanggap kami ni Aris ng 2 kilong bigas mula sa baranggay. Hindi pa ulit nasusundan. Nag-check ako ngayong umaga ng stock na pagkain. May mga de-lata pa naman kami. May itlog pa sa ref. May pagkain pa ang mga pusa at aso. Matagal nang ubos ang bigas mula sa baranggay. Buti at may konti pa kaming budget na natitira, pambili ng bigas. Kagabi inanunsyo na posibleng ma-extend ang quarantine. Extended ang araw ng pahinga sa ilan. Pero sa pamilyang isang-kahig-isang-tuka: Extended ang araw na walang trabaho. Extended ang araw na maghihintay sa pangakong tulong ng gobyerno. Extended ang pagkalam ng tiyan. Siguradong extended ang galit ng sambayanan.

33



NILALAMAN Christopher Concha Pananghalian Glenn Galon Hithit-Buga Mainit Bilang Anak Alyana Walde Gutom IG Story Evelyn P. Antonio Ph2020 Liyan QuiĂąones Saranggola Check Up Christian Oliquino Language Barrier Pahingi Rhea B. Gulin Kung Paano Kami Naging Halimaw Mark Angeles Puto Gunggong

36 39 41 42 45 46 47 48 49 51 52 53 55


PANANGHALIAN

Christopher Concha

Maingat na lumusot ang dalawa sa tubo papasok sa bahay na hilig nilang tambayan at kainan. Ganitong oras sila kalimitang sumasalakay. Tanghali. Siyesta. Lulong pa sa espiritu ng katamaran ang mga tao. Nakatambak lamang sa lababo ang mga plato’t kutsarang pinagkainan. Hudyat para makapananghalian na ang magkaibigan. “Sana naman makatikim man lang tayo kahit kapirasong karne. Ilang linggo nang sardinas ang dinadatnan natin, puro sarsa pa, o ‘di kaya sabaw ng noodles. Purgang-purga na ’ko!” himutok ng isa. “Sinabi mo pa! Pero malay mo. Linggo ngayon. Madalas na masarap ang kinakain nila ‘pag ganitong araw,” tugon ng kaibigan. Habang binabaybay nila ang daan tungo sa inaasam-asam na pananghalian, napansin nila ang kakaibang katahimikan. Wala ang ngawa ng sanggol na kalimitang pumapailanlang sa maliit na barong-barong. Hindi rin nila naririnig ang panenermon ng nanay na sumasaway sa kakulitan ng dalawa pang batang kasama niya. Isinawalang-bahala ito ng magkaibigan. Mas mahalaga sa kanilang patahimikin ang nag-aalboroto nang mga sikmura. Hindi na sila luminga-linga pa. Diretso lang ang tingin. Tuloy lang sa paglakad. Nang marating nila ang kusina, naroon pa rin ang taling pinaglalambitinan nila paakyat. Dahan-dahan silang pumanhik. Nanginginig na

36


ang mga kamay sa gutom, pero patuloy pa rin sa pangungunyapit. Hapong-hapo ang dalawa nang marating ang tuktok. Nanlumo sila nang makita ang malinis na lababo. Lalong nanghina ang dalawa. “Kung minamalas ka nga naman. Mukhang maaga silang kumain ngayon. Hindi na natin naabutan,” naluluhang pahayag ng isa. “Teka, tingnan kaya natin sa basurahan. Baka may tira-tira pa roon,” sagot ng kaibigan na tila nakalanghap ng kaunting pag-asa. Dahan-dahan silang naglakad sa gilid ng lababo upang silipin ang natitira nilang baraha para malamnan ang walang lamang mga sikmura. Nakaamba na nilang dungawin ito mula sa itaas nang biglang nilang maulinigan ang malakas na kalabog na umalingawngaw sa bahay. Napaigtad ang dalawa. Nataranta. Napatalon sa basurahang sinisipat nila kanina. “’Tang ina ka, Betong! Sabi nang mamaya na laruin ‘yang bola. Muntikan nang makatakas! Hala, dali tingnan ninyo kung nasa basurahan,” nanggagalaiting utos ng nanay. Tinungo nila ang tapunan. Bumulaga ang magkaibigang nagtatatalon at sinusubukang makatakas. Pero huli na ang lahat. Masyadong mataas ang tuktok ng basurahan para maabot ng maiikli nilang mga bisig. Tinakpan ng magkapatid ang basurahan. Tiniyak na mahigpit ang pagkakasara. Tinalian pa upang makasiguro.

37


Nagkatinginan ang Isa…Dalawa…Tatlo…

dalawa.

Sabay

na

tumango.

Sabay nilang niyugyog ang basurahan. Tuloy-tuloy. Walang tigil. Nagtatawanan. Parang naglalaro lang. Mayamaya, binitawan nila ito. Pinakiramdaman kung may gumalaw pa. “O, hindi na ba gumagalaw ‘yan?” Pag-uusisa ng nanay habang pinadedede ng am ang sanggol na anak. “Hindi na, ‘nay,” paniniguro ng bunsong anak. “Siya. Sige. Silipin ninyo muna. ‘Pag okay na, katayin niyo na. Hugasan niyong mabuti ha! Pakuluan at budburan ng asin at toyo. Nangutang na ang Tatay ninyo ng bigas kay Aling Elba.” Napatingin siya sa kalendaryo. Eksaktong isang buwan na mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon. Naubos na ang natanggap nilang rasyon na pilit nilang pinagkasya sa nakaraang dalawang linggo. “Punyeta naman kasing virus ‘to. Ang hirap na nga ng buhay, dumagdag pa!"

38


HITHIT-BUGA Glenn Galon

Sa harap ng tindahan. "’Te, 'wag mo sisihin ang gobyerno sa problema mo, sisihin mo ang sarili mo dahil hindi ka nag-imbak ng pagkain!" Pasaring nito sa mga kapitbahay. "E ‘di ba nga lockdown? Kailangan nilang bigyan ng pagkain ang mga tao." "Meron na ba?" "Nagrerepak pa daw sa baranggay sabi." "Hoy, Sally, 'yong anak mo nakalabas na ng bahay n'yo!" Sigaw ng isa pa nilang kapitbahay. “Punyemas kang bata ka! Pumasok ka sa bahay! ‘Tang ina ka wala tayong pambayad ng penalty!" Tugon ni Sally. "Kaya nga andito ako ngayon 'te, baka sakali makahiram ako sa 'yo ng pera." "Naku, wala nga rin akong pera dito. Walang trabaho dahil lockdown. Magkano na lang ba pera mo?" "700 na nga lang natira, pagkakasyahin pa namin 'to hanggang April." "Ay! 'Di magkakasaya 'yan. Ano na ngayon ang gagawin mo?"

39


"Noodles-noodles na lang, bahala na! Maghahanap na lang ng makakain kung gutom na." Tinapon ko ang hindi pa nauubos na sigarilyo. Umalis ako bitbit ang supot ng noodles.

40


MAINIT

Glenn Galon

Sa Pilipinas Mainit. Mainit Ang sikmura. Paano mo Nasisikmura?

41


BILANG ANAK Glenn Galon

Sa totoo lang, bago pa man magsimula ang Enhanced Community Quarantine ay dapat nasa Tsina na ako. Kaso sabi ni Tatay, wala ng biyahe ang mga eroplano. Naniwala ako kahit alam kong hindi totoo. Ngunit nang may virus na ay pinapasok pa rin ni Tatay ang mga dayuhan sa Pilipinas. Pumatak ang akinse ng Marso. Nagsara ang karamihan ng mga establisimyento. Wala ng biyahe ang mga bus. Halos bawal na ang lumabas. Marami ang nawalan ng trabaho. Marami ang nawalan ng kita. Ng pamilya. Ng buhay. Nakakaloka! Buti na lang hindi namin problema ang kwarta. Hindi natuloy ang balak kong pumunta ng Tsina dahil sa matinding lagnat at panunuka. Nagpa-swab test ako kahit wala pang mass testing. Nagpa-test din si Tatay. Negative! At dahil sa mahinang kondisyon ng aking katawan, kahit nasa bahay lang, lubos ang pag-aalaga sa akin ni Tatay. Muli niya akong pina-test. Negative ulit. Gusto ko pa sanang humirit ng ikatlong test kaso baka dumami lalo ang bashers ni Tatay. Baka masira ang image niya. At kahit na nais ko talagang pumunta ng Tsina upang makita si Tiyong Xi, mas pinili kong manatili na lang sa Pilipinas. Matanda na rin kasi si Tatay, mahina na ang kaniyang katawan. Alam mo na, baka machugi! Naging masunurin na lang ako dahil baka itakwil ako ng aking mga kapatid. Marami rin kami. 16M? Hindi ko kering makipagbangayan sa kanila. Bilin din kasi ni Tatay na huwag

42


maging matigas ang aming ulo. May order siyang "shoot them dead" sakaling magmatigas kami. Okay lang, okay lang naman ang pumatay, ‘di ba? Pumayag ako kahit alam kong hindi tama. Seriously, naaawa na ako kay Tatay. He looked so overworked. He may not be perfect, but he truly loves his family. My heart breaks. In fact, umabot na sa ibang mga bansa ang papuri sa kanya dahil sa sobrang sipag niya. Imaginin mo ‘yon, kahit si Queen Elizabeth II ay elib sa kanya? Pati mga fictional characters at mga personang yumao na. Lodicakes! Naisip ko nga, kami na lang kaya ang maging Tatay? Parang pamana na lang ba ng ama sa anak. Tapos, mamamahagi kami ng bigas sa buong Pilipinas. Malawak naman ang palayan ng aming Tiyang Camella. Ang yamanyaman niya kaya! Unli-rice na, unli-milk pa. Napagkasunduan naming magkakapatid na sasampalin namin ang beerus. Iihian ang Taal at kakainin ang abo nito. At tulad ng nakagawian, sasabihan namin ang mga reklamador ng “putangina mo delawan!” Kahit ang katotohanan, hindi namin alam kung bakit ang tawag namin sa kanila ay delawan. Bakit ba? Buti na lang may iba pa kaming iskrip courtesy of Moka: “Do you blame the CEO of H&M…” “Finish your studies and be a good citizen…” “Bakit kasalanan namin na may pagkain sa bahay namin…” “Unfair i-ban ang China…” “Binasa mo ba? Reading comprehension naman diyan…” “Edi ikaw na matalino…” “Edi ikaw na madaming alam…”

43


“Hindi ako Pro or Anti. Neutral ako…” “Di na lang manahimik at sumunod…” At marami pang iba. At ang peyborit namin, “bakit ano ba ang ambag mo?” At least, maitutuloy namin ang legacy ni Tatay ‘di ba? Naging mabuting anak na kami, nagkapera pa kami. Hindi ko lubos maisip ang kalagayan ko sakaling nagpumilit akong umalis. Ang mahawaan at makapanghawa. Hindi kakayanin ng katawan at konsensya ko. Kaya ginamit ko ang aking KOKOte. Nagdarasal ako araw at gabi. Kahit sabi ni Tatay ay istupido ang Diyos, sa Diyos pa rin ako kakapit. Ipagdarasal ko si Tatay kasi pagod na pagod na talaga siya, swear! Naiiyak na nga lang ako sa tuwing kukuwentuhan niya kami ng bedtime story; kahit nakakaantok, paligoy-ligoy at paulit-ulit. Pinakinggan ko kahit 4 AM na, este 4 PM! At kung sakaling magpositibo ako, gagawin kaya ni Tatay ang lahat ng paraan para gumaling ako ng hindi kinakailangan ng special powers? Nasa tamang pag-iisip ba ang magulang na papatay ng sariling mga anak? Kinakabahan lang ako. Kasi baka all this time, ampon lang pala ako. Opinyon ko lang po ito, huwag n’yo akong iba-bash. Please share! #CTTO #Copypaste

44


GUTOM

Alyana Walde

“Magtiis na lang siguro kayo sa delayed delivery pero dadating ‘yan at hindi ka magugutom. Hindi ka mamamatay sa gutom.” Pinatay na niya ang TV matapos makinig saglit sa sinasabi ng presidente. Alas-onse na pala ng gabi. “’Nay, hindi pa po ba tayo kakain? Gutom na po ako.” Naiiyak na sabi ng kanyang anak. “Matulog na muna tayo anak. Hindi pa tayo mabubusog habang gising.” Pikit-mata niyang sagot sa anak.

45


IG STORY

Alyana Walde

Matapos niyang mairita sa napanood na balita kung saan ang mga tao ay nasa labas pa rin ng bahay kahit na lockdown, nag-upload siya ng video ng kanyang naging reaksyon dito gamit ang kanyang Instagram account: “Oh my god! Why can’t you motherfuckers just stay at home?! Just stay at home! Don’t you guys get it? Tigas ng ulo. This is exactly why they need the military because you fuckers won’t stay at home. Guys, come on!” Pagkatapos ay pinatay na niya ang 46-inch TV at naupo sa sofa habang iniinom ang kapeng binili kanina mula sa mahabang pila ng mga sasakyang naghintay nang higit isang oras sa Starbucks.

46


PH2020

Evelyn P. Antonio Sino po ang kamag-anak ng Patient PH20? Kami po! Iniabot ang telang bag. Sa loob noon ang plastic bag na may pangalan ng ama ni Sarah. Sonny J. Aquino March 29,2020 Ito na po ba ang tatay ko? Bakit wala po sa urn? Naubusan na kami ng urn. ‘Yung mga nasa urn dala ‘yun ng pamilya nila. At tahimik na nagdalamhati ang pamilya. (Isa si Sonny Aquino sa mga hindi nakakuha ng test result bago siya namatay dahil sa limitadong bilang ng testing kit. Nakasama na lang niya ulit ang kanyang pamilya pagkatapos na siyang i-cremate.)

47


SARANGGOLA Liyan Quiñones

48


CHECK-UP

Liyan QuiĂąones

Kelan pa po masama ang pakiramdam? Limang araw na po kaya gusto ko sanang magpating -36.5 po ang temperature niyo. Normal naman po, walang Lagnat. Sipon, ubo meron po ba? Meron. Masakit po ang lalamunan ko. Taxi driver kasi ako. May sumasakay na pasahero galing airport. Magpapacheck-up sana ako, baka meron na akong vi -Maga po ang lalamunan niyo, ‘Tay. May tonsilitis po kayo. Nahihirapan po bang huminga? Simula kagabi. Hindi ako makatulog baka nahawa na ako ng COV -Heto po, ‘Tay. Reseta. Meron pong available dyan sa katabing botika.

49


Paracetamol at antibiotic. Lipat po kayo sa mas malaking ospital, sa may bayan kapag meron pang sakit after one week. Pasensya na po. Ito kasi ang order ng nasa taas. Kailangang sundin. Hindi pwedeng basta-basta na lang mag-test. Kakaunti ang kit.

Next patient po! Pakibilisan na lang po ang kilos niyo. Hanggang alas-otso lang tayo pwede dito.

50


LANGUAGE BARRIER Christian Oliquino

Hinaing nami'y gĂştom Kailangan nami'y tulong Tiis ang wika ng kumakalam na tiyan Hindi magkaintindihan Tapang at malasakit Ibang salita ginagamit Karahasan kanilang lengguwahe

51


PAHINGI

Christian Oliquino Hindi masikmura o ni manguya Matigas ang ipinakain Bakal, Tingga, Pulbura, Bala Baril ang kutsara

52


KUNG PAANO KAMI NAGING HALIMAW Rhea B. Gulin

Ang sabi nila, may ilang paraan kung paano mo malalaman na may aswang sa iyong paligid: makikita mong tila humihiwalay ang kanyang anino mula sa katawan, bumabaligtad ang iyong repleksyon sa kanyang mga mata, at ang iyong mga hinliliit ay nag-iiba ang haba.

Noong isang beses na makadaupang-palad ko si P. Nuno, humiwalay ang anino ko mula sa aking katawan, bumaligtad ang tingin ko sa mundo, at nakitang unti-unting nag-iiba ang hugis ng mga kamay ng mga tao

53


sa aking paligid na animo’y anumang oras ay bigla akong sasakmalin.

Kasama ang aking kumukulong sikmura at sintidong nag-aabang ng bala, hindi ko na maalala kung paano ako naging isa sa kanila.

54


PUTO GUNGGONG Mark Angeles

Narito ang mga hakbang na dapat gawin sa mga puto gunggong: 1. Paghalu-haluin ang lahat ng mga korap sa rehimen. Buhusan ng agua burikada ang makakapal na mukha. Ibabad hanggang lumabsa. 2. Tanggalin ang agua burikada. Ibagsak sa gilingan ng masa hanggang sa madurog nang pinong-pino. 3. Buhusan ng agua burikada ang pasingawan ng masa. Isalang sa apoy ng paniningil. Samantala, isalaksak sa mga tubong ang mga gunggong. 4. Kapag nagsimula nang kumulo ang agua burikada na parang bisperas ng rebolusyon, ilubog ang mga gunggong. 5. Kapag lamog na lamog na sa mga puna, hanguin ang mga tubong. Taktakin ang mga ito hanggang sa malantad ang mga gunggong. Ipahid ang panawagang #DefendPressFreedom. Budburan ng mass testing ng COVID-19. Ihatid sa mga maniningil.

* Ang agua burikada ay madalas na ginagamit bilang isang antiseptiko, pamatay-peste, at iba pa. **Ang gunggong, kahit mahina ang ulo, ay parang ahas na laging umeepal.

55



TUNGKOL SA MGA MANUNULAT Alyana Walde Kasalukuyang nagtuturo sa University of the East - Caloocan. Mula sa peninsula ng Bataan patungo sa mga lansangan ng Caloocan ay pilit niyang tinatawatid ang kahabaan ng buhay bilang isang cultural worker.

Christopher Concha Nagtapos ng AB Philippine Studies major in Filipino in Mass Media sa Pamantasang De La Salle – Maynila (Magna Cum Laude). Naging fellow siya sa Pagsulat ng Sanaysay sa UST National Writers’ Workshop 2019. Nailathala na rin ang kaniyang mga sanaysay sa ANI 40: Katutubo at sa antolohiyang Hay Skul ng Visprint. Kasalukuyan niyang tinatapos ang kaniyang Master of Arts in Philippine Studies sa kaparehong pamantasan.

Christian Oliquino Nagsusulat at bumibigkas upang makapagpahinga sa masalimoot na reyalidad. Pagod na sa pagiging alipin ng bulok na sistema. Mabuti at may sining na itinuturing niyang pahinga.

Glenn Galon Tubong Negros Occidental at kasalukuyang nangungupahan sa Tiger City. Nagtapos ng kursong BSEFilipino sa Rizal Technological University (Boni Campus). Naniniwala siya na korapsyon ang hindi pagkain ng tatlong beses sa isang araw.


Evelyn P. Antonio Nagtapos ng Doktorado sa Araling Filipino- Wika, Kultura, Midya sa Pamantasang De La Salle Manila. Ngayon ay nagtatangkang magsulat upang makapagbahagi kahit kaunti para sa panitikan at lipunan.

Liyan Quiñones Freelancer. Kasalukuyang tagapangulo ng Kataga-Manila. Kasapi ng Kilometer64 Writers’ Collective at KAMANDAG (Kaisahan ng mga Artista at Manunulat na Ayaw sa Development Aggression).

Gerome Nicolas Dela Peña Guro ng Filipino at Panitikan sa Our Lady of Fatima University at Ganap na Kasapi ng Kataga. Siya ang may-akda ng mga aklat PM: Mga Tula at Brief Moments: Mga Sanaysay. Patuloy siyang naglalakbay, nagsusulat, at nagsasaliksik para sa panlipunang pagbabago.

Mark Angeles Naging writer-in-residence sa International Writing Program ng University of Iowa, USA noong 2013. Co-editor siya ng Kataga II.

Rhea B. Gulin Babae. Guro. Manunulat.


Ang Kataga ay samahang nagsusulong at nagpapalaganap ng masining at makabuluhang panitikan at pagtatanghal mula sa karanasan ng lipunan bilang ambag sa pagbabago nito. Mayroon itong walong pinatatag na sangay sa buong kapuluan – QC, Manila, Manila-South, Zambales, LucenaPanitik, Lucena-Tanghal, Laguna, at Online.



Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.