Paghinga

Page 1



TUNGKOL SA PABALAT Itim, puti at ginto— ‘yan ang kulay ng aking buhay. Itim, para sa nakaraang nilapatan na ng aking pluma, Puti, para sa kinabukasang wala pang bahid ng tinta, At ginto, para sa kasalukuyang madalas kong pinagsasawalangbahala. Sa akdang ito, ipapakita kong— Sa paghinga ay may pahinga. cover art by Khristine Maguddayao



Inaantok ka na ba? Hindi na naman ako matahimik. Bakit?

Bakit na naman ba? Tumatanda na ako… 20 na ako next year.

Ano naman? Ano ngayon?

Parang wala pa ring nangyayari. Andito pa rin ako, tila isang ibon na hindi makaalis sa hawla.

Baka naman kasi wala ka sa hawla… baka hanggang ngayon, nananatili ka pa rin sa pugad. O baka naman hindi ako ibon. Baka ikaw yung mangangaso… Kaso hindi ko alam kung kailan ko kakalabitin ang gatilyo. Tama na. Matulog na tayo. Good night, Tine. Gudnyt… Tine.


Noon, lagi kong iniisip na tila ako isang ibon, Nang makaalis sa pugad, Sa hawla naman lumipat, Kaya siguro hindi ako makaalis-alis, Hindi ako makalipad-lipad. Ngunit nang napagtanto kong hindi naman pala nakakandado ang hawla, Naglakas-loob akong lumabas,

Ibinuka ang aking pakpak, Huminga nang malalim, At sinubukang lumipad. Marunong naman pala ako,

Kaso hindi naman ako nakalayo, Wala na sa pugad, Wala na sa hawla, Pakpak ko’y malaya, Ngunit dalawang paa ko’y nakatali pala.


Iyon ang aking nakaraan, Isang supling na nagnanais ng kalayaan, Padalos-dalos, sunggab nang sunggab, Kaya natamaan, nagalusan – Dinalaw ni Kamatayan. Ganoon siguro talaga kapag bata pa… Nagmamadali, tila laging may hinahabol – Kaya laging nadadapa, Laging nasasaktan, Laging ngumangawa. Napagod akong maging ibon, Kaya sinubukan kong damputin ang baril, Ako naman ang siyang mangangaso – Ang siyang kakalabit ng gatilyo.


Hinga. Buga. Pigil-hininga. Asinta. Tira! Iyan ang turo ni papa noong isang beses kaming mangaso sa gubat, Sa unang subok, malayo ang narating ng bala, Hindi natamaan ang dapat tamaan, Dumaplis man, hindi naman napuruhan. Doon ko napagtantong ang buhay, parang pangangaso... Hindi dapat tira nang tira – Dahil mauubusan ka ng bala. Hindi pwedeng malikot at kabado – Dahil iba ang matatamaan mo. Hindi pwedeng basta-basta – Dahil ika’y siguradong papalya. Napagtanto kong hindi dahil takot ka, Kaya ka mabagal umasinta,

Sa pangangaso, hindi pwedeng bara-bara, Wala kang maiuuwi kung wala kang pasensya.


Ang aking buhay, parang pangangaso – Hindi ito tungkol sa oras ng pagkalabit ko ng gatilyo.

Madali lang naman kasi itong pindutin, Pero ang mas mahalaga ay ang proseso.

Hinga. Buga. Pigil-hininga. Asinta. Tira! Una ang paghinga, Nasa huli ang pagtira. Kaya teka, hinga muna. Hinga Lang Muna.


Akala ko noon, sobrang laki ng bahay namin, Pero paaralan pala’y ‘di hamak na mas malawak. Ang dami kong nakilala, May mababait, pero marami ring masasama. Ang laki pala talaga ng mundo, Kaso bakit ganito ang nararamdaman ko? Kung gaano ito kalaki, Ay siya namang sikip para sa akin. Ang daming tao, Halos hindi ako makahinga,

Naiipit ako. Teka, hindi ko pa alam, Wala pa akong muwang. Madali lang makuha ang lahat, Isang iyak lang, May bago na akong laruan. Ang sarap maging bata, kaso—

Gusto ko na tumanda.


Naging palaban ako,

Ang dami tuloy nagtangkang saksakin ang likod ko, Noong una, ang lakas pa ng loob ko, Sabi ko, “Ano naman kung hindi nila ako gusto?” Kaso iba pala talaga, Mas malalim pala ang sugat Kapag mga salita’y matalas.

Dati, gusto kong tumanda, Ngayon gusto kong bumalik sa pagkabata. Hindi na kasi nadadaan sa iyak ang lahat. Parang humihinga lang ako Pero walang nangyayari. Pero napagtanto kong lagi namang may ganap,

Mabilis lang tayo mainip, Pero darating din ang bukas. Kaya pahinga lang muna Hinga muna.




DECEMBER 2021 Writing Twitter @StyloFleur

Art Instagram @treizieme.lune


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.