3 minute read
PINAKAMABISANG SANDATA
ANG KASAYSAYAN NG UNIBERSIDAD ay kasaysayan ng pakikibaka. Ito ay pinatunayan sa mahabang panahon ng militansya ng sangkaestudyantehan na patuloy na nagpapaalab sa puso at kaluluwa ng unibersidad. Sa bawat pagkakataon na sinisiil ang kalayaan ng masang Pilipino, paiigtingin ng matibay at malawak na hanay ng mga mamamayan ang pagdepensa sa kalayaan.
Ngayong ang bansa ay pinamumunuan ng mga anak ng diktador at pasista, higit na mas kinakailangang palakasin ang hanay ng komunidad ng UP sa gitna ng lumalakas na makinarya ng estadong pilit pinatatahimik ang mga progresibong indibidwal at grupo. Gayundin, sa pagpapanibago ng liderato sa unibersidad ay makaaapekto ang tatahakin na laban ng malawak na hanay.
Advertisement
Sa mahabang kasaysayan ng pakikibaka ng mga estudyante, pinatutunayan lamang na ang pinakamabisang sandata sa panahon ng ligalig at pagkabalisa ay pakikibaka. Sa huli, walang anumang unos ang kayang pumuksa sa nagngingitngit na apoy.
PAKIKIBAKA SA UNIBERSIDAD
Naging bulwagan ang unibersidad ng iba’t ibang pagkilos sa kasaysayan ng pakikibaka sa bansa. Isa na rito ang Diliman Commune, kung saan nagtipon-tipon ang maraming indibidwal at organisasyon sa kampus ng UP Diliman kasabay ng iba pang pagbabarikada ng mga unibersidad sa Mendiola at UP Los Baños dahil sa lumalalang krisis sa ekonomiya.
Madugo ang naging pakikibaka ng buong komunidad ng UP, kung saan may mga Iskolar ng Bayan ang inialay ang kanilang buhay para makamtan ang kalayaan na ating natatamasa sa kasalukuyan.
Ngayon, makalipas ang 50 taon ay nananalaytay pa rin sa dugo ng komunidad ng UP ang militansya.
Kamakailan ay nagkasa ng iba’t ibang mobilisasyon sa unibersidad upang patambulin ang panawagan hindi lamang ng mga mag-aaral ngunit pati ang komunidad na siyang buhay ng hanay sa loob ng unibersidad.
Ito ay sa gitna ng pagpapalit ng liderato mula kay Danilo Concepcion na kilala sa kanyang mga polisiya na hindi mapagkalinga sa mga manininda at manggagawa sa loob ng unibersidad.
“Hindi niya kinakalinga ang mga manggagawa, empleyado, at mga mag-aaral. Katulad ng mga polisiyang ipinatupad ng ating pamahalaan,” ani Reginald Vallejos ng All UP Academic Employees Union (AUPAEU) Manila. Dagdag pa ni Lakan Umali ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND), “Wala siyang paninindigan. Sa puno’t dulo ay wala siyang gawa. Dapat sa susunod na president ay sisibakin na natin ang mga bakod. Bakod sa campus. Bakod sa academic freedom. Bakod na bumabalakid sa ating karapatan.” Samantala, sa pangunguna ng Office of the Student Regent, Katipunan ng mga Sangguniang Mag-aaral sa UP (KASAMA sa UP), at UP Solidaridad ay kinondena ang patuloy na pag-atake ng estado kontra sa mga progresibo, pati na ang kapalpakan ng gobyerno na solusyonan ang kasulukuyang krisis pang ekonomiya.
“Magkaisa po tayo dahil walang ibang magtatanggol sa atin kung hindi ang ating lakas. Ito ang tunay na pagkakaisa na gusto natin— pagkakaisa ng mga inaapi—hindi pagkakaisa ng mga nasa taas na nais lamang ang interes ng mga nasa taas,” ani Dyan Gumanao, alumna ng UP Cebu at development worker na kamakailan ay dinukot ng puwersa ng pulisya.
PAKIKIBAKA SA LANSANGAN Sa mahabang kasaysayan ng pakikibaka sa unibersidad ay patuloy ang paglubog sa masang pinaglilingkuran. Ang mga Iskolar ng Bayan ay patuloy na humahanay sa iba’t ibang komunidad, tangan ang responsibilidad na makiisa at palakasin ang panawagan ng masa.
Nand’yan si Jo Lapira ng UP Manila na tinalikuran ang kanyang komportableng buhay sa kalunsuran upang tumungo sa Timog Katagalugan at makipamuhay sa mga magsasaka bilang pagsasabuhay ng pinakamataas na uri ng pakikibaka.
Si Chad Booc na nagtapos nang may karangalan sa kanyang kolehiyo sa UP at piniling makipamuhay at nagsilbing gabay ng mga kabataang Lumad tungo sa pagkakaroon ng isang makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon.
Pare-pareho mang brutal na pinaslang ng mga militar sina Jo at Chad, hindi kailanman mapapatay ng anumang dahas ang mga punlang itinanim nila sa puso ng kani-kanilang mga komunidad na pinagsilbihan at sa diwa ng sangkaestudyantehan na kanilang pinanggalingan.
Nariyan din si Dr. Natividad Castro ng UP College of Medicine na nagdala ng serbisyong pangkalusugan sa mga probinsyang salat sa dekalidad na serbisyo. Sa ngayon, nakikipagbuno pa rin si Dr. Castro sa estadong pilit siyang iginagapos.
Ang sangkaestudyantehan ay lumalahok pa sa napakaraming laban sa labas ng pamantasan, kung saan patuloy nilang kinakaharap ang iba’t ibang porma ng matinding represyon.
Ngayong maraming pagbabago ang nangyayari sa bansa at unibersidad sa gitna ng patuloy na pag-atake sa mga karapatan ng masang Pilipino at ngkomunidad ng UP, mas kailangang paalabin ang militansya na ating minana sa mga nagsimula ng laban tungo sa tunay na kalayaan. Hindi kailanman ibibigay ng mapang-aping estado ang karapatan na nais nating makamtan—ito ay kailangan nating ipaglaban hanggang sa tuluyan tayong makaalpas sa siklo ng inhustisya. Sa pagkakataon ng ligalig, ang pakikibaka ang siyang mananaig.
about the cover.
Sa pagpapasa ng kapangyarihan ng pambansang administrasyon sa kamay ng mga Marcos at Duterte, ang lumiliit na demokratikong espasyo ng masang api ay patuloy na kakamkamin ng mga naghaharing-uri. Ang liderato naman ng unibersidad ay ipinasa na rin sa isang indibidwal na may hindi tiyak na tindig sa iba’t ibang isyu na kinakaharap ng unibersidad at bansa. Sa ganitong yugto, nararapat lamang na paigtingin ang ating paglaban.