Philippine Collegian Tomo 92 Issue 13

Page 1

WAGI O LUGI: Sinong nakinabang at sinong naghirap sa ilalim ni Noynoy Aquino? BALITA page 2

Kamay na bakal LATHALAIN page 6

Marka ng taumbayan KULTURA pages 4-5


2

BALITA

WAGI ~o~

LUGI Sinong nakinabang at sinong naghirap sa ilalim ni Noynoy Aquino? Karen Ann Macalalad, Aldrin Villegas & Jiru Rada

Sanggunian: Alliance of Concerned Teachers Partylist, Bulatlat, Canadian Union of Public Employees, Center for Media Freedom and Responsibility, Commission on Higher Education, Department of Agrarian Reform, GMA News Online, IBON Foundation, Inquirer, International Labor Organization, Kadamay, Kagawaran ng Edukasyon, Kapederasyon, Karapatan, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Manilla Bulletin, Migrante International, National Union of Students of the Philippines, Official Gazette of the Republic of the Philippines, People’s Alternative Media Network, Philippine LGBT Hate Crime Watch, Philippine Star, Pinoy Weekly, Rappler, Rise for Education Alliance, Stop K-12 Alliance, Train Riders Network

Rehimeng US

Budget Secretary Butch Abad

Sa pagsang-ayon ni Aquino sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) noong Abril 2014, muling malayang makalabas-masok ang mga sundalong kano sa Pilipinas. Nagkaroon ng karapatan ang US na magtayo ng mga pasilidad sa mga napagkasunduang lokasyon nang walang binabayarang renta, at libre ang buwis sa paggamit ng kuryente at tubig. Alinsunod ang EDCA sa layuning mapanatili ang lakasmilitar ng US sa Asya-Pasipiko dahil malaki ang tulong na ibinibigay nito sa ekonomiya at pulitika ng nasabing bansa. Sa katunayan, pinapalalim ng kasunduan ang panghihimasok ng US sa Pilipinas.

Patuloy ang panggigipit ng badyet para sa mga batayang serbisyo ng bansa kumpara sa badyet na inilalaan para sa debt-servicing. Batay sa datos ng DBM may P136.75 bilyong pondo ang Disbursement Acceleration Program (DAP) kung saan ang P65.59 bilyon ay mula sa 2011 budget at P71.16 bilyon mula sa 2012 budget upang ilaan sa 116 proyekto ng pangulo. Sa tala ng IBON, 33.2 porsyento ng proyekto ng DAP ay walang epekto sa ekonomiya, 11.9 porsyento ay may mababang epekto, at 53.1 porsyento ang hindi tiyak ang epekto. Samakatuwid ang P10.17 bilyon ay napunta sa mga nagmamay-ari ng lupain at malalaking negosyo, kasama ang pamilya ni Aquino para sa Hacienda Luisita.

Janet Lim Napoles Si Napoles ang nasa likod ng P10 bilyong halaga ng Priority Development Assistance Fund na napunta sa mga huwad na nongovernment organizations (NGOs). Tinatayang aabot sa P5 bilyon ang ari-arian ni Napoles. Nagmamayari siya ng 28 na bahay at yunit sa condominum, samantalang may P415.1 milyon na ari-arian ang maganak sa California. Si Napoles ay kasalukuyang nasa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong, at nahatulan ng 40 taong pagkakabilanggo dahil sa iligal na pagpapakulong niya kay Benhur Luy. Nakinabang din sila Bong Revilla Jr. na may P224.5 milyon sa mga transaksyon, Jinggoy Estrada na may P183.79 milyon at Juan Ponce Enrile na may P172.8 milyon. Nadawit naman sila Franklin Drilon, Ralph Recto at Kiko Pangilinan na kaalyado ni Aquino sa isyu. Sa usapin ng PDAF, P958 bilyon ang hawak na pork barrel ni Aquino.

Private companies Umabot na sa siyam na publicprivate partnerships (PPP) projects na nagkakahalagang P136.37 bilyon ang naaprubahan ni Pangulong Aquino sa nagdaang limang taon. Ayon sa pag-aaral ng Canadian Union of Public Employees, mas pinagkakakitaan ng mga pribadong korporasyon ang proyektong PPP ng gobyerno. Inaasahang 13 pang PPP projects na nagkakahalagang P520 bilyon ang bubuksan bago magtapos ang termino ng pangulo. Samantala, tumaas ng P583 bilyon sa 2014 mula sa P428 billion noong 2010 ang netong kita ng humigit-kumulang 260 kompanyang nakalista sa Philippine Stock Exchange. Ang kabuuang kita nito ay dumoble sa 106 porsyento, ayon sa 2015 ulat ng IBON. Aabot sa halaga ng kita ng higit sa 70 milyong pinakamahihirap na Pilipino ang netong kita ng 25 pinakamayaman sa bansa.

Lunes 27 Hulyo 2015

W A G I

Retired Major General Jovito Palparan Bagaman nahuli na si Palparan, wala pang hatol ang korte sa mga kasong kinasasangkutan niya. Inilipat pa ang retiradong heneral sa Philippine Army Custodial Center sa Fort Bonifacio. Nakapagtala ang Karapatan ng 71 biktima ng extrajudicial killings, 14 biktima ng frustrated killings at limang insidente ng massacre sa ilalim ng pamumuno ni Palparan sa Mindoro. Samantala, may 40 kaso ng paglikas ang naitala sa Eastern Samar kung saan 2,433 katao ang apektado dahil sa pambobomba ng pwersa ng dating heneral. Bukod kay Palparan, patuloy ang panggigipit ng militar sa mga sibilyan lalo sa kanayunan. Taong 2009 pa nang mangyari ang Ampatuan massacre, ngunit hindi pa rin nakakamit ng mga biktima ang hustisya.

Panginoong may lupa Sinalubong ang isang dekadang anibersaryo ng Hacienda Luisita massacre ng mas pinaigting na panggigipit sa mga magsasaka ng 6,435 ektaryang plantasyong pagmamay-ari ng angkan ng Pangulo. Bagaman ipinag-utos ng Korte Suprema noong 2012 na ipamahagi na ng pamilya AquinoCojuangco ang halos 5,000 ektaryang lupa sa may 6,000 magsasaka, nanatiling kontrolado ng pamilya ang karamihan sa mga bukid ng Hacienda Luisita. Ayon sa IBON, nagkaroon ng malawakang kanselasyon ng certificate of land ownership awards, certificates of land transfer at emancipation patents sa ilalim ni Pangulong Aquino. Ayon sa KMP, nananatiling hawak ng iilang pamilya at mga malalaking korporasyon ang kalakhan ng agrikutural na lupa sa bansa. Sa Timog Luzon pa lamang, lumalabas na 835 panginoong maylupa lang ang nagmamay-ari sa halos 70 porsyento ng kabuuang lupain sa rehiyon.

Pambansang Gobyerno Mahigit P50 milyon local at foreign donations para sa mga biktima ng bagyong Yolanda ang itinago lamang ng Office of Civil Defense sa mga bangko sa halip na gamitin sa agarang pangangailangan ng mga mamamayan, ayon sa Commission on Audit. Ayon naman kay rehabilitation officer Panfilo Lacson, isang kongresista at opisyal ng Commission on Elections ang nakinabang sa maanomalyang bunkhouses sa tinatayang 30-35 porsyentong kickback na nakuha ng mga ito. Kwestiyonable rin kung saan napunta ang P14.6 bilyon supplementary budget sa emergency response at P20 bilyong pondo sa rehabilitasyon na kinuha mula sa ‘disaster pork’ na pondo ng Kongreso at ng Pangulo.


3

BALITA

Lunes 27 Hulyo 2015

LUGI Magsasaka Pito sa bawat 10 magsasaka ang nananatiling walang sariling sakahan, ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Sa tala ng Kagawaran ng Repormang Pansakahan (DAR), wala pa sa kalahati o 751,514 ektarya lamang ng kabuuang 1,658,166 ektaryang lupa ang naipamahagi ng administrasyong Aquino mula Hulyo 2010 hanggang Disyembre 2013 sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms o CARPER. Bagaman nananatiling agrikultural na bansa ang Pilipinas, 18 porsyento lamang ng gross domestic product ng bansa ang mula sa agrikultura, malayo sa 35 porsyento noong 1950, ayon sa KMP.

Manggagawa Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at batayang serbisyo kaya aabot sa P1,088 ang Family Living Wage sa isang araw o P32,580 gastusin kada buwan. Subalit malayo sa P16,000 na isinusulong na minimum wage ang sahod ng mga manggagawa, kaya halos apat na milyong pamilya ang walang makain samantalang 12 milyon ang naghihirap ayon sa huling datos ng SWS. Nasa 2.7 milyon din ang walang trabaho samantalang 7 milyon ang underemployed ayon sa Philippine Statistics Authority. Sa tantiya ng Ibon Foundation, nasa 44 porsyento lamang ng halagang kailangan ng mga manggagawa ang natutugunan ng kasalukuyang minimum wage. Pinipigilan din ng two tiered wage system ng DOLE ang pagtaas ng sahod. Dalawa ang bahagi nito: ang napakababang floor wage na itinatakda ng regional wage board at productivity base wage levels na itatakda ng mga kumpanya. “Pinaliit nila ang poverty threshold. Kung dati, nasa P52 kada araw ngayon P42 na. Ibig sabihin, dito nila ibabatay ang floor wage,” ani Roger Soluta ng KMU.

Mga Biktima ng Kalamidad Bago matapos ang 2011, nanalasa ang bagyong Sendong sa mga probinsya ng Mindanao at libu-libong katao rin ang namatay at mahigit apat na milyon ang nawalan ng tirahan sa pananalasa ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013. Ayon sa Ibon Foundation noong 2014, sa 1.5 milyon pamilyang nasalanta, 215,471 lamang ang nakinabang sa proyektong Cash for Building Livelihood Assets. Sa usaping pangkabuhayan, 27 sa 132 na public markets pa lamang ang naisasaayos. Samantala, sa 215 kilometrong farm-to-market roads, 58 kilometro pa lamang ang nagawa. Sa usapin naman ng pagmimina, hindi pa rin nahahanap ang siyam na manggagawa ng Semirara Mining and Power Corporation na nalibing nang buhay noong July 17 sa pagguho ng minahan. Malaking pinsala naman ang dulot ng pagsadsad ng USS Guardian noong 2013 sa Tubbataha Reef kung saan 2,345 square meters ng coral reef ang nasira na aabutin ng mahigit 250 taon bago maibalik sa dati. Ayon sa Pamalakaya, lubhang naapektuhan ang kita ng mga mangingisda sa pagbaba ng huli sa tatlong kilo mula 10 kilo kada araw.

Mga biktima ng paglabag sa karapatang-pantao

Special Armed Forces 44 at Moro 18

Patuloy ang paglobo ng mga kasong paglabag sa karapatang pantao at pag-iral ng kulturang impunity sa panunungkulan ni Aquino. Umabot sa 262 ang mga napaslang, 27 ang nawawala, 125 ang nakaranas ng pagpapahirap at 723 ang iligal na inaresto at ikinulong, ayon kay Marie Hilao-Enriquez ng Karapatan sa Hulyo 19 ulat. 26 naman ang napaslang na mga mamamahayag.

Mabagal ang takbo ng kaso para sa namatay na 44 police commandos, tatlong sibilyan at 18 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front sa engkwentro sa Mamasapano noong Enero 25. Limang buwan na ngunit wala pa ring hustisya para sa mga biktima at hindi pa natatanggap ng mga naiwang pamilya ang tulong pinansyal na ipinangako sa kanila ng gobyerno. Buhay ang naging kapalit ng Oplan Exodus na pinamunuan ni Aquino, at ang desisyon niyang piliin ang suspendidong Philippine National Police chief director general Alan Purisima upang tumulong sa operasyon.

Mary Jane Veloso Pansamantala mang itinigil ang pagbitay kay Mary Jane Veloso na nahatulan ng kamatayan noong 2010 dahil sa pagpupuslit umano ng droga sa Indonesia, wala pa ring katiyakan ang kanyang kaso. Bukod kay Veloso, 20 Pilipino rin ang hinatulan ng kamatayan mula sa tatlong bansa sa Southeast Asia. Sa tala ng DFA, 18 Pilipino sa Malaysia at dalawa sa Vietnam ang nakatakdang bitayin dahil sa krimeng may kinalaman sa droga. Ayon sa Gabriela, ang mga tulad ni Veloso ay biktima ng kakulangan ng trabaho sa bansa. Sa tala ng International Labor Organization’s Global Employment Trends noong 2014, pinakamataas ang unemployment rate ng Pilipinas sa mga kasapi ng ASEAN na pumapatak sa 7.3 porsyento.

Mga Pasahero Matapos ang halos P15 hanggang P18 dagdag singil sa pamasahe sa Metro Rail Transit (MRT-3), wala pa ring pagbabago sa serbisyo ang mahigit kalahating milyong pasahero araw-araw. Parating mahaba ang pila ng mga pasahero sapagkat walo hanggang 12 tren lamang ang gumagana, malayo sa 50 tren na gumagana noong 2011. Ayon sa tala ng IBON Foundation, 81 porsyento sa kita ng MRT-3 ang napupunta sa build-lease transfer contract nito sa MRT Corporation at 19 porsyento lamang ang napupunta sa operasyon at mantensyon. Sa nagdaang dalawang taon, pareho nang nadiskaril ang MRT at ang Philippine National Railways (PNR). Halos 80 pasahero mula sa tren ng PNR ang nasaktan at tinuturong dahilan ng Train Riders Network ang kapabayaan ng gobyerno sa pagsasaayos ng linya at kalumaan ng mismong tren.

Pinakamahihirap na pamilyang Pilipino Jennifer Laude

Mga Residente ng San Roque Ilan lamang ang 500 pamilyang nawalan ng tirahan sa San Roque noong Enero 2014 sa 13,528 biktima ng mga malawakang demolisyong naitala ng Karapatan noong 2013. Ang programang Public-Private Partnership ni Aquino ang sanhi ng mga demolisyong ito para sa mga interest ng malalaking kompanya, ani Cristina Palabay.

Nanatiling mailap ang hustisya para kay Laude makalipas ang siyam na buwan nang siya’y paslangin. Tinatayang daan-daang miyembro ng lesbian, gay, bisexual at transgender (LGBT) ang nakakaranas ng diskriminasyon at karahasan araw-araw, ayon sa Kapederasyon. Simula 1996 hanggang 2011, nakapagtala ang Philippine LGBT Hate Crime Watch (PLHCW) ng 141 bilang ng mga pinaslang. Kulang ang proteksyon na natatanggap ng LGBT sa panunungkulan ni Aquino. Walang komprehensibong anti-discrimination law ang bansa, ani PLHCW. May ordinansa man sa Antipolo kontra diskriminasyon, limitado ito sa usaping trabaho.

Mula sa 11.4 milyong pamilya na nagsabing mahirap sila batay sa Social Weather Station surbey nitong Marso, 4.3 milyong pamilya lamang ang makikinabang sa Conditional Cash Transfer (CCT) program. Bagaman tumaas sa P62.3 bilyon ang badyet na inilaan para sa CCT sa 2015, hindi ganap na solusyon ang programa sa kahirapan dahil walang palisiyang ipinatutupad upang lumikha ng mga trabaho, ayon sa IBON. May mga insidente rin ng pananakot at pananamantala sa mga benepisyaryo sa tala ng IBON. Ilan sa tribong Mamanwa sa CARAGA ang pinilit na sumayaw bago makuha ang kanilang pera, samantalang pinipilit ang ibang gumastos ng P10 hanggang hanggang P1, 900 para manatili sa programa.

Kabataang Pilipino Mahigit isang milyong kabataang Pilipino ang kasalukuyang hindi pumapasok sa paaralan ayon sa Philippine Statistical Authority. Sa kabila ng taun-taong pagtaas ng badyet para sa edukasyon, nanatiling malaki ang kakulangan sa mga silid-aralan, guro at libro. Ayon sa Alliance of Concerned Teachers Partylist, 112,942 silidaralan ang kailangang maipatayo ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), 4,281 paaralan ang kailangang mabigyan ng suplay ng tubig at 10,514 ang mabigyan ng koneksyon sa kuryente. Aabot naman sa 57,167 guro ang kailangan at 23,928,335 libro ang kakulangan. Samantala, sa tala ng Rise for Education Alliance (R4E), tumaas mula P257 kada unit hanggang P574 ang pamantayang matrikula sa loob ng limang taon ni Pangulong Aquino. Tinatayang aabot sa 350,000 estudyante ng National Capital Region ang maaapektuhan ng dagdag singil sa matrikula ng 51 Private Higher Education Institutions ngayong taon. Ayon sa R4E, dagdag pasanin pa sa mga pamilya ang P50,000 hanggang P77,000 bayarin para sa karagdagang dalawang taon sa sekundarya ng K-12. Inaasahang daragdag sa halos 11.2 milyong Pilipinong walang trabaho ang mga magtatapos ng K-12. Lalo ring dadami ang mga manggagawang kontraktwal na mapipilitang makipagsapalaran sa ibang bansa. Sa tala ng Migrante, tinatayang 6,000 Pilipino ang umaalis ng Pilipinas araw-araw upang maghanapbuhay.


4-5

KULT

Filipino Inererekomenda ng taumbayan na muling kunin ni Aquino ang asignaturang Filipino upang higit na maunawaan ang pakahulugan ng mga katagang “tangkilikin ang sariling atin.” Taong 2010 nang unang gamitin ni Aquino ang wikang Filipino sa SONA ng pangulo—isang markadong pangyayari sa kasaysayan ng bansa. Subalit tila ginamit ng pangulo ang wikang Filipino upang masungkit ang damdaming Pilipino na papaniwalain sa kanyang hangaring daang matuwid. Sa pagtatapos ng kanyang termino, hindi nabigyang hustisya ang pagsasabi ng “kayo ang boss ko” sa taumbayan.

P.E.

English Bago matapos ang termino ni Aquino, isang bigwas sa sambayanang Pilipino ang pagpapatupad ng CHED Memorandum Order No. 20 na naglalayong tanggalin ang asignaturang Filipino sa mga kolehiyo. Hindi lang kinaligtaan ng pangulo ang tungkuling pagyamanin ang kultura ng bansa, kundi tahasan din niyang tinalikuran ang mandatong pagtibayin ang identidad ng Pilipinas at hindi magpatali sa neoliberal na mga palisiya ng mga dayuhan.

Kaugnay ng pagtanggal ng asignaturang Filipino sa kolehiyo, namamayagpag ang pag-aaral ng wikang Ingles upang pagyamanin ang lakas-paggawa ng mga Pilipino sa larangan ng Business Process Outsourcing. Sa panunungkulan ni Aquino bumulusok ang bilang ng mga pribadong kompanyang kumukuha ng mga Pilipino upang maging call center agent. Hindi rekisito

ang nakapagtapos ng kolehiyo kaya naman pumatok ito sa mga Pilipinong nais lamang itawid ang pang-araw-araw nilang pamumuhay. Higit sa lahat, ang programang K to 12 ni Aquino ay nagtatali sa edukasyon ng mga kabataan sa wikang Ingles bilang wika ng mga dayuhang negosyo na nangangailangan ng mura at sunudsunurang lakas-paggawa.

CWTS Bagsak si Aquino sa estratehiyang militar nang salungatin niya ang chain of command at hindi ipagbigay-alam ang operasyong Wolverine sa iba pang opisyal. Sa halip, ang suspendidong opisyal na si Alan Purisima ang tanging nakakaalam ng operasyon. Nabigo ang nasabing operasyon na ikinamatay ng walang kalabanlaban na 44 miyembro ng Special Action Force (SAF), mga Moro at

mga inosenteng sibilyan. Binigo ni Aquino hindi lamang ang kanyang sariling hukbo, ang mga Moro, kundi maging ang sambayanang Pilipino. Bukod pa rito, sinalungat ni Aquino ang kasunduan sa ilalim ng usaping pangkapayapaan. Sa halip na agarang bigyang-aksyon ang lumalalang girian sa Mindanao, tinanganan ni Aquino ang isang operasyon na nagsangkalan sa buhay ng maraming Pilipino.

Namayagpag ang barkadismo sa kursong pangkalusugan ni Aquino. Sharp shooter na matatawag ang pangulo sa mga bigating mga kaalyado pero tila hindi niya kailanman nagamit ang kanyang skills na natutunan sa pagshoot sa mga tunay na dahilan ng paghihirap ng maraming Pilipino. Sa halip, pangunahin ang pangulong nangakong itutuwid ang landas na mga Pilipino sa nagpapahirap sa mismong mga mamamayan. Dahil laging nasa trono niya ang pangulo, hindi nito nagawang magbanat ng buto upang higit na palakasin ang kondisyon ng ekonomiya ng bansa at maging ng

Political Science Elitista ang dikta ng politika sa ilalim ng pamumuno ni Aquino. Samu’t saring sisihan at batuhan ng putik ang pinangunahan ng pangulo. Sinimulan ni Aquino ang kanyang administrasyon nang paninisi sa nagdaang termino na pangunahing naghatid ng suliranin sa kanyang termino. Sa kursong ito, nagwagi ang pangulo sa pamamahagi ng pabor sa mga kaalyado na tatakbo sa nalalapit na halalan. Hindi niya magawang pag-isahin at kontrolin ang kapangyarihan ng kanyang administrasyon upang tumindig laban sa mga bansang naniniil sa


TURA

Lunes 27 Hulyo 2015

Mathematics

Economics mga Pilipinong nagdarahop sa mga kalunsuran. Ni hindi nagawang bisitahin ng pangulo ang mga Pilipinong walang-humpay ang panawagan sa kalunsuran, mga biktima ng Yolanda, mga Pilipinong patuloy na dinarahas sa kanayunan lalo na ang mga katutubo. Tiyak ipinagmamalaki ng pangulo ang mga natarget ng administrasyon niyang mga itinuturing na “big fish” o ang mga progresibong grupo at mga aktibista na kanyang tinitiktikan, dinarahas at pinapaslang sa pamamagitan ng Oplan Bayanihan ng Armed Forces of the Philippines.

kalayaan at soberanya ng Pilipinas. Naging mahina ang administrasyon sa pagharap sa China, Amerika at maging sa Canada. Ang bangis ng pangulo ay umiiral lamang sa mga kalaban niyang pulitiko. Bagsak ang grado ni Aquino dahil sa elitistang pulitika at mahinang pamamalakad at pagtugon sa mga pangangailangan ng mamamayan. Ang pwersa ng pangulo ay hindi dapat nauubos sa pakikipagpaligsahan sa pagpapasikat kundi sa politika ng pagbibigay serbisyo.

Sa bawat talumpati ng pangulo, hindi niya nakakalimutan na ipagmalaki ang pagtaas ng antas umano ng ekonomiya ng bansa. Ngunit anumang pilit ni Aquino, hindi ito nararamdaman ng milyongmilyong Pilipino lalo na ang mga nasa kalunsuran. Bagsak si Aquino dahil hindi nagawang i-angat ang kabuhayan ng mga maralitang Pilipino. Nananatiling dominante ang mga may-ari ng mga malawak na sakahan sa bansa, samantalang naghihikahos ang maraming Pilipino. Habang nagpapakasasa sa mataas na kita ang mga kapitalista, nagkukumahog sa pagta-trabaho ang mga Pilipino upang may pangkain sa araw-araw.

Prayoridad ng pangulo ang mga palisyang nakakulong sa usapin ng pakkipag-ugnayan sa ibang bansa sa Asya. Nariyan ang ASEAN integration na isa sa mga dahilan ng pagpupumilit ng programang K to 12 sa edukasyon ng Pilipinas. Sa katunayan, nananatiling bansot ang ekonomiya ng bansa hangga’t mga pribadong kompanya ang namamayagpag. Hindi napagtutuunan ng pansin ang mga pambansang industriya na primaryang magtutulak ng magandang ekonomiya na lilikha ng trabaho, negosyo at kita sa mga kababayan.

MARKA NG TAUMBAYAN Mary Joy T. Capistrano Christian Lemuel Magaling

KATULAD NG MGA ESTUDYANTENG ARAWARAW na nakikipagbuno sa kanilang mga klase, sa paggawa ng mga papel, proyekto, at report, kinakailangan din ng pagtatasa para sa anim na taong panunungkulan ng pangulo. Ano nga bang grado ang dapat makuha ng pangulo? Kailangan ba niyang muling kunin ang subject o may mga rekisito pa siyang kailangang maipasa? Ika nga niya, “kayo ang boss ko” kaya marapat lamang na bigyang pagtatasa ang ilang taong panunungkulan ng pangulo. Panahon na ng paghuhusga at pagpapanagot sa mga nagkasala.

Singko. Isang flat na singko para kay Aquino dahil sa walangpakundangang paggamit ng kaban ng bayan para sa mga pansariling interes. Siya ang may pinakamalaking pork barrel sa lahat, umaabot sa P1.3 trilyon. Sa pambansang badyet makikita kung paanong sinukat ng pangulo ang kakailangan ng isang sektor kung saan lagi’t laging napag-iiwanan ang mga serbisyong panlipunan katulad na lamang ng edukasyon at kalusugan. Maaaring pasado ang pangulo sa kalkulasyon kung ang mga kongresista at senador na nakinabang sa PDAF ang hahatol sa kanya. Mahusay na nilaro ng pangulo ang numero at kapangyarihan.

Subalit bagsak siya dahil sa limang taong panunungkulan niya, hindi pa rin niya nagamay ang pangangailangang pinansiyal ng mga sektor sapagkat kailanma’y hindi niya pinakinggan ang panawagan ng taumbayan. Sa usapin na nga lang ng edukasyon, pangkaraniwan na ang pagbibigay ng kalahati sa kabuuang pangangailangan ng mga SUCs. Kaya naman patuloy ang pagtaas ng matrikula dahil sa halip na pamahalaan sa mga estudyante ipinapasa ang responsibilidad. Ang hatol ng bayan, muling pagaralan ang Elementary Math.

Religious Studies Bagsak sa tamang-asal ang hindi maka-tao at hindi maka-diyos na pagkulong ni Aquino sa mga batang-lansangan nung bumisita ang Santo Papa. Kailangang balikan ni Aquino ang mga aral sa pagsasabi ng katotohanan. Ngunit bukod dito, kailangan din niyang pagbayaran sa mata ng Diyos ang lahat ng uri ng pananamantala at pandarahas sa mga katutubo

sa kanayunan, mga manggagawa, magsasaka, kababaihan at kabataang nakararanas ng pananamantala mula mismo sa mga alagad ng batas. Mistulang relihiyong sinusunod ni Aquino ang kumpas ng Estados Unidos kahit kapahamakan ng mga Pilipino ang nakasalalay dito.

ta apa h Z garo t e nn e Ta Ke m hn Jero o J i i n n a uho hin Dib ng pa o eny Dis


6

LATHALAIN

Lunes 27 Hulyo 2015

KAMAY NA BAKAL Ang patuloy na laban ng mga manggagawa ng Kentex at Tanduay Arra B. Francia MAHIGPIT ANG PAGKAKAGAPOS ng mga manggagawa ng Kentex Manufacturing, Inc. (Kentex) at Tanduay Distillers, Inc. (Tanduay) sa kadena ng malawakang kontraktwalisasyon at hindi makataong kalagayan sa pagawaan—mga problemang matagal nang sumusupil sa kanilang mga karapatan. Magkahiwalay na maituturing ang dalawang insidente, ngunit iisang pwersa ang bumabalot at patuloy na gumagapos sa kahirapan at pandarahas ng mga manggagawa sa bansa.

Patuloy na kontraktwalisasyon Taong 1991 nang ipatayo ni Lucio Tan ang Tanduay sa Cabuyao, Laguna, isang pabrikang gumagawa ng samu’t saring produkto ng alak tulad ng Cossack Vodka at Boracay Rum. Mula sa unang itinayong pabrika sa Hagonoy, Bulacan, lumawak ang pagawaan hanggang sa magkaroon ng pwesto sa Bacolod, Manila, at Cagayan de Oro. Kasabay ng pagyabong ng negosyo ay ang pangako ng pamunuan na magbigay ng kalidad na serbisyo sa mga tao, ngunit taliwas ang nararanasan ng mga manggagawa sa mga salitang binitawan ng may-ari ng pabrika. Kontrakwal lamang ang mga manggagawa sa Tanduay, kaya naman walang benepisyong natatanggap ang mga empleyadong nagtatrabaho ng labindalawang oras araw-araw. Bunsod ng patuloy na pambabarat sa lakas-paggawa, muling nabuhay ang pakikibaka ng mga manggagawa noong ika-18 ng Mayo upang ipaglaban ang kanilang karapatan at makamit ang mga benepisyo tulad ng sapat na sahod at seguridad laban sa kapahamakan sa loob ng pagawaan. Umalingawngaw sa lansangan ang sigaw ng mga manggagawa ng Tanduay na nagtayo ng piket sa harap ng gusaling kanilang pinagtatrabahuhan sa Cabuyao, Laguna. Naghain sila ng petisyon upang ipanawagang mabigyang benepisyo lalo na ‘yung mga empleyadong 11 taon nang nagtatrabaho sa pabrika. Ngunit sa halip na tugunan ang karaingan ng mga

manggagawa, sinalubong sila ng trak ng tubig at basag na mga bote ng alak. Bukod pa rito ang pananakit ng mga guwardiya ng pabrika sa mga empleyado. Subalit hindi natinag ang mga manggagawa sa nangyaring pandarahas, bagkus muli nilang itinayo ang piket na binubuo ng 150 manggagawa. Hindi na bago para kay Tan ang maharap sa samu’t saring reklamo dahil sa patuloy niyang pagpapahirap sa mga empleyado. Noong 2010, nagka-aberya sa operasyon ng Philippine Airlines matapos magbitiw sa trabaho ang 27 piloto dahil sa mababang sahod. Nang sumunod na taon, 11 manggagawa ng Eton Residences sa Makati ang namatay dahil umano sa kakulangan ng safety gear sa paggawa. Sa kasalukuyan, iginigiit ni Tan ang pagpapatupad ng service agreement (SA) na nagtatakda ng tatlong buwan kontrata sa nasabing pabrika. Matapos ang kontrata, magsasagawa ng pagtatasa ang pamunuan na siyang pagbabatayan kung magbibigay ng panibagong kontrata sa mga manggagawa. Sa kasagsagan ng isyu sa Tanduay, nagtayo ang mga manggagawa ng Tanggulang Ugnayan Daluyang Lakas ng Anakpawis sa Tanduay (TUDLA) noong ika-16 ng Abril upang pangunahan ang pakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan. Ngunit sa kasamaang palad, hindi kinikilala ng kumpanya ang unyon dahil kontraktwal lamang umano ang mga empleyado. Nakasaad sa Artikulo 280 ng Labor Code, “an employment shall be deemed to be regular where the employee has been engaged to perform activities which are usually necessary or desirable in the usual business or trade of the employer.” Nararapat ding gawing regular ang isang empleyado kapag lumagpas na sa anim na buwan ang pananatili niya sa kumpanya. Isa si Edilberto dela Cruz, 30 taong gulang, sa mga nagpipiket na manggagawa ng

Tanduay. Labindalawang oras siyang nagtatrabaho bilang tagasiyasat ng mga produkto sa halagang P315 kada araw. Bagaman pitong taon na siya sa serbisyo, kontraktwal pa rin ang kanyang estado. Bukod sa problema ng kontraktwalisasyon, dinaraing din ng mga manggagawa ang kakulangan ng protective equipment tulad ng safety goggles, face mask, at ear plug na sila pa ang magbabayad kung gagamitin nila. “Hindi na lang kami kumukuha ng safety equipment, kaya nakakaapak tuloy ng bubog at nasusugatan ang iba,” ani dela Cruz. Pansamantalang sinalubong ng tagumpay ang mga manggagawa ng Tanduay nitong unang araw ng Hulyo, matapos ilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kautusang gawing regular sa trabaho ang 103 empleyado ng kumpanya. Ayon sa pangulo ng Tudla na si Anse Are, ipagpapatuloy ng mga manggagawa ang laban hanggang sa maging regular ang kabuuan ng 397 kontraktwal na manggagawa ng kumpanya.

Kaligtasan sa trabaho Impit na tunog naman ng pamilya ng mga manggagawa ng Kentex ang maririnig matapos tupukin ng apoy ang pagawaan ng murang tsinelas at sapatos sa lungsod ng Valenzuela na kumitil sa buhay ng 72 katao noong ika-13 ng Mayo. Kung nakaranas na nang kakarampot na kasiyahan ang mga manggagawa ng Tanduay, nanatili namang salat ang pamilya ng mga biktima ng sunog sapagkat nawala na parang bula ang natitirang pagasang pinanghahawakan nila upang makaahon sa kahirapan. Nasiwalat ang ikinukubling karahasan sa loob ng pabrika matapos ang nasabing insidente. Napag-alamang walang fire

exit ang pabrika at hindi rin nabigyan ng sapat na kaalaman ang mga manggagawa tungkol sa fire safety hazards. Puno ng bakal na harang ang mga bintanang maaari sanang naging labasan ng mga manggagawang nakulong sa loob ng nasusunog na pagawaan. Batay sa imbestigasyon, walang maayos na pasilidad para sa mga manggagawa ang Kentex. Naghaluhalong amoy ng iba’t ibang kemikal sa paggawa ng tsinelas ang tinitiis ng bawat empleyado para lamang magkaroon ng kitang aabot sa P202 kada araw, mababa ng hindi hamak sa itinakdang minimum wage para sa nasabing rehiyon. Kaugnay ito ng two-tiered wage system na ipinatupad ni Aquino, isa sa mga palisiyang nagpapabarat sa lakas-paggawa ng mga empleyado. Gumagamit ang two-tiered wage system ng floor wage (ang first tier) na nakabatay sa poverty threshold, at sa productivity-based, ang second tier na nakabatay sa pagtatakda ng management, paliwanag ni Anna Leah Ecresza, miyembro ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research, Inc. Tumindi naman ang kontraktuwalisasyon sa ilalim ni Aquino nang ipatupad niya ang DOLE Department Order 18-A, na naglilinaw na ang employeremployee relationship ay sa pagitan ng agency at manggagawa, at hindi ang prinsipal na kompanya. Pakyawan kung tawagin ang karamihan sa mga empleyado ng Kentex, kung saan nagkakaroon lamang ng trabaho sa tuwing kakailanganin sila ng

kumpanya. Kaugnay nito, wala silang natatanggap na benepisyo. Isa si Alfreda Halasan, 28 taong gulang, sa mga pakyawang trabahador ng Kentex. “Nagtatrabaho siya upang suportahan [kami]. Ang gusto sana namin ay makita man lang ‘yung katawan niya,” ani Labart, isa sa pitong kapatid ni Halasan. Nagsusumigaw ang mga pamilya ng mga biktima para sa hustisya mula sa lokal na pamahalaan ng Valenzuela at ang DOLE, na siyang nagbigay pahintulot sa Kentex na ituloy ang operasyon sa kabila ng kawalan ng kasiguruhan ng kaligtasan sa pabrika. Naghain na rin ng kaso ang Justice for Kentex Workers Alliance laban sa nasabing ahensya upang bigyan ng agarang aksyon ang nasabing insidente at papanagutin ang pamunuan ng pabrika. Iisa lamang ang malinaw na ipinaglalaban ng mga manggagawa ng Kentex at Tanduay: ang maituwid ang baluktot na pamamalakad ng mga may-aring pilit silang ibinabaon sa kahirapan. Sa pagpapatuloy ng laban at paninindigan, malaon ding makakamit ng mga manggagawa ang kalayaan ng pagkakagapos sa kamay na bakal ng mga kapitalista.

-

Mga kuha ni Kenneth Gutlay at Jiru Rada Disenyo ng pahina ni Jan Andrei Cobey​


OPINYON

Lunes 27 Hulyo 2015

7

Tamang Anggulo John Keithley Difuntorum MATAGAL NA RIN AKONG photographer ng Kule at ilang beses ko nang nakunan ng litrato ang Pangulo. Sa bawat pagkakataon na mabibigyan ako ng assignment para kunan siya, laging hinihingi ng editor ko na magpakita ng bagong anggulo. Ngunit paano mo nga ba hahanapan ng panibagong pagtingin ang isang taong mula sa simula ng kanyang termino hanggang sa nalalapit nitong pagtatapos ay wala namang pinagbago? Naaalala ko pa noong una kong nakunan ang Pangulo. Ikatlong SONA niya iyon; tuwang-tuwa ako dahil unang beses kong makatatapak sa Batasan. Nakipagsiksikan ako sa napakaraming alagad ng media para lamang makahanap ng magandang puwesto. Hinanda ko ang aking sarili sa isang mahabang dayalogo ng pangulo. Maya-maya pa’y nagsitayuan ang mga taong pusturang–pustura na akala mo ay nasa isang fashion show. Nangiti ang pangulo sa dami ng nagpalakpakan. *click* May galit sa mga mata ng pangulo habang sinisisi niya ang nagdaang administrasyon

dahil sa mga problemang iniwan nito. *click* Seryoso at matalim ang bibig ng pangulo habang binabanggit niya na ang Pilipinas ay ang ‘Asia’s Next Tiger.’ *click* M a y pagmamalaki sa mga mata ng pangulo habang pinapakita sa projector ang mataas na GDP growth. *click* May pagkukutya sa tono ng pangulo habang pinapasaringan ang mga estudyanteng lumiliban sa klase sa kabila ng pagtaas daw ng badyet sa edukasyon. *click* Halatang nahapo ang pangulo sa dami at haba ng talumpati niya. *click* Sabi ng isa kong kaibigang photographer, malalaman mo daw na maganda at malaman ang isang larawan kapag mayroon itong integridad. Mahahalata mo daw kasi kapag pumupustura ang iyong subject – lagi niyang pinipili ang anggulong sa tingin niya ay maganda siya. Ito daw ang sumisira sa larawan; alam mong huwad

Lagi niyang pinipili ang anggulong sa tingin niya ay maganda siya. Ito daw ang sumisira sa larawan; alam mong huwad ang mensaheng makukuha mo

ang mensaheng makukuha mo. Natapos na’t lahat ang SONA ng pangulo ngunit wala akong nakuhang magandang litrato. Paano mo nga ba kukunan ng magandang larawan ang pangulo? Paano mo ipapakita ang kasiyahan ng kanyang pagkatao kung sa bawat minutong siya’y mangingiti sa mga datos ng pag-unlad ng ekonomiya ay maaalala mo ang mga maralitang tagalungsod na kailanma’y hindi naramdaman ang umunlad? Paano mo hahanapan ng anggulo ang kaniyang katapatan sa salita kung ikaw mismo ang nakakita sa mga magsasaka ng Luisita na wala pa ring sinasakang sariling lupa? Paano mo nga ba ilalarawan ang kalungkutan ng isang pangulong naging biktima ng batasmilitar kung sa kanyang termino ay patuloy na dumarami ang mga kaso ng paglabag sa karapatang-pantao? Paano mo nga ba hahanapan ng magandang larawan ang pangulo kung sa bawat pagkakataong makukunan mo siyang nakangiti at humahalakhak ay makukunan mo din sa labas ng Malacanang ang mukha ng kahirapan at kawalang pag-asa? Ngayong Lunes na nga ang huling SONA ng Pangulo. Mukhang abala na naman ang mga mas batang photographers ng Kule sa paghahanda. Pero baka hindi na ako kumuha ng litrato. Anim na taon na, wala pa rin akong bago at mas makabuluhang anggulong maisip. Nakakapagod at nakakayamot din pala.

-

Nasayang na pagkakataon Maraming pagkakataon ang pangulo upang patunayan na nais niya ng tunay na pagbabago, ngunit ito pa ang nagmulat sa atin ng katotohanan ng tunay na landas na tinatahak ng pangulo. Malayo ito sa mga katagang pangkaraniwan niyang binibitawan sa kanyang mga talumpati. Nang pumutok ang isyu ng PDAF, isang malaking pagkakataon ito sa pangulo upang patunayan na tunay ang hangarin niyang puksain ang korapsyon sa bansa. Ngunit lingid sa kaalaman ng taumbayan na kasabayan nito ang DAP, ang pondo ng pangulo na ginagamit sa ibang proyekto. Hinamon din ang administrasyon ng sunod-sunod na kalamidad, katulad ng bagyong Yolanda, Bohol earthquake, at mga pagguho ng lupa, na nag-iwan sa mga biktimang umaasa na mabigyang tugon ang kanilang pangangailangan sa sapat na pabahay, edukasyon at pagkain.

Mary Joy Capistrano Punong Patnugot

Ysa Calinawan

Patnugot sa Grapix

John Keithley Difuntorum Patnugot sa Litrato

Emmanuel Jerome Tagaro Patnugot sa Leyawt

Arra Francia Hans Christian Marin Jiru Nikko Rada Patricia Ramos Kawani Amelyn Daga Pinansya Paul John Alix Tagapamahala sa Sirkulasyon

Jerome Tagaro MADALAS HINDI NATIN NAPAPANSIN ang mga nasasayang na panahon at kadalasan wala tayong ginagawa sa lahat ng pagkakataon. Higit pa sa sapat ang anim na taong itinakdang panunungkulan ng bawat pangulo sa Pilipinas upang pagtibayin ang naunang pangakong pagtahak sa isang matuwid na landas. Ngunit dahil alam nating napapako ang anumang pangako, at hindi laging umiikot sa drama ang buhay, ipagpapatuloy pa rin natin ang kung anumang nasimulan. Sa pagkakataong ito, humaharap tayong may sapat na tibay ng loob upang harapin ang mga kontradiksyon sa buhay. Sa katunayan, wala na akong tiwala sa pulitika ng Pilipinas, pero hindi ko pa rin mapigilan ang sarili na alamin kung hanggang saan aabot ang mga talak, pasaring at pagmamalaki ng mga nagawa niya sa ilalim ng kanyang panunungkulan. Kung mataman mong pakikinggan ang SONA niya mula sa unang taon ng panunungkulan niya hanggang sa ika-lima, mapapansin mo ang pattern na sinusunod niya—ipagmamalaki niya ang mga nagawa niya, tulad ng pag-angat ng ekonomiya, at mga palisiyang napatupad; pagkatapos, sisisihin niya ang nakaraang administrasyon at ipagmamalaki niya ang mga plano niya na katulad din lamang sa mga proyekto ng nakaraang administrasyon—iisang burador, iisang landas ang tinatahak.

Philippine Collegian

Ngunit maging sa mga pagkakataong ito, bigo siyang maghatid ng serbisyo na kailangan ng kanyang mga mamamayan. Isang malaking patikim na tagumpay ang ibinabang utos ng Korte Suprema na ipamahagi na ang lupain sa Hacienda Luisita. Ngunit hanggang ngayon, wala pa ring sariling lupang sinasaka ang mga magsasaka sa kabila ng pinuhunang dugo at pawis upang maipaglaban ang kanilang karapatan sa lupa. Marami pang pangyayari ang naganap sa termino ni Aquino, tulad ng Zamboanga siege, at Mamasapano, ngunit makikita ang paglihis ng pangulo sa daang matuwid na ipinangako niya. Nakapanghihinayang ang ginhawa sanang mararanasan ng mga kababayan natin sakaling tunay ang adhikain ng mga naluklok na i-angat ang antas ng kabuhayan ng mga Pilipino, tumugon sa kanilang pangangailangan at tahakin ang daang matuwid.

Ipinagmamalaki niya ang mga plano niya na katulad din lamang sa mga proyekto ng nakaraang administrasyon—iisang burador, iisang landas ang tinatahak

-

Gary Gabales Amelito Jaena Glenario Ommamalin Sirkulasyon Trinidad Gabales Gina Villas Mga Katuwang na Kawani Kasapi UP Systemwide Alliance of Student Publications and Writers’ Organizations (Solidaridad) College Editors Guild of the Philippines (CEGP) Pamuhatan Silid 401 Bulwagang Vinzons, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon Telefax 981-8500 lokal 4522 Online kule1415@gmail.com www.philippinecollegian.org fb.com/philippinecollegian twitter.com/kule1415


Pawang salita SA HULING STATE OF THE NATION Address (SONA) ni Pangulong Benigno S. Aquino III, titiyakin nating huling SONA na ito ng kanyang kabalintunaan, kahungkagan, karahasan at kalapastanganan. Sa huling SONA ng pangulo ngayong Hulyo 27, muli niyang susubukang lansingin ang taumbayan ng mga “salita ng tagumpay” lalo na sa aspeto ng ekonomiya ng bansa. Ipagmamalaki ng pangulo ang diumano’y pagbulusok ng trabaho para sa mga Pilipino na pangunahing hatid ng proyekto niya sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP). Ipagmamalaki din niya ang Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) o ang pamimigay ng P500 kada buwan para sa isang pamilyang may limang miyembro. Gayong sa totoong buhay, ang ganitong pamilya ay nangangailangan ng P1,083 kada araw upang mamuhay nang normal. Isa umano ang programa ng 4Ps na lulutas sa mga problema ng kahirapan sa bansa. Samantala, para naman sa mga isyu na kinasadlakan ng administrasyong Aquino, pangunahing magiging depensa ng pangulo na bunsod ito ng nagdaang

administrasyon. Katulad halimbawa ng usapin ng kurapsyon, pandaraya at ang kalabisan sa kapangyarihan ng rehimeng Arroyo na minana ng kanyang administrasyon. Nariyan ang kanyang mga kaalyado katulad nina Butch Abad, Bong Revilla, Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, Bongbong Marcos at marami pang iba. Hindi lamang binali ng pangulo ang salitang kanyang binitiwan sa kanyang unang SONA na susugpuin ang kurapsyon sa bansa. Sa katunayan, tinaguriang “Pork Barrel King” ang pangulo nang lumabas ang kontrobersiya hinggil sa kanyang Disbursement Acceleration Program (DAP) at ang Priority Development Assistance Fund (PDAF), pangunahin ang P1.3 trilyong sariling pork barrel ng pangulo. Nabunyag ang malaking anomalya sa kaban ng bayan na sana’y inilaan sa mga serbisyong panlipunan katulad ng lumalalang krisis sa edukasyon. Sa halip na tanganan ang mandatong tugunan ang edukasyon bilang isang serbisyong panlipunan, pinagkakakitaan pa ito ng mga pamantasan dahil na rin sa kakulangan ng badyet na inilalaan ng pamahalaan. Walang taon sa panunungkulan ni Aquino na hindi nagtaas ng matrikula at other school fees (OSF). Nasa apat na estudyante na ang naitalang itinulak sa pader ng kawalang-pagasa ng administrasyong Aquino dahil sa taas ng mga bayarin sa eskwelahan.

Hindi lamang matrikula ang tumaas ang presyo sa ilalim ng administrasyong Aquino at hindi lamang mga mag-aaral ang kinitil ng gobyerno. Maging ang presyo ng mga bilihin at petrolyo ay lumobo—salungat sa tuwinang ipinagmamalaking pag-unlad ng administrasyong Aquino. Habang rumaragasa ang pagtaas ng mga bilihin, siya namang pagbaba ng sahod ng mga manggagawa, ang pagkawala ng kanilang mga umento, at ang patuloy na kontraktwalisasyon na nagbibigay ng higit na malaking kita sa mga pribadong kompanya kapalit ang pambabarat sa lakas-paggawa ng mga Pilipino. Bukod sa pandarahas sa loob ng pagawaan at kawalan ng proteksyon para sa kanilang mga kalusugan, lagi’t laging napag-iiwanan ang mga manggagawa at naisasantabi ang kanilang mga ginawa para sa malaking kita ng kompanyang kanilang pinagaalayan ng lakas-paggawa. Isa lamang ang pagdami ng mga pribadong kompanya sa bansa sa mga patakarang nakasalig sa malayang kalakalan, mga neoliberal na patakarang napatunayan na ng kasaysayan na nagpapatindi sa krisis pampulitika at pang-ekonomiya. Ngunit ito ang pangunahing proyekto ng pangulo sa porma ng PPP na nagbibigay pagkakataon sa pribadong pangangapital at pagsandig sa ekonomiya sa kalakalang panlabas. Sa ilang taong panunungkulan ng pangulo, tila walang nangyari sa

ilang dekada nang panawagan ng mga magsasaka lalo na sa Hacienda Luisita. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin naipamamahagi ang mga lupain ng asyenda, kahit pa nadiligan na ng dugo at pawis ng mga magsasakang namatay na lumalaban para sa kanilang karapatan para sa lupang kailanma’y hindi nila napakinabangan. Dagdag pa rito ang pinaigting na counter-insurgency program, ang Oplan Bayanihan. Naging marahas ang administrasyong Aquino sa pagsugpo sa mga diumano’y rebelde sa kanayunan, samantalang hindi nagawan ng pangulo ang pagsugpo sa mga kawatan na nasa loob lamang ng palasyo. Humigit-kumulang sa 500 ang mga bilanggong politikal sa bansa. Naging martir ng sambayanan ang mga mandirigma ng taumbayan na niyakap ng masa at pinag-alayan ng buhay at pag-asa. Dinarahas ng gobyernong ito ang mga Pilipinong itinutulak upang maging alipin sa ibang bansa – ang mga katulad nila Mary Jane Veloso at iba pang Filipino na nasa bingit ng kamatayan. Ito ay sistematikong pandarahas na nangangailangan ng sistematiko at prinsipyadong pagbalikwas. Sa huling talumpati ng pangulo sa taumbayan, mananatili ang tindig ng bawat Pilipinong sapat na ang ilang taon na nasayang. Patuloy nating yayanigin ang lansangan ng panawagang patalsikin ang hungkag na pangulo at papanagutin sa lahat ng pandarahas at panlolokong pinamunuan niya. Sa halip na ampatan ng lunas ang kinasasadlakan ng bansa, tunay na lumala ang dumal na kalagayan ng mga Pilipino. Sa muling pagharap ng pangulo sa taumbayan, muli nating igigiit ang ating karapatang maging malaya—malaya sa pandaraya at pandarahas. Muli, patunayan natin sa pangulo na taumbayan ang mapagpasya. Na ang mamamayang nagkakaisa, prinsipyado at mapagpalaya, ay kailanman hindi magagapi at hindi mapapadta.

-

Patricia Ramos


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.