5 minute read
Matapos ng Luksa
Patunay ang uri ng poetika na iginanyak ni Acosta na radikal ang pagtangan sa panulat nang lapat sa lupa, tugma ang wika sa tindig ng sambayanan.
Produkto ng kolektibong pagpanday ang kultura. Kaiba sa istatikong bangko ng impormasyon, kalipunan ito ng mga ideyang aktibong pinagtitibay ng laksang lakas ng lipunan. Subalit sa kaliwa’t kanang panunupil sa mga manggagawang pangkultura sa bansa, sadyang binabaog nang walang habas na pandarahas ng pamahalaan ang tangang paninindigan ng mga kilusang pangmasa.
Advertisement
Pruweba rito ang kamakailang pagkasawi sa umano’y aramadong engkwentro ni Ericson Acosta sa pagitan ng estado, kasangguni ng Pambansang Demokratikong Hanay ng Pilipinas, noong ika-30 ng Nobyembre, 2022 sa Kabankalan, Negros. Sapagkat tulad ng paratang na rebelyon sa kanyang yumaong asawa na si Kerima Tariman, minamanipula ng kasalukuyang rehimen ang naratibo upang umayon sa kanilang malisyosong interes ang sistematikong pagpatay sa mga marhinalisadong sektor ng bayan.
Sa kabila nito, idiniriin ng iniwang panitik ni Acosta ang kapasidad ng sining na igpawan ang panunupil ng administrasyon—hindi lamang sa pagtataguyod ng makauring hustisya, kundi maski sa pagsasakatuparan ng propetikong pagwawagi ng pakikibaka laban sa pananamantala.
Tereno ng Talinghaga
Labas sa sikip ng klasrum, opisina, at papel, maagang namulat si Acosta sa pangangailangang makisangkot upang harapin ang samut-saring kronikong krisis ng sambayanan.
Bitbit ang gayong kabatiran, umigting sa kanyang isapraktika ang natutuhan sa mismong pook ng tunggaliang-uri. Kaya upang himukin ang mga kapwa intelektwal na humanay sa mobilisasyon, isinulat niya ang tulang “And So Your Poetry Must” noong dekada ‘90.
Direktang nangungusap sa mga akademiko’t artistang lango sa ginhawang hatid ng toreng garing, isang babala ang nasabing akda sa mga implikasyon ng pagkalulong sa estetikang hungkag at karunungang bansot— hiwalay sa aktwal na kundisyong binubuno ng ordinaryong mamamayan. Ngunit higit pa rito, mainam nitong minarkahan ang panimulang sensibilidad ni Acosta upang kasangkapin ang panulat nang kapakipakinabang sa kalakhang hikahos.
Halimbawa para rito ang sumunod niyang tulang “Walang Kalabaw sa Cubao.” Sa retorikal na pagmamapa ng sikot-sikot ng malikot na lungsod bilang isang demakina’t artipisyal na kabukiran, kinutsa ng makata ang huwad na kaunlarang basbas ng nagtatayugang imprastraktura. Siksik sa dumi, kalat, at baho, ang sagradong sityo ng Cubao ay pihong itsura ng sagarang sulasok sa urbanisasyon.
Gayunpaman, binangga ng kantang “Astig” ang gayong dagan-dagang kapangyarihan na pasimuno sa kabulukan ng lipunan.
Malaki ang naitulong ng sining-protesta ni Acosta sa paghakbang ng aktibismo sa bansa, lalo’t pinukaw nito ang puso’t isipan ng taumbayan, pinasigla ang diwa ng kilusan, at itinawid ang kritikal at militanteng kaisipian sa komunikasyong pangmadla.
Justice for Ericson Acosta!
Maangas at mapanindak, mahusay na inere ng likhang-awit ang pagsugpo ng gobyerno sa mga pinamumunuan nito. Kaakibat nito ang pagbalikwas sa mahigpit na kapit ng kamay na bakal upang tutulan ang pasakit ng represyon.
Mula roon, ibinalik ni Acosta ang tanaw sa manggagawa’t magsasaka sa musikang “Palad.” Dito, pinagpugayan niya ang mga tagapaghulma sa mayamang potensyal ng tinubuang lupa. At sa paglalaro sa konsepto ng palad, ipininta ang kapalaran ng mga sawimpalad upang magpanibagonghubog sa imahen ng kamao: simbolo ng sama-samang pagbangon kontra sa opresibong estado.
Lubusan pa itong pinalawak sa “Pitong Sundang,” isang pangkat ng mga tula ukol sa pakikibaka ng mga pesante para sa lupa. Sa paglalarawan sa karit ng magbubukid sa pagpapalago ng tanim, paghahanda ng pagkain, at pakikipagtunggali sa malulupit, ang obra mismo’y sumasalamin sa gawaing pangkulturang nilahukan ni Acosta.
Nagpatuloy ang kanyang pagkatha sa kabila ng sapilitang pagpapatigil sa kanya ng mga sundalo nang dakpin siya noong ika-13 ng Pebrero 2011, sa San Jorge, Samar. Dahil kahit nanatiling blangko ang “Ikapitong Sundang” matapos agawin ng militar ang laptop niyang naglalaman ng proyekto, hindi napurnada ang proseso ng pag-oorganisa ng may-akda.
Tanda rito ang pagbubukas ni Acosta sa pagsusulat ng pangwakas na parte ng serye sa sino mang interesadong magbahagi ng kanilang matalinghagang atake. Isang pagtatangkang umugnay sa alyadong organisasyon ng manlilikha’t masang anakpawis.
Tagpas na Tanikala
Umani ang panawagan ng kolaborasyon ni Acosta ng sunod-sunod na tugon kahit sa kanyang pagkakakulong. Kunin na lamang na ehemplo ang isinumiteng katha ng mga makatang gaya nina Alexander Martin Remollino, Emmanuel Halabaso Jr., at Jack Alvarez para sa pagsasara ng “Pitong Sundang.” Kakabit pa nito ang inihandog na teatrikal na adaptasyon ng Sining na Naglilingkod sa Bayan (SINAGBAYAN) noong 2012, parehong sirkumstansyang nagbulatlat sa alternatibong bisyon ng sundang.
Samantala, iprinisinta naman ng Alay Sining ang isa pang komposisyon ni Acosta na pinamagatang “Balang Araw” kasama sina Sarah Katrina, Ronnie Badilla, at BAYAN Secretary General Renato Reyes Jr. noon ding taong iyon. Hangaring ilantad ng awit ang sitwasyon ng daan-daang bilanggong-pulitikal na pinaratangan ng terorismo, tuon ng aktibidad na isulong ang pangarap na pag-alpas sa dikta ng inhustisya.
Buhat ng lahat ng ito, lumagos ang tinig ng himagsik sa mga siwang ng piitan. Binaklas nito ang limitasyon ng bilibid at kumbensyon ng sining upang mula sa indibidwal na paggawa, tumungo ito sa espasyong bukas sa publiko.
At kakambal pa ng lumalaganap na progresibong kilusan sa bansa, nakibahagi ang gayong partisipasyon ni Acosta upang pumihit ang panlipunang kamalayan sa mas malalim na pagtanggap sa hinanaing ng aping-uri. Sapagkat taliwas sa kadalasang pawang aliw na inilalako ng dominanteng midya, naging matunog sa mga likha ni Acosta ang karampatang kabuluhan ng mga sining upang sugapain ang klima ng abuso sa bansa.
Kaya naman malaki ang naitulong ng sining-protesta ni Acosta sa paghakbang ng aktibismo sa bansa, lalo’t pinukaw nito ang puso’t isipan ng taumbayan, pinasigla ang diwa ng kilusan, at itinawid ang kritikal at militanteng kaisipian sa komunikasyong pangmadla. Punto nga ni Epifanio San Juan Jr., isang teorista ng post-colonial studies, “Hindi ito representasyong muslak o imitasyon ng kapaligiran. Hindi rin repleksyon ng ulilang kaluluwa, kundi produksyon ng isang kinakailangang porma ng kamalayang sosyal sa isang tiyak na yugto ng kasaysayan.”
Marapat na gayong sabihin na bagaman nasa gitna ng pinakamapaniil na kundisyon sa likod ng mga rehas, mapangahas pa ring itinambol ni Acosta ang pagtamo para sa ganap na pagbabago ng lipunan. Dahil sa halip na humimpil sa kinasadlakan, humawan pa ng landas ang kanyang kagipitan upang salangguhitan ang mapagpalayang kinabukasan ng makabayang panata.
Lampas sa simplistikong pagbasag sa katahimikan, aktibong pag-abante sa kalagayan ng mga nasa laylayan ng lipunan ang pundasyon ng pagkatha ni Acosta. Organikong saligan nito ang mga kampanyang pangmasa tulad ng tunay na repormang agraryo, pagbabasura sa kontraktwalisasyon, at pagtatanggol ng pambansang demokrasya—salungat sa atrasadong disenyo ng dikta ng dominanteng orden.
Walang takot na isatitik ang direksyong pampulitika ng himagsikan, inspirasyon ang panitik ni Acosta sa nakararami, partikular sa mga pagkakataong tigmak ang pananakot, paniniktik, at pamumuksa ng estado sa mamamayan. Dahil habang instrumento itong umuusig sa kontradiksyong kinakaharap ng sambayanan, ipinagdiriwang din nito ang limpak na ambag ng pangunahing pwersa’t batayang sektor ng bansa. Ito ang nagpapasigla sa kada bigkas ng hinanaing para sa katwiran, katarungan, at kalayaan sa kaapihan.
Matingkad na patotoo rito ang pagkalimbag ng kanyang huling aklat na pinamagatang “Mula Tarima Hanggang: Mga Tula at Awit.” Kultibasyon ng dekadekadang paglahok sa tradisyon ng pakikibaka, kinakitaan ito ng masusing kontribusyon sa prinsipyo’t panitikan, lalo’t inilatag nito ang makulay na kultura ng pag-aalsa kung saan nakaratay ang laang-buhay ni Acosta.
Kaya naman pagsiklab at hindi pagkaupos ng himagsikan ang resulta ng pagpaslang kay Acosta noong Araw ni Bonifacio. Banta sa kaayusan, nananalaytay sa kanyang dumanak na dugo ang danas na nagpapaningas sa esensya ng isang rebolusyonaryong martir: punong sagisag at sandigan ng katatagan ng radikal na pakikisangkot.
Sapagkat matapos ng luksa, nananawagan ang pinapulang legasiya ni Acosta upang kundenahin ang palyadong sistema; tuldukan ang ilang siglo nang brutalidad gamit ang wika ng maralita.
Gretle C. Mago