4 minute read

Pagtatasa sa Militansya

Next Article
Matapos ng Luksa

Matapos ng Luksa

Tali sa usaping komersyo at protesta ang UP Fair. Gayunman, ang diwa ng pagpoprotesta at pagpapatampok sa mga bitbit nitong adbokasya ang dapat na higit na mas matimbang tuwing inoorganisa ang UP Fair.

Naging kontrobersyal ang UP Fair sa mga dahilang taliwas sa nais nitong ipatampok. Mula nang ianunsyo ang pagbabalik ng UP Fair hanggang sa huling gabi nito, umingay ang maraming isyu sa pagkaka-organisa ng bawat gabi ng pagtatanghal. Kung may isang salitang maglalarawan sa naging pagresolba sa mga isyung ito, kawalan ang magiging sagot ko.

Advertisement

Isa lamang ang puna sa pagkaka-organisa ng isang linggong advocacy concert para sa sanga-sangang isyu na matagal nang pumapalibot sa UP Fair. Kung babasahin ang mga naging komento sa Facebook page ng UP Fair, may ilang nakapagsabing ‘wag nang haluan ng protesta ang UP Fair. Maraming tumuligsa sa ganitong pananaw online. Anila, ‘wag nang dumalo sa UP Fair kung ayaw sa protesta.

Kung makikiusyoso sa Sunken Garden ang isang tao na hindi malay sa kasaysayan ng UP Fair, tila isang pangkaraniwang gig ng mga banda at musikero lamang ito para sa kanya. Ngunit may ibang porma ng protesta na nais iparating ang UP Fair, salungat sa inisyal nating inaasahan sa mga pagkilos sa lansangan. Tila inilagay na lang sa dulo at isiningit nang ilang minuto ang mga represante ng batayang sektor upang makapagsalita sa UP Fair.

Kung babalikan ang kasaysayan, nagumpisa ang UP Fair bilang porma ng protesta ng mga estudyante noong rehimeng Marcos Sr. Binuksan din ito para sa lahat upang palawakin pa ang hanay ng mga taong nagkakaisa sa panawagang bitbit ng mga protestang idinaraos.

Ngayon, matataas na ang pader sa Sunken Garden. Naging mahirap at komplikado na rin ang pagbili ng ticket, maging para sa mga miyembro ng komunidad ng UP.

At kung ikukumpara sa FebFair ng UP Los Baños, kung saan nagkaroon pa ng snake rally at iginiit sa bawat gabi ang panawagan ng mga sektor, halos sa iilang bahagi na lang ng fairgrounds mamamataan ang mga placard ng mga sektor at advocacy group.

Tali sa usaping komersyo at protesta ang UP Fair. Sa layuning mas mapalawak ang naaabot na publiko, hamon sa bawat night handler kung paano lilikom ng kita para sa mga benepisyaryo buhat ng kailapan ng nakararami pagdating sa usaping protesta. Gayunman, ang diwa ng pagpoprotesta at pagpapatampok sa mga bitbit nitong adbokasiya ang dapat higit na matimbang tuwing inoorganisa ang UP Fair.

Mahalaga sa panahon ngayon kung paano kakasangkapin ng mga lider-estudyante ang UP Fair upang igiya sa mas malalim na kamulatan sa iba’t ibang kampanya ang publiko–maging ang ating mga sarili. Kinikilala natin ang kahingian para sa mas puspusang kampanya dahil kinakailangan na ng pagbabalikwas sa mga kundisyong kinahaharap natin. At kasama rito ang pagtunggali sa mga institusyon at korporasyong nakikinabang sa paghihirap ng mamamayan.

Sa kabila ng kampanya laban sa inhustisya ng administrasyong Marcos-Duterte, nakababahalang nanalo ang Upsilon Sigma Phi fraternity bilang isa sa mga night handler. Isa ang Upsilon sa mga fraternity na sangkot sa mga insidente ng frat-related violence sa UP.

Isang pagkilala sa kanilang kakulangan ang pagpapaabot ng UP Fair core team at UP Diliman University Student Council ng paumanhin sa pagkakaroon ng pagkakataong maging handler ang Upsilon. Ngunit higit dito, mahalagang kakitaan ng kongkreto na aksyon ang konseho sa ipinapangako nitong pagtaguyod sa ligtas na espasyo at paglaban sa kawalan ng hustisya sa unibersidad. Isa sa mga hakbang, na kanila rin namang ipinangako, ang pagkakaroon bukas na konsultasyon sa buong komunidad ng UP at pagkonsidera sa pagtanggal ng bidding process ng UP Fair.

Mula sa bukas na pagtanggap sa mga puna at pagsusuri, inaasahang bumalik sa dating aktibong paggiit at pakiisa sa mga panawagan ng mga batayang sektor ang UP Fair.

Maraming usapin at isyu na kritikal para sa pamantasan ang hindi iginiit sa mga nagdaang gabi. Kung dati’y may sariling espasyo ang mga advocacy groups sa UP Fair, ngayon ay nasa 10 booth na lang ang inilaan para sa kanila. At bagaman kinikilala natin ang inisyatiba ng ilang musikero na nagsalita para sa mga sektor, hindi kanaisnais na tila naging backdrop na lamang ang mga adbokasiya habang nagtatanghal ang mga artista.

Paano rin seseryohin ng mga dumalo ang mga panawagan ng mga sektor kung sa parehong linggong ipinanawagan ang pagbabasura ng Sim Card Registration Act ay ang promosyon ng UP Fair sa mga telco, at pag-udyok na magpa-rehistro ang mga estudyante. At sa halip na langkapan ang bawat pagitan ng mga bandang nagtatanghal ng mga talumpati mula sa mga batayang sektor, halos napuno lamang ng product placement ang mga patalastas.

Sa pulitikal na kundisyon ng bansa ngayon, isang matapang na umpisa ang pagdeklara ng kampanya laban sa kasalukuyang administrasyon at usigin ang mga manunuod na sabay-sabay mag-chant ng mga panawagang anti-Marcos-Duterte. Bagaman isa itong hakbang pasulong, hindi natatapos sa ganitong inisyatiba ang pagpapamulat sa nakararami.

Gampanin nating mga estudyante na lumahok sa paglalatag ng mga mapangabusong kundisyon sa lipunan at makiisa upang makawala sa mga ito. Ang sabihing militante ang UP Fair ay isang suntok sa buwan. Ngunit hindi imposibleng maging progresibo ang UP Fair. Maaabot lamang ang tunguhing ito kung pipiliin ng mga liderestudyante sa UP na uminog ang UP Fair sa mga batayang sektor.

Nakababahalang kahit ang pagkakataon upang makapagpalaganap ng matalas na tindig sa mga isyu sa loob at labas ng pamantasan ay nawawala na. Ngunit untiunti nang nakikita ng mga estudyante ng pamantasan ang kakulangang ito. Tanda na bagaman nagmamaliw, nananatili at nakakintal pa rin sa iilan ang pangunahing diwa at rason ng pagkatatag ng UP Fair.

Mahalagang panghawakan natin ang pangako ng mga lider-estudyante sa plano nilang pagtatasa at rebyu sa naging kondukta ng UP Fair. Marapat sa pagtatasang ito na tanungin kung epektibo pa ba ang paraan ng protestang inilalakip ng UP Fair upang mahamig ang malawak na hanay ng masa. Isang senyales marahil ang patuloy na pagdami ng mga negatibong reaksyon at kalituhan sa tuwing isinasambit na pulitikal at isang protesta ang UP Fair.

Mula sa bukas na pagtanggap sa mga puna at pagsusuri, inaasahang bumalik sa dating aktibong paggiit at pakikiisa sa mga panawagan ng mga batayang sektor ang UP Fair. Kung hindi, tulad sa mga nagdaang taon, magpapatuloy lamang ang pumaparam na diwa ng protesta sa UP Fair.

Wala namang mawawala sa pagkilala natin sa mga sariling kamalian at kakulangan. Mula roon, darating ang pagpapasya natin upang magwasto o magpatangay na lamang sa agos ng lipunan.

Kultura Staff

Mga Untold Love Stories

Ngayong Valentines

Nakapag-date na ba ang lahat? Sa mga hindi pa napapakilig, napapatawa, at napapaiyak, sana’y mabuo ng mga dagling ito ang inyong buwan ng pag-ibig.

Basahin ang mga kwentong pag-ibig na kumakasangkapan sa ideya ng pagmamahal–pag-ibig na hinahamak, pag-ibig na walang kasarian, pag-ibig para sa lahat.

This article is from: