4 minute read

Isang Araw Sa Ating Buhay by Jeff Plantilla

Isang bagay na hindi ko malilimutan nung ako ay bata pa ay ang pag-gala. Gala ako nang gala sa aming maliit na bayan sa Laguna. Kahit pinagbabawalan na, gala pa rin.

Doon na ako nangitim sa kabibilad sa araw, at doon din ako nakapulot ng mga magandang bagay. Kung saan-saan ako nakarating sa aming maliit na bayan. Kung ano-ano ang aking nakita mula sa mga lumang bahay (na noon ay mukhang napakalalaki at hinahangaan dahil sa kanilang kalumaan at kasaysayan), ang lumang sementeryo na siyang pinagsyutingan ng “Ang Magiting At Ang Pusakal” na pelikula nina Joseph Estrada at Fernando Poe, Jr. at ng Pacific Connection ni Roland Dantes at isang aktor na Hapones (Hiroshi Tanaka), ang ilog na siyang pinaglalabahan at pinaliliguan ng mga tao (na feature din sa mga commercial ng panglabang sabon), ang basketball court sa tabi ng munisipyo o sa tabi ng simbahan na pinaglalaruan ng liga ng basketball.

Advertisement

Una kong nakita sa syuting ng Pacific Connection sa aming bayan ang pag-aayos ng buhok ng samurai – yung kay Hiroshi Tanaka.

May mga bagay-bagay din akong napupulot na sa bahay dinadala. May tornilyo, may hindi na ginagamit na spark plug ng sasakyan, at may kuting na iniwan ng kanyang magulang. Sinasabihan ako ng aking Ina na huwag magdala ng kuting dahil baka may sakit ang pusa. Nguni’t kawawa naman kung iiwan sa kalye na nag-iisa.

Meron ding kung sino-sinong nakikila (sa malayo – hindi nakausap) tulad ng mga magagaling na basketball player, mga opisyales sa munisipyo, mga nagluluto ng tsampoy at camote candy, mga nagtitinda ng isda at karne sa palengke, kasama ang mga Pareng Katoliko at Aglipayano. Noong ako ay maliit pa, ang 2 matandang Pareng Katoliko at Aglipayano ay magkaibigan. Ang Pareng Aglipayano ay palaging nakasutana – itim at puti. Nakikita ko silang nag-uusap habang naglalakad sa kalsada. Ecumenical ang hitsura.

May ilang bagay na mahalaga sa paggala: mga lugar na napupuntahan, mga bagay na napupulot na kapaki-pakinabang, mga bagay na naunawaan o natutunan, at mga taong nakikilala.

Gala at Buhay

Kung tutuusin ang buhay ay isang paggagala o paglalakbay. Maraming Filipino ay gala sa iba’t-ibang parte ng mundo – tulad ng mga seaman, musikero, mga engineer, pati na rin yung nagtrabaho sa mga agricultural farms ng Hawaii at fishing industry sa Alaska, at ang mga ngayo’y tinatawag na overseas Filipino workers. Kailangan silang gumala para sa makapag-hanap buhay. Nguni’t mahigit pa sa hanapbuhay, maraming bagay pa na nangyayari sa kanila at napupulot sa paggala.

May mga karanasan at kaalaman na hindi makikita sa Filipinas ang nakukuha nila. At may mga pagkakataon na hindi palaging makukuha sa Filipinas ang natatagpuan sa paggala.

Sariling Karanasan

Sa pagtanda, ang aking paggala ay hindi nawala. Dahil sa trabaho, maraming lugar sa Filipinas ang napuntahan at iba’t-ibang uri ng tao ang nakasalimuha.

Nakilala ko ang mga tinatawag na mga katutubo – ang iba’t-ibang tribo ng Mangyan (Alangan, Hanununo, Tadyawan, Iraya at iba pa) ng Mindoro, ang mga T’boli ng South Cotobato, ang mga Aeta sa Zambales, at ang mga magsasaka sa tubuhan ng Balayan at Tuy sa Batangas, ang mga mangingisda sa Infanta, Quezon at Jala-jala, Rizal. Mara-ming pang iba’t-ibang uri ng tao ang aking nakasalimuha sa paggala sa iba’t-ibang lugar sa Filipinas.

Marami akong natutunan sa mga taong ito. Natutunan ko ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tiwala sa bawa’t isa. Natutunan ko ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagharap sa mga problema ng mga taong tinutulungan. Hindi dahil ang isang tao ay professional kaya automatic na ibinibigay sa kanya ang tiwala, at ang lahat ng kilos ay

dapat sa kanya lamang. Ang pagtulong ng isang professional sa mga mahihirap ay dapat nakasalalay sa pantay-pantay na pagtitiwala at pagtutulungan ng bawa’t isa. At ang tiwala ng tao ay pinaghihirapan, hindi basta nakukuha.

Sa aking paglipat sa Thailand, may ibang bagay akong natutunan. Mas lalo kong nakilala ang mga taong taga-iba’t-ibang bansa. Naintindihan ko ang kahalagahan ng bigayan, hindi maaaring ikaw lang ang masusunod. Win-win wika nga ang dapat.

Naintindihan ko ang iba’t-ibang English nila – tulad sa Filipino, may kanya-kanyang punto (accent) at salita na ginagamit sa kanilang English.

May mga Filipino na may “no” na dagdag sa bawa’t English sentence. “We need to understand the problem well, no.” Napapansin kaya ito ng mga hindi Filipino? Saan kaya galing ang “no” na ito? Ang mga taga- Singapore at Malaysia ay may “la” sa huli.

Malakas din ang iba’t-ibang accent kaya kailangan sanay ang pagdinig – may hindi malinaw ang mga salitang ingles dahil sa accent. May nagsasalita na parang pareho pa rin sa kanilang sariling wika – tulad din sa mga Filipino – Ingles nga lang.

Nakakatuwa na marinig ang iba’t-ibang English ng mga Asyano. Sinasalamin ng mga iba’tibang English na ito ang iba’t-ibang pag-iisip at kultura. Mas umuunlad ang wika sa ganitong sistema.

Pagtira sa Japan

Karaniwang napapansin sa mga tumitira sa Japan ang kakaibang mga bagay, kultura at gawa ng mga Hapones.

Nguni’t sa aking karanasan, napapansin ko ang mga bagay na alam ko na nung nasa Filipinas pa. Maraming bagay sa Japan na parehong produkto nung nasa Filipinas. Hindi ba’t meron tayong katol? Hindi ba’t meron tayong mga Johnson & Johnson products? Kahit Vicks Vapor Rub meron din. Yung tikoy at kalamay sa atin ay hindi nalalayo sa kanilang mochi, may tamis nga lang sa atin.

Ito ay isa sa mga bagay na aking binabantayan sa paggala, ang paghahanap ng mga bagay na kilala natin dahil pareho nating ginagamit. Dito lumabas ang ating pagkakapare-pareho kahit magkaiba ang salita, kultura at kasaysayan. Kapag nakikita natin ang ating pagkakapare-pareho mas mabilis ang ating pakikipagrelasyon sa mga Hapones.

Paggala at Pagkilala sa Sarili

Sa aking paggala at pagtira sa iba’t-ibang bansa, mas nakikilala natin ang ating sarili at ang ating bansa.

Nalalaman natin ang ating mga pagkaka-iba. Pero nalalaman din natin ang ating pagkakapareho.

Dahil sa tayo ay lumayo, nakikita natin ang ating bansa sa ibang pananaw.

Hindi tulad nung tayo ay nasa Filipinas, may nakikita tayo na maaaring hindi nakikita ng ating mga kababayan.

Kaya may pagkakataon na ang ating pananaw ay kakaiba na sa ating mga kakababayan sa Filipinas.

Ang kakaibang pananaw na ito ang isa sa ating maiuuwi sa ating bansa. Ang pagbabago ng ating pananaw at paggawa ng mga bagay-bagay dahil sa ating paggala ay may saysay at gamit sa Filipinas.

Kung nung ako ay maliit pa, tornilyo, spark plug at kuting ang dalang pauwi sa bahay, ngayon may mga bagay din akong maiuuwi sa Filipinas na kakaiba at natutunan sa Thailand at Japan.

Sa aking paggala, ang tanong ay kailan ako uuwi dala ang mga bagay na napulot sa ibang bansa.

Kayo, kailan kayo uuwi nang ganito?

This article is from: