5 minute read
Jeepney Press / Jeff Plantilla
Isang Araw Sa Ating Buhay ni Jeff Plantilla
Matagal ng gawain ng mga Hapones na magsuot ng facemask kapag may ubo o sakit at nasa labas ng bahay. Lalo pa itong ginagawa ngayon dahil sa COVID-19 pandemic. Ganito din sa Korea, China, Hong Kong, Taiwan at marami pang iba sa Asya.
Advertisement
May lumabas na tanong: Yun bang pagsuot ng facemask sa Asya ay dulot ng impluwensiya ni Confucius?
Si Confucius ay isang Chinese philosopher na naging popular simula nung 4th century BC (400 taon bago pa ipinanganak si Hesus). Siya ay kinilala sa kanyang pananaw tungkol sa paggalang sa matatanda, disiplina sa sarili, pagmamahal sa sangkatauhan, at iba pa. Ang kanyang kaisipan ay lalo pang pinaunlad ng kanyang followers paglipas ng panahon at tinanggap hindi lamang sa China kundi sa Korea, Japan at Vietnam.
Isang Magandang Pananaw
Kinikilala si Confucius sa kanyang pananaw tungkol sa dapat na uri ng tao – “noble person in society through self-cultivation.” (Charlene Tan, 2012). Ito ay maaaring isa sa mga itinuturo sa schools bilang bahagi ng moral education sa China, Korea at Japan. 3 bagay ang mahalaga sa pananaw na ito: noble person, society at self-cultivation. Ang “noble person” ay ang tinatawag na “junzi” sa salitang Chinese. Kung ang kaisipan ng “noble person” ni Confucius ay natutunan din ng mga Hapones, ito kaya ang dahilan kung bakit malakas ang kanilang kahihiyan? Maraming beses na ang isang opisyal sa gobyerno o isang pulitiko na nasangkot sa scandal ay kaagad nagre-resign sa kanilang posisyon. Maaari kayang ito ang “noble way” na dapat gawin ng isang taong inaakusahan ng masamang bagay para manatili ang pagiging “noble person”? O, di kaya ay ayaw nilang lalo pang bumaba ang tingin sa kanila ng lipunan kaya resign kaagad?
Puna kay Confucius
Hindi lahat ay masaya sa mga kaisipan ni Confucius. May nakikita na masamang epekto ang kaisipan niya sa gobyerno dahil nagiging authoritarian ang pamamalakad. Hindi lamang mahigpit ang sistema kundi mabigat ang parusa sa mga paglabag sa batas at regulasyon. Malakas ang impluwensiya ng China sa Vietnam sa mahabang panahon. Minsan ay parang colony ang Vietnam ng China. At nung sinusunod ang Confucian thinking ng hari ng Vietnamese dynasty ang mga batas ay malupit. May nagsabi na nung ang hari ng Vietnamese dynasty nung 16th century ay naiimpluwensiyahan ng Buddhism, ang mga batas ay makatao at mas advanced pa sa mga batas sa Europe.
Nung Buddhist-influenced ang hari ng Vietnamese dynasty, ang karapatan ng mga babae at mga lalaki ay pantay-pantay, pinahahalagahan ang mga bata, at mas makatao ang mga parusa sa batas tungkol sa krimen. Parang itong mga kaisipan natin ngayon.
Dahil dito, kapag Confucian thinking ang pinag-uusapan, ang nagiging puna ay ang pagiging authoritarian ng gobyerno, ang pangangailangan na sumunod ang mga tao sa anumang sabihin ng gobyerno, at ang malupit na parusa sa mga hindi susunod.
Mapapansin natin na ang gobyerno sa China, Korea at Japan ay malakas, kaya kinatatakutan o iginagalang ito ng mga tao. Ganito rin ang tingin sa gobyerno ng Singapore na malamang na sumusunod sa pag-iisip ni Confucius. Mapapansin din na ang gobyerno sa China, Korea at Japan ay gumagana nang maayos, efficient ang paggawa sa mga bagay-bagay (kasama na ang pagresolba sa mga kaso ng paglabag sa batas). Makikita natin sa Japan na kapag nagsimulang mag-aresto at mag-imbestiga ang pulis at prosecutor, di tatagal, magkakaroon na rin ng hatol ang korte. Bagama’t may tanong kung hustisya ba kaya palagi ang nakukuha sa ganitong sistema dahil baka inosente ang maging biktima sa pagtrato ng kaso, 99% conviction rate ng korte.
Impluwensiya
Ang civil service exam para makapasok sa gobyerno ay matagal nang sistema sa China. Dulot din ito ng impluwensiya ng pag-iisip ni Confucius at iba pa. Sa Kunming, isang city sa southern China, may lumang boarding house para sa mga taong kukuha ng civil service exam. Ang boarding house na ito ay simbolo ng halaga ng civil service exam nung 19th century sa China.
Ganun din sa Korea. Ipinagmamalaki ang pagkapasa sa civil service exam. Kaya sa isang luma at mayamang bahay sa Seoul na ginawang traditional Korean restaurant, nakasabit sa dingding sa isang kwarto ang isang lumang certificate na halos kasing laki ng isang cartolina. Ito ay dahil sa malaking karangalan ang makapasa sa civil service exam nung 19th century o early 20th century sa Korea.
Ganun din sa Japan. May nagsabi na ang Tokyo University ay isang university para sa mga magiging bureaucrats ng Japan. Kaya mas mahigpit ang mga regulasyon sa university na ito at sinasanay ang mga estudyante sa pag-iisip at gawain ng mga bureaucrats. Ang civil service exam sa China, Korea at Japan ay nagsasabi na hindi ka basta-basta makakapagtrabaho sa gobyerno hangga’t hindi ka nakakapasa sa civil service exam. Dahil dito, elite ang tingin ng mga tao sa mga nasa gobyerno.
Facemask
Kung malakas nga ang impluwensiya ni Confucius sa pag-iisip ng mga Chinese, Koreans at Japanese, hindi kaya ito ang dahilan kung bakit pag sinabi ng gobyerno na mag-facemask, halos lahat ay sumusunod? Sabi nga ng isang Koreyanong doctor, ang paggamit ng facemask ay depende sa kultura ng tao. Yung taong may kulturang hindi inuuna ang self pride ay magpe-facemask kapag sinabihan ng gobyerno. Kakaiba ito sa maraming taga-US at Europe na ayaw magsuot ng facemask kahit lumalawak na ang COVID-19 infection at may pakiusap ang gobyerno na magsuot ng facemask.
Pero ang pagsunod sa mga matatanda, pangangalaga sa kapwa sa sariling lipunan at pagsunod sa gobyerno ay hindi palaging dahil kay Confucius. Ito rin ang kaisipan ng mga taga Cordillera sa Filipinas. Ito ay ayon sa kanilang lumang tradisyon. Maaaring ganun din sa iba pang komunidad sa Filipinas.
Kaya hindi masasabi na ang impluwensiya lang ni Confucius ang dahilan ng pagsuot ng facemask. Ito ay dahil nakikita ng tao ang kahalagahan ng pag-iingat sa sarili at ang pag-iingat na hindi ma-infect ang mga kasama sa sariling komunidad.
Ayaw mong ma-infect ng iba, at ayaw mo ring maka-infect ka sa iba.
Kaya ang pagsuot ng facemask ay gagawin mo nang walang pag-aalinlangan.