5 minute read

Jeepney Press / ADVICE NI TITA LITS Isabelita Manalastas-Watanabe

Dear Tita Lits,

Ako po si Alice, nakatira sa Fukuoka at nagta-trabaho bilang staff sa isang restaurant sa Hakata. Kumikita po ako ng halos 200,000 yen per month. Noong araw, nakaka-ipon po ako ng konti kada buwan. Sapat po dati ang sweldo ko para sa mga gastusin dito sa Japan, at pati na rin sa remittance sa Pinas.

Advertisement

Pero nagbago po ang lahat, Tita Lits, nung nagkaroon ako ng tatlong credit card. Nalulon po ako sa pag-shopping; hindi ko na po ma-kontrol. Mahilig po akong mamili ng mga branded na bags, sapatos, at mga damit. Para sa akin, pang-alis ng stress sa buhay ang shopping. Happy ako kapag nagkakaroon ako ng mga bagong gamit. At bukod dyan, masaya rin po ako kapag lumalabas kasama ang mga barkada sa mga karaoke at Pinoy omise, para naman malibang at malimutan ang mga problema.

Tita Lits, dumating na po ako sa punto na nauubos na ang sweldo ko sa pagbabayad ng mga credit card bills. At minsan po, hindi na po ako nakakabayad, kaya nakatanggap ako ng notice from the credit card company at sinisingil na ako sa mga babayarin.

Payuhan po ninyo ako... Paano ko po maaayos ang problema ko sa pagbabayad ng mga utang sa credit card, at paano makaka-recover mula sa ganitong sitwasyon? Meron po akong tatlong credit card ngayon. Sapat na po ba ang isang credit card o mas maiigi po bang higit sa isa ang dalang card? Kasi, napakahirap din po ang ma-approve sa credit card application lalo na kapag ikaw ay isang foreigner. Maraming salamat po, in advance.

Alice Fukuoka

Dear Alice:

Uuuyyyy… parehas tayo – may tatlong credit cards din ako! Kaya lang tatlo, kasi iba-iba ang gamit ko sa bawat isa, for better budget planning. Dito tayo nagkakaiba – ikaw, para feeling mo ay kaya mong mag-shopping ng kahit anong gusto mo, gamit mo isa, dalawa, or lahat ng tatlong credit cards mo, when you feel down and want to cheer up your mood.

Ang isang card ko, naka-attach doon ang nanay ko. Ni-rehistro ko siya sa credit card company at binigyan siya ng credit card. Lahat ng gamit niya doon sa attached card niya, sa akin sinisingil ng credit card company. Pero super ka-disiplinado ang nanay ko (at tatay ko din, bago siya namatay – may attached card din siya). Ang bilin ko kasi, gagamitin lang ang credit card, para sa pagbili ng gamot nila.

Iyong isang card ko naman, para sa domestic shopping/dining ko sa Japan, kung nakalimutan kong mag-withdraw ng cash sa aking bank account. At iyong pangatlo, gamit ko lang kapag nasa overseas ako. So madali kong ma-track ang aking mga gastos at singil sa akin ng tatlong credit card companies.

Isa pang pagkakaiba natin – ginagamit ko lang ang aking dalawang cards, kung wala akong cash, or nakalimutan kong mag-withdraw ng cash, or may emergency purchase

akong dapat gawin. Tantiyado ko kung kailan darating ang bills ng credit card at alam ko kung kailan ibabawas ang credit card bills ko sa aking bank account na ni-registro. Isang bank account lang din ang ni-rehistro ko para madali kong ma-check ang mga credit card bills ko, at masiguro kong may sapat na pondo kapag sisingilin na ako.

Tama ka sa sinabi mo na mahirap kumuha ng credit card sa Japan, lalo na sa ating mga hindi Hapon. Understandable na proud ang feeling mo dahil nga na-aprubahan ka, at ng tatlong credit card companies pa! So kapag lumalabas ka, especially with your friends, parang sikat ang pakiramdam mo kapag binunot mo ang isa sa credit cards mo, para gamitin sa pagbayad.

Kaya lang, parang sakit din iyang walang pigil sa paggamit ng credit card. Mukhang mas gamit mo ang cards mo kapag may problem ka at isang bagay na nakakapagbigay sa iyo ng (temporary) happiness, para makalimutan ang problema. Ang paggastos mo at pag-shopping ay eskapo mo sa iyong problema kung ano man iyon. Ang ibang tao, kapag nai-i-stress, or may problema, kain naman ng kain. Iyon ang outlet nila para makalimutan ang problema.

May isa akong kaibigan na katulad mo – nalulong sa paggamit ng credit cards at dumating ang panahon na hindi na siya makabayad. Una, kinausap niya isa-isa ang mga credit card companies niya kung pwedeng unti-untiin niyang bayaran ang naipong credit card bills niya. Pagkatapos, he declared himself legally bankrupt, para hindi siya masyadong ma-pressure sa pagbabayad ng mabilis – unti-unti lang, pero may commitment siyang tapusin niya ang mga utang niya. Ginupit niya lahat ng credit cards niya para hindi niya magamit. Later, noong natapos na niyang bayaran lahat ng utang, hindi naman siya na-deny ng credit card renewal. Pero may lesson learned na siya at disiplinado na, hanggang ngayon. More than sufficient na isang credit card lang ang hawak mo. Pang-emergency. Mas madali ding ma-monitor ang bills mo. Tapos, makakatipid ka rin sa annual credit card membership fees. As much as JPY25,000 ang yearly membership ng mga credit cards na medyo mataas ang credit card limit. Kung gusto mo pa ring i-maintain ang tatlong cards mo, nasa sa iyo iyon. Siguro happy ka kapag akala ng mga barkada mo (tipong pagmamayabang na rin) na medyo mas angat ka kaysa sa kanila. Kung isang source of happiness mo ito, baka naman sulit na rin ang pagbabayad mo ng yearly fee, kahit hindi mo gamitin ang cards. Hindi naman isasarado iyan ng iyong credit card companies kahit zero usage ka, basta’t you pay the yearly membership fees.

Alice, kapag hindi ka pa rin makapag-pigil sa non-stop shopping mo using your three credit cards, I suggest that you see a psychiatrist. Seryoso ako na sakit iyang uncontrollable use of credit cards, para ma-feel mong kompleto ka, at maging masaya ka, at para makalimutan mo ano man ang problema mo.

Kung ayaw mo namang gawin ito, isipin mong mabuti, ano ba ang problema mo na siyang nagiging trigger para mag-shopping spree ka, etc.? Miss mo ba family mo sa Pinas? Then, uwi ka at magbakasyon doon, when the pandemic is not anymore here with us. Malungkot ka kasi wala kang boyfriend? Darating at darating sa buhay mo ang isang magmamahal sa iyo, in God’s time. Nag-away kayo ng boyfriend mo? Be humble and be the first one to greet him and ask to meet para ma-discuss ninyo kung ano man ang inyong di-pagkaka unawa. Wala na akong pwedeng maisip pa ng posibleng problema mo. We can cast our burden to the Lord, anytime, and He will help us carry them, and give us rest. Totoo iyan, Alice. Just have complete faith in Him.

Good luck and God Bless!

Tita Lits

This article is from: