3 minute read
Jeepney Press: SIGNPOST
By Karen Sanchez
Advertisement
Mahirap ang Maging Mahirap
Summer na naman at masarap na namang gumala at mag-outing kasama ang mga katrabaho, kaibigan at pamilya. At muli sa inyong abalang mga buhay, nais ko pong ibahagi ang aking salaysay kung bakit ang iba sa atin ay nandidito ngayon sa Japan o sa ibang bansa na nagtitiis na hindi makasama ang mga mahal sa buhay dahil "mahirap talaga ang maging mahirap," hindi po ba?
Hindi ko alam kung nasa guhit ba ng aking mga palad o nasa aking tadhana ang pagsusulat pero naalala ko noong ako'y nasa high school na inanyayahan akong magsulat para sa pahayagang pampaaralan at hindi ko ito tinanggap dahil hirap akong mag-Tagalog noon. At nung napunta ako ng Japan at nakilala ko si Tita Susan, isang manunulat sa Kababayan Migrant's Corner o KMC magazine at agad nya akong ininterview kung paano akong napunta ng Japan at ang tanging nasabi ko ay "mahirap po kasing maging mahirap, Ta" na iyon naman ang inilagay nyang pamagat sa kanyang column.
Kahirapan ang nagbigay daan sa akin upang mangarap at sumubok sa ibang bansa sa layuning gusto kong tulungang makapag-aral ang aking mga kapatid at maipagawa sila ng maayos na bahay. At masasabi kong ako naman ay pinagpala.
Ngayon, gusto kong gamitin muli ito dahil sa pamamalagi ko dito sa Pinas ay nanlulumo ako na dahil sa kahirapan ay marami ang namatay, naloko at nagdurusa. Dahil sa kahirapan, hindi makapag-aral ang iba kahit sabihing libre na ang tuition ngayon. Dahil sa kahirapan, kapit sa patalim o napipilitan ang ibang gumawa nang hindi maganda para lang mabuhay at dahil sa kahirapan ay inaabuso nang may kapangyarihan ang ibang mamamayan. Naging dahilan din ito upang ang ibang kababaihan ay magbenta ng sariling katawan na ang kapalit ay panlalait, paghuhusga, pandidiri lalo na kapag minalas at nagkasakit ng STD or sexually transmitted diseases kagaya ng AIDS. At dahil nga sa mahirap, walang kaalaman at kahihiyan, mas pinipili na lang ng iba itong ilihim hanggang sa kanilang kamatayan. Na kung tutuusin ay may libreng gamutan at maari pa silang mabuhay ng mas matagal at normal. At dahil din sa kahirapan, karamihan ng mamamayan ay ibenenta ang dignidad o prinsipyo tuwing eleksyon.
Nakakalungkot makita na ang iyong kababayan o kaibigan o kakilala ay nagiging biktima dahil sa kawalan ng pera, kaalaman o kakayahang lumaban. Gusto mo man tulungan ay hindi sapat at hindi kakayanin dahil pati ikaw ay lulubog o mahihirapan. Kung kaya nakakapanlumong isipin na minsan wala ka na talagang magagawa kundi tanggapin na lamang at pikit-matang manalangin para sa kanila.
Hindi maiiwasan ang kahirapan sa isang pamilya o bansa. Ngunit kapag nagsikap at nagtutulungan, pwede ito maibsan o mabawasan o dili kaya ay tuluyang mabago ang kinabukasan. At isang blessing na maituturing kung may isang taong gagamitin ang Diyos upang bigyan ka ng pagkakataong mas mapabilis at mas mapagaan ang iyong pagdadaanan para sa iyong mga pinapangarap na marating sa buhay.
Hindi hadlang ang kahirapan upang mangarap, ngunit upang mabago ito, kailangan natin ng matinding tatlong “T” sa ating buhay….. Tiis, Tiyaga at Tipid. Kapag ang tatlong ito ay nakumpleto at sabayan ng dasal ay wala nang dahilan upang ikaw ay hindi aasenso.
At sa oras na ikaw naman ay binigyan ng pagkakataong umasenso, sana ay huwag kang magbabago. Laging isipin na ang buhay sa mundo ay hiram at ang lahat ay pwedeng mawala sa isang iglap lamang. Kaya dapat din natin itong alagaan at igalang ang ating kapwa nang sa gayun ay mas gabayan at pagpapalain pa tayo ng Diyos na Syang makapangyarihan na nakikita ang lahat nating ginagawa o iniisip laban sa ating kapwa.
Minsan bilang tao, tayo ay nakakalimot. Nakakalimutan natin ang ating mga pinagmulan, ang ating mga nakaraan at ang masaklap, pati ang ating pamilya na kadugo dahil sa pera o kapangyarihan. At mas pinipili ang ibang taong inaakala mong mahal ka o nagmamalasakit sayo at malalaman mo na lang na nag-iisa ka at kapag wala na silang makita at ang bagsak mo sa pamilya mo pa rin. Kahit anong hirap ay siguradong tatanggapin at tutulungan ka sa kanilang makakaya pagkat mas matimbang pa rin ang dugong nananalaytay sa atin.
Hindi po ba na mas masarap ang pakiramdam ng tumutulong ng walang hinihintay na kapalit? At mas lalong masarap kapag ikaw na ang nakakatulong sa iyong kapwa? Kaya kung tayo man ay masagana sa ngayon, huwag natin itong ipagdamot pagkat napakarunong ng Diyos baka sa isang iglap, bawiin Nyang lahat at bumalik ka sa masaklap pa kaysa noong ikaw ay isang naging mahirap.
Hanggang sa muli po! GOD BLESS US ALL!!!