3 minute read

Jeepney Press: Isang Araw Sa Ating Buhay

ni Jeff Plantilla

Isang umaga, tumayo sa aking harap sa loob ng tren ang isang babaeng high school student. Sa una ay hindi siya makapagdesisyon kung saan siya tatayo. Payat siya at maliit kung ikukumpara sa ibang high school students. Maaaninag sa kanyang kilos na meron siyang intellectual o mental disability.

Advertisement

Sa iba pang panahon sa aking araw-araw na buhay sa loob ng tren, may mga tumatakbo, paroo’tparito, sumisigaw o nagbi- bigay ng announcement sa mga pasahero na dapat lumipat sa ibang bagon. Bahagi na sa karaniwang kalagayan sa loob ng tren ang taong may intellectual o mental disability. Napaka-karaniwan na silang bahagi ng buhay sa tren na hindi sila kakaiba – ilan lang sila sa maraming pasahero ng tren.

Ikinahihiya

Sa aking paglaki, nalaman ko na ang mga may intellectual o mental disability ay ikinahihiya ng pamilya. Itinatago sila sa pinakamadilim na bahagi ng bahay. Itinuturing silang mga taong hindi dapat ipakita sa mga taong hindi kasama sa pamilya. Nguni’t may mga taong may intellectual o mental disability na may kakayanang lumabas ng bahay at kaya nakakagala sa bayan. Ang iba ay nakakapagtrabaho pa. Nguni’t hindi sila nakakaligtas sa pangungutya o abuso ng iba.

Hinahayaan

Dito sa Japan, sa loob ng mahigit na 20 taon, halos hindi pa ako nakakita ng mga bata o matandang may intellectual o mental disability na ikinahiya o kinutya. Sa mga mag-isang gumagala, hinahayaan lang sila. Hindi sila pinapansin. Malaya silang kumikilos – naglalakad, tumatakbo, kumakanta, nagsasalita. Ang iba sa kanila ay pumapasok pa sa eskwela.

Sa isang school para sa kanila, nakita ko na may maayos silang facilities – tulad ng isang karaniwang school sa Japan. Ilang beses akong nagsalita sa kanila gamit ang aking isang dakot na nihonggo upang ipakilala ang Pilipinas at naging masaya kaming lahat! Buti pa yung mga batang yon, naiintindihan ang aking nihonggo!

Special child

Malaki na rin ang pinagbago sa pagtingin sa mga taong may intellectual o mental disability sa Pilipinas. Napanood ko ang isang TV commercial na ang bida ay si Kuya na may down syndrome. Inilibre niya ang mas batang kapatid dahil sa kanyang first salary. May pagmamahal at paggalang kay Kuya ang nakababatang kapatid. Magandang mensahe ito sa mga tao – igalang, mahalin at ipagmalaki ang kapatid na may intellectual o mental disability.

May mga kaso na rin na ang magulang ay hindi papayag na ma-discriminate ang anak na may intellectual o mental disability. Ito ang nangyari sa kaso ng isang airline na hindi pumayag na isakay ang isang batang may intellectual o mental disability. Nagreklamo ang Ina sa discriminatory treatment na ito. Ang mga bata o taong may intellectual o mental disability ay ipinagtatanggol din kapag inaapi.

Sa isang college dito sa Japan, nagbibigay sila ng certificate para sa mga estudyante na may problema tulad ng depression o pervasive development disorder o attention deficit hyperactivity disorder. Hinihingan nila ang teachers na bigyan ng “reasonable accommodation” ang mga ganitong estudyante.

Reasonable accommodation

Hindi dapat hadlang sa mga tao ang kanilang intellectual o mental disability sa pagkakaroon ng trabaho at maayos na pamumuhay.

May mga batas na nagsasabi na dapat silang bigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho ayon sa kanilang kakayanan. Sa ganitong sistema, dapat handa ang mga kompanya na tanggapin sila. Dapat ay nauunawaan at naniniwala sila sa tinatawag na prinsipyo na “reasonable accommodation.”

Ang “reasonable accommodation” ay isang international principle na ginagamit para matupad ang karapatan ng mga taong may intellectual, mental o physical disability.

Basta’t kaya ng mga taong ito ang trabaho, dapat hindi silang pagkaitan ng pagkakataong makapagtrabaho tulad ng ibang tao. May mga adjustment na kailangang gawin para sila ay makapagtrabaho nang maayos.

Nguni’t ang “reasonable accommodation” principle ay para din sa mga may mga kapansanan sa katawan. Dahil sa “reasonable accommodation” principle, kailangan din na ang mga facilities ay tama – para sa kanilang access sa building at mga gawain.

Ang “reasonable accommodation” principle ay isa lamang sa mga international principles na pinagsisikapang ipatupad sa lahat ng bansa. Kasama na rito ang mga prinsipyo ng “no one left behind” at “nothing about us without us.”

Pagbabago ng lipunan Ang mga prinsipyong ito ay bahagi ng pagbabago ng lipunan. Ngayon, ang paningin ay ito: ang lahat na kasapi ng lipunan ay dapat bigyan ng pansin at suporta. Bawa’t isang kasapi ay may halaga at mai-a-ambag sa pamilya, komunidad at bansa.

Sa darating na 2020 Paralympics sa Tokyo, ipagbunyi natin ang lahat na manglalaro na may physical disability dahil sila ang modelo ng galing, tapang ng loob at pagsisikap ng tao.

This article is from: